Powered by Blogger.
Showing posts with label Bagong Taon. Show all posts
Showing posts with label Bagong Taon. Show all posts

Monday, January 01, 2018

Bagong Ikaw, Bagong Daigdig



Nakakatawag-pansin ang nilalaman ng isang poster kaugnay ng Laudato Si, isang kilalang encyclical ni Pope Francis na nakatuon sa pangangalaga sa ating daigdig. May tatlong panawagan ang poster: Mamuhay nang marunong, mag-isip nang malalim, umibig nang mapagbigay.


Bagong Taon na naman! Nakaugalian na nating salubungin ito na puno ng pagsasaya at pag-iingay, pag-asa at pananampalataya, pasasalamat at pagbabalik-tanaw. 

Sa ating pagbabalik-tanaw, makikita natin ang maraming pagkakataong naging mabuti sa atin ang Panginoon. Marami Siyang biyayang ipinagkaloob sa atin. Halimbawa na lang ang oras. Paano natin ginamit ang biyayang ito? Ginamit ba natin ito para pag-usapan ang kapwa at hanapan sila ng butas o ginamit natin ito para maghanap-buhay o pagyamanin ang ating kaalaman?

Marami rin tayong hinarap na pagsubok noong nakaraang taon. Marami tayong desisyong ginawa. Tama ang iba, subalit mayroon ding mga mali. Nagkamali kaya tayo dahil minadali natin ang ating pagpapasya? Nagkamali kaya tayo dahil hindi natin pinag-isipang maigi ang magiging resulta ng ating mga gawi? Nagkamali kaya kayo dahil pinangunahan tayo ng galit o inggit? Naimpluwensiyahan kaya tayo ng mga fake news na nagkalat sa social media? Nasulsulan ba tayo ng mga kapos din sa karunungan?

Nilikha tayo upang umibig dahil ang lumikha sa atin ay pag-ibig (1 Juan 4:8). Nasasalamin ba sa ating pag-ibig ang pag-ibig ng Diyos? Nagbibigay-tulong lang ba tayo dahil masarap sa pakiramdam, kagaya noong Pasko? Ano ang turing natin sa mga tinutulungan natin? Mga pabigat sa buhay sana nating masarap? Mga kasangkapan para magpasikat? Mga de susing kalaruan?

Sa ating pagsalubong sa Bagong Taon, pagsikapan nating dinggin at isabuhay ang panawagan ng poster. Kung naging mangmang, mababaw, at makunat ang ating 2017, hindi ba panahon na para magbago na tayo? Kung magagawa natin ito, mapapangalagaan natin hindi lamang ang ating mga sarili, kundi ang ating mga mahal sa buhay, ang pamayanan, ang lipunan, at ang daigdig.  Samahan nawa tayo ng Mahal na Inang Maria sa ating paglalakbay.

Isang marunong, malalim, at mapagbigay na 2018 sa inyong lahat!


Tuesday, December 26, 2017

Salamat sa Lahat-lahat!


Nakaugalian na sa ilang simbahan sa Pilipinas ang pagpapahalik sa estatwa ng Banal na Sanggol kapag Kapaskuhan. Bagama't mayroong Belen kung saan mapagmamasdan ang Banal na Mag-anak nina Jose, Maria, at Jesus, tila hindi ito sapat para makapagbigay-pugay ang maraming mananampalatayang nakikiisa sa mga banal na pagdiriwang. Ang pagpapahalik sa Banal na Sanggol pagkatapos ng Misa ay isang paraan para mapunan ang kakulangang ito. 

Nakakatuwang mapagmasdan ang mga taong nagsisilapit sa santuwaryo ng simbahan, minsan pa'y nag-uunahan silang humalik sa bagong-silang na Panginoon. Sa ilang simbahan pa nga ay higit pa sa isang estatwa ang pinapahalikan upang  matugunan ang dami ng mga deboto.

Lumalapit ka ba't humahalik sa Banal na Sanggol o hindi? Kung lumalapit ka, ano ang motibo mo? Kung hindi naman, anong pumipigil sa iyo para lumapit? 

Sa isang Pamaskong mensahe ni Pope Francis, hinikayat niya tayong lumapit nang may pagtitiwala, nang may pagpapaubaya simula sa ating mga limitasyon at kasalanan. Minsan mahirap itong gawin dahil ayaw nating kaawaan tayo ng iba. Minsan mahirap itong gawin lalo na kung puno tayo ng kayabangan. Subalit, sang-ayon sa Papa, ang diwa ng tunay na Pasko ay ang kagandahan na mahalin tayo ng Diyos sa kabila ng ating mga nakaraan, sa kabila ng anumang baho mayroon tayo. 

Sa susunod na pagkakataon, huwag tayong mag-atubiling lapitan at halikan ang Banal na Sanggol. At sa ating paghalik sa Kanya, ibulong natin ang mga salitang ito ni Pope Francis: Salamat. Salamat dahil ginawa mo ang lahat ng ito para sa akin.

Sumaatin nawa ang pag-ibig na taglay ng Banal na Sanggol ngayong Kapaskuhan at sa Bagong Taon!




Sunday, January 17, 2016

Bagong Alak, Bagong Ikaw



Bahagi na ng anumang okasyon ang alak.  Nitong nakaraang Pasko at Bagong Taon, pati na rin ang mga pista sa iba't ibang bahagi ng bansa, tiyak na kulang ang handa kung walang alak.  Nagbibigay-sigla ang alak.  Bukod dito, iniuugnay nito ang mga manginginom sa isa't isa. 

Sa Ebanghelyo ayon kay San Juan (2:1-11), matutunghayan natin kung paano naubusan ng alak ang bagong kasal.  Kung lalagay tayo sa kinalalagyan ng bagong kasal, lubos tayong mapapahiya.  Salamat sa "mother instinct" ng Mahal na Birheng Maria, iniligtas ni Jesus ang bagong kasal sa kahihiyan nang gawin Niyang alak ang tubig.  

Sang-ayon kay Bishop Robert Barron, ang alak sa Ebanghelyong ito ay tanda ng buhay na  banal, buhay na kaisa ng Diyos. Samakatuwid, ang kawalan ng alak ay kawalan ng biyaya.

Bagong Taon na.  Kumusta na ang buhay natin? Ang ating relasyon sa ating asawa, anak, katipan, magulang, kapatid, kamag-anak, o kapwa?  Kumusta na ang ating buhay-pananampalataya? Kumusta na ang ating trabaho? Ang ating paglilingkod sa pamayanan?  Mayroon pa ba tayong sigla o tinatabangan na tayo?  Madalas ba tayong masungit o tinatamad? Mayroon pa ba tayong ningas o nanlalamig na tayo?

Magandang suriin natin ang ating mga sarili dahil kung wala nang 'alak' sa ating sistema, paano natin matutupad ang kalooban ng Diyos? Paano tayo magiging kawangis ng Amang sagana sa awa?

Sa mga pagkakataong ubos na ang 'alak', huwag nating hanapin ito sa mga alak na pansamantalang patid-uhaw lang ang dulot. Buksan nating muli ang ating mga puso kay Jesus na Siyang magkakaloob sa atin ng Banal na Espiritu.  At kapag naging bukas tayo sa Espiritung ito, tiyak na mararanasan natin na ang ating buhay ay parang bukal na bumabalong ng buhay na walang hanggan (Juan 4:14).  Mas magiging "sweet" tayo sa ating asawa o katipan. Mas magiging mapagmahal tayong mga magulang o anak. Mas magiging propesyunal tayong manggagawa. Mas magagamit natin ang anumang kakayahan natin para sa kapurihan ng Diyos at sa ikabubuti ng kapwa. Mas magiging tapat tayong tagasunod ni Kristo.  Dumulog tayo sa Mahal na Ina na siguradong sasamahan tayo sa ating paglalakbay!

Wednesday, December 02, 2015

Kaligtasan


Sa kanyang homiliya sa Cathedral of the Immaculate Conception sa Bangui, Central African Republic (CAR)noong ika-29 ng Nobyembre 2015, sinabi ni Pope Francis na ang kaligtasang hatid ng Diyos ay nakaugat sa katarungan, may linamnam ng pag-ibig, at may kapangyarihang mananaig sa huli.

Akmang-akma ang mensahe ng Santo Papa sa isang bansang gaya ng CAR. Bagamat sagana siya sa likas-yaman, nananatili pa ring maralita ang bansang ito.  Bukod sa kahirapan, nagdurusa din ang bayang ito dulot ng pag-aalsa ng mga rebelde at pagpatay sa mga inosenteng sibilyan.

Katarungan. Pag-ibig. Kapangyarihan.  Tatlong bagay na inaasam ng sinumang bansa o sambayanan.  Sa Pilipinas, uhaw tayo sa katarungan.  Malaki pa rin ang agwat ng mayaman sa mahirap.  Kapit sa patalim ang nagiging kalakaran ng marami sa atin.  Bukod sa kawalan ng katarungan, nasasaksihan din natin ang ibang klase ng pag-ibig kung saan ang sariling kapakanan ang laging prayoridad.  At tungkol naman sa kapangyarihan?  Ginagamit ito para manakot, magpatahimik, at yumurak sa karapata’t dignidad ng kapwa.
  
Magpapasko na naman.  Para sa iba, ito ay isang lumang tradisyon.  Para sa iba, ito ay pagpapasasa sa pamimili, pagkai’t inumin. 

Sa Kanyang pagkakatawang-tao, niloob ni Jesus na mapabilang sa isang pamilya.  Hindi Niya lamang kinailangan ang isang ina; kinailangan din Niya ang isang ama.  Lahat tayo ay bahagi rin ng isang pamilya. May mga pamilyang mariwasa at mayroon ding dukha. Mayroong nananatiling buo’t matatag, ngunit mayroon ding hindi.  May mga pamilyang magkakasama at mayroon din namang magkakahiwalay. May mga pamilyang ang mga magulang ay may basbas ng Simbahan at mayroon din namang live-in lamang.  Mayroon ding mga pamilyang ang mga magulang ay pareho ng kasarian.
  
Anumang  anyo o hugis ng ating pamilya, mahal tayo ng Diyos! Anuman ang kalagayan ng ating pamilya, matagpuan nawa natin ngayong Kapaskuhan ang tiyak na pag-asa mula sa Banal na Sanggol na, sang-ayon sa Banal na Papa, ay naparito upang maggawad ng katarungan ( Jeremias 33:15), magpalago ng ating pag-ibig sa isa’t isa at sa kapwa-tao (1 Tesalonica 3:12), at magpakita ng Kanyang kapangyariha’t kaluwalhatian sa gitna ng anumang kaguluhan (Lukas 21:27). 

Isang pinagpalang Pasko at masaganang Bagong Taon sa lahat!

Wednesday, December 03, 2014

Tumutuktok, Naghihintay


Maraming mahalagang papel na ginagampanan ang pinto.  Bukod sa pagiging lagusan ng ano't sinumang pumapasok o lumalabas sa isang gusali,ito rin ay nagsisilbing proteksyon.  
Sa Banal na Kasulatan, ilang ulit na binabanggit ang pinto.  Sa Mga Awit (24:7), inuutusan diumano ng may-akda ang mga lumang pinto na magbukas upang makapasok ang Hari ng kaluwalhatian.  Sa Ebanghelyo ayon kay Mateo (7:7), hinikayat ni Kristo ang Kanyang mga tagasunod na kumatok at sila'y pagbubuksan.  

Isang awiting pang-Komunyon na inaawit kapag Adbiyento ay may mga titik na ganito: Ako ay nasa pintuan tumutuktok, naghihintay. Kung ako'y pagbibigyang makapasok sa tahanan, kayo'y aking sasaluhan, kayo'y aking sasaluhan. Ako ay nasa pintuan tumutuktok, naghihintay. Hango ang awiting ito mula sa Aklat ng Pagpapahayag (3:20) kung saan inilalarawan ni Jesus ang Kanyang hangaring makatuloy sa sinumang tahanang Kanyang tapatan. 

Tumutuktok, naghihintay.  Ipinapahiwatig ng mga katagang ito ang pagiging banayad at matiyaga ng Panginoon. Hindi sumusugod at namimilit kagaya ng mga masasamang-loob (Juan 10:1-42).  

Tumutuktok, naghihintay.  Ipinapahiwatig din ng mga salitang ito ang pananaghoy ng mga dukha, ng mga may-sakit, ng mga nangangailangan, ng mga kinikilala ng Panginoon na mga kaawa-awa Niyang mga kapatid (Mateo 25:40).

Tumutuktok, naghihintay.  Ang pagtugon sa pangangatok ni Kristo ay nasa sa atin.  Gagayahin ba natin ang mga nakapinid na pinto sa Bethlehem noong unang Pasko? 

Buksan nawa natin ang pinto ng ating mga puso't tahanan kay Kristo sa bawat sandali lalo na sa Kanyang kaarawan.  Tularan nawa natin ang ama ng Alibughang Anak (Lukas 15:11-32) na laging nakabukas ang kanyang pinto nang sa gayon, madaling makapasok dito ang kanyang anak sa pagbabalik nito (Evangelii Gaudim, 45). 

Isang pinagpalang Pasko at masaganang Bagong Taon sa inyong lahat!


Sunday, December 01, 2013

Daan sa Pagpapanibago


Marahil nakatanggap ang ilan sa atin ng sulat mula sa Association of Mouth and Foot Painting Artists (AMFPA), Inc Philippines  kalakip ang ilang Christmas cards na kanilang ginawa.  Kung susuriin natin ang kanilang liham, mapupuna nating higit pa sa kawanggawa ang kanilang hinihingi.  Sa pamamagitan ng paglalako ng mga Christmas cards, kalendaryo, aklat para sa mga bata, atbp nilalayon ng samahang bigyan ng hanap-buhay ang mga may kapansanang pintor.

Hindi biro ang magkaroon ng kapansanan.  Bukod sa umaasa ka sa tulong ng gobyerno o ng iyong mahal sa buhay, mararanasan mo rin ang matinding limitasyon sa iyong buhay.  Noong unang panahon, kapag may kapansanan ka nakapirme ka na lang sa bahay o kaya'y sa isang charitable institution.  Subalit sa paglipas ng mga panahon, nagkaroon na ng mga batas ang iba't ibang bansa para bigyang-pansin ang mga may kapansanan.  May mga lugar na puwedeng paradahan ng kanilang sasakyan, may mga oportunidad para makapag-aral o makapagtrabaho sila.   Sa pamamagitan ng mga pagkakataong ito, hindi na nagiging balakid ang anumang kapansanan para makapag-ambag ang isang indibidwal sa ikasusulong ng lipunan.

May kapansanan ang bawat isa sa atin dulot ng kasalanan.  Di man ito pisikal, pero apektado tayo nila araw-araw.  Bulag tayo sa katotohanang nagaganap sa ating paligid. Pipi tayo sa mga pagkakataong dapat nating ibulalas ang totoo.  Bingi tayo sa pangagailangan ng kapwa. Manhid tayo sa tunay na kalagayan ng lipunan. Nagkakamali tayo ng paghusga sa iba.  Aliw na aliw tayong pag-usapan ang baho ng kapwa. Paulit-ulit na lang nating ginagawa ang ating mga masamang pag-uugali.  Ayaw nating masapawan. Gustung-gusto nating mapansin ng iba.  

Sa kabila ng ating mga ispiritwal na kapansanan, minamahal tayo ng Diyos.  Sa kabila ng ating mga kakulangan, patuloy pa rin tayong pinagkakatiwalaan ng Panginoon.  At itong Kapaskuhan ang pruweba ng Kanyang pagmamahal at pagtitiwala sa atin.  

Sa pagsalubong natin sa paparating na Mananakop, matagpuan nawa Niya tayong puno ng pasasalamat at pagpupuri.  Matagpuan nawa Niya tayong lumilingap at nagbibigay-lakas sa kapwa nating may-kapansanan -  paglingap na di lamang sa pagbibigay ng isda kundi lalo't higit sa pagturo sa kanila kung paano mangisda.  Matagpuan nawa Niya tayong nakikiisa sa Kanyang pagpapanibago ng mundo.

Sumainyo nawa ang pagpapala ng Banal na Sanggol ngayong Pasko at sa Bagong Taon!


Thursday, January 03, 2013

Pitak Para sa Mga Bata

 

 
 
Mawilihin tayong mga Pinoy sa mga bata.  Tila di kumpleto ang isang tahanan o barangay o anumang sangay ng lipunan kung walang bata.  Napupuno ng buhay ang anumang puntahan nila. Napapawi ang pagod ng sinumang makakakita sa kanilang mga ngiti at makakarinig sa kanilang mga tawa. 
 
Kamakailan lang ipinadiwang natin ang Kapaskuhan at lalong naging kumpleto ang ating buhay dahil sa pagsilang ng Anak ng Diyos sa mundo.  Sa Kanyang pagsilang, napuno ng kakaibang ligaya't kapayapaan ang daigdig.  Sa Kanyang pakikiisa sa atin, natagpuan ng mundo ang matagal na niyang hinahanap na liwanag. Bukod dito, nagkaroon ng higit na kabuluhan ang pagsilang ng sinumang tao.  Marahil aayon ang lahat ng magulang na nagluwal ng anak na nakikita't nakikibahagi sila sa naging karanasan ni Maria't Jose noong unang Pasko.
 
Sa pagsalubong natin sa Bagong Taon, sa pagbibigay-pugay natin sa Banal na Sanggol, patuloy nating dalhin ang liwanag ni Kristo na ating nakamit noong Pasko. Patuloy nating taglayin ang katapatan ng Diyos sa Kanyang pangakong Mesiyas.  Patuloy nating saksihan ang pag-ibig ng Diyos sa anyo ng isang sanggol.  Kung magagawa natin ito,  maisasapuso natin ang lahat ng bata sa ating paligid - isinalang na o isisilang pa lamang - at makagagawa tayo ng mga hakbang upang maitaguyod silang mabubuting mamamayan di lamang ng mundong ito kundi pati na rin sa kabila.

Tuesday, January 03, 2012

Ibang Daan


Matapos magbigay-pugay sa Banal na Sanggol at maghain sa Kanya ng kanilang mga handog, nilisan ng tatlong haring mago ang Bethlehem sa pamamagitan ng ibang daan. Sa pagtatapos ng Kapaskuhan, sa pagwawakas ng isang pinananabika’t masayang okasyon mahalagang tanungin natin ang ating sarili: “Mag-iibang daan na rin ba tayo?”

Kakaibang pakiramdam ang ating naranasan noong Pasko. Pawang lahat ay nasa kondisyong magbigay ng tulong sa iba, maggayak ng tahanan, magdasal, atbp. Tila punung-puno tayo ng grasya. Tila tayong lahat ay may mabuting kalooban. Subalit sa pagtago ng mga dekorasyon, sa di pagsindi ng mga kumikislap na mga ilaw nandyan pa rin ba sa atin ang grasya at ang mabuting kalooban? O babalik na ba tayo sa dating gawi? Sa dating daan pa rin ba ang tungo natin?

Ang kapanganakan ng Panginoong Jesus noong Pasko ay nagdulot ng kaligtasan sa mundo, ng liwanag sa dilim, ng pag-asa sa mga naghihikahos. Sa pagparito ng Anak ng Diyos, nagsimula na rin sa mundo ang pagdating ng kaharian ng Diyos, isang kaharian na ang bawat isa’y magkakapatid sa pangangalaga ng Diyos bilang Ama.

Subalit kung nais nating mapabilang sa kahariang ito mahalagang talikdan na natin ang daang walang kahahatungan kundi kapahamakan, ang pag-uugali’t gawi na makasarili, ang pamumuhay sa kadiliman. Importante ang pagbabago ng puso!

Simulan natin nang tama ang Bagong Taon. Tahakin natin ang landas ni Kristong ating hinintay noong Adbiyento at tinanggap noong Pasko. Tahakin natin ang landas ng kapayapaan!

Wednesday, December 29, 2010

Pusong Nakikinig


Sa pagsisimula ng Bagong Taon, ipinagdiriwang ng Simbahan ang Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos. Sa Ebanghelyo sa araw na ito, matutunghayan natin ang pagdalaw ng mga pastol sa Banal na Sanggol sa Belen. Nagpatotoo ang mga pastol sa sinumang nakarinig sa kanila kung paano nagpakita sa kanila ang anghel para ibalita sa kanila ang pagsilang sa Mesiyas. Ano ang naging reaksyon ng Mahal na Birhen sa ipinabatid ng mga pastol sa kanya? Sang-ayon sa Ebanghelyo, binigyang-halaga ito ni Maria. Kagaya ng isang mamahaling kayamanan, pinakaingatan ni Maria ang mga pangyayaring ito sa kanyang puso.

Ilang araw bago dumating ang Pasko, naging paksa sa ating mga Simbang Gabi kung paano nakinig si Maria sa Diyos. Puno ng biyaya, ang puso niya'y laging nakinig sa paanyaya ng Panginoon: una, para maging ina ng Kanyang Nag-iisang Anak; at pangalawa, balang-araw ay maging ina ng sangkatauhang tinubos ng dugo ni Jesus.

Ang Bagong Taon ay nakagisnan na nating salubungin sa pamamagitan ng pag-iingay dulot ng paputok, paghampas sa mga batya't takip ng kaldero, o kaya'y pagpapatugtog ng mga awitin. Hindi masamang mag-ingay sa selebrasyong ito, pero mahalagang magkaroon din tayo ng oras para sa katahimikan. Mahirap makinig kung maingay.

Kung magsisikap tayong magkaroon ng oras at lugar para sa katahimikan, siguradong maririnig at makikinig ang ating puso sa panawagan ng Diyos. Kung tayo'y magpapakumbaba, makakaasa tayong maririnig natin ang tinig ng Diyos gayon din ang tinig ng ating kapwa lalo na ang mga nangangailangan.

Hangad namin sa Bagong Taon, lalung-lalo na sa buwan ng Enero na magkaroon tayo ng pusong marunong makinig upang kagaya ni Mariang Ina ng Diyos at ng sangkatauhan tayo rin ay handang tumalima sa anumang ipag-utos sa atin ng Maykapal, mga utos na walang nilalayon kundi ang ating kabutihan.

Isang mapagapalang 2011 sa inyong lahat!

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP