Hindi biro ang paghihiwalay ng mag-asawa. Sang-ayon sa dokumentong inilathala matapos ang Extraordinary Synod of Bishops noong Oktubre, ang paghihiwalay at diborsyo ay mga sugat na nagdudulot ng pagdurusa sa mga mag-asawa at sa kanilang mga anak.
Sa ating pananampalataya, kinikilala natin ang pag-iisang dibdib ng isang lalaki at babae na siyang tanda ng pag-iisang dibdib ni Kristo at ng Simbahan. Ang pagsasama ni Kristo at ng Simbahan ay permanente, tapat, at mabunga. Tinatawag din sa ganitong uri ng pagsasama ang mga mag-asawa.
Subalit may mga pagkakataong hindi ito nangyayari sa maraming kadahilanan. Para sa iba, ang paghihiwalay na lamang ang naiiisip nilang solusyon lalo na kung nanganganib ang kanilang buhay o kanilang mga anak.
May mga nagkahiwalay na nanatili na lamang nag-iisa sa buhay o kaya ay solong magulang ng mga anak. Ngunit mayroon ding mga nakatagpo, nakipisan, at nagpakasal sa iba sa Kasal na Sibil at - kung mapapawalang-bisa ang unang kasal - sa Kasal sa Simbahan.
Ipinahayag ng mga obispong lumahok sa nasabing sinodo na dapat samahan ng Simbahan ang mga nagkahiwalay nang may atensyon at pangangalaga sang-ayon sa awa ni Kristo. Sa pangangalagang ito, sang-ayon sa mga obispo, mapapanumbalik ang pag-asa at tiwala sa sarili ng mga biktima ng hiwalayan.
Marahil bago sa pandinig ng ilan nating mambabasa ang pangangalaga sa ganitong mga uri ng tao. Marahil sa maraming parokya sa Pilipinas, mas matunog ang mga apostolado para sa mag-anak, para sa mga lalaki at babaeng kasal sa Simbahan. Kung wala pang ganitong apostolado sa ating mga parokya, oras na para magkaroon nito.
Kung hindi tayo magiging bukas sa katotohanang ang paghihiwalay ay nangyayari, kung hindi natin babaguhin ang ating sistema sang-ayon kay Jesus na nagdalang-habag sa babaeng Samaritana nang hindi kinunsinti ang pakikiapid nito (Juan 4:1-42), paano natin mahihikayat ang mga separado nating kapatid na makiiisa sa buhay ng ating sambayanan; paghihikayat na hindi nanghuhusga? Sila rin ay bahagi ng Simbahan. Sila rin ay mga anak ng nagmamahal na Diyos.
No comments:
Post a Comment