Powered by Blogger.
Showing posts with label Taon ng mga Layko. Show all posts
Showing posts with label Taon ng mga Layko. Show all posts

Thursday, November 06, 2014

Pinagmumulan ng Biyaya



Bago umakyat sa langit, ipinangako ni Kristo na lagi Niyang sasamahan ang Kanyang mga alagad hanggang sa wakas ng panahon (Mateo 28:20).  At kahit wala na Siya sa pisikal na anyo, damang-dama pa rin ng mga alagad at ng buong Simbahan hanggang ngayon ang Kanyang presensya sa pamamagitan ng pitong sakramento.

Bahagi ng buhay natin ang mga sakramento. Kapag may isinilang na sanggol, "Kailan ang Binyag?" ang pangkaraniwang tanong.  "Kailan ang kasal ninyo?", ang madalas na usisa sa magsing-irog. "Kailan ka oordinahan?", ang tanong sa seminarista. "Tumawag ka na ba ng pari?", kapag mayroong malubha ang sakit.

Kapag kaarawan natin, hindi kumpleto ang ating pagdiriwang nang hindi nagsisimba. At kapag ganitong buwan ng Nobyembre, nagpapamisa tayo para sa mga yumao.

Subalit ang iba sa atin tila mga KBL na Kristiyano. Pumapasok lang tayo sa simbahan kung mayroong Kasal, Binyag, o Libing.  Kung magiging ganito ang pag-uugali natin, paano tayo uunlad bilang mga tagasunod ni Kristo? Paano natin matutupad ang Kanyang utos na makapaghikayat ng mga bagong tagasunod Niya (Mateo 28: 19)?

Sang-ayon sa panawagan ng ating mga obispo sa simula ng taong ito, dapat pahalagahan ng mga magulang ang kanilang pananagutan na itaguyod ang kanilang mga anak bilang mabubuting Kristiyano.  Kanila ring ipinaliwanag na dapat makita ng mag-asawa ang Kasal hindi lamang bilang isang magandang seremonya, kundi lalo't higit bilang pag-aatas sa kanila ni Kristo - sa harap ng buong sambayanan - na paglingkura't ipagtanggol nila ang buhay at ang pag-ibig.  

Nanawagan din sila na dumulog tayo sa mga sakramento lalo na sa Banal na Eukaristya't Kumpisal.  Nagsisilbing bukal ng buhay at lakas nating mga Kristiyano ang Banal na Eukaristiya samantalang tinutulungan tayo ng Kumpisal na gumaling mula sa mga sugat ng ating kaluluwa gawa ng kasalanan at pinagkakalooban tayo ng biyayang labanan ang kasalanan sa ating buhay at sa lipunan. 

Kailangan natin ang biyaya ng Diyos kung nais nating kumilos si Kristo sa pamamagitan natin. Matatagpua't matatanggap natin ito sa pamamagitan ng mga sakramento. Muli nating tuklasin ang mga ito!


Monday, September 01, 2014

Tamang Pakikisama


Kilala tayong mga Pinoy sa ating pakikisama. Marunong tayong makibagay kahit kanino kung kaya't di mahirap sa ating magkaroon ng mga kaibigan.  At kapag marami tayong kaibigan, mas marami tayong maaasahan lalo na sa oras ng pangangailangan.

Nagpakita ng magandang halimbawa ng pakikisama sa bansa kung saan sila naglingkod ang unang dalawang santong Pilipino. Sa bansang Hapon, tinulungan ni San Lorenzo Ruiz ang mga paring Dominiko sa kanilang pagpapalaganap ng Mabuting Balita ni Jesus. Sa Guam naman nagsilbi si San Pedro Calungsod bilang sakristan at katekista, kaagapay ni Padre Diego Luis De San Vitores. Sa kanilang pagsisilbi, humarap sila sa matinding pagsubok. Kay Lorenzo, inalok siya ng kalayaan, talikdan lang niya ang kanyang pananampalataya. Kay Pedro, ang makatakas mula sa palaso ni Mata'pang. Nakisama ba sila sa ganitong mga uri ng 'kaibigan'? Hindi!

Mayroon ding limitasyon ang pakikisama.  Ayos lang kung paminsan-minsa'y sumasama tayo sa lakad ng barkada, ngunit kung nagiging madalas na ito na halos mapabayaan na natin ang ating trabaho o pag-aaral o pamilya, atbp., ibang usapan na iyan. Ayos lang kung tutupdin natin ang itinatadhana ng batas pero kung manghihingi pa ng suhol ang alagad ng batas, ibang usapan na iyan. Sa kalagayan nina Lorenzo at Pedro, ibang usapan na kung ang pananampalataya ang malalagay sa alanganin.

Kailan natin huling isinabuhay ang ating pananampalataya? Kailan natin siya huling ipinagtanggol laban sa masamang bisyo, maruming pulitika, korupsyon sa lipunan, mga pilosopiyang taliwas sa aral ng Simbahan, atbp?

Kabalikat na ng pagsasabuhay ng ating pananampalataya ang pagpasan ng krus. Hindi nangako ng biglang yaman, kalutasan ng lahat ng problema, o anumang sarap ng buhay ang Panginoon sa sinumang magnanais na sumunod sa Kanya. Sa mga gaya nina Lorenzo at Pedro, humantong pa ito sa kanilang kamatayan.  Subalit, kung mananatili tayong tapat sa ating pinaniniwalaan anuman ang mangyari, makakaasa tayo sa Diyos dahil Siya ay tapat (1 Corinto 1:9)! 

Kung mayroon tayong pakikisamahan, kung mayroon tayong tapat maging kaibigan, doon na  tayo sa tapat at maaasahan. Puno man ng pagpapakasakit ang ating buhay sa mundo, tiyak na walang hanggang kaligayahan naman ang mapapasaatin sa kabila, kasama Niya!




Saturday, August 02, 2014

Binhi sa Mabatong Lupa


Isa sa mga tampok na Ebanghelyo noong isang buwan ang Talinhaga ng Maghahasik (Mateo 13:1-23). Sa kuwentong ito, sinabi ni Jesus na may mga binhing napunta sa daanan sa mabatong lupa, sa mga tinik, at sa matabang lupa.  Pagtuunan natin ng pansin ang mga binhing nasa mabatong lupa. Sang-ayon sa Ebanghelyo, agad silang sumibol dahil di malalim ang lupa. Sa kasamaang-palad, di sila nagtagal dahil sa matinding sikat ng araw.

Kamakailan pinuri ng ating mga obispo ang pananampalataya ng mga layko, subalit kanila ring binigyang-pansin ang dalawang punong kakulangan ng ating pananampalaya: kakulangan sa kaalaman at kawalan ng kaugnayan sa ating pamumuhay. 

Sa kabila ng tila buhay na buhay nating mga liturhiya at pamimintuho sa Panginoon at mga banal, mapupuna pa rin ang kawalan nating ng kaalaman sa ating pananampalataya. Isa nang pruweba nito ang biglaang paglusob ng ilang mga deboto sa rebulto ng Nazareno habang nagmimisa sa Quirino Grandstand noong Enero .  Isa pang halimbawa ay ang pagpapapako sa krus ng ilan nating kababayan tuwing Mahal na Araw sa pag-aakalang maaalis nito ang anumang pagkakasala nila. 

Sa kabila ng ating pagpapakilala bilang mga Katoliko sarado, tila kapag Linggo o kung nasa loob lamang ng simbahan natin ito ipinapakita.  "Hanggang sa balat lang", 'ika nga. Matapos isagawa ang ating 'obligasyon' sa Diyos, balik na naman tayo sa ating dating ugali.  

Tayo'y tulad ng mga binhing nahulog sa mabatong lupa.  Wala tayong masyadong ugat kaya't madali nating tinatanggap ang Salita ng Diyos, AT madali din natin itong isinusuko kapag naaakit na tayo ng ibang sekta o kulto o ng anumang tukso sa ating paligid.  

Kailan natin huling binasa ang Bibliya o ang Katesismo? Kailan tayo huling dumalo sa anumang seminar o rekoleksyon sa ating parokya? Ito na marahil ang pagkakataon para muli nating kilalanin at palalimin ang ating pananampalataya.  Mayroon bang tila malabo sa aral ni Kristo? Huwag natin itong sarilinin. Makipag-ugnayan sa ating kura-paroko o katekista.  

Kailan natin huling nilangkapan ng Kristiyanong pagmamahal ang ating pakikitungo sa pamilya, kapitbahay, kasamahan, o mga istranghero? Sa mga sigalot sa tahanan o pamayanan, kailan natin huling kinilala't tinawag ang biyaya ni Jesus?  May puwang pa ba ang mga turo ng Panginoon sa ating negosyo, sa ating pangangalaga sa kapaligiran, at sa ating pakikilahok sa pagpuksa ng kahirapan at kawalan ng katarungan?

Sinasabing ang pagkilala sa ating pananampalataya ay hanggang magpantay ang ating mga paa. Hilingin natin sa Banal na Espiritu na patuloy Niya tayong samahan, patatagin, at patapangin. Kung ang bawat isa sa atin ay magiging bukas sa Kanyang kapangyarihan,  tayo'y matutulad sa mga binhing nahulog sa matabang lupa na nakinig at nakaunawa sa Salita ng Diyos at naging mabunga.






Tuesday, July 01, 2014

Usi


Aminin man natin o hindi, bahagi na ng ating kultura ang maging usi(usisero/a).  Maging sunog man sa kabilang barangay o basag-ulo sa kanto, tiyak nakatutok tayo. May eksena kasi!
Ang PDAF scandal na siguro ang isang isyung hindi maalis-alis sa ating pag-iisip.  May mga iba pang nangyari sa ating bansa na tila kumuha ng ating atensyon, pero muli tayong tumutok sa usaping ito lalo na't nang makulong ang 2 sa 3 senador na sinasabing sangkot dito. Harinawa, may magandang kahinatnan ang isyung ito. 

Ano ba ang magagawa nating ordinaryong mamamayan upang magkaroon ng magandang kahinatnan ito at ang iba pang isyung kinakaharap ng ating bansa?  Manatili tayong nagmamasid. Bagama't madalas na kabi-kabilang nagsusulputan ang mga usapin sa ating bansa (at ang iba pa nga dito'y gawa-gawa lang para guluhin tayo), mahalagang gising at nagmamasid tayo.  Sang-ayon nga sa ating mga obispo, kailangan nating hanapin ang katotohanan, sabihin ang katotohanan, at gawin ang katotohanan.  

At sa ating paghahanap, pagpapahayag, at paggawa ng katotohanan, kailangan nating talikdan ang pagiging usi natin. Higit sa pagiging usi ang hinihingi't inaasahan sa atin kung nais nating mamuhay sa katotohanan.  Walang pagmamalasakit ang isang usi. Nanonood lang siya para maaliw, makakuha ng tsismis, manggulo, o magpalapad ng papel.  Sa ating mga Kristiyano, namumuhay tayo sa katotohanan dahil sa pag-ibig (Efeso 4:15).  Hangarin nating magwagi ang katotohanan para sa ikabubuti ng sambayanan lalo na ng mga kapus-palad. 

Walang puwang para sa sinumang sumasampalataya kay Kristong Daan, Katotohanan, at Buhay ang pagiging usi


Tuesday, April 01, 2014

Throwaway Culture


Sang-ayon sa Catholic Bishops' Conference of the Philippines (CBCP), dinumihan ng magkakambal na pagkagahaman sa kapangyarihan at kayamanan ang ating kultura. Dahil dito kinikilala't hinuhusgahan ng lipunan ang tao sa kung anong mayroon siya. Kung maimpluwensiya, nakaupo sa puwesto, o may salapi ka, mabango ka sa iba kahit na nagkasala ka pa sa bayan. Kung malaos, matalo, o maghirap ka, tiyak aapakan ka na lang ng iba. 

Ganyang-ganyan ang ginawa ng Kanyang mga kababayan kay Jesus. Noong nagpagaling Siya ng mga may-sakit at nagpakain ng libu-libong tao, nagsipagsunuran sa Kanya ang madla. Hindi ba't gagawin pa nila Siyang hari dahil sa mga kababalaghang ginawa Niya? Hindi ba't tinanggap Siyang parang hari nang pumasok Siya sa lungsod ng Jerusalem? Subalit nang wala ng milagro't pagkain, nang ilahad Niya na ang puso ng Kanyang kaharian ay mapagkumbabang paglilingkod, hindi na "Osana sa anak ni David" kundi "Ipako sa krus" ang ibinulalas ng mga Hudyo.

Kung babalikan natin ang Pasyon ni Jesus, hindi lamang ang maraming Hudyo ang nagkaroon ng papel para idiin ang Panginoon.  Alam na alam natin ang pagkahaman sa kayamanan ni Judas. Sa 30 pirasong pilak ipinagkanulo na niya ang kanyang Guro't Kaibigan.  Alam din natin ang pagkahaman sa kapangyarihan ni Poncio Pilato na natakot na maalis sa puwesto kung papanigan niya si Kristo. Nandyan din ang mga punong pari't matatanda ng bayan na ginamit ang kanilang kapangyarihan para linlangin ang madla at magpataw ng di makatarungang parusa sa isang inosenteng tao.

Patuloy na nagaganap ang pagpapakasakit at pagkamatay ni Kristo dahil sa di maaawat na katakawan sa kapangyarihan at kayamanan.  Kung di ito masasawata, magiging isang dambuhalang bakulaw na bubulaga sa atin ang tinatawag ni Pope Francis na throwaway culture.  Sang-ayon sa Banal na Papa, sa ganitong uri ng kultura ang turing sa tao ay isang kasangkapan na lamang. Matapos itong gamitin ay sa basurahan na ang hantungan.

Ito ang aming ipinapanukala:

1. Maging patas tayo sa sinuman.  Bilang mga indibidwal at pamayanan tratuhin natin nang pantay ang ating kapwa tao.  Kadalasan, ang favoritism ay nagsisimula sa tahanan at paaralan.  Mas pinapaboran ng mga magulang o mga guro ang may kakayahang anak o mag-aaral sa iba. Sino ang madalas magkaroon ng papel sa tuwing may palatuntunan sa paaralan? Hindi ba't yung nasa top section o kaya'y anak ng opisyal ng PTA? Huwag nating gawing mas matimbang ang mga mayroon (kayamanan, kapangyarihan, kagandahan, katalinuhan, atbp) sa mga wala. 

2.  Huwag tayong masilaw sa kapangyarihan at kayamanan.  Gaya ng anuman sa mundo, di sila pangmatagalan.  Anong saysay kung magkakapit-tuko tayo sa mga ito? Kung magiging sipsip at sunud-sunuran tayo sa mga nasa puwesto o mayaman? Kung gagawin nating sukatan ito ng tagumpay? Kilalanin natin sila bilang mga biyayang ipinagkatiwala sa atin para sa ikabubuti ng lipunan.  Sa oras ng kamatayan, huhusgahan tayo kung paano natin sila ginamit.

3.  Tularan si Jesus.  Walang kinilingan ang Panginoon.  Bukas Siya sa sinuman.  Sundan natin ang Kanyang di makasariling pamumuhay.  Sa ating pagkamatay sa sarili lalo pa nating maipapakilala sa lahat na tumalab sa atin ang pagliligtas ni Kristo.

Sa ating pagdiriwang ng mga Mahal na Araw, hilingin natin sa Mahabaging Ama na akayin tayong magbigay-pahalaga sa lahat lalo na sa mga itinuturing na patapon ng lipunan, na antigin Niya ang ating puso para muling tipunin ang mga kapatid nating itinapon ng gahamang lipunan.

Thursday, March 06, 2014

Kolektang Walang Lagot


Sang-ayon sa pastoral exhortation ng Catholic Bishops' Conference of the Philippines (CBCP) noong Disyembre sa paglulunsad ng Taon ng Mga Layko, kaugnay ng korupsyon sa gobyerno ang korupsyon sa negosyo't kalakalan. Lumang tugtugin na para sa ilan sa atin ang pangingikil ng ilang kawani ng Bureau of Internal Revenue (BIR), ang di makatotohanang pagpapahayag ng kinikita ng ilang negosyante, ang pagbabayad ng di wastong buwis, at ang paggamit ng buwis na linikom sa mga proyektong kuno.

Paaano nga ba mababago ang bulok na sistemang ito? May pag-asa pa bang mapuksa ang korupsyon?

Minsan winika ni Jesus na ipagkaloob kay Cesar ang nararapat para kay Cesar at ipagkaloob sa Diyos ang nararapat sa Diyos (Mateo 22:21). Sa mga salitang ito ni Jesus - isang ordinaryong mamamayan noong Kanyang kapanahunan, isang layko kagaya ng nakararami sa atin - makakakuha tayo ng lakas at inspirasyong mailagay sa ayos ang ating talamak na bansa.

Ipagkaloob ang nararapat.  Minsan sinabi ng isang pari na ang simpleng "Puwede na yan" na ugali sa ating mga tahanan ay may malaking epekto sa buong bansa.  Kung sa tahanan pa lang natuturuan na ang mga bata ng pagbibigay ng wastong sukli o pagsasabi ng totoo, lalaki silang marunong at may kakayahang ipagkaloob ang nararapat. 

Ipagkaloob ang nararapat.  Indibidwal man o kumpanya, maging makatotohanan tayo sa pagkumpleto ng ating tax return. Magbayad tayo ng wastong buwis.  Madaling sabihin pero mahirap gawin, hindi ba?. Bukod sa pag-aakala nating baka lang ibulsa ang ating pinaghirapang kita, gusto rin nating mambulsa sa ating buwis.  Hindi maitatama ng isang mali ang isa pang mali. Kung ibubulsa ng iba ang ating buwis, konsensya na nila ang uusig sa kanilang kasamaan. Kung may mangungurakot, huwag tayong mag-atubiling rendahan sila sa batas. Huwag tayong maging kasabwat sa kanilang kasamaan.

Ipagkaloob ang nararapat. Alam ni Jesus ang kahinaan nating mga tao.  Alam Niya ang korupsyon ng pamahalaan at ng mga kawani nito.  Gayon pa man, nanawagan Siyang gawin pa rin ang mabuti't nararapat. Ang panawagang ito'y humantong pa sa Kanyang kamatayan sa krus.  Puwedeng-puwede Siyang umurong sa tungkuling ito. Bilang Diyos, alam Niyang may mga taong babalewalain lang ang Kanyang paghihirap at kamatayan.  Ngunit buong kababaang-loob Niyang inialay ang Kanyang sarili dahil, para sa Kanya ito ang mabuti, ito ang nararapat. Sabi nga ni Fr Roy Rodriguez, OP "Pahiyain natin ng kabutihan ang kasamaan".

Isa sa mga naging alagad ni Jesus, si San Mateo, ay dating tagalikom ng buwis.  Noong panahong iyon, kinamumuhian ng mga tao ang mga kulektor ng buwis dahil bukod sa pagiging taksil sa kanilang bayan (nagsisilbi sila sa mga dayuhang Romano) ay nangungurakot pa sila.  Subalit nang tawagin ng Panginoon si Mateo, tinalikdan niya ang masamang pamumuhay na ito. Hindi kaya isa itong mensahe sa mga nasa napapariwarang mga kawani ng BIR at sa mga nakikisama sa kanilang mga maling gawi na may pag-asa pa silang magbago?  

Ngayong panahon ng Kuwaresma, ituon natin lagi ang ating isip at puso kay Kristo.  Isuko natin sa Kanya ang anumang kahinaa't kabulukan natin at ng ating bayan. Muli natin Siyang kilalanin sa pamamagitan ng pagtanggap ng mga sakramento, pagbabasa ng Banal na Kasulatan, at pakikilahok sa lipunan lalo na sa mga nangangailangan. Sa Kanyang kamataya't muling pagkabuhay nilupig Niya ang kasamaan. Kaisa Niya, mapupuksa natin ang korupsyon!





  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP