Powered by Blogger.

Wednesday, December 02, 2015

Kaligtasan


Sa kanyang homiliya sa Cathedral of the Immaculate Conception sa Bangui, Central African Republic (CAR)noong ika-29 ng Nobyembre 2015, sinabi ni Pope Francis na ang kaligtasang hatid ng Diyos ay nakaugat sa katarungan, may linamnam ng pag-ibig, at may kapangyarihang mananaig sa huli.

Akmang-akma ang mensahe ng Santo Papa sa isang bansang gaya ng CAR. Bagamat sagana siya sa likas-yaman, nananatili pa ring maralita ang bansang ito.  Bukod sa kahirapan, nagdurusa din ang bayang ito dulot ng pag-aalsa ng mga rebelde at pagpatay sa mga inosenteng sibilyan.

Katarungan. Pag-ibig. Kapangyarihan.  Tatlong bagay na inaasam ng sinumang bansa o sambayanan.  Sa Pilipinas, uhaw tayo sa katarungan.  Malaki pa rin ang agwat ng mayaman sa mahirap.  Kapit sa patalim ang nagiging kalakaran ng marami sa atin.  Bukod sa kawalan ng katarungan, nasasaksihan din natin ang ibang klase ng pag-ibig kung saan ang sariling kapakanan ang laging prayoridad.  At tungkol naman sa kapangyarihan?  Ginagamit ito para manakot, magpatahimik, at yumurak sa karapata’t dignidad ng kapwa.
  
Magpapasko na naman.  Para sa iba, ito ay isang lumang tradisyon.  Para sa iba, ito ay pagpapasasa sa pamimili, pagkai’t inumin. 

Sa Kanyang pagkakatawang-tao, niloob ni Jesus na mapabilang sa isang pamilya.  Hindi Niya lamang kinailangan ang isang ina; kinailangan din Niya ang isang ama.  Lahat tayo ay bahagi rin ng isang pamilya. May mga pamilyang mariwasa at mayroon ding dukha. Mayroong nananatiling buo’t matatag, ngunit mayroon ding hindi.  May mga pamilyang magkakasama at mayroon din namang magkakahiwalay. May mga pamilyang ang mga magulang ay may basbas ng Simbahan at mayroon din namang live-in lamang.  Mayroon ding mga pamilyang ang mga magulang ay pareho ng kasarian.
  
Anumang  anyo o hugis ng ating pamilya, mahal tayo ng Diyos! Anuman ang kalagayan ng ating pamilya, matagpuan nawa natin ngayong Kapaskuhan ang tiyak na pag-asa mula sa Banal na Sanggol na, sang-ayon sa Banal na Papa, ay naparito upang maggawad ng katarungan ( Jeremias 33:15), magpalago ng ating pag-ibig sa isa’t isa at sa kapwa-tao (1 Tesalonica 3:12), at magpakita ng Kanyang kapangyariha’t kaluwalhatian sa gitna ng anumang kaguluhan (Lukas 21:27). 

Isang pinagpalang Pasko at masaganang Bagong Taon sa lahat!

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP