Powered by Blogger.
Showing posts with label Pope Benedict XVI. Show all posts
Showing posts with label Pope Benedict XVI. Show all posts

Sunday, November 29, 2020

New Year's Resolutions



As the Church ushers in a new liturgical year, it is worth noting two events that have challenged and perhaps brought it to knees. The first was Covid-19. The pandemic has prevented churches from holding public celebration of the sacraments. For a religious country such as the Philippines, this experience was last observed during World War II. And yet, it is heartwarming to observe how creative parishes, shrines, cathedrals, and other places of worship have been through livestreaming of Masses and the outreach programme to those badly affected by the lockdown.

The second was the "Report on the Holy See's Institutional Knowledge and Decision-Making Related to Former Cardinal Theodore Edgar McCarrick (1930-2017). As promised by Pope Francis two years ago, this report aimed at shedding light on how the Catholic Church handled the case of this American churchman who was involved in sexual abuse. The report has exposed how politicized the Church is when it protected one of its hierarchs and dismissed the cries of sexual abuse victims. St John Paul II was not even spared in the report. When Mr McCarrick was rumored to be appointed Archbishop of Washington, Cardinal John O'Connor of New York wrote to the Pope to discourage him from doing so due to allegations of sexual abuse. Despite such alarm bells from a top honcho in the American Church, the Pope did not listen and believed more McCarrick's protestations. Eventually, McCarrick became Archbishop and then later a Cardinal. This was the same pope who praised Maciel Degollado, priest-founder of Legion of Christ despite being involved in sexual abuse and sired children. One could only imagine how the Church railroaded the canonization of this pope when he made calamitous appointments. The process of making someone a saint normally starts five years after an individual died. Pope Benedict XVI waived this in John Paul II's cause for sainthood. 

Moving on, instead of expediting the process of making saints, why not devote more time to discuss, discern, and plan ways of addressing more pressing issues such as shortage of priests (which has been further exacerbated by Covid-19), welcoming families from irregular unions into the Church, making the sacraments more accessible especially in far flung areas, a better system of reporting sexual abuse and holding perpetrators accountable, empowering women, laity, and children in the Church's decision-making process, etc?

Another area that the Church should focus on is transparency in dealing with sexual abuse committed by its clergy, including cover-ups by their superiors. Jesus told His disciples to look after the sheep. Such command is extended to all bishops and priests. It is a must that they take this order seriously. Otherwise, "it would be better for them to have a large millstone hung around their neck and to be drowned in the depths of the sea". (Matthew 18:6).

As we make our Advent journey, let us renew our commitment to be a faithful, hopeful, and charitable people. Faith calls us to believe in God's plan of salvation. Hope prods us to trust in God's providence amidst the dark clouds hovering on the Church. Charity challenges us to stand up for the last, the least, and the lost.


Friday, September 01, 2017

Walang Atrasan



Ang panalangin ay pakikipag-usap sa Diyos. At dahil ito ay pakikipagtalastasan natin sa Maykapal (at sa mga anghel at mga banal), mahalagang maipapahayag ang anumang ipinagdarasal sa wikang ating ginagamit at naiintindihan. Ang Misa ang siyang pinakamataas na anyo ng panalangin. Napakasuwerte natin na sa panahon ngayon, ang Misa ay isinasagawa sa wikang ating nauunawaan.  

Sinasabing ang unang wika na ginamit sa Misa ay Arameo dahil ito ang pangkaraniwang wikang ginamit ni Jesus at ng mga unang Kristiyano – ang mga Hudyo sa Palestina. Nang kumalat ang Kristiyanismo sa ibang bahagi ng mundo, ipinagdiwang ang Misa sa iba’t ibang wika gaya ng Griyego, Koptiko, Syriac, at Armenian. Noon lamang ika-anim na siglo nagsimulang ipagdiwang ang Misa sa wikang Latin. Nagbago lamang ito nang maganap ang Ikalawang Konsilyo Batikano noong dekada 60 kung saan ipinatupad ni Pope Paul VI ang Sacrosanctum Concilium noong ika-apat ng Disyembre 1963. 

Ang Sacrosanctum Concilium ang saligang-batas hinggil sa banal na liturhiya (Misa). Isa sa mga pangunahing isyu na isinaalangalang ng konsilyo ay ang pagpapanibago ng liturhiya dahil, sang-ayon sa mga obispong lumahok sa konsilyo, mahalagang magkaroon ng mas malaking pakikilahok ang mga layko sa banal na pagdiriwang. Kung noong wikang Latin pa ang Misa (mas kilala bilang Tridentine Mass), ang altar ay nakaharap sa silangan ng simbahan, ang pari ay nakatalikod sa mga tao, at ang wika ay banyaga sa mga nagsisimba. Sa pagbabago ng liturhiya, hinikayat ang mga layko na makiisa sa pamamagitan ng mga awitin, antipona, pagtugon, aklamasyon, atbp. Bukod dito, nakaharap na sa tao ang pari kapag may Misa.

Subalit hindi lahat ng Katoliko ay natuwa. Pangunahin na dito ang yumaong Archbishop Marcel Lefebvre na tumangging ipatupad ang mga pagbabagong isinusulong ng Ikalawang Konsilyo Batikano.  Inekskomunika ni San Juan Pablo II si Lefebvre noong 1988. Patuloy pa ring ipinagdiriwang ng Society of St Pius X (ang samahang kanyang itinatag) ang Tridentine Mass. Hanggang ngayon, nakahiwalay pa rin sa Simbahang Katoliko ang samahan ni Lefebvre.

Samantala, naglabas ng kautusan si Pope Benedict XVI noong 2007 kung saan pinalawak niya ang pagdiriwang ng Tridentine Mass. Bago inilabas ang kautusang ito, limitado at kinakailangang humingi ng pahintulot ng obispo ang sinumang pari o samahang nais ipagdiwang ang lumang anyo ng Misa.  Sa ginawa ng dating Papa, sang-ayon sa ilang komentarista, lalo pang lumala ang hidwaan sa pagitan ng mga pumapabor sa Tridentine Mass at sa mga sumusuporta sa Ikalawang Konsilyo Batikano.

May iba pang mga obispong nagpakita ng tunay nilang kulay hinggil sa Tridentine Mass kagaya nina Cardinal Robert Sarah na hinikayat ang mga paring nagkakatipon sa isang panayam sa London noong 2016 na magmisang nakatalikod sa taumbayan at Cardinal Raymond Burke na sumasalungat sa pagkakaroon ng mga babaeng sakristan sa Misa.

Ang kontrobersyal na bagong salin na Misa sa wikang Ingles ay kinikilalang hakbang ng iilang maimpluwensiya sa ating Simbahan para ibalik ang dati; isang reform of the reform kung baga.

Sa kanyang talumpati sa National Italian Liturgical Week, pinagtibay ni Pope Francis - nang may katiyakan at sa bisa ng kanyang kapangyarihan bilang tagapagturo ng Simbahan - na ang pagbabago sa liturhiya ay wala nang atrasan. Ito na ang maituturing na unang pagkakataong ipinahayag ng Papa ang kanyang saloobin tungkol sa pagbabagong liturhikal na isinusulong ng Pangalawang Konsilyo Batikano. 

Bago pa man ang talumpating ito, may ilang hakbang nang ginawa ang Papa. Una, naglabas ng klaripikasyon ang Vatican Office na magpapatuloy pa rin ang pagmimisa ng pari na nakaharap sa tao, taliwas sa paghihikayat ni Cardinal Sarah. Pangalawa, ang pagbalasa sa mga obispong kasapi ng Congregation for the Divine Worship, ang kagawaran sa Roma na nangangasiwa sa liturhiya. Pangatlo, ang pagbuo ng komite na magsusuri sa Liturgicam Authenticam, ang kontrobersyal na dokumento sa likod ng kasalukuyang Misa sa Ingles. 

Sinusuportahan namin ang pahayag at mga pagkilos ng Santo Papa. Tama na ang liturgical wars. Panahon na para patuloy na isulong ang adhikain ng Vatican II. Panahon na para makilala natin, sang-ayon kay Pope Francis, na “ang liturhiya ay buhay at hindi ideyang kailangang unawain... isang bukal ng buhay at liwanag para sa ating paglalakbay bilang mananampalataya.”

Friday, June 23, 2017

Kuwento ng Dalawang Diyosesis



Hindi maitatanggi na may mahalagang papel na ginagampanan ang kaparian sa Simbahan. Sa lokal na Simbahan, kaakibat sila ng obispo para sa maayos at makabuluhang pangangalaga sa sambayanan ng Diyos. 

Nakatawag-pansin ang istorya ng dalawang diyosesis kung saan nag-aklas ang mga kaparian laban sa kanilang obispo.

Sang-ayon sa Ucanews.com,  69 na pari sa Diyosesis ng Ruteng (Indonesia) ang nagbitiw sa kanilang puwesto bilang episcopal vicars o kura-paroko dahil sa paglulustay diumano ni Bishop Hubertus Leteng ng pondong pansimbahan. Nanawagan sila sa obispo na linisin ang pamamahala sa diyosesis. Sinabi ng Fr Marthen Chen na kailangang-kailangan ang paglilinis sa pamamahala ng diyosesis upang ang Simbahan ay makasunod sa paggabay ng Espiritu Santo. 

Nagbitiw ang mga pari dahil hindi nila nakamit ang inaasam nilang diyalogo sa obispo. Sang-ayon sa kanila, palihim na humiram si Leteng ng $94,000 mula sa Indonesian Bishops' Conference at $30,000 mula sa diyosesis, subalit hindi nakapagbigay ng pag-uulat kung saan napunta ang kanyang inutang.  Sa isang pagpupulong, ipinaliwanag ni Leteng na ginamit ang pera bilang pangmatrikula ng isang mahirap na kabataang nag-aaral maging piloto sa Amerika. Nang magtanong ang mga pari ng karagdagang detalye, sinabi diumano ng obispo na wala na silang pakialam dito. Nagsususpetsa ang mga pari na may babae si Leteng, ngunit pinabulaanan ito ng obispo. Noong nakaraang taon, 112 sa 167 na pari ng diyosesis ang lumagda sa liham na nagpapahayag ng "no confidence" kay Leteng. Kasalukuyang nakahain ng kanilang hinaing kay Archbishop Antonio Guido Filipazzi, Apostolic Nuncio sa Indonesia. 

Samantala, sa Diyosesis ng Ahiara (Nigeria), patuloy pa rin ang pagpoprotesta ng mga kaparian laban sa paghirang kay Msgr. Peter Ebere Okpaleke bilang obispo. Nagsimula ang protesta noong 2012 nang hirangin ni Pope Benedict XVI si Okpaleke. Bunsod diumano ng pagpoprotesta ang pagiging dayuhan ni Okpaleke. Hanggang ngayon, hindi pa rin nakakaupo sa puwesto ang obispo. Umabot na mismo kay Pope Francis ang sitwasyong ito kung kaya sumulat na siya sa mga pari sa nasabing diyosesis at inutusan silang sulatan siya para humingi ng tawad sa sinapit ng diyosesis, ipahayag ang kanilang kumpletong pagsunod sa Papa, at ipahiwatig ang kanilang pagtanggap sa sinumang obispong iaatas sa kanila ng Papa.  Binigyan ng Papa ang mga pari hanggang ika-9 ng Hulyo 2017 para isumite ang kanilang mga liham. Nagbabala siya na masususpinde ang sinumang hindi tumalima sa kanyang utos. Inamin ng Papa na hindi madali ang hakbang na ito, subalit kailangan niyang gawin dahil naiiskandalo ang sambayan ng Diyos at dapat harapin ng sinumang nagdudulot ng iskandalo ang karampatang parusa.

Sang-ayon kami sa sinabi ng Papa na dapat managot ang sinumang nagdudulot ng iskandalo sa sambayanan. Mahalagang magkaroon ng masusi at patas na imbestigasyon hinggil sa alegasyon laban kay Leteng. Ang pag-aakusa ng paglulustay ng pondo ng isang lider gaya ng obispo ay hindi dapat ipagwalang-bahala. Kung totoo man ito, nakakasira ito sa moral ng mga taong nasa kanyang pangangalaga. Isa itong palasong patuloy na umuulos sa Puso ng Panginoon.

Mahalaga rin ang pagiging bukas ng mga pari sa Ahiara sa kapwa-Kristiyano, kahit hindi nila ito katribu.  Kung tribu ang paiiralin ng mga pari, isinasara na nila ang Simbahan sa iba. Ang pagkakanya-kanya ay malaking tinik sa Puso ni Kristong naging bukas sa lahat.

"Ang kaparian ay ang pag-ibig ng Puso ni Jesus", sabi ni St John Vianney. Sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Banal na Puso ni Jesus, na siya ring Pandaigdigang Araw ng Panalangin sa Ikapagbabanal ng mga Pari, dalangin naming sa kabila ng mga pagsubok ay madiskubre muli ng mga pari ang kanilang bokasyon.  Sa mga pari sa Ruteng at Ahiara (kasama na dito ang kanilang mga obispo), pangunahan nawa sila ng pag-ibig ng Puso ni Kristo para makamit ang kinakailangang kaayusan sa kani-kanilang sambayanan at ang kabanalang iniaalay ng Panginoon sa sinumang susunod sa Kanyang landas.

Saturday, March 07, 2015

Paningin ng Puso


Isa sa mga tampok na pangyayari sa Pilipinas kapag Marso ang pagtatapos.  Sa pagtatapos ng mga mag-aaral, inaalala't ipinagdiriwang ang mga taon na nagsunog sila ng kilay, lumago bilang mga tao, at nagtamo ng karampatang gantimpala.  Sino sa atin ang makakalimot sa marami nating isinakripisyo, sa marami nating kasiyahan, sa marami nating natutuhan noong nag-aaral pa tayo?

Ang pagtatapos din ay pagkakataon para alalahani't pasalamatan ang mga magulang, guro, at iba pang may ginampanang mahalagang papel sa paghubog ng mga kabataan. Kukulangin siguro ang isang kuwaderno kung isusulat natin ang lahat ng kabutihang ginawa sa atin ng mga taong ito.

Isa ring tampok sa buwang ito ang pag-alala sa mga kababaihan.  Para sa mga magsisipagtapos, ang mga kababaihang ito ay ang kanilang mga ina, tiyahin, lola, kapatid, katulong, guro, katekista, madre, gabay tagapayo, duktora, nars, atbp. 

Sa Ebanghelyo ni San Lukas (10:38-42) matutunghayan natin sina Marta at Maria at kung paano nila inasikaso si Kristo.  Kung si Marta'y naging abala sa paghahanda ng pagkain para sa Panginoon, si Maria nama'y nanatiling nakikinig sa Kanya. Pag-aasikaso't pakikinig. Dalawang kilalang katangian ng mga kababaihan.  Halos lahat tayo'y nakalasap ng ganitong uri ng pangangalaga.  Ang sikreto sa mga katangiang ito, sang-ayon kay San Juan Pablo II, ay ang kakayahan ng mga babae na makita ang kanilang kapwa sa pamamagitan ng kanilang puso.  

Sa kanyang pananalita noong 2007, binanggit ni Pope Emeritus Benedict XVI na magiging iba ang pag-unlad ng Kristiyanismo kung wala ang bukas palad na pagtulong ng maraming kababaihan.  Sinabi din niya na hindi katulad ng 12 alagad, hindi pinabayaan ng mga kababaihan ang Panginoon noong magpakasakit Siya sa krus.

Mula nang manungkulan si Pope Francis, natunghayan natin ang 'pagbabagong anyo' ng Simbahan bilang isang komunidad ng awa at habag.  Nakita rin natin ang kanyang pagkilala sa mga kababaihan. Bilang tanda nito, dinagdagan niya ang dami ng babaeng kasapi ng International Theological Commission, isang mahalagang lupon na tumutulong sa Papa sa mga isyung may kinalaman sa doktrina. Mula sa 2, mayroon na itong 7 babaeng kasapi. Kamakailan, inatasan ng Vatican si Sr. Mary Melone bilang unang babaeng rektor ng Pontifical University Antonianum sa Roma.  Mayroon ding 4 na babaeng kasapi ang Pontifical Commission for the Protection of Minors, isang bagong tatag na lupon na tutulong sa Papa hinggil sa pangangalaga sa mga bata laban sa pang-aabusong sekswal at pangangalaga sa mga biktima nito.

Sa pagpupugay natin sa mga kababaihan ngayong Marso, ipanalangin nating patuloy na makilala at mapahalagahan ang natatanging kontribusyon ng mga kababaihan sa buhay ng Simbahan. Sikapin din nating matuklasan kung paano natin makikita ang ating kapwa - lalo na ang mga mahihirap - sa pamamagitan ng ating mga puso. Kung magagawa natin ito, tiyak na walang kakapusin sa ating sambayanan (cf. Mga Gawa 4:34). 


Thursday, February 28, 2013

Sakit ng Kalamnan


Nabigla ang marami sa pagbibitiw ni Pope Benedict XVI noong Pebrero.   Di pangkaraniwan sa isang papa ang bumaba sa puwesto - nangyari ang ang huling pagbibitiw anim na siglo na ang nakakalipas.  Ganoon pa man, nasasaad sa Canon Law, ang batas ng Simbahan, na maaaring magbitiw ang papa nang bukal sa kanyang kalooban.
Maigsi ang halos walong taong panunungkulan ni Benedict XVI at, sa ganang amin, di maaaring ihambing sa administrasyon ng yumaong Blessed John Paul II.  Subalit, sinikap ni Benedict XVI na ipahayag ang Mabuting Balita ni Kristo sa pamamagitan ng kanyang pagdalaw sa ibang bansa, sa kanyang pagsusulat ng mga encyclicals at mga aklat, sa kanyang pakikipag-ugnayan sa mga pinuno ng ibang relihiyon, at sa kanyang pakikipag-ugnayan sa mga naging biktima ng mga pang-aabusong sekswal  na kinasangkutan ng ilang paring Katoliko.
Maituturing na isang malaking dagok sa panunungkulan ni Benedict XVI ang iskandalong dulot ng pang-aabusong sekswal ng mga pari.  Dahil na rin sa kapangyarihan ng media, unti-unting naglilitawang parang kabute ang mga alegasyon laban sa mga alagad ng Simbahan - mga alegasyong tila pinagtatakpan ng ilang mga obispo at ng Roma subalit kinilala ni Benedict XVI na totoong nangyari sa Simbahan.  Sinasabing gumawa siya ng mga hakbang para mag-imbestiga noong Prefect for the Doctrine of the Faith pa siya subalit hinarang ito ni Pope John Paul II. 
Ilang araw bago bumababa sa puwesto si Benedict XVI, napabalita ang pagbibitiw ni Cardinal Keith O'Brien, Arsobispo ng Saint Andrews and Edinburgh (Scotland) sa gitna ng alegasyong gumawa siya ng mga di kanais-nais na pagkilos sa ilang pari sa kanyang arkidiyosesis noong dekada 80. Minabuti rin ni O'Brien na huwag lumahok sa botohang mangyayari sa Roma, isang bagay na iginigiit ng ilang sektor na gawin ng iba pang mga kardinal na naging sangkot sa ganitong mga alegasyon - direkta man o hindi.
Isang malalim at mahapding sugat sa Simbahan ang pagkakasangkot ng mga itinuturing na mga ama't pastol ng kawan sa pang-aabusong sekswal.  Bagay na mamanahin ng sinumang papalit kay Benedict XVI.  Mahalagang kilalanin at huwag pagtakpan ang mga alegasyon ito dahil "Ang sakit ng kalamnan ay sakit ng buong katawan." Kailangang ipayoridad ng bagong halal na papa ang isyung ito. Higit itong importante kaysa sa pagbabalik ng Tridentine Mass bilang ektraordinaryong anyo ng Misa noong 2007 o sa paspasang pagpapatupad ng bagong-salin na Misa sa Ingles sa mga bansang gaya ng Amerika at Ingglatera noong 2011. Higit itong mahalaga kaysa sa pangangampanya ng ilang obispong Pilipino laban sa RH Law o sa mga kandidatong bumoto para maipasa ang batas na ito. 

Hindi magiging kapanipaniwala ang Simbahan kung magbubulagbulagan tayo. Hindi kalugud-lugod sa mata ng Diyos ang pagkikibit-balikat.
Ipanalangin natin na mapuspos ng Banal na Espiritu ang College of Cardinals upang makapamili sila ng isang papa na mangunguna sa pagpapatupad ng karampatang pagbabago sa Simbahan, isang pinunong marunong makinig sa tinig ng bayan, isang pastol na sang-ayon sa kalooban ng Diyos.

Tuesday, July 27, 2010

Komunikasyon Tungo Sa Katotohanan


Malayo na rin ang narating ng pandaigdigang komunikasyon. Kung noong unang panahon ay umaasa tayo ‘snail mail’ para maipaabot ang ating mensahe sa kabilang bahagi ng mundo, ngayon ay isang klik lang ng mouse at napadala’t natanggap na ang e-mail natin.

Sa pag-usad ng teknolohiya, lalong lumawak at napadali ang pakikipagtalastasan ng mga mamamayan. Ang dating tila magkakawatak-watak na mga bansa’y nagmistulang isang ‘global village’ na.

Ang Simbahan ay lubos na nakikinabang sa samu’t saring anyo ng komunikasyon para lalo pang makaabot sa marami nitong kaanib. Laos na ang pagiging pala-asa ng mga parokya sa mga panawagang binabasa sa Misa o kaya’y pinapaskil sa mga mataong lugar. Ngayon, may mga parokya nang may website o Facebook account. Mismong ang Vatican ay may sariling website!

Sang-ayon nga sa mensahe ni Pope Benedict XVI para sa ika-44 World Communications Day noong nagdaang Mayo, sa daigdig ng ‘digital communication’ lalong nagiging mahalaga ang sinabi ni San Pablo na isang kamalasan para sa kanya ang di ipangaral ang Mabuting Balita.

Totoo din ito sa bawat Kristiyano.

Sa paglawig ng makabagong komunikasyon, hindi tayo dapat mag-atubiling gamitin ito para maibahagi at lalo pang mapatatag ang ating pananampalataya. Marahil kung nabubuhay pa si San Pablo, lalo pa niyang maipapahayag ang Ebanghelyo ni Kristo sa mas maraming tao. Ganito rin ang ating masasabi kay San Francisco de Sales, isang obispo sa Pransya, na sa pamamagitan ng pangangaral at pagsusulat ay maraming Protestanteng nahikayat na magbalik sa Simbahang Katolika.

Hindi na naabutan ng butihing apostol ang ‘Digital Age’. Pero tayo ay nasa mas mabuting posisyon para gamitin ang teknolohiya sa ngalan ng Diyos. Ang simpleng e-mail o text message na puno ng pagmamalasakit sa kapwa bunsod ng pag-ibig sa Diyos ay isa nang unang hakbang. Ang pagpopost ng mga talata mula sa Bibliya sa Facebook ay isa pang payak na halimbawa.

Mula nang itatag ang Anluwage, nakilala na ng mga unang miyembro nito ang kahalagahan ng komunikasyon sa Simbahan. Mula noon, hangarin na naming ipaabot ang mensahe ni Kristo saan mang sulok ng mundo. Patuloy kaming kumakatok sa inyong mga puso na makiisa sa adhikaing ito. Sa ating pagtutulungan, mas marami pa nawa ang ating mahikayat sa Katotohanan.

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP