Powered by Blogger.
Showing posts with label Kuwaresma. Show all posts
Showing posts with label Kuwaresma. Show all posts

Thursday, March 01, 2018

Ang Saysay ng Pagiging Mabuti


Ang kuwento ni Lazaro at ng mayaman sa Ebanghelyo ayon kay San Mateo (23:1-12) ay matalinhaga. Namumuhay nang mariwasa ang mayaman: may magagarang pananamit at masaganang handa.  Sa kabilang banda naman, kaawaawa ang sitwasyon ni Lazaro. Tila walang tahanan maliban sa may tarangkahan ng bahay ng mayaman at umaasang makatikim man lang ng mumo na nahuhulog mula sa dulang ng mayaman. Nang kapwa sila mamatay, nabaligtad ang kanilang kalagayan. Kung si Lazaro ay nasa kaluwalhatian sa piling ni Abraham, sa impiyerno naman napunta ang mayaman.

Kung susuriin natin ang kuwento, walang nabanggit na kasamaan ang mayaman. Namuhay lang siya sang-ayon sa kanyang kakayahan. Subalit, hindi sa anumang ginawa niya sa daigdig siya hinatulang mapunta sa impiyerno. Napunta siya doon dahil sa kanyang pagkukulang. Pagkukulang na tulungan si Lazaro noong nangangailangan ito ng lunas sa kanyang mga sugat, noong nangangailangan ito ng kaginhawahan.  Mabuti pa ang mga aso dahil binigyang-lunas nila si Lazaro nang dilaan nila ang kanyang mga sugat.

Sa panahon ng Kuwaresma, nag-uukol tayo ng panahon para suriin ang ating mga sarili, para ikumpisal ang ating mga kasalanan. Kadalasan, nakatuon lang tayo sa mga nagawa nating mali: nagmura tayo, siniraan natin ating kaibigan, binastos natin ang ating mga magulang, pinagnasaan natin ang ating katrabaho, atbp.  Oo, kailangan nating pagsisihan at ikumpisal ito.  Ngunit, dapat din nating suriin ang ating mga sarili sa mga pagkakataong wala tayong ginawa. Kung babalikan natin ang Ebanghelyo, tumulad ba tayo sa mayaman na hindi kumilos para tulungan ang maralita? Hindi ba natin ipinagtanggol ang isang kaibigang sinisiraan ng iba? Nagkibit-balikat na lang ba tayo sa maling pag-uugali ng isang katrabaho, kapit-bahay, o kamag-anak? Nagbibingibingihan na lang ba tayo sa mga daing ng ating kapwa? Nagbubulagbulagan na lang ba tayo sa mga kasamaang nangyayari sa lipunan?

May kasabihang kaya raw namamayagpag ang kasamaan dahil walang ginagawa ang mga mabubuti.  Ano pa ang saysay ng pagiging mabuti kung wala namang pagkilos? Ngayong Kuwaresma, paigtingin pa natin ang ating pakikisangkot upang lumaya ang mga mahihirap sa kanilang abang kalagayan. Hindi natin magagawa ito nang nag-iisa. Subalit kung magtutulungan tayo, kung makikipag-ugnayan tayo sa Simbahan at iba pang samahang kapareho natin ng adhikain, makakamit natin ang ating inaasam para sa iba. Makiisa tayo sa nakaliligtas na misyon ni Kristo!

Wednesday, February 14, 2018

Ang Pinakamahalagang Sangkap


Dumako na naman tayo sa panahon ng Kuwaresma, ang apatnapung araw ng paghahanda sa dakilang kapistahan ng Muling Pagkabuhay ng Panginoon. Hitik ang panahong ito sa panalangin, pag-aayuno, at pagbibigay-limos. 

Sa kanyang pagninilay ngayong Miyerkules ng Abo, sinabi ni Fr Anthony Giambrone, OP, na pinupuntirya ng panalangin, pag-aayuno, at pagbibigay-limos ang mga patibong ng dimonyo: ang kayabangan sa buhay, ang kalibugan ng katawan, at ang pagnanasa ng mga mata. Sinabi niya ang sa pamamagitan ng panalangin, nagpapakumbaba tayo sa harap ng Panginoon. Sa ating pag-aayuno, dinidisiplina natin ang anumang gana ng ating katawan. Sa ating pagbibigay-limos, nagiging malaya tayo sa anumang makasariling pagnanasa.

Madalas, puno ng dasal at pag-aayuno ang ating mga Kuwaresma. Nakakaligtaan na nating magkawanggawa. Sang-ayon kay Fr Giambrone, ang pagkakawanggawa ang pinakamahalagang sangkap sa Kuwaresma. Kung mananalangin lamang tayo, hindi tayo makakatiyak na mapapawi nito ang ating mga sala. "Kapag manalangin kayo, hindi ko kayo papansinin. Kahit paulit-ulit pa kayong manalangin hindi ko kayo pakikinggan dahil marami kayong pinatay na tao." (Isaias 1:15). Hindi rin sapat ang pag-aayuno. Matatandaang nag-ayuno si Haring David sa loob ng pitong araw bilang pagsisisi sa kanyang pagkakasala sa Diyos, subalit hindi siya pinakinggan ng Panginoon (2 Samuel 12:13-23). Sa pagkakawanggawa, binibigyang-buhay nito ang ating mga pagkilos, pagkilos na puspos ng pag-ibig. Sinabi ni Jesus na kung kakaawaan natin ang mga dukha at tutulungan sila sa kanilang mga pangangailangan, magiging malinis tayo (cf. Lukas 11:41). 

Tuwing Kuwaresma, tinatawag tayong magbalik-loob sa Panginoon. Bakit nga ba tayo kailangang magbalik-loob? Dahil nagkasala tayo. Naging marumi tayo sa ating mga kasalanan. At dahil naging marumi tayo, kailangan nating maging malinis. Hindi sapat ang dasal at ayuno. Kailangan natin ang pag-ibig. Sa taong ito, nagkasabay ang unang araw ng Kuwaresma at ang Araw ng mga puso. Hindi kaya isang panawagan ito upang umibig tayo kagaya ng Diyos na nagkatawang-tao na nag-alay ng Kanyang sarili para luminis tayong muli?

Friday, February 12, 2016

Masayang Daan



Kadalasan, inilalarawan natin ang Kuwaresma bilang isang negatibo at malungkot na panahon. Kilala kasi ang Kuwaresma bilang panahon ng paggawa ng higit sa nakasanayan na nating gawin, sa larangan ng panalangin, pag-aayuno, at pagbibigay-limos. 
  
Sa alituntunin ni San Benito, inutusan niya ang mga monghe sa kanyang orden na higitan pa ang kanilang pangkaraniwang paglilingkod tuwing Kuwaresma at gawin ito nang may masayang pananabik sa Pasko ng Muling Pagkabuhay.

Sa aming palagay, maaari ding gawing gabay ng iba pang Katoliko ang alituntuning ito dahil lahat naman tayo ay nakikiisa sa pagdiriwang ng Kuwaresma. 

Kung nakagisnan na nating bigyan ng malungkot na kulay ang Kuwaresma, pagkakataon na natin ngayong baguhin ito.  Punuin natin ng saya ang ating mga panata. Lakipan natin ng matamis na ngiti ang anumang sakripisyo.  Hangga't maaari, iwasan natin ang umangal kapag may humihingi sa atin ng tulong. Hindi ba't binalaan ni Jesus ang Kanyang mga alagad na huwag tularan ang mga nakasambakol na mukha ng mga pariseo (Mateo 6:1-6, 16-18)?

Mahalaga ding pagnilayan natin ang awa ng Diyos, lalo na at ipinagdiriwang din natin ang Hubileyo ng Awa ngayong 2016. Isa ring dahilan kung bakit nagiging negatibo ang Kuwaresma ay dahil inaakala nating kailangan nating gumawa ng mas maraming dasal, sakripisyo, at kawang-gawa. Sa sobra nating pagbibigay-pansin dito, nakaligtaan na nating kailangan din pala nating tanggapin ang awa ng Diyos - sa mga sakramento, sa ating pamilya, sa ating lipunan. Higit sana nating buksan ang ating puso sa Banal na Awa!

Ang Kuwaresma ay hindi malungkot na hangganan kundi masayang daan patungo sa isang dakilang kapistahan. 
 
 
 
 

Thursday, March 06, 2014

Kolektang Walang Lagot


Sang-ayon sa pastoral exhortation ng Catholic Bishops' Conference of the Philippines (CBCP) noong Disyembre sa paglulunsad ng Taon ng Mga Layko, kaugnay ng korupsyon sa gobyerno ang korupsyon sa negosyo't kalakalan. Lumang tugtugin na para sa ilan sa atin ang pangingikil ng ilang kawani ng Bureau of Internal Revenue (BIR), ang di makatotohanang pagpapahayag ng kinikita ng ilang negosyante, ang pagbabayad ng di wastong buwis, at ang paggamit ng buwis na linikom sa mga proyektong kuno.

Paaano nga ba mababago ang bulok na sistemang ito? May pag-asa pa bang mapuksa ang korupsyon?

Minsan winika ni Jesus na ipagkaloob kay Cesar ang nararapat para kay Cesar at ipagkaloob sa Diyos ang nararapat sa Diyos (Mateo 22:21). Sa mga salitang ito ni Jesus - isang ordinaryong mamamayan noong Kanyang kapanahunan, isang layko kagaya ng nakararami sa atin - makakakuha tayo ng lakas at inspirasyong mailagay sa ayos ang ating talamak na bansa.

Ipagkaloob ang nararapat.  Minsan sinabi ng isang pari na ang simpleng "Puwede na yan" na ugali sa ating mga tahanan ay may malaking epekto sa buong bansa.  Kung sa tahanan pa lang natuturuan na ang mga bata ng pagbibigay ng wastong sukli o pagsasabi ng totoo, lalaki silang marunong at may kakayahang ipagkaloob ang nararapat. 

Ipagkaloob ang nararapat.  Indibidwal man o kumpanya, maging makatotohanan tayo sa pagkumpleto ng ating tax return. Magbayad tayo ng wastong buwis.  Madaling sabihin pero mahirap gawin, hindi ba?. Bukod sa pag-aakala nating baka lang ibulsa ang ating pinaghirapang kita, gusto rin nating mambulsa sa ating buwis.  Hindi maitatama ng isang mali ang isa pang mali. Kung ibubulsa ng iba ang ating buwis, konsensya na nila ang uusig sa kanilang kasamaan. Kung may mangungurakot, huwag tayong mag-atubiling rendahan sila sa batas. Huwag tayong maging kasabwat sa kanilang kasamaan.

Ipagkaloob ang nararapat. Alam ni Jesus ang kahinaan nating mga tao.  Alam Niya ang korupsyon ng pamahalaan at ng mga kawani nito.  Gayon pa man, nanawagan Siyang gawin pa rin ang mabuti't nararapat. Ang panawagang ito'y humantong pa sa Kanyang kamatayan sa krus.  Puwedeng-puwede Siyang umurong sa tungkuling ito. Bilang Diyos, alam Niyang may mga taong babalewalain lang ang Kanyang paghihirap at kamatayan.  Ngunit buong kababaang-loob Niyang inialay ang Kanyang sarili dahil, para sa Kanya ito ang mabuti, ito ang nararapat. Sabi nga ni Fr Roy Rodriguez, OP "Pahiyain natin ng kabutihan ang kasamaan".

Isa sa mga naging alagad ni Jesus, si San Mateo, ay dating tagalikom ng buwis.  Noong panahong iyon, kinamumuhian ng mga tao ang mga kulektor ng buwis dahil bukod sa pagiging taksil sa kanilang bayan (nagsisilbi sila sa mga dayuhang Romano) ay nangungurakot pa sila.  Subalit nang tawagin ng Panginoon si Mateo, tinalikdan niya ang masamang pamumuhay na ito. Hindi kaya isa itong mensahe sa mga nasa napapariwarang mga kawani ng BIR at sa mga nakikisama sa kanilang mga maling gawi na may pag-asa pa silang magbago?  

Ngayong panahon ng Kuwaresma, ituon natin lagi ang ating isip at puso kay Kristo.  Isuko natin sa Kanya ang anumang kahinaa't kabulukan natin at ng ating bayan. Muli natin Siyang kilalanin sa pamamagitan ng pagtanggap ng mga sakramento, pagbabasa ng Banal na Kasulatan, at pakikilahok sa lipunan lalo na sa mga nangangailangan. Sa Kanyang kamataya't muling pagkabuhay nilupig Niya ang kasamaan. Kaisa Niya, mapupuksa natin ang korupsyon!





Sunday, April 01, 2012

Pangmatagalang Tulong


Magkaakibat ang kahirapan at kawalan ng makakain. Kapag kapos ang iyong pananalapi, tiyak na maisasa-isang tabi mo pati ang mga ordinaryong pangangailangan gaya ng pagkain at edukasyon. At kung kapos ka rin naman sa masusustansyang pagkain, magiging balakid ito sa iyong paghahanap-buhay o pag-aaral nang maigi.

Bagama’t magandang halimbawa ng kawanggawa ang pagpapamudmod ng bigas, asukal, de latang karne, atbp. o kaya’y ang pagpapakain sa mga mahihirap, mananatili pa ring problema ang kahirapan at kawalan ng makakain. Matapos na maubos ang bigas at de lata, matapos mabusog ang mga pinakain, babalik silang muli para pumila sa mga nagkakawanggawa.

Mayroong dalawang grupo na may kakaibang istilo ng pagtulong sa mga mahihirap. Sa mga bansang gaya ng Zambia (Africa), kung saan walang malinis at ligtas na tubig, isang bata ang namamatay bawat 20 segundo. Para matugunan ang ganitong suliranin, nangangalap ng pondo ang Catholic Overseas Development Agency(CAFOD), ang opisyal na Catholic aid agency sa England at Wales.

Bukod sa pagkakaroon ng malinis na tubig, hangarin din ng grupong ito ang mabigyan ng karampatang edukasyon at pangangalagang pangkalusugan ang mga mamamayan ng umuunlad na bansa. Tinutulungan din nila ang mga kabalikat nilang grupo sa mga bansang ito na magbalangkas ng mga epektibong programa at serbisyo sa kanilang pamayanan. Gumagawa rin sila ng mga hakbang para siguruhing ipinapatupad ng mga pribadong sektor ang mga makatarungang sistema sa trabaho. Ikinakampanya rin nila sa gobyerno ng UK at sa European Union ang mga programang makakatulong sa mga umuunlad na bansa.

Kahanga-hanga ang naging proyekto nilang ‘Give it Up’ ngayong Kuwaresma kung saan hinikayat nilang magsakripsiyo ang mga tao tulad ng pag-aayuno, pag-iwas sa mga masasarap na inumin, atbp. Anumang makolektang pera sa ganitong mga sakripisyo’y ibibigay sa pagkakaroon ng malinis na tubig.

Sa sarili nating bayan, kilala ang Preda Foundation sa kanilang pagtanggol sa mga kabataan laban sa pang-aabuso, di makatarungang pagkakulong, at eksploytasyon. Subalit abala din sila sa pagtulong sa mga Aeta ng Zambales (kung saan nakabase ang Preda) sa pamamagitan ng pagkakaloob sa kanila ng hanap-buhay. Binibili ng Preda sa presyong makatuwiran ang mga manggang inaani ng mga Aeta sa kagubatan. Inaangkat ito sa mga Fair Trade shops sa Europa.

Kung nag-iisip ka pa ng kakaibang pagtulong sa mahirap, bakit di ka makilahok sa mga grupong gaya ng CAFOD, Preda, o anumang charitable institution na ang pagtulong ay di ‘dole-out’ kundi pangmatagalan?

Wednesday, March 07, 2012

Ang Nararapat Nilang Kalagyan


Puno ng mga makulay na kuwento ang mga Ebanghelyong mababasa ngayong Kuwaresma, lalo na sa mga huling linggo nito. Hindi kumpleto ang Kuwaresma kung wala ang mga istorya gaya ng babaeng nahuling nangangalunya (Juan 8:3-11); babaeng Samaritana (Juan 4:4-26), pagbuhay kay Lazaro (Juan 11:1-45), pakikipagkita ni Jesus sa mga babaeng taga-Jerusalem (Lukas 23:27-28), at ang pagpapaubaya ni Jesus ng Kanyang ina kay Juan (Juan 19:26-27).

Sa mga istoryang ito, makikita natin kung paano nakitungo si Jesus sa mga kababaihan. Isang pakikitungong puno ng pagmamahal, paggalang, pagmamalasakit, at pagpapahalaga. Kung susuriin natin ang mga Ebanghelyo, bagama’t madalas na mga kalalakihan ang kasakasama ni Jesus, matutunghayan ang papel na ginampanan ng ilang kababaihan sa kanilang grupo.

Sa mga lipuna’t kulturang tumuturing sa mga kababaihan bilang ‘second class citizen’, sa mga taong ang tingin sa mga babae’y ‘para sa bahay lamang’, nagsisilbing isang matinding hamon ang magandang pagtrato sa kanila ni Jesus. Isang hamon na nagbibigay-daan sa pagbabago ng kaisipan hinggil sa pantay na karapatan sa pagitan ng kalalakiha’t kababaihan.

Sa ngayon, kitang-kita natin ang kababaihan sa iba’t ibang larangan ng lipunan: edukasyon, pulitika, pagnenegosyo, medisina, agham at teknolohiya, pakikipagtalastasan, batas, atbp. At kahit ang Simbahang Katolika na pawang pinamumunuan ng mga kalalakihan ay mayroong espesyal na debosyon sa Birheng Maria. Kapansin-pansin din ang malusog na paglahok ng mga babae sa sari-sari nitong ministeryo.

Marami pang posibleng gawin upang lalo pang makilala’t mapahalagahan ang papel na ginagampanan ng kababaihan sa ating paligid. Sa pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng Kababaihan ngayong ika-8 ng Marso, sikapin nating tularan si Jesus sa Kanyang pakikipag-ugnayan sa kababaihan. Gamitin natin ang Kanyang aral para makalaya sila sa mga mali’t di makatarungang istruktura’t pananaw. Ipalaganap natin ang Kanyang aral para maging bukas ang mga sektor at kulturang salungat sa patas na karapatang pantao ng magkaibang kasarian.

Ibigay natin sa kababaihan ang nararapat nilang lugar sa lipunan.

Monday, April 04, 2011

Magtiwala Ka!


Habang papalapit nang papalapit ang Pasko ng Muling Pagkabuhay ni Jesus, matutunghayan natin sa mga Ebanghelyong binabasa sa Misa tuwing Linggo ang naging paglalakbay ng Panginoon patungo sa Kanyang malagim na wakas sa Kalbaryo.

Makukulay ang bawat istoryang ating maririnig sa bawat Linggo ng Kuwaresma: ang pag-aayuno ni Jesus sa disyerto at ang panunukso sa Kanya ng dimonyo (Unang Linggo), ang pagbabagong-anyo Niya sa bundok ng Tabor (Ikalawang Linggo), ang pakikipag-usap Niya sa babaeng Samaritana (Ikatlong Linggo), ang pagpapagaling Niya sa bulag (Ika-apat na Linggo), ang pagkabuhay na mag-uli ni Lazaro (Ikalimang Linggo), at ang pagpapakasakit at pagkamatay Niya sa krus (Ika-anim na Linggo).

Kalakip ng bawat istorya ang pakikipagtunggali ni Jesus sa Kanyang mga kalaban: ang dimonyo at ang mga pang-aakit nito (Unang Linggo), ang pag-iwas sa pagpapakasakit (Ikalawang Linggo), ang pagdepende sa sariling pagsisikap lamang (Ikatlong Linggo), ang kamatayan (Ikalimang Linggo), at ang kasalanan (Ika-anim na Linggo).

Sa mata nating mga tao, tila mahirap puksain ang mga kalabang ito. Madalas tayong naakit sa galaw ng mundo. Maraming pagkakataon na ayaw nating harapin ang responsibilidad gayong tayo rin ang may kagagawan nito. Masyado nating dinidibdib ang anumang gawain na nakalimutan na nating pahalagahan ang iba, pati na ang Diyos. At ang pinakagrabe sa lahat, atubili tayong patayin ang anumang mali sa atin.

Subalit nawala sa isip nating isa ring tao si Jesus gaya natin! Naransan Niya kung paano maging tao, kung paano humarap sa mga kalabang nabanggit. Sa pagharap ng Panginoon sa lahat ng ito, iisa lang ang Kanyang sandata: pagtitiwala sa Diyos.

Sinasabing ang ugat ng pagkakasala ay ang kawalan ng tiwala sa Diyos. Kinain nina Eba’t Adan ang pinagbabawal na bunga dahil nawalan sila ng tiwala sa Diyos. Dahil diyan sila’y nagkasala sa Kanya. Pinalo ng dalawang ulit ni Moises ang bato sa ilang kung saan dumaloy ang tubig para sa mga Israelita. Gayon pa man, sa mata ng Diyos siya’y nagkasala dahil isang palo lang ang iniutos sa kanyang gawin. Ang pagpalo ng dalawa’y pakilala na nagduda si Moises!

Ganito rin ang masasabi natin sa ating mga sarili. Nangungurakot tayo dahil wala tayong tiwala sa Diyos na nagsasabi sa ating wala sa yaman ang tunay na ligaya. Nakikiapid tayo dahil duda tayo sa Kanyang aral na ang pag-ibig ay matiyaga at di kailanman kakampi sa mali. Nagpapasasa tayo sa pagkain, inumin, droga, seks, o anumang bisyo kasi di tayo nananalig na sa Kanyang salita matatamo natin ang totoong halaga ng buhay.

Laging itinuturo sa atin ng Simbahan na ang Diyos ay di marunong manloko o maloloko. Pinatunayan yan ni Jesus kung kaya’t makalipas ang anim na Linggo ng Kuwaresma, makalipas ang anim na makabuluhang istorya sa Banal na Ebanghelyo, matutunghayan natin ang tagumpay ni Kristong Muling Nabuhay. Isang tagumpay na Kanyang ibabahagi sa sinumang marunong magtiwala sa Kanya.

Jesus, nagtitiwala ako sa Iyo!

Monday, March 01, 2010

Huwag Maduwag

Responsibilidad ng mga obispo na pangasiwaan at pangalagaan ang lokal na Simbahan kung kaya’t di tumpak na akusahin sila na nakikialam sa gobyerno sa bawat pastoral letter na kanilang ipalathala. Bilang mga pastol, mainam na marinig ang kanilang tinig upang ang sambayanan ay huwag maligaw. Anumang uri ng pananahimik ng mga obispo sa gitna ng pang-aapi, kaguluhan, o anumang pangyayari o kilos na magdudulot ng pagkaligaw ng kawan ay tanda ng pagtalikod sa kanilang tungkulin.

Ang ganitong uri ng pananahimik ay nasaksihan na ng mga kapatid nating Katoliko sa Ireland, isang kilalang Katolikong bansa. Mula noong dekada 90, lumitaw ang maraming kaso ng pang-aabusong sekswal na kinasasangkutan ng mga paring taga-Ireland. Ang pang-aabusong ito ay naganap ilang dekada pa ang nakakalipas. At sa maraming kasong ito, ang mga paring sangkot ay inililipat sa ibang parokya para iwasan ang kahihiyan at iskandalo.

Nakakalungkot isiping mas pinahalagahan pa ng mga obispo sa Ireland noong panahong iyon ang imahe ng institusyon (ang Simbahan) kaysa ang kapakapanan ng mga mananampalataya lalo na ang mga naging biktima ng mga pang-aabuso – mga paslit at kabataang ulila, pulubi, o may kapansanang nakatira sa mga charitable institutions na pinamamahalaan ng Simbahan.

Sa kasalukuyan, gumagawa ng mga hakbang ang mga obispo ng nasabing bansa para ilagay sa tama ang mga maling hinayaang mangyari noon. Tunay na nakasira sa reputasyon ng Simbahan ang mga kasong ito, subalit tama lamang na harapin ito ng mga obispo upang masimulan na ang paghilom ang mga sugat na idinulot ng malagim na kabanatang ito sa mga biktima.

Nakikiisa kami sa paghihirap ng mga biktima sa kamay ng mga pari’t obispong dapat sana’y gumabay sa kanila. Hindi na dapat pang mangyari ito sa Ireland at sa anumang bahagi ng mundo.

Ngayong Marso, ating alalahanin ang lahat ng mga obispo sa ating panalangin at mabubuting gawa. Patuloy nawa silang pasiglahin ng Banal na Espiritu upang lalo nilang makilala na higit sa mga pamagat o posisyon sa Simbahan, sila’y mga pastol. Sa panahong ito ng Kuwaresma, matandaan nawa nila na si Jesus, ang Mabuting Pastol, ay hindi naduwag sa anumang laban. Kahit buhay pa Niya ang maging kapalit nito.

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP