Hindi maitatanggi na may mahalagang papel na ginagampanan ang kaparian sa Simbahan. Sa lokal na Simbahan, kaakibat sila ng obispo para sa maayos at makabuluhang pangangalaga sa sambayanan ng Diyos.
Nakatawag-pansin ang istorya ng dalawang diyosesis kung saan nag-aklas ang mga kaparian laban sa kanilang obispo.
Sang-ayon sa Ucanews.com, 69 na pari sa Diyosesis ng Ruteng (Indonesia) ang nagbitiw sa kanilang puwesto bilang episcopal vicars o kura-paroko dahil sa paglulustay diumano ni Bishop Hubertus Leteng ng pondong pansimbahan. Nanawagan sila sa obispo na linisin ang pamamahala sa diyosesis. Sinabi ng Fr Marthen Chen na kailangang-kailangan ang paglilinis sa pamamahala ng diyosesis upang ang Simbahan ay makasunod sa paggabay ng Espiritu Santo.
Nagbitiw ang mga pari dahil hindi nila nakamit ang inaasam nilang diyalogo sa obispo. Sang-ayon sa kanila, palihim na humiram si Leteng ng $94,000 mula sa Indonesian Bishops' Conference at $30,000 mula sa diyosesis, subalit hindi nakapagbigay ng pag-uulat kung saan napunta ang kanyang inutang. Sa isang pagpupulong, ipinaliwanag ni Leteng na ginamit ang pera bilang pangmatrikula ng isang mahirap na kabataang nag-aaral maging piloto sa Amerika. Nang magtanong ang mga pari ng karagdagang detalye, sinabi diumano ng obispo na wala na silang pakialam dito. Nagsususpetsa ang mga pari na may babae si Leteng, ngunit pinabulaanan ito ng obispo. Noong nakaraang taon, 112 sa 167 na pari ng diyosesis ang lumagda sa liham na nagpapahayag ng "no confidence" kay Leteng. Kasalukuyang nakahain ng kanilang hinaing kay Archbishop Antonio Guido Filipazzi, Apostolic Nuncio sa Indonesia.
Samantala, sa Diyosesis ng Ahiara (Nigeria), patuloy pa rin ang pagpoprotesta ng mga kaparian laban sa paghirang kay Msgr. Peter Ebere Okpaleke bilang obispo. Nagsimula ang protesta noong 2012 nang hirangin ni Pope Benedict XVI si Okpaleke. Bunsod diumano ng pagpoprotesta ang pagiging dayuhan ni Okpaleke. Hanggang ngayon, hindi pa rin nakakaupo sa puwesto ang obispo. Umabot na mismo kay Pope Francis ang sitwasyong ito kung kaya sumulat na siya sa mga pari sa nasabing diyosesis at inutusan silang sulatan siya para humingi ng tawad sa sinapit ng diyosesis, ipahayag ang kanilang kumpletong pagsunod sa Papa, at ipahiwatig ang kanilang pagtanggap sa sinumang obispong iaatas sa kanila ng Papa. Binigyan ng Papa ang mga pari hanggang ika-9 ng Hulyo 2017 para isumite ang kanilang mga liham. Nagbabala siya na masususpinde ang sinumang hindi tumalima sa kanyang utos. Inamin ng Papa na hindi madali ang hakbang na ito, subalit kailangan niyang gawin dahil naiiskandalo ang sambayan ng Diyos at dapat harapin ng sinumang nagdudulot ng iskandalo ang karampatang parusa.
Sang-ayon kami sa sinabi ng Papa na dapat managot ang sinumang nagdudulot ng iskandalo sa sambayanan. Mahalagang magkaroon ng masusi at patas na imbestigasyon hinggil sa alegasyon laban kay Leteng. Ang pag-aakusa ng paglulustay ng pondo ng isang lider gaya ng obispo ay hindi dapat ipagwalang-bahala. Kung totoo man ito, nakakasira ito sa moral ng mga taong nasa kanyang pangangalaga. Isa itong palasong patuloy na umuulos sa Puso ng Panginoon.
Mahalaga rin ang pagiging bukas ng mga pari sa Ahiara sa kapwa-Kristiyano, kahit hindi nila ito katribu. Kung tribu ang paiiralin ng mga pari, isinasara na nila ang Simbahan sa iba. Ang pagkakanya-kanya ay malaking tinik sa Puso ni Kristong naging bukas sa lahat.
"Ang kaparian ay ang pag-ibig ng Puso ni Jesus", sabi ni St John Vianney. Sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Banal na Puso ni Jesus, na siya ring Pandaigdigang Araw ng Panalangin sa Ikapagbabanal ng mga Pari, dalangin naming sa kabila ng mga pagsubok ay madiskubre muli ng mga pari ang kanilang bokasyon. Sa mga pari sa Ruteng at Ahiara (kasama na dito ang kanilang mga obispo), pangunahan nawa sila ng pag-ibig ng Puso ni Kristo para makamit ang kinakailangang kaayusan sa kani-kanilang sambayanan at ang kabanalang iniaalay ng Panginoon sa sinumang susunod sa Kanyang landas.
