Powered by Blogger.
Showing posts with label Kristo. Show all posts
Showing posts with label Kristo. Show all posts

Thursday, March 01, 2018

Ang Saysay ng Pagiging Mabuti


Ang kuwento ni Lazaro at ng mayaman sa Ebanghelyo ayon kay San Mateo (23:1-12) ay matalinhaga. Namumuhay nang mariwasa ang mayaman: may magagarang pananamit at masaganang handa.  Sa kabilang banda naman, kaawaawa ang sitwasyon ni Lazaro. Tila walang tahanan maliban sa may tarangkahan ng bahay ng mayaman at umaasang makatikim man lang ng mumo na nahuhulog mula sa dulang ng mayaman. Nang kapwa sila mamatay, nabaligtad ang kanilang kalagayan. Kung si Lazaro ay nasa kaluwalhatian sa piling ni Abraham, sa impiyerno naman napunta ang mayaman.

Kung susuriin natin ang kuwento, walang nabanggit na kasamaan ang mayaman. Namuhay lang siya sang-ayon sa kanyang kakayahan. Subalit, hindi sa anumang ginawa niya sa daigdig siya hinatulang mapunta sa impiyerno. Napunta siya doon dahil sa kanyang pagkukulang. Pagkukulang na tulungan si Lazaro noong nangangailangan ito ng lunas sa kanyang mga sugat, noong nangangailangan ito ng kaginhawahan.  Mabuti pa ang mga aso dahil binigyang-lunas nila si Lazaro nang dilaan nila ang kanyang mga sugat.

Sa panahon ng Kuwaresma, nag-uukol tayo ng panahon para suriin ang ating mga sarili, para ikumpisal ang ating mga kasalanan. Kadalasan, nakatuon lang tayo sa mga nagawa nating mali: nagmura tayo, siniraan natin ating kaibigan, binastos natin ang ating mga magulang, pinagnasaan natin ang ating katrabaho, atbp.  Oo, kailangan nating pagsisihan at ikumpisal ito.  Ngunit, dapat din nating suriin ang ating mga sarili sa mga pagkakataong wala tayong ginawa. Kung babalikan natin ang Ebanghelyo, tumulad ba tayo sa mayaman na hindi kumilos para tulungan ang maralita? Hindi ba natin ipinagtanggol ang isang kaibigang sinisiraan ng iba? Nagkibit-balikat na lang ba tayo sa maling pag-uugali ng isang katrabaho, kapit-bahay, o kamag-anak? Nagbibingibingihan na lang ba tayo sa mga daing ng ating kapwa? Nagbubulagbulagan na lang ba tayo sa mga kasamaang nangyayari sa lipunan?

May kasabihang kaya raw namamayagpag ang kasamaan dahil walang ginagawa ang mga mabubuti.  Ano pa ang saysay ng pagiging mabuti kung wala namang pagkilos? Ngayong Kuwaresma, paigtingin pa natin ang ating pakikisangkot upang lumaya ang mga mahihirap sa kanilang abang kalagayan. Hindi natin magagawa ito nang nag-iisa. Subalit kung magtutulungan tayo, kung makikipag-ugnayan tayo sa Simbahan at iba pang samahang kapareho natin ng adhikain, makakamit natin ang ating inaasam para sa iba. Makiisa tayo sa nakaliligtas na misyon ni Kristo!

Wednesday, May 31, 2017

Fatima



Sandaang taon na ang nakakalipas nang magpakita ang Mahal na Birheng Maria kina San Francisco Marto, Santa Jacinta Marto, at Lucia dos Santos sa Fatima, Portugal. Kasagsagan ng Unang Digmaang Pandaigdig noon. Anim na beses na nagpakita ang Mahal na Ina sa tatlong batang pastol, tuwing ika-13 ng buwan, mula Mayo hanggang Oktubre 1917. May tatlong mahalagang paksa ang mensahe ng Birhen: pagbabago ng puso, pagsasakripisyo, at pagdarasal ng Rosaryo.

Para sa sinumang nais sumunod sa landas ni Kristo, mahalaga ang magbago ng puso, ang magsisi sa kasalanan at sumampalataya sa Mabuting Balita (Marcos 1:15). Sa pagpapakita ni Maria sa Fatima, hiniling niya ang pagdedebosyon sa kanyang Kalinislinisang Puso. Sa puso ni Maria, matatagpuan natin ang pusong tumatalima sa kalooban ng Diyos. Sang-ayon kay Cardinal Vincent Nichols ng Westminster, ang  debosyon sa Kalinislinisang Puso ni Maria ay isang paraan para umoo rin tayo sa pusong kagaya ni Maria upang makapagbukas tayo ng mga sariwa at tiyak na daraanan patungo kay Kristo. 

Mahalaga ring gumawa tayo ng mga sakripisyo bilang tanda ng ating pagbabagong-puso at pagbabayad-puri hindi lamang sa ating mga kasalanan, kundi sa sala ng buong mundo - mga pagkakamaling labis na nakasakit sa mapagmahal nating Diyos. Ang pamumuhay nang payak, ang paglimita sa paggamit ng social media, ang pag-iwas sa bisyo, at ang tahimik at mapayapang pagharap sa anumang suliranin ay ilan lamang halimbawang aming maimumungkahi.

Hindi madaling magbagong-buhay. May mga pagkakataong madarapa tayong muli sa lusak ng ating mga kasalanan. Ang pagbabagong-buhay ay panghabang-buhay. Alam ito ng Mahal na Birhen kaya pinangangaralan niya tayong dasalin ang Rosaryo araw-araw. Sa Rosaryo, matutunghayan natin ang naging buhay ni Maria kaisa ng Panginoong Jesus. Sa Rosaryo, nakikiisa tayo sa pagpupugay ni Arkanghel Gabriel: Aba Ginoong Maria, napupuno ka ng grasyaSa Pilipinas, mas kilala ang Block Rosary devotion bilang Fatima dahil ang debosyong ito marahil ay tugon sa panawagan ng Mahal na Birhen ng Fatima. Mapupuna ring ang rebulto ng Birhen ng Fatima ang pangkaraniwang rebultong ipinapanhik sa bahay-bahay.

Sa kanyang ikatlong pagpapakita sa Fatima noong ika-13 ng Hulyo 1917, sinabi ni Maria na balang-araw magtatagumpay ang kanyang Kalinislinisang Puso. Bilang kanyang mga anak, anong maiaambag natin para matupad ito?

Thursday, November 10, 2016

Mahistrado



Ito ang katumbas sa wikang Filipino ng salitang magistrate. Sa ating bansa, mas kilala ito bilang justice, ang katawagan sa mga bumubuo ng Court of Appeals at Supreme Court. Nanggaling ang salitang mahistrado sa magistratus, wikang Latin para sa tagapangasiwa. Sa hukuman, nagsisilbing tagapangasiwa ng katarungan ang isang mahistrado. Samantala, ang salitang magistratus ay hango naman sa magister, wikang Latin para sa guro.  Sa hukuman, nagsisilbing guro o eksperto sa batas ang isang mahistrado.

Ika-8 ng Nobyembre 2016. Sa botong 9-5, pinayagan ng Korte Suprema ang pagpapalibing sa mga labi ni dating pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.  

Bayani bang maituturing ang isang dating sundalong pumeke ng kanyang mga medalya? Bayani ba ang isang dating pangulo na gumawa ng paraan para manatili siya sa puwesto't magpayaman? Bayani bang masasabi ang isang dating lider na nangutang ng malaking halaga sa World Bank para mapakinabangan niya sampu ng kanyang mga galamay? (Tinatayang magbabayad ang Pilipinas sa mga inutang ni Marcos hanggang 2025.) Bayani ba ang itatawag sa isang dating pinunong lumabag sa karapatang pantao ng marami nang ipatupad niya ang Martial Law? Bayani ba ang isang taong pinatalsik sa puwesto? 

Sa ganang amin, hindi bayani si Marcos.

Sa naging desisyon ng Korte Suprema, mahihirapan ang sinumang magulang, guro, at iba pa na ipaliwanag sa kanilang mga anak, estudyante, at pinangangalagaang kabataan kung paanong ang isang hindi bayani ay ililibing sa libingang nakalaan sa mga bayani.

Sa naging desisyon ng Korte Suprema, kinatigan nila ang nang-api kaysa sa mga inapi. Kitang-kita ito sa mga naging desisyon ng korte gaya ng payagan nitong makalaya si dating senador Juan Ponce Enrile kahit na walang piyansa ang kasong kinakaharap niya o nang payagan ang paglaya ni dating pangulo at ngayo'y Congresswoman Gloria Macapagal-Arroyo.  Hindi malayong baka paboran din nila ang electoral protest ni Bongbong Marcos laban kay Pangalawang Pangulong Leni Robredo.

Sa naging desisyon ng Korte Suprema, tinuruan tayo ng maling aral na kung sino pa ang may sala ang dapat gantimpalaan, na kung sino pa ang nang-agrabiyado ang dapat parangalan. Tinuruan tayo ng maling konsepto ng katarungan!

Sa naging desisyon ng Korte Suprema, tinalikuran ng siyam na mahistrado ang kanilang magkakambal na tungkulin bilang tagapangasiwa ng katarungan at guro ng batas.

Sa naging desisyon ng Korte Suprema, hinahamon tayong patuloy na maging sangkot sa pakikibaka laban sa kasamaan at hangarin ang katuparan ng paghahari ng Diyos sa lahat. Napabalitang may balak ang dating mambabatas na si Edcel Lagman na humiling ng motion for reconsideration sa Kataas-taasang Hukuman. Panalangin naming magbago pa rin ang desisyon ng Korte. Kung hindi man, umasa tayong sa wakas ng panahon, igagawad ni Kristo, ang Dakilang Mahistrado, ang katarungang itinanggi sa ating Inang Bayan.







Sunday, April 03, 2016

Lunas sa Inggit


Tanyag na debosyon sa ating mga Pinoy ang Divine Mercy o Mabathalang Awa. Kapag ikatlo ng hapon, isinasahimpapawid ang Three o'clock Prayer bilang pag-alala sa pagkamatay ni Jesus. Sa pag-alala sa kamatayan ng Panginoon, ipinagkakatiwala ng sinumang nagdarasal ang kanilang sarili at ang buong mundo sa awa ng Diyos, awang ibinuhos nang mamatay si Jesus sa krus.

Isang linggo mula nang alalahanin natin ang Muling Pagkabuhay ni Kristo, ipinagdiriwang natin ang Kapistahan ng Mabathalang Awa.  Natatangi ang taong ito dahil idinaraos din natin ang Taon ng Awa.  

Ano ba ang kaligtaran ng awa? Ito ay walang iba kung hindi ang inggit.  Maalalang inggit ang nag-udyok sa mga matatanda ng bayan para ipapatay si Kristo.  Inggit rin ang nag-udyok kay Judas para ipagkanulo ang kanyang Guro't kaibigan. Inggit ang nagpakitid sa utak at nagpapayat ng puso ng mga taong gustung-gustong abutin ni Kristo.  Kaya nga habang nakabuyabay sa krus, ihiningi ni Jesus ng kapatawaran ang mga sumalbahe sa Kanya dahil hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.

Sa ating pamumuhay, posibleng narinig na natin ang ganitong kuwento:

"Naku, napromote na pala yung kasamahan natin bilang manager!"

Ano ang isasagot mo: "Naku, sipsip kasi kay Boss kaya napromote!" o "Wow! Deserving siyang mapromote!"?

Kung yung una, nainggit tayo sa pag-asenso ng ating kapwa. Kung yung pangalawa, tayo ay nagpakita ng awa o pag-ibig sa iba. 

Marami pang halimbawa kung saan dinaig tayo ng inggit. Nakita nating may bagong gadget ang iba, bibili rin tayo ng mas hi-tech na gadget (kahit wala ito sa ating budget!). Nakita nating aktibung-aktibo sa simbahan o anumang pamayanan ang ating kasama, pero imbis na suportahan ay gagawan natin sila ng usap. Ayaw nating masasapawan tayo kaya gagawa at gagawa tayo ng paraan para hindi tayo mahigitan. Ganyan lumingkis ang inggit. At kung hindi natin ito masasawata, tiyak na sisirain nito ang ugnayan ng sinuman: magkakamag-anak man o magkakaibigan, magkakasama man magkababayan o magkakapatid sa pananampalataya. 

Inggit ang dahilan kung bakit inakit ni Satanas sina Eba't Adan para magkasala. Ngunit sa Kanyang pagkamatay at muling pagkabuhay, tinubos ni Kristo sina Eba't Adan at tayong lahat na nagmana ng kanilang kasalanan.  Sa madaling salita, nilupig na ng awa ng Diyos ang inggit ni Satanas!  Tumalab na ba ito sa atin?

Thursday, July 09, 2015

Pagkakaisa Tungo sa Pagkakapantay-pantay

Sang-ayon sa United Nations Economic Commission for Latin America and the Caribbean (ECLAC), ang Latin Amerika ang may pinakamalaking antas ng hindi pagkakapantay-pantay sa buong mundo.  At dahil laganap ang hindi pagkakapantay ng mga mamamayan, patuloy na lumulubog sa kahirapan ang mga dukha. Nakakapagtaka na sa kabila ng pagiging Katoliko ng 70% ng populasyon, hindi pa rin masawata ang malaking agwat sa pagitan ng kakaunting mayayaman at ng nakararaming mahihirap. Hindi ba't ganito rin ang eksena sa Pilipinas?

Sa kanyang pagdalaw sa Ecuador, isa sa maraming bansa sa nasabing rehiyon, nanawagan si Pope Francis sa mga mamamayan na magkaisang muli - kagaya nang lumaban ang kanilang mga ninuno para sa kasarinlan mula sa Espanya - upang ipalaganap ang pananampalataya. Napabalita ang pagbaba ng dami ng mga Katoliko dulot ng pag-anib nila sa mga Protestante. Sinasabing ang tagumpay ng mga Protestante sa pag-akit sa mga dukhang Katoliko ay dahil nakatuon ang kanilang ministeryo sa edukasyon at paghahanap-buhay, dalawang mahalagang susi para makaahon sa kahirapan. 

Paano mapagkakaisa ang mga mamamayan ng malaking rehiyon na ito? Sang-ayon sa Santo Papa, ang pagkakaisang kailangan ay hindi magliliwanag kung magpapasakop tayo sa makamundong klase ng espiritwalidad na siyang nang-uudyok sa atin na mag-away-away para sa kapangyarihan, pagkakilala, kasiyahan, at pang-ekonomiyang seguridad. Sa madaling salita, mangyayari at magbubunga lamang ang pagkakaisa kung magkakaroon ng pagbabago ang bawat isa at isasantabi ang mga pansariling hangarin.

Kung malalampasan ng mga taga-Latin Amerika ang makamundong espiritwalidad, tiyak na magiging buhay silang saksi ng pag-ibig sa mga mahihirap at makakapag-ambag sa isang lipunang ang trato sa kapwa ay kagaya ng sa magkakapatid. Kung maiwawaksi ang makamundong espiritwalidad, malalansag ang hindi pagkakapantay-pantay ng mga mamamayan. 

Suntok ito sa buwan para sa ilan, subalit sa ating mga Kristiyano malulutas natin ang mga suliraning ito kaisa ni Kristo "na siyang nagmulat sa bulag, sa pilay nagpalakad, at nakiramay sa lahat".

Saturday, April 04, 2015

Aliw sa mga Inuusig

Sa kanyang pananalita sa Daan ng Krus na ginanap sa Roma noong Biyernes Santo, kinondena ni Pope Francis ang tahimik na pakikipagsabwatan na nagaganap sa pagpaslang sa mga Kristiyano.  Maaalalang 148 katao ang namatay sa Garissa University sa Kenya noong lamang Huwebes Santo.  Bukod sa Kenya, naging balita na rin ang mga pag-uusig sa mga Kristiyano sa Syria, Iraq, and Nigeria.  

Ang istorya ng mga kapatid natin sa pananampalataya sa mga bansang kasalukuyang may nangyayaring pag-uusig ay istorya ng mga unang tagasunod ni Kristo, at istorya mismo ni Kristo.  Kaakibat na ng bawat Kristiyano ang pasanin ang kani-kanilang krus at sumunod sa Panginoon, mahirap man o masaklap ang landas na kanilang kailangang tahakin. Mayroong mga susuko sa daan at mananalig sa ibang panginoon. Subalit sa mga mananatiling tapat hanggang sa huli, may gantimpalang naghihintay.  Minsang sinabi ni Msgr Mario Enriquez, isang pari sa Maynila, na naparito si Jesus hindi upang maging madali ang ating buhay, kundi upang gawin tayong dakila.  

Sa muling pagkabuhay ni Jesus, masisilayan natin kung ano itong gantimpalang naghihintay sa atin, gantimpalang higit pa sa anumang kayamanan o kadakilaang maaaring ipagkaloob ng mundo.  Ang Pasko ng Muling Pagkabuhay ay isang ring hamon sa atin na maging tapat at matapang para sa ating pananampalataya.  Kung noon hindi natin siniseryoso ang ating pagiging Katoliko, ngayon ang tamang panahon para magbago tayo. Kung noon ang pananaw natin sa Simbahan ay para lamang sa mga manong at manang, ngayon ang tamang panahon para makilalang bahagi rin tayo ng komunidad na ito. Kung noon nananahimik lamang tayo sa gitna ng kabikabilang pag-uusig, ngayon ang tamang panahon para maging instrumento tayo ng nakaaaliw na presensya ni Kristo sa mga nangangailangan nating mga kapatid.

Mapasaatin nawa ang biyaya ni Kristong Muling Nabuhay!

Saturday, March 07, 2015

Paningin ng Puso


Isa sa mga tampok na pangyayari sa Pilipinas kapag Marso ang pagtatapos.  Sa pagtatapos ng mga mag-aaral, inaalala't ipinagdiriwang ang mga taon na nagsunog sila ng kilay, lumago bilang mga tao, at nagtamo ng karampatang gantimpala.  Sino sa atin ang makakalimot sa marami nating isinakripisyo, sa marami nating kasiyahan, sa marami nating natutuhan noong nag-aaral pa tayo?

Ang pagtatapos din ay pagkakataon para alalahani't pasalamatan ang mga magulang, guro, at iba pang may ginampanang mahalagang papel sa paghubog ng mga kabataan. Kukulangin siguro ang isang kuwaderno kung isusulat natin ang lahat ng kabutihang ginawa sa atin ng mga taong ito.

Isa ring tampok sa buwang ito ang pag-alala sa mga kababaihan.  Para sa mga magsisipagtapos, ang mga kababaihang ito ay ang kanilang mga ina, tiyahin, lola, kapatid, katulong, guro, katekista, madre, gabay tagapayo, duktora, nars, atbp. 

Sa Ebanghelyo ni San Lukas (10:38-42) matutunghayan natin sina Marta at Maria at kung paano nila inasikaso si Kristo.  Kung si Marta'y naging abala sa paghahanda ng pagkain para sa Panginoon, si Maria nama'y nanatiling nakikinig sa Kanya. Pag-aasikaso't pakikinig. Dalawang kilalang katangian ng mga kababaihan.  Halos lahat tayo'y nakalasap ng ganitong uri ng pangangalaga.  Ang sikreto sa mga katangiang ito, sang-ayon kay San Juan Pablo II, ay ang kakayahan ng mga babae na makita ang kanilang kapwa sa pamamagitan ng kanilang puso.  

Sa kanyang pananalita noong 2007, binanggit ni Pope Emeritus Benedict XVI na magiging iba ang pag-unlad ng Kristiyanismo kung wala ang bukas palad na pagtulong ng maraming kababaihan.  Sinabi din niya na hindi katulad ng 12 alagad, hindi pinabayaan ng mga kababaihan ang Panginoon noong magpakasakit Siya sa krus.

Mula nang manungkulan si Pope Francis, natunghayan natin ang 'pagbabagong anyo' ng Simbahan bilang isang komunidad ng awa at habag.  Nakita rin natin ang kanyang pagkilala sa mga kababaihan. Bilang tanda nito, dinagdagan niya ang dami ng babaeng kasapi ng International Theological Commission, isang mahalagang lupon na tumutulong sa Papa sa mga isyung may kinalaman sa doktrina. Mula sa 2, mayroon na itong 7 babaeng kasapi. Kamakailan, inatasan ng Vatican si Sr. Mary Melone bilang unang babaeng rektor ng Pontifical University Antonianum sa Roma.  Mayroon ding 4 na babaeng kasapi ang Pontifical Commission for the Protection of Minors, isang bagong tatag na lupon na tutulong sa Papa hinggil sa pangangalaga sa mga bata laban sa pang-aabusong sekswal at pangangalaga sa mga biktima nito.

Sa pagpupugay natin sa mga kababaihan ngayong Marso, ipanalangin nating patuloy na makilala at mapahalagahan ang natatanging kontribusyon ng mga kababaihan sa buhay ng Simbahan. Sikapin din nating matuklasan kung paano natin makikita ang ating kapwa - lalo na ang mga mahihirap - sa pamamagitan ng ating mga puso. Kung magagawa natin ito, tiyak na walang kakapusin sa ating sambayanan (cf. Mga Gawa 4:34). 


Thursday, November 06, 2014

Pinagmumulan ng Biyaya



Bago umakyat sa langit, ipinangako ni Kristo na lagi Niyang sasamahan ang Kanyang mga alagad hanggang sa wakas ng panahon (Mateo 28:20).  At kahit wala na Siya sa pisikal na anyo, damang-dama pa rin ng mga alagad at ng buong Simbahan hanggang ngayon ang Kanyang presensya sa pamamagitan ng pitong sakramento.

Bahagi ng buhay natin ang mga sakramento. Kapag may isinilang na sanggol, "Kailan ang Binyag?" ang pangkaraniwang tanong.  "Kailan ang kasal ninyo?", ang madalas na usisa sa magsing-irog. "Kailan ka oordinahan?", ang tanong sa seminarista. "Tumawag ka na ba ng pari?", kapag mayroong malubha ang sakit.

Kapag kaarawan natin, hindi kumpleto ang ating pagdiriwang nang hindi nagsisimba. At kapag ganitong buwan ng Nobyembre, nagpapamisa tayo para sa mga yumao.

Subalit ang iba sa atin tila mga KBL na Kristiyano. Pumapasok lang tayo sa simbahan kung mayroong Kasal, Binyag, o Libing.  Kung magiging ganito ang pag-uugali natin, paano tayo uunlad bilang mga tagasunod ni Kristo? Paano natin matutupad ang Kanyang utos na makapaghikayat ng mga bagong tagasunod Niya (Mateo 28: 19)?

Sang-ayon sa panawagan ng ating mga obispo sa simula ng taong ito, dapat pahalagahan ng mga magulang ang kanilang pananagutan na itaguyod ang kanilang mga anak bilang mabubuting Kristiyano.  Kanila ring ipinaliwanag na dapat makita ng mag-asawa ang Kasal hindi lamang bilang isang magandang seremonya, kundi lalo't higit bilang pag-aatas sa kanila ni Kristo - sa harap ng buong sambayanan - na paglingkura't ipagtanggol nila ang buhay at ang pag-ibig.  

Nanawagan din sila na dumulog tayo sa mga sakramento lalo na sa Banal na Eukaristya't Kumpisal.  Nagsisilbing bukal ng buhay at lakas nating mga Kristiyano ang Banal na Eukaristiya samantalang tinutulungan tayo ng Kumpisal na gumaling mula sa mga sugat ng ating kaluluwa gawa ng kasalanan at pinagkakalooban tayo ng biyayang labanan ang kasalanan sa ating buhay at sa lipunan. 

Kailangan natin ang biyaya ng Diyos kung nais nating kumilos si Kristo sa pamamagitan natin. Matatagpua't matatanggap natin ito sa pamamagitan ng mga sakramento. Muli nating tuklasin ang mga ito!


Tuesday, July 01, 2014

Usi


Aminin man natin o hindi, bahagi na ng ating kultura ang maging usi(usisero/a).  Maging sunog man sa kabilang barangay o basag-ulo sa kanto, tiyak nakatutok tayo. May eksena kasi!
Ang PDAF scandal na siguro ang isang isyung hindi maalis-alis sa ating pag-iisip.  May mga iba pang nangyari sa ating bansa na tila kumuha ng ating atensyon, pero muli tayong tumutok sa usaping ito lalo na't nang makulong ang 2 sa 3 senador na sinasabing sangkot dito. Harinawa, may magandang kahinatnan ang isyung ito. 

Ano ba ang magagawa nating ordinaryong mamamayan upang magkaroon ng magandang kahinatnan ito at ang iba pang isyung kinakaharap ng ating bansa?  Manatili tayong nagmamasid. Bagama't madalas na kabi-kabilang nagsusulputan ang mga usapin sa ating bansa (at ang iba pa nga dito'y gawa-gawa lang para guluhin tayo), mahalagang gising at nagmamasid tayo.  Sang-ayon nga sa ating mga obispo, kailangan nating hanapin ang katotohanan, sabihin ang katotohanan, at gawin ang katotohanan.  

At sa ating paghahanap, pagpapahayag, at paggawa ng katotohanan, kailangan nating talikdan ang pagiging usi natin. Higit sa pagiging usi ang hinihingi't inaasahan sa atin kung nais nating mamuhay sa katotohanan.  Walang pagmamalasakit ang isang usi. Nanonood lang siya para maaliw, makakuha ng tsismis, manggulo, o magpalapad ng papel.  Sa ating mga Kristiyano, namumuhay tayo sa katotohanan dahil sa pag-ibig (Efeso 4:15).  Hangarin nating magwagi ang katotohanan para sa ikabubuti ng sambayanan lalo na ng mga kapus-palad. 

Walang puwang para sa sinumang sumasampalataya kay Kristong Daan, Katotohanan, at Buhay ang pagiging usi


Thursday, May 03, 2012

Kulturang Bukas sa Pagkakaisa

 
Hitik sa pagdiriwang ang ating bansa ngayong Mayo. Kabi-kabila ang pista mapa-parokya man o barangay. Bukod dito, nariyan din ang Flores de Maria, Sunduan, at Santa Krusan. Sa mga pagdiriwang na ito, kitang-kita kung gaano kayaman ang ating kultura’t pananampalataya.


Sa pamamagitan ng kultura, makikita natin kung paanong naka-ugnay ang ating pagkilos at paraan ng pamumuhay bilang mamamayan ng isang bansa, rehiyon, o pamayanan sa ating pagsamba sa Diyos at pagbibigay-galang sa mga banal. Buhay na buhay, halimbawa, ang bayanihan sa mga palamuti sa simbaha’t lansangan. Sa kabila ang hirap ng buhay, marunong pa rin tayong mga Pinoy na mag-ukol ng oras, salapi’t kakayahan sa mga ganitong pagdiriwang na minana pa natin sa ating mga ninuno.

Kung nagiging masusi sa ating pananampalataya ang mga tradisyong ito, nararapat lamang na pagyamanin pa’t pag-ibayuhin ito. Bahagi ng pagpapaunlad nito ay ang pagiging bukas sa mga tao na nanggaling sa ibang kultura – di lamang ang mga taong galing sa ibang bansa kundi yung mga nagbuhat sa ibang rehiyon ng bansa.

Bagama’t tila pare-pareho ang ating mga tradisyon, mayroon pa ring mga pagkakaiba kung paano ito isinasagawa sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas. At minsan, may tuksong isipin ng isang bayan o parokya o barangay na mas maganda ang kanilang pagdiriwang kaysa iba. Nariyan rin ang patibong na maging sarado ang isip ng pamayanan sa pagbabago (“Kagaya na lang noong isang taon!”) lalo na’t kung ang mga pagbabago’y galing sa mga baguhan o dayo.

Sa paglipat ng mga tao sa mga lungsod, hindi na natin maaasahang ang mga naturingang ‘lehitimong mamamayan’ ng isang bayan lamang ang may karapatan para maglingkod at mamuno sa pamayanan. Oo, dapat pa ring panatilihin ang mga tradisyong wasto subalit kung ito’y mapagyayaman pa mula sa mga ideya ng mga ‘baguhan’ o mga ‘dayo’, walang dahilan para ito’y di bigyang-pansin. Mahalagang naroroon pa rin ang paggalang sa kultura ng iba.

Matapos umakyat sa langit si Jesus, nanaog ang Banal na Espiritu sa Mahal na Ina at sa mga tagasunod ni Kristo. Mula noon, isinilang ang Simbahan. Mula noon, nangaral ang mga alagad sa iba’t ibang wika. Mula noon, pinagkaisa ng Diyos ang watak-watak na sangkatauhan para maging iisa Niyang bayan. Patuloy nawa nating madama ang kapangyarihan ng Banal na Espiritu upang sa pamamagitan ng samu’t sari nating tradisyon maaakay natin ang lahat lalo na ang mga di pa nakakakilala kay Jesus pabalik sa Kanya.





Wednesday, November 30, 2011

Makasalanan Subalit Minahal


Mayroon bang pinagkaiba ang isang opisyal na nagkakamal ng maraming pera sa maruming paraan sa isang mandurukot sa lansangan o sa isang paslit na nangungupit ng barya sa bulsa ng kanyang magulang? Wala! Bagama't malaki ang nakukuhang pera ng opisyal kaysa sa mandurukot at lalo na sa paslit, silang lahat ay nagkasala.

Madalas nagiging pangkaraniwan na sa ating ang kasalanan at ang paggawa nito. Sa mga nababalitaan o nasasaksihan natin sa paligid, tila isa nang kalakaran ang magkasala. At ang malimit pa nating idahilan kung bakit tayo'y nagkakasala ay "...dahil tao lamang ako" o "...dala ng matinding pangangailangan...".

Ang mga dahilang ganito, kahit kailan ay di sapat para tayo'y panghinaan ng loob, mahulog sa tukso, at gumawa ng mali. Ang mga dahilang tulad nito ay ginagawa pa nating kalasag para itago o palabasing tama ang ating ginawa.

Magpapasko na naman. Masarap ang pakiramdam dahil sa samu't saring palamuti o regalo o tugtog sa ating paligid. Ito na marahil ang panahong abalang-abala tayo sa dami ng preparasyon o gawaing kaugnay ng Kapaskuhan. Subalit binabalaan tayo ng Panginoon na manatiling gising (Marcos 13:33-37) at huwag magpasasa sa mga bisyo't mga kaabalahan ng mundo (Lukas 21:34-36).

Manatili tayong gising sa ating mga ginagawa. Lagi nating usisain ang ating sarili: Tama ba ang gagawin ko? Makatarungan ba ito? May maaapakan ba akong tao kung gagawin ko ito? Naaayon ba ito sa kalooban ng Diyos?

Huwag tayong magpakaabala sa mga panlabas na palamuti ng Pasko. Kadalasan ang mga ito'y mababaw at pansamantala lamang. Mahalagang paghahanda ay ang magbalik-loob sa Diyos, makipagkasundo sa mga taong nasaktan natin, at piliin lagi ang tama sa mali.

Sa susunod na pagkakataon na tayo'y inaakit ni Taning na magkasala, isipin natin ang isang katotohanang di niya kayang itanggi: "Tao lamang ako pero MAHAL ako ni Kristo at para sa akin Siya'y nagkatawang-tao!"

Matagpuan nawa tayo ni Kristong handang-handa ang mga puso't tahanan sa Kanyang pagdating ngayong Kapaskuhan.

Friday, June 03, 2011

Tumingala ka!

Sa mga sumasakay ng LRT, isang karatula ang kapansin-pansin habang patawid ang sasakyan sa Ilog Pasig: “Look up, young man, look up!”. Kung mayroon mang direktang aral tayong mapupulot sa Kapistahan ng Pag-akyat ng Panginoon sa langit, ito’y ating mapupulot sa karatulang ito ng FEATI University.

Sa paglisan ni Jesus sa Kanyang mga tagasunod, nangako Siyang ipaghahanda sila ng matitirhan sa kaharian ng Kanyang Ama. Ito’y tanda ng pag-asa na hindi tayo pababayaan ng Panginoon sa pagpapatuloy natin ng Kanyang misyon. Hindi nga ba’t ipinangako din Niyang darating ang Banal na Espiritu para tayo’y tulungan? Hindi rin ba totoo na nangako din Siyang sasamahan tayo hanggang sa wakas ng panahon?

Hindi dapat ipagwalang-bahala ang mga pangakong ito ni Kristo. Nasaksihan natin, gaya ng mga una Niyang tagasunod, kung gaano Siya katapat sa anumang sabihin Niya. Kung noong nasa lupa pa Siya’y naging totoo Siya sa mga tao, gaano pa kaya ngayong nakaluklok na Siya “sa kanan ng Ama”?

Bilang mga tinubos sa dugo ni Jesus, wala tayong dapat na itugon kundi ang ipako ang ating pananaw sa langit higit pa sa lahat. Tamang paghandaan natin ang kinabukasan natin at ng ating pamilya sa pamamagitan ng pagtatrabaho’t pag-impok sa bangko, subalit kung galing naman sa masama ang ipinapakain o ipinamimili natin, anong saysay ng ating pagsisikap?

Wala tayong dapat hangarin bilang mga Kristiyano kundi ang nasa itaas. Nakakalungkot na panandaliang ligaya o kasikatan lamang ang laging binibigyang-halaga ng lipunan.

Wala tayong dapat pangarapin kundi ang mga bagay na magdadala sa atin sa itaas. Iwaksi natin ang anumang gawi o pag-uugali na hihila sa atin pababa. Kung noo’y nasa lusak tayo ng kasalanan, ngayon ang panahon para ipakitang di na tayo babalik pa doon.

Nakakapanlumong mabalitaan ang plano ng Diocese of Laoag na ipaupa o ibenta ang bahagi ng lote ng simbahan ng San Nicolas de Tolentino (San Nicolas, Ilocos Norte) sa Shoe Mart Corporation (Basahin BITS & BOBS ). Bukod sa matinding epekto nito sa kabanalan ng simbahan, kikitil din ito sa kabuhayan ng mga maliliit na negosyo sa nasabing bayan. Ipagdasal natin na maliwanagan ng isip ang mga kinauukulan at pagtuunan ng pansin ang mga mas importanteng bagay.

Sa pagbawi sa atin ng Diyos mula kay Satanas, binihisan Niya tayo ng kasuotang maharlika. Tinrato na Niya tayo bilang Kanyang mga anak. Kung nakahiga ka na sa kama, babalik ka pa ba sa banig?

Thursday, May 05, 2011

Ang Dapat Umiral sa Atin

Sa mga unang kabanata ng Mga Gawa ng mga Apostol matutunghayan ang pagpapatotoo nina Pedro at Juan kay Kristo sa taumbayan at sa matatanda ng bayan. Mababasa rin sa nasabing aklat kung paano namuhay ang mga unang Kristiyano bilang isang pamayanan: nagbabahaginan ng anumang biyaya mayroon sila; nagdarasal nang sama-sama; nagpupuri sa Diyos; nagsisilbing mabuting halimbawa sa iba.

Mula sa kadiliman, takot, pagkamakasarili, at kasalanan tinawag ng Matagumpay na Panginoon ang Kanyang mga tagasunod sa isang bagong buhay na dulot ng Kanyang Muling Pagkabuhay. Ang dati-rating papatay-patay na mga nilalang ay buhay na buhay; maningas sa pagtupad sa kanilang misyon; walang inaatupag kundi gumawa ng kabutihan.

Minsan winika ng iginagalang na Mahatma Gandhi na hanga siya kay Jesu-Kristo subalit hindi sa mga tagasunod nito. Hindi maikakaila na sa kasaysayan ng Simbahan ay may mga pagkakataong nabahiran ang magandang reputasyon ng mga Kristiyano dala ng pang-aapi, kawalan ng respeto, at pagmamataas ng ibang mga kapatid natin sa pananampalataya – ordinaryo man siyang miyembro o nasa liderato.

Sa pagdiriwang natin ng Pasko ng Muling Pagkabuhay ni Jesus, maging hamon nawa sa atin na balikan ang naging istilo ng pamumuhay at pakikitungo ng mga ninuno natin sa pananampalataya. At sa ating pagbalik doon, tiyak na madidiskubre natin ang naging pamumuhay at pag-uugali ni Jesus.

Kung ito’y ating magagawa, makita nawa ng iba si Jesus sa ating buhay. Madama nawa nila si Jesus sa ating pagkilos at pag-iisip. Katulad ni San Pablo, maaari na nating sabihing hindi na tayo kundi si Kristo ang totoong umiiral sa buhay natin.

Saturday, September 19, 2009

Huwag Makalimot

Isang tukso sa mga Pilipinong nasa ibang bansa ang makalimot - makalimot sa mga mahal sa buhay na kanilang pansamantalang iniwan, makalimot sa sumpang binitiwan nila noong sila'y ikasal, makalimot sa kanilang responsibilidad sa kanilang pamilya sa 'pinas, makalimot tumawag sa Diyos.

Subalit mayroon tayong kababayang hindi nakalimot. Sapilitang lumikas ng Pilipinas para takasan ang maling pambibintang sa kanya hinggil sa pagpaslang sa isang Kastila, nagtungo si Lorenzo Ruiz kasama ang ilang paring Dominiko sa Japan para ipalaganap ang Kristiyanismo. Sa kanilang pagsisilbi sa bansang ayaw sa bagong relihiyong ito, sila'y hinuli at pinarusahan. Nang aluking palayain siya kapalit ng kanyang pananampalataya, sinabi niyang libu-libo man ang kanyang buhay lahat ito'y kanyang ibibigay para sa pananampalataya. Binawian si Lorenzo ng buhay na nananatiling tapat kay Kristo.

Hindi lahat ng Pinoy Overseas Workers at immigrants ay makakaharap sa ganitong uri ng pagsubok habang nasa ibang bansa, pero lahat tayo'y mayroong pananampalatayang dapat pakaingatan at laging dapat isabuhay.

Dumulog tayo lagi kay San Lorenzo Ruiz, ang kinikilalang pintakasi ng mga Pilipinong nangingibang bansa. Hilingin natin sa kanya ang biyayang laging handang ipahayag ang ating pananampalataya, ang lakas na huwag manghina sa kabila ng lumbay at bagong kultura sa bansang kinaroonan natin, at ang kakayahang huwag makalimot kung saan tayo nakaugat.

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP