Powered by Blogger.
Showing posts with label katarungan. Show all posts
Showing posts with label katarungan. Show all posts

Thursday, December 13, 2018

Bagong Juan Bautista



Kapansin-pansin sa Ebanghelyo ng Ikalawang Linggo ng Adbiyento ang pagbanggit ni San Lukas sa ilang kilalang personalidad noong panahong iyon: Tiberio Cesar, Poncio Pilato, Herodes, Felipe, Lysanias, Annas, at Caipas. Subalit hindi sa kanila nakatuon ang istorya. Ito'y nakatuon kay Juan Bautista. 

Walang palasyo si Juan Bautista. Sa ilang na pook lamang siya nanahan. Payak lamang ang kanyang pagkain: tipaklong at pulutpukyutan. Yari sa buhok ng kamelyo ang kasuotan niya. Subalit, espesyal si Juan Bautista dahil tanging sa kanya - at hindi sa emperador, gobernador, hari, o punong saserdote - dumating at nanahan ang salita ng Diyos.

Nakakabahala at nakakalungkot ang mga pahayag at pangyayari sa ating bansa ngayon. Sa ilang talumpati ni Pangulong Duterte, sinamantala niyang batikusin at akusahan ang mga obispo. Pangunahin na rito si Bishop Pablo David ng Kalookan. Hinikiyat rin diumano ng Pangulo na magtayo na lamang ng kapilya ang mga mamayan para doon na lang sila manalangin at huwag nang mag-abuloy sa mga namumuno sa Simbahan.

Samantala, bumabalik sa sirkulasyon ang mga personalidad na hindi kalaunan ay nasangkot sa pangungurakot. Naaabsuwelto ang mga kawatan. Itinatanghal na bayani ang yumurak sa dangal ng mamamayan. Namamayagpag na naman ang korupsyon. Nakapagtataka ang katahimikan ng Pangulo sa mga kaganapang ito. Wala ba siyang alam o may basbas siya dito?

Sa gitna ng mga usaping ito, nasaan ang salita ng Diyos?  Sa mga bagong Tiberio, Pilato, o Herodes ng ating panahon ba? Kung nasa kanila ito, wala sigurong magbibitiw ng walang basehang akusasyon sa sinuman. Wala sigurong mangungunsinti sa mga kawatan. 

Kailangan natin ng mga bagong Juan Bautista. Kailangan natin ng mga taong bukas sa salita ng Diyos. Kailangan natin ng mga taong magpapahayag at magpapatotoo sa salita ng Diyos. 

Kung may maganda tayong maipamamasko sa ating mga sarili, pamilya, at bayan, ito ay walang iba kundi isang pusong tatanggap at palalaguin ang salita ng Diyos. Kung ganito ang mga puso natin, magiging matatag tayo sa anumang pagsubok. Ang ating pagkatao ay hindi madaling maimpluwensiyahan ng mga baluktot na gawi, fake news, at kabikabilang pag-uusig. 

Kailangan natin ng mga bagong Juan Bautista upang ihanda ang daraanan ng Salitang-Nagkatawang-tao, ang Maluwalhating Panginoong maggagawad ng tunay na katarungan sa lahat.

Ikaw ba ito, kapatid?






Thursday, August 02, 2018

Tuldukan na ang Endo!

(Larawan ng isang babaeng biktima ng karahasan sa welga sa NutriAsia; Anakbayan/UST)

Nakatawag-pansin ang naganap na karahasan laban sa mga nagwewelgang manggagawa ng NutriAsia, kilalang tagagawa ng mga produktong gaya ng Datu Puti, Silver Swan, Mang Tomas, atbp. Tatlumpung tao, kagaya ng babaeng nasa litrato, ang nasaktan. Bukod dito, dalawampung tao ang inaresto.

Noon pang Hunyo nagsimula ang welga bunsod ng kontraktwalisasyon na ipinaiiral diumano ng NutriAsia. Sa kontraktwalisasyon (mas kilala sa tawag na end of contract o endo), hindi tiyak kung hanggang kailan ang termino ng manggagawa. Kadalasan tumatagal lamang ito ng anim na buwan na walang katiyakan kung ito ay babaguhin pa.  Sang-ayon kay Cristina Palabay ng samahang Karapatan, itinatanggi sa mga manggagawang nasa ilalim ng kontraktwalisasyon na magkaroon ng ugnayan sa kanilang amo. Bukod dito, ipinagwawalang-bahala rin ng nasabing sistema ang karapatan ng mga manggagawa.

Maaalalang naging pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte na ibabasura niya ang maling kalakarang ito, noong nangangampanya pa siya. Nabuhayan ng loob ang mga manggagawa sa kanyang salita at lalo pang umigting ang kanilang pag-asa nang maluklok siya sa puwesto. 

Noong Marso 2017, nilagdaan ni Kalihim Silvestre Bello III ng Department of Labor ang Department Order 174 (DO 174). Sang-ayon sa kautusang ito, tanging mga manpower agencies, at hindi ang mga nagmamay-ari ng mga kumpanya, ang inuutusang gawing regular ang kanilang mga manggagawa. Umalma ang mga samahang manggagawa sa nasabing kautusan dahil hindi ito ang ipinangako ni Duterte sa taumbayan. Dahilan ni Bello, tanging Kongreso ang may kapangyarihang baguhin ang batas. 

Ika-27 ng Abril 2017, nagsanib-puwersa ang Kilusang Mayo Uno at Trade Union Congress of the Philippines para gumawa ng burador na executive order para sa Pangulo na magsisilbing alternatibo sa DO 174.

Ika-1 ng Mayo 2017, nangako ang Pangulo na lalagdaan ang isang executive order upang wakasan na ang endo. Sinasabing lalagdaan diumano ng Pangulo noong ika-15 ng Marso ng taong kasalukuyan ang kautusan. Subalit, hanggang ngayon ay wala pa ring kautusang nanggagaling sa Palasyo. 

Ilang karahasan pa kaya ang magaganap bago maalala ng Pangulo ang kanyang pangako? Ilan pang mamamayan ang magbibilang ng poste sa oras na mapaso na ang kanilang kontrata? Ilan pang pamilya ang magugutom dahil sa kawalan ng katiyakan sa trabaho. 

G. Pangulo, may mga obligasyong pinansyal din po ang mga manggagawa. May mga pamilyang binubuhay. May mga pangarap na nais matupad. Huwag naman sanang mauwi sa limot ang inyong binitiwang-salita sa kanila.

Friday, September 08, 2017

Ibalik ang Hindi Inyo



Ipinahayag kamakailan ni Pangulong Rodrigo Duterte na handang isauli ng pamilya Marcos ang bahagi ng kanilang yaman para diumano tulungan ang pamahalaang harapin ang kakulangan sa badyet. Mapapansin na hindi ginamit ng Pangulo ang salitang ill-gotten wealth para ilarawan ang yamang alok ng pamilya ng nasirang diktador.

Kasuklam-suklam na marinig na ang dahilan kung bakit itinago diumano ni Ferdinand Marcos ang yaman ng bansa ay para protektahan ang ekonomiya. Sino kayang may matinong pag-iisip ang maniniwala sa rasong ito? Habang papalubog ang ekonomiya ng bansa, namuhay nang maluho ang kanyang pamilya. Saan nila kinuha ang pera? 

Sang-ayon kay Fr Armando Picardal, CSsR, isang paring naging biktima noong panahon ng batas militar, ang alok ng mga Marcos ay malinaw na pag-amin na ninakawan nila ang bansa at dapat nila itong isauli nang buo at walang kapalit. 

Mahalagang ang Pangulo at ang sinumang pagkakatiwalaan niyang makipag-ugnayan sa mga Marcos ay maging marunong at maingat sa alok na ito. Nakakabahala na ang mga Marcos na dating isinuka ng bansa ay unti-unting bumabalik sa kapangyarihang inabuso nila. Sariwa pa sa aming alaala ang hindi angkop na pagpapalibing sa labi ng yumaong Marcos sa Libingan ng mga Bayani. Ano pa ang susunod? Iurong ang mga kasong isinampa ng pamahalaan laban sa kanila?

Totoong kailangang may sapat na salapi ang pamahalaan para manatili itong naglilingkod sa bayan, lalo na sa mga mahihirap at nangangailangan. Malaking problema kung may kakulangan sa badyet. Matatandaang 40% ng taunang badyet ay ipinambabayad sa inutang ni Marcos sa World Bank-International Monetary Fund (WB-IMF) noong siya ay nanunungkulan. Tinatayang hanggang 2025, may utang ang bawat Pilipino na dapat bayaran sa WB-IMF. 

Sa matinding pangangailangan ng kasalukuyang administrasyon, huwag sana nilang pairalin ang utang na loob - hindi lingid sa atin na may tinatanaw na utang na loob si Duterte kay Imee Marcos, isa sa kanyang campaign donors. Huwag sana silang magkasya sa bahagi lang ng nakaw na yaman. Higit sa lahat, huwag sanang silang kumapit sa patalim.




Tuesday, August 22, 2017

Bajo la Campana



Noong panahon ng mga Kastila, sang-ayon sa istoryador na si Ambeth Ocampo, naging mabisang kasangkapan ang mga kampana ng simbahan upang anyayahan ang mga mamamayan na manalangin, ipahayag ang mahahalagang okasyon gaya ng binyag, kasal, o kamatayan, at magbabala kung may mga panganib gaya ng sunog o pagsalakay ng mga pirata.  Ganoon kabisa ang mga kampana kung kaya tinagurian ang mga sinaunang Pilipino na naninirahan bajo la campana (sa ilalim ng kampana). Sa makabagong panahon, lalo na sa mga lungsod, hindi na masyadong ginagamit ang mga kampana maliban sa mga relihiyosong gawain.  

Noong Linggo, iniutos ni Archbishop Socrates Villegas na patugtugin "ang lahat ng kampana sa lahat ng simbahan (sa Arkidiyosesis ng Lingayen-Dagupan)...simula alas otso ng gabi sa loob ng kinse minutos nang tuloy tuloy." mula ika-22 ng Agosto hanggang ika-27 ng Nobyembre ng taong kasalukuyan.

Bunsod ito ng pagkadismaya ni Villegas sa kaguluhang nagaganap sa bansa sa gitna ng kabikabilang pagpatay na ipinapatupad ng pamahalaan bilang bahagi ng laban nito sa droga. Idinaing rin ng butihing arsobispo ang kawalan ng simpatiya ng taumbayan sa mga biktima ng extrajudicial killings (EJKs): "Bakit kakarampot na lamang ang kababayang naaawa sa mga ulila? Hindi na ba tayo marunong umiyak? Bakit hindi na tayo nasisindak sa tunog ng baril at agos ng dugo sa bangketa?" 

At dahil wala na ngang simpatiya ay sinisisi pa ng mga sumasang-ayon sa EJKs ang mga biktima. Sang-ayon kay Villegas: "Ang gulo ng bayan! Ang opisyal na pumatay ay may parangal. Ang pinatay ay sinisisi. Hindi na makapagpaliwanag ang mga bangkay sa bintang sa kanila 'Nanlaban kasi.' Hindi na nila masabi 'Nagmakaawa po ako hindi ako lumaban!'" 

Ano ang layon ng pagbagting ng mga kampana? "Ang bagting ng kampana ay tawag ng paggising sa bayang hindi na marunong makiramay sa ulila, nakalimutan ng makiramay at duwag na magalit sa kasamaan. Ang tunog ng kampana ay tawag na ihinto ang pagsangayon sa patayan!" 

Puno ng emosyon ang lihamm ni Villegas. Samantala, naglabas ng hiwalay na liham si Cardinal Luis Antonio Tagle kung saan nag-alay siya ng mas malalim at mga kongkretong hakbang tungkol sa isyu ng bawal na droga. Una, nanawagan si Tagle na magkaroon ng diyalogo ang sari-saring bahagi ng lipunantungo sa pagbabalangkas ng karaniwang landas kung paano malulutas ang problema sa bawal na droga. Sang-ayon kami kay Tagle na hindi dapat na ituring na isyung politikal o kriminal lamang ang problemang ito dahil apektado tayong lahat nito. Ang alok ni Tagle na magsilbing tagapag-ugnay ang Arkidiyosesis ng Maynila sa pag-uusap na ito ay dapat suportahan.

Pangalawa, iminungkahi ng kardenal na pakinggan natin ang kuwento ng mga naapektuhan ng bawal na gamot.  Ang paanyayang makipag-ugnayan ang mga kinauukulan sa kanilang mga kura-paroko, gayon din ang pagkatok sa puso ng mga gumagawa at nagbebenta ng mga bawal na gamot pati na rin sa mga pumapatay ng mga inosenteng mamamayan ay tanda ng pag-aaruga ng Simbahan sa kanyang mga anak. 

Pangatlo, ang paglupig sa kasamaan sa pamamagitan ng kabutihan (Taga-Roma 12:21). Kinilala ni Tagle ang mga kabataan, mahihirap, at walang hanap-buhay bilang mga madaling maaapektuhan ng pagkalulong sa bawal na gamot.  Kung kaya hinikayat niyang isulong ng mga parokya at bikaryato ang Sanlakbay, ang drug rehabilitation program ng arkidiyosesis.

Sa ating editoryal noong isang linggo, sinabi natin na ang pusong Pinoy ay pusong "may Diyos na kinatatakutan, may kapwang pinagmamalasakitan".  Sa gitna ng masalimuot na isyu ng bawal na gamot sa ating bansa, masasabi ba nating ganito ang ating puso? Ang ating pagtugon sa pagbagting ng kampana at ang ating malawak at malalim na pagninilay sa isyu ng bawal na gamot ang magiging sukatan nito.


Wednesday, June 07, 2017

Isang Paggising

https://www.youtube.com/watch?v=u1PMdNwFH50
Lumabas kamakailan sa social media ang isang video kung paano nilapastangan ng Maute group ang Katedral ng Marawi. Nakakasakit ng loob at nakakagalit na mapagmasdan ang ginawa ng iilang kababayan natin sa tahanan ng Diyos: ang pagsira sa mga rebulto ng Panginoon, ng Mahal na Birhen, at ni San Jose; ang pagkakalat ng mga kagamitang pangmisa; at ang pagsunog sa katedral.

Halu-halong reaksyon ang maririnig sa balana. May mga nagsasabing parusahan na sana ng Diyos ang mga salarin. May mga nagsasabing kailangan nating ipagdasal ang mga salarin. May mga nagsasabi ring kahit anong pagsira ang gawin ng ibang tao sa ating mga simbahan, hindi pa rin nila masisira ang Simbahan (i.e. ang Bayan ng Diyos).

Dapat nga tayong mas maging metatag sa ating pananampalataya sa kabila ng mga pagsubok na tulad nito. Kailangan din nating ipagdasal ang mga salarin dahil, sang-ayon na rin sa ating Panginoon, "hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa" (Lukas 23:34). Mahalaga rin na mahuli sila at mabigyan ng karampatang parusa sang-ayon sa itinatadhana ng batas, ng hustisya.

Sa mga kaganapang gaya nito, lalong nagiging maliwanag  at napapanahon ang panawagan ng Mahal na Birhen ng Fatima para magbayad-puri tayo. Gaano ba nating pinahahalagahan ang tahanan ng Diyos? Nagpupunta lang ba tayo dito kung may kailangan tayo o may mahalagang okasyon gaya ng kasal, libing, o binyag? Nag-aambag ba tayo para sa ikalalago ng ating parokya?

Ilang mungkahi lamang ito kung paano tayo makakapagbayad-puri. Sa susunod na magpupunta tayo sa simbahan, mag-ukol tayo ng ilang saglit para buksan ang ating puso sa Panginoon na laging naroroon sa Banal na Sakramento. Makiisa tayo sa pagdarasal ng Rosaryo ng parokya para sa kapayapaan. Hilingin natin sa Mahal na Ina at sa iba pang mga banal na samahan tayo sa ating pagsunod kay Kristo at pagtaguyod sa Kanyang sambayanan. Mabisa ang panalangin! Makisangkot rin tayo sa anumang gawaing pansimbahan. May bahagi tayong lahat sa pamayanang Kristiyano!

Sa ganang amin, isang paggising sa ating mga Katoliko ang naganap na insidente sa Marawi. Huwag nating ipagwalang-bahala ang ating pagiging Katoliko Kristiyano. Magbigay-inspirasyon tayo sa mga kapwa-Katoliko sa Marawi at sa iba pang lugar kung saan may mga pag-uusig na nagaganap.


Saturday, July 09, 2016

Paggalang sa Buhay at Pagpapari



Ipinahayag ng National Bureau of Investigation (NBI) na hindi nagpatiwakal, kundi pinaslang si Fr. Marcelino "Mar" Biliran, Kura-Paroko ng St. Peter the Apostle Parish sa Loboc, Bohol. Inakala ng nakakarami, kasama na ang ating web, na nagpatiwakal si Fr. Mar.  Sa kasamaang-palad, may ilang tao na humusga sa yumaong pari. 

Ano kaya ang naging motibo sa pagpaslang kay Fr. Mar? Sa pagbibigay-linaw na hindi siya nagpakamatay kundi pinatay, ito ang isa sa mga unang maitatanong natin. Pangalawa ang kung sino ang pumaslang. 

Hindi ito ang unang pagkakataong makabalita tayo ng paring pinaslang. Nandiyan ang balitang panloloob at pagpatay kina Bishop Hernando Antiporda at Fr. Raymundo Costales sa kumbento ng Quiapo Church noong 1975.  Gayon din ang sinapit ni Fr. Loreto Palafox sa kanyang silid sa Capitol Medical Center noong 1999 at ni Fr. Albert Tanghal habang nagbabakasyon sa Pilipinas noong 2003. Idagdag pa natin dito ang maraming halimbawa ng mga paring pinaslang dahil sa kanilang ipinaglalabang prinsipyo. 

Nakakaalarma ang ganitong mga pangyayari sa dalawang dahilan. Una, ang kahalagahan ng buhay. Bilang mga Kristiyano, bahagi ng ating pananampalataya ang pangalagaan ang buhay. Tanging sa Diyos lamang ang kapangyarihan para ipagkaloob at bawiin ito. 

Pangalawang dahilan ang biyaya ng pagpapari. Sa kagandahang-loob ni Jesus, hinirang Niya ang ilang kalalakihan para ipagpatuloy ang Kanyang misyon na ipangaral ang Mabuting Balita at pangunahan ang pagdiriwang ng mga sakramento. Sa pagtupad sa kanyang ministeryo, kumikilos ang pari sa ngalan ni Kristo.  

Sa pagpaslang sa mga tulad ni Fr. Mar, ipinapahiwatig lang sa atin ang kawalan ng paggalang sa buhay at sa tungkulin ng pagiging pari.  Sa mga karahasang ito, kitang-kita natin ang paglapastangan sa Diyos mismo na Siyang may-akda ng buhay at ng pagpapari. Totoo na may mga paring hindi naging tapat sa kanilang bokasyon, subalit ang isyung iyan ay sagutin na nila sa Panginoon at sa sambayanan.

Nakikiisa kami sa mga kamag-anak, kapwa-pari, at mananampalatayang pinaglingkuran ni Fr. Mar sa panawagang bigyan ng katarungan ang karumaldumal na pagpaslang sa kanya,  at sa iba pang mga paring naging biktima ng ganitong krimen.





Wednesday, December 02, 2015

Kaligtasan


Sa kanyang homiliya sa Cathedral of the Immaculate Conception sa Bangui, Central African Republic (CAR)noong ika-29 ng Nobyembre 2015, sinabi ni Pope Francis na ang kaligtasang hatid ng Diyos ay nakaugat sa katarungan, may linamnam ng pag-ibig, at may kapangyarihang mananaig sa huli.

Akmang-akma ang mensahe ng Santo Papa sa isang bansang gaya ng CAR. Bagamat sagana siya sa likas-yaman, nananatili pa ring maralita ang bansang ito.  Bukod sa kahirapan, nagdurusa din ang bayang ito dulot ng pag-aalsa ng mga rebelde at pagpatay sa mga inosenteng sibilyan.

Katarungan. Pag-ibig. Kapangyarihan.  Tatlong bagay na inaasam ng sinumang bansa o sambayanan.  Sa Pilipinas, uhaw tayo sa katarungan.  Malaki pa rin ang agwat ng mayaman sa mahirap.  Kapit sa patalim ang nagiging kalakaran ng marami sa atin.  Bukod sa kawalan ng katarungan, nasasaksihan din natin ang ibang klase ng pag-ibig kung saan ang sariling kapakanan ang laging prayoridad.  At tungkol naman sa kapangyarihan?  Ginagamit ito para manakot, magpatahimik, at yumurak sa karapata’t dignidad ng kapwa.
  
Magpapasko na naman.  Para sa iba, ito ay isang lumang tradisyon.  Para sa iba, ito ay pagpapasasa sa pamimili, pagkai’t inumin. 

Sa Kanyang pagkakatawang-tao, niloob ni Jesus na mapabilang sa isang pamilya.  Hindi Niya lamang kinailangan ang isang ina; kinailangan din Niya ang isang ama.  Lahat tayo ay bahagi rin ng isang pamilya. May mga pamilyang mariwasa at mayroon ding dukha. Mayroong nananatiling buo’t matatag, ngunit mayroon ding hindi.  May mga pamilyang magkakasama at mayroon din namang magkakahiwalay. May mga pamilyang ang mga magulang ay may basbas ng Simbahan at mayroon din namang live-in lamang.  Mayroon ding mga pamilyang ang mga magulang ay pareho ng kasarian.
  
Anumang  anyo o hugis ng ating pamilya, mahal tayo ng Diyos! Anuman ang kalagayan ng ating pamilya, matagpuan nawa natin ngayong Kapaskuhan ang tiyak na pag-asa mula sa Banal na Sanggol na, sang-ayon sa Banal na Papa, ay naparito upang maggawad ng katarungan ( Jeremias 33:15), magpalago ng ating pag-ibig sa isa’t isa at sa kapwa-tao (1 Tesalonica 3:12), at magpakita ng Kanyang kapangyariha’t kaluwalhatian sa gitna ng anumang kaguluhan (Lukas 21:27). 

Isang pinagpalang Pasko at masaganang Bagong Taon sa lahat!

Saturday, February 01, 2014

Paglahok sa Pulitika


Marumi. Masalimuot. Pangmayaman. Negosyo. Kamakamag-anak.  Ilan lang itong lumalarawan sa pulitika ng ating bansa.  Sariwa pa sa ating alaala ang iskandalong dulot ng mga mambabatas na sangkot sa PDAF gayon din ang di pantay na pagpapamudmod ng tulong sa mga nasalanta ng bagyong Yolanda.  

Madalas, tanggap na nating ganito ang kalagayan ng ating pulitika, na wala na tayong pag-asa pang bumangon, na kahit sino pa ang iluklok sa puwesto ay walang magagawa at kadalasa'y mababahiran pa ng kabulukan ng sistemang pulitikal ng bansa.

Subalit para sa ating mga Kristiyano, hindi ito ang panahon para mawalan tayo ng pag-asa. Hindi ito ang panahon para ipagkibit-balikat na lang natin ang sitwasyon ng ating lipunan. Hindi rin ito ang pagkakataon para ipaubaya na lang natin sa mga may pera, impluwensiya, o kapangyarihan ang pagsasaayos ng sistemang pulitikal.  Sang-ayon nga sa mga obispo ng Pilipinas, may mahalagang papel ang mga layko sa isyung ito.

Sa ganang amin, may apat na paraan kung saan maaaring makilahok ang mga layko:

Edukasyon.  May kapangyarihan tayong bumoto ng ating mga lider.  At dahil ito ay isang kapangyarihang bigay sa atin ng batas, mahalagang hindi natin ito ipagpalit sa kakaunting halaga lamang, sa tamis ng dila ng mga kumakandidato, o sa mga pananakot ng mga halang ang kaluluwa.  Kaya nga't importanteng mabigyan ng wastong edukasyon ang bawat mamamayan lalo na ang mga botante na maging mapanuri, maalam, at magkaroon ng kakayahang tumayo sa sarili nilang paa.

Kamalayang sosyal.  Mahalaga ding magkaroon tayo ng kamalayan sa mga nagaganap sa ating kapaligiran.  Gamitin natin nang wasto ang malayang pagpapahayag upang maging gising tayo sa tunay na nangyayari sa ating bansa, at gisingin din ang mga tulog o nagtutulug-tulugan nating mga kababayan - lider man sila o pangkarinawang mamamayan. At kung gising tayo, hindi tayo madadaig ng mga anumang pambobola't kasinungalingan ng iba.

Katarungan.  Ibigay natin sa iba ang nararapat.  Huwag tayong maging kasangkapan ng korupsyon sa bansa.  Huwag tayong magbigay ng lagay para lang mapabilis ang isang serbisyo publiko. At kung tayo naman ay nasa pamahalaan, huwag tayong tumanggap ng lagay para paburan ang isa laban sa marami pang dapat paglingkuran.  Manatili rin tayong mapagmasid sa anumang anomalyang nagaganap sa pamahalaan at magkaisa para masawata ito.

Pakikiisa sa mga kapus-palad.  Sang-ayon sa CBCP, ang sistemang pulitikal sa ating bansa ang siyang pinakamalaking hadlang sa kaunlaran ng Pilipinas.  Sinabi rin nila na dahil sa pagiging sugapa ng mga nasa puwesto sa kapangyariha't salapi kung kaya patuloy na naghihirap ang maraming Pilipino.  Hindi tayo magiging mga kapanipaniwalang Kristiyano kung wala tayong puso para sa mga naghihirap.  Walang saysay ang ating pinaniniwalaan kung hindi tayo marunong tumayo laban sa pang-aapi't iba pang kasamaang dinaranas ni Mang Juan Pasang Krus.

Kung bibigyang-pansin natin ang apat na paraang ito, makasisiguro tayong magkakaroon ng higit na kakayahan ang mga layko para ilagay sa wasto't nararapat ang pulitika.  Maaaring sabihin ng ilan na isang suntok sa buwan ang pakikilahok ng layko sa magulong mundo ng pulitika.  Sa kanilang mga kasabayan, isang suntok sa buwan ang pagbabatikos ni Juan Bautista sa nangangalunyang Haring Herodes, ang paninindigan ni Thomas More laban sa imoral na Haring Enrique VIII, ang katotohanang isinasabuhay ni Jesus kontra sa mga ipokritong punong pari't matatanda ng bayan.  Gayunpaman, kinilala ng tatlong taong ito na ang ginagawa nila'y trabaho ng Diyos at sila'y pawang kasangkapan lamang.  Kaya nga't nanatili silang tapat hanggang sa huli.  Dumating ang panahong naging bahagi na lamang ng kasaysayan sina Herodes, Enrique VIII, at ang mga punong pari't matatanda ng bayan, subalit ang buhay at halimbawa nina Juan, Thomas, at Jesus ay patuloy pa ring inaalala't tinutularan ng marami.

Importanteng mabanggit na sina Juan, Thomas, at Jesus ay mga layko - si Juan ay isang propeta, si Thomas ay isang opisyal ng pamahalaan, at si Jesus ay isang karpinterong naging guro't manggagamot.  Hindi sila naiiba sa nakararami sa atin. Hindi sila naiiba sa mga kasalukuyang layko.  Sundan natin ang kanilang yapak.  Huwag tayong masiraan ng loob.


Monday, September 02, 2013

Katarungang Naantala



Noong ika-25 ng Pebrero 2013, sa pagdiriwang ng ika-27 taong anibersaryo ng EDSA 1, nilagdaaan ng Pangulong Noynoy Aquino ang batas na kumikilala at magkakaloob ng karampatang halaga sa mga naging biktima ng Martial Law noong panahon ng dating Pangulong Ferdinand Marcos. Matapos ang matagal na panahon, tila magkakamit na ng katarungan ang mga kaawa-awa nating kababayang nagdusa sa mapang-aping batas militar.

Sang-ayon kay Kongresista Walden Bello, importante ang batas na ito dahil iilang bansa pa lamang gaya ng Pilipinas ang maglalaan ng bayad sa mga biktima ng diktadurya.

Subalit, hanggang ngayon, di pa binunuo ni P-Noy ang Human Rights Victims Claims Board na siyang unang hakbang sa pagpapatupad ng nasabing batas. Ayon sa Samahan ng Ex-Detainees Laban sa Detensyon at Aresto (SELDA), isang insulto sa mga biktima ang kawalan ng aksyon ng Pangulo.  

Katakataka rin ang kawalan ng paliwanag mula sa Palasyo kung bakit di pa rin ipinapatupad ang batas na ito.

Habang lumulubog na naman ang bansa sa samu't saring isyu gaya ng PDAF scam, at patuoy na namamayagpag sa puwesto ang asawa't mga anak ni Marcos, mahalagang manatiling gising ang bayan.  Noong manumpa sa tungkulin si P-Noy, ipinangako niya ang pagkakaloob ng katarungan sa bawat mamamayan.  Huwag sana niyang makalimutan ng mga Pilipinong dumanas ng hirap at pasakit sa batas militar, mga taong gaya ng kanyang sariling ama na sumisigaw ng katarungan. 

Katarungang naantala, katarungang itinatwa.




Sunday, April 01, 2012

Pangmatagalang Tulong


Magkaakibat ang kahirapan at kawalan ng makakain. Kapag kapos ang iyong pananalapi, tiyak na maisasa-isang tabi mo pati ang mga ordinaryong pangangailangan gaya ng pagkain at edukasyon. At kung kapos ka rin naman sa masusustansyang pagkain, magiging balakid ito sa iyong paghahanap-buhay o pag-aaral nang maigi.

Bagama’t magandang halimbawa ng kawanggawa ang pagpapamudmod ng bigas, asukal, de latang karne, atbp. o kaya’y ang pagpapakain sa mga mahihirap, mananatili pa ring problema ang kahirapan at kawalan ng makakain. Matapos na maubos ang bigas at de lata, matapos mabusog ang mga pinakain, babalik silang muli para pumila sa mga nagkakawanggawa.

Mayroong dalawang grupo na may kakaibang istilo ng pagtulong sa mga mahihirap. Sa mga bansang gaya ng Zambia (Africa), kung saan walang malinis at ligtas na tubig, isang bata ang namamatay bawat 20 segundo. Para matugunan ang ganitong suliranin, nangangalap ng pondo ang Catholic Overseas Development Agency(CAFOD), ang opisyal na Catholic aid agency sa England at Wales.

Bukod sa pagkakaroon ng malinis na tubig, hangarin din ng grupong ito ang mabigyan ng karampatang edukasyon at pangangalagang pangkalusugan ang mga mamamayan ng umuunlad na bansa. Tinutulungan din nila ang mga kabalikat nilang grupo sa mga bansang ito na magbalangkas ng mga epektibong programa at serbisyo sa kanilang pamayanan. Gumagawa rin sila ng mga hakbang para siguruhing ipinapatupad ng mga pribadong sektor ang mga makatarungang sistema sa trabaho. Ikinakampanya rin nila sa gobyerno ng UK at sa European Union ang mga programang makakatulong sa mga umuunlad na bansa.

Kahanga-hanga ang naging proyekto nilang ‘Give it Up’ ngayong Kuwaresma kung saan hinikayat nilang magsakripsiyo ang mga tao tulad ng pag-aayuno, pag-iwas sa mga masasarap na inumin, atbp. Anumang makolektang pera sa ganitong mga sakripisyo’y ibibigay sa pagkakaroon ng malinis na tubig.

Sa sarili nating bayan, kilala ang Preda Foundation sa kanilang pagtanggol sa mga kabataan laban sa pang-aabuso, di makatarungang pagkakulong, at eksploytasyon. Subalit abala din sila sa pagtulong sa mga Aeta ng Zambales (kung saan nakabase ang Preda) sa pamamagitan ng pagkakaloob sa kanila ng hanap-buhay. Binibili ng Preda sa presyong makatuwiran ang mga manggang inaani ng mga Aeta sa kagubatan. Inaangkat ito sa mga Fair Trade shops sa Europa.

Kung nag-iisip ka pa ng kakaibang pagtulong sa mahirap, bakit di ka makilahok sa mga grupong gaya ng CAFOD, Preda, o anumang charitable institution na ang pagtulong ay di ‘dole-out’ kundi pangmatagalan?

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP