Powered by Blogger.
Showing posts with label Pilipinas. Show all posts
Showing posts with label Pilipinas. Show all posts

Thursday, December 13, 2018

Bagong Juan Bautista



Kapansin-pansin sa Ebanghelyo ng Ikalawang Linggo ng Adbiyento ang pagbanggit ni San Lukas sa ilang kilalang personalidad noong panahong iyon: Tiberio Cesar, Poncio Pilato, Herodes, Felipe, Lysanias, Annas, at Caipas. Subalit hindi sa kanila nakatuon ang istorya. Ito'y nakatuon kay Juan Bautista. 

Walang palasyo si Juan Bautista. Sa ilang na pook lamang siya nanahan. Payak lamang ang kanyang pagkain: tipaklong at pulutpukyutan. Yari sa buhok ng kamelyo ang kasuotan niya. Subalit, espesyal si Juan Bautista dahil tanging sa kanya - at hindi sa emperador, gobernador, hari, o punong saserdote - dumating at nanahan ang salita ng Diyos.

Nakakabahala at nakakalungkot ang mga pahayag at pangyayari sa ating bansa ngayon. Sa ilang talumpati ni Pangulong Duterte, sinamantala niyang batikusin at akusahan ang mga obispo. Pangunahin na rito si Bishop Pablo David ng Kalookan. Hinikiyat rin diumano ng Pangulo na magtayo na lamang ng kapilya ang mga mamayan para doon na lang sila manalangin at huwag nang mag-abuloy sa mga namumuno sa Simbahan.

Samantala, bumabalik sa sirkulasyon ang mga personalidad na hindi kalaunan ay nasangkot sa pangungurakot. Naaabsuwelto ang mga kawatan. Itinatanghal na bayani ang yumurak sa dangal ng mamamayan. Namamayagpag na naman ang korupsyon. Nakapagtataka ang katahimikan ng Pangulo sa mga kaganapang ito. Wala ba siyang alam o may basbas siya dito?

Sa gitna ng mga usaping ito, nasaan ang salita ng Diyos?  Sa mga bagong Tiberio, Pilato, o Herodes ng ating panahon ba? Kung nasa kanila ito, wala sigurong magbibitiw ng walang basehang akusasyon sa sinuman. Wala sigurong mangungunsinti sa mga kawatan. 

Kailangan natin ng mga bagong Juan Bautista. Kailangan natin ng mga taong bukas sa salita ng Diyos. Kailangan natin ng mga taong magpapahayag at magpapatotoo sa salita ng Diyos. 

Kung may maganda tayong maipamamasko sa ating mga sarili, pamilya, at bayan, ito ay walang iba kundi isang pusong tatanggap at palalaguin ang salita ng Diyos. Kung ganito ang mga puso natin, magiging matatag tayo sa anumang pagsubok. Ang ating pagkatao ay hindi madaling maimpluwensiyahan ng mga baluktot na gawi, fake news, at kabikabilang pag-uusig. 

Kailangan natin ng mga bagong Juan Bautista upang ihanda ang daraanan ng Salitang-Nagkatawang-tao, ang Maluwalhating Panginoong maggagawad ng tunay na katarungan sa lahat.

Ikaw ba ito, kapatid?






Thursday, August 02, 2018

Tuldukan na ang Endo!

(Larawan ng isang babaeng biktima ng karahasan sa welga sa NutriAsia; Anakbayan/UST)

Nakatawag-pansin ang naganap na karahasan laban sa mga nagwewelgang manggagawa ng NutriAsia, kilalang tagagawa ng mga produktong gaya ng Datu Puti, Silver Swan, Mang Tomas, atbp. Tatlumpung tao, kagaya ng babaeng nasa litrato, ang nasaktan. Bukod dito, dalawampung tao ang inaresto.

Noon pang Hunyo nagsimula ang welga bunsod ng kontraktwalisasyon na ipinaiiral diumano ng NutriAsia. Sa kontraktwalisasyon (mas kilala sa tawag na end of contract o endo), hindi tiyak kung hanggang kailan ang termino ng manggagawa. Kadalasan tumatagal lamang ito ng anim na buwan na walang katiyakan kung ito ay babaguhin pa.  Sang-ayon kay Cristina Palabay ng samahang Karapatan, itinatanggi sa mga manggagawang nasa ilalim ng kontraktwalisasyon na magkaroon ng ugnayan sa kanilang amo. Bukod dito, ipinagwawalang-bahala rin ng nasabing sistema ang karapatan ng mga manggagawa.

Maaalalang naging pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte na ibabasura niya ang maling kalakarang ito, noong nangangampanya pa siya. Nabuhayan ng loob ang mga manggagawa sa kanyang salita at lalo pang umigting ang kanilang pag-asa nang maluklok siya sa puwesto. 

Noong Marso 2017, nilagdaan ni Kalihim Silvestre Bello III ng Department of Labor ang Department Order 174 (DO 174). Sang-ayon sa kautusang ito, tanging mga manpower agencies, at hindi ang mga nagmamay-ari ng mga kumpanya, ang inuutusang gawing regular ang kanilang mga manggagawa. Umalma ang mga samahang manggagawa sa nasabing kautusan dahil hindi ito ang ipinangako ni Duterte sa taumbayan. Dahilan ni Bello, tanging Kongreso ang may kapangyarihang baguhin ang batas. 

Ika-27 ng Abril 2017, nagsanib-puwersa ang Kilusang Mayo Uno at Trade Union Congress of the Philippines para gumawa ng burador na executive order para sa Pangulo na magsisilbing alternatibo sa DO 174.

Ika-1 ng Mayo 2017, nangako ang Pangulo na lalagdaan ang isang executive order upang wakasan na ang endo. Sinasabing lalagdaan diumano ng Pangulo noong ika-15 ng Marso ng taong kasalukuyan ang kautusan. Subalit, hanggang ngayon ay wala pa ring kautusang nanggagaling sa Palasyo. 

Ilang karahasan pa kaya ang magaganap bago maalala ng Pangulo ang kanyang pangako? Ilan pang mamamayan ang magbibilang ng poste sa oras na mapaso na ang kanilang kontrata? Ilan pang pamilya ang magugutom dahil sa kawalan ng katiyakan sa trabaho. 

G. Pangulo, may mga obligasyong pinansyal din po ang mga manggagawa. May mga pamilyang binubuhay. May mga pangarap na nais matupad. Huwag naman sanang mauwi sa limot ang inyong binitiwang-salita sa kanila.

Friday, July 20, 2018

Pananampalataya at Katotohanan


Naging balita na nitong mga huling buwan ang pagkansela ng Bureau of Immigration  (BI) ng visa ni Sr Patricia Fox, isang madreng taga-Australia. Binawi ng BI ang visa ng madre dahil sa kanya diumanong pagiging aktibista. Naging matagumpay ang apila ng madre sa Department of Justice (DOJ). Sang-ayon sa DOJ, nagkamali ang BI sa pagkansela ng visa. Mapapaso ang visa ng madre sa Septyembre at balak niyang baguhin ito upang maipagpatuloy ang kanyang paglilingkod sa bansa.

Subalit marami ang nabigla nang ituloy pa rin ng pamahalaan ang deportasyon kay Sr Pat. Sang-ayon kay Bishop Artuto Bastes ng Sorsogon, kinumpirma lamang ng deportasyon ang suspetsang pinupuntirya ng gobyerno ang sinumang pumupuna dito.  Sa pananaw naman ni Bishop Broderick Pabillo ng Maynila, matapos maglingkod sa mga mahihirap ng bansa, ito pa (ang deportasyon) ang igaganti ng pamahalaan sa madre.

Noong Abril, nagpahayag ng kanyang saloobin si Fr Shay Cullen, SSC (http://anluwage-fathershay.blogspot.com/2018/04/deport-sex-tourists-not-missionaries.html) sa pagmamaltrato sa madre at sa sinumang misyonero sa bansa.

Noong 1983, ipiniit sina Fr Niall O'Brien at Fr Brian Gore (mga misyonerong Columbano katulad ni Fr Cullen at naging sangkot sa pagbubuo ng Basic Christian Communities sa Negros.) kasama sina Fr Vicente Darangan at anim na laykong naglilingkod sa parokya. Pinagbintangan sila ng diktaduryang Marcos sa salang pagpaslang sa isang alkalde at kanyang mga bantay - isang salang inamin na ng New People's Army. Tinaguriang Negros Nine, inakusahan sila ng mga bulaang saksi na hinakot ng militar. Subalit nakuha nila ang atensyon ng maraming bansa na siyang naging dahilan para ibasura ang kaso laban sa kanila.

Ano ang nais ipabatid sa atin ng istoryang ito? Ang pinanghahawakan nating pananampalataya at katotohanan. Nanatiling tapat at totoo ang Negros Nine. Hindi biro ang makulong, lalo na kung wala kang kasalanan. Sa kanilang pagkapiit, hindi sila nasiraan ng loob. Bagamat umalis ng bansa sina Fr O'Brien at Fr Gore matapos ang kanilang paglaya (Ito diumano ang kundisyon para mapalaya ang anim na Pilipinong kasama nilang ikinulong.), bumalik silang muli sa Pilipinas nang mapatalsik si Marcos noong 1986. 

Sa ating pamahalaan: hindi si Sr Pat o sinumang misyonero ang kalaban. Ang mga totoong kalaban ay ang katiwaliang namamayagpag sa lipunan na kahit aso sa kalsada ay maaamoy ang baho nito, ang lumalaking utang sa World Bank-IMF, ang walang-habas na pagpaslang sa mga pinaghihinalaang lulong sa droga, ang maruming pulitika, ang kawalan ng katarungan, ang di makatuwirang pagsakop ng Tsina sa West Philippine Sea sa kabila ng desisyon ng UN Convention on the Law of the Sea pabor sa ating bansa, at ang pagiging makasarili. Ito po ang mga dapat ninyong pagtuunan ng pansin. Hindi ang mga walang kalabanlaban, misyonero man o ordinaryong mamamayan.

Kay Sr Pat at sa iba pang misyonero sa bawat sulok at isla ng Pilipinas: salamat po sa inyong pagiging bukas-palad. Huwag kayong masiraan ng loob. Ipaglaban ninyo ang nararapat. Kasama ninyo kami sa inyong laban. Ipagpatuloy ninyo ang misyong ipinagkatiwala sa inyo ni Kristo!








Tuesday, December 26, 2017

Salamat sa Lahat-lahat!


Nakaugalian na sa ilang simbahan sa Pilipinas ang pagpapahalik sa estatwa ng Banal na Sanggol kapag Kapaskuhan. Bagama't mayroong Belen kung saan mapagmamasdan ang Banal na Mag-anak nina Jose, Maria, at Jesus, tila hindi ito sapat para makapagbigay-pugay ang maraming mananampalatayang nakikiisa sa mga banal na pagdiriwang. Ang pagpapahalik sa Banal na Sanggol pagkatapos ng Misa ay isang paraan para mapunan ang kakulangang ito. 

Nakakatuwang mapagmasdan ang mga taong nagsisilapit sa santuwaryo ng simbahan, minsan pa'y nag-uunahan silang humalik sa bagong-silang na Panginoon. Sa ilang simbahan pa nga ay higit pa sa isang estatwa ang pinapahalikan upang  matugunan ang dami ng mga deboto.

Lumalapit ka ba't humahalik sa Banal na Sanggol o hindi? Kung lumalapit ka, ano ang motibo mo? Kung hindi naman, anong pumipigil sa iyo para lumapit? 

Sa isang Pamaskong mensahe ni Pope Francis, hinikayat niya tayong lumapit nang may pagtitiwala, nang may pagpapaubaya simula sa ating mga limitasyon at kasalanan. Minsan mahirap itong gawin dahil ayaw nating kaawaan tayo ng iba. Minsan mahirap itong gawin lalo na kung puno tayo ng kayabangan. Subalit, sang-ayon sa Papa, ang diwa ng tunay na Pasko ay ang kagandahan na mahalin tayo ng Diyos sa kabila ng ating mga nakaraan, sa kabila ng anumang baho mayroon tayo. 

Sa susunod na pagkakataon, huwag tayong mag-atubiling lapitan at halikan ang Banal na Sanggol. At sa ating paghalik sa Kanya, ibulong natin ang mga salitang ito ni Pope Francis: Salamat. Salamat dahil ginawa mo ang lahat ng ito para sa akin.

Sumaatin nawa ang pag-ibig na taglay ng Banal na Sanggol ngayong Kapaskuhan at sa Bagong Taon!




Sunday, December 03, 2017

Pasko Noon at Ngayon


Sa pagbubukas ng mga ilaw sa simbahan ng Parokya ng Sta. Maria Magdalena sa Kawit, Cavite, bilang hudyat ng Kapaskuhan, sinabi ng Kura Paroko Fr Andy Manaog na walang pagbabago ang pagdiriwang ng Pasko noon at ngayon. Ipinaliwanag niya na "atin lamang ipinagpapatuloy ang sinimulan hanggang sa ngayon."

Sa anumang sulok ng mundo, may kanya-kanyang kaugalian kung paano ipinagdiriwang ang Pasko. Sa ating bansa, hitik tayo sa mga tradisyong minana pa natin sa mga ating mga ninuno, mga tradisyong minana pa nila sa Inang Espanya.

Sa bawat pamilyang Pinoy, ang Kapaskuhan ay panahon para magkasama-sama ang pamilya. At sa ating bokabularyo, ang pamilya ay hindi lamang mga magulang at mga anak. Kasama din ang iba pang kamag-anak, lalo na ang mga lolo at lola. 

Nakatitiyak kami na sa mga pamilyang may mga lolo at lola, hindi mawawalan ng mga kuwento tungkol sa kung paano nila ipinagdiwang ang Pasko noong kapanahunan nila. At sa mga kuwentong ito, mapapansin ng mga pamilya na ginagawa pa rin nila ang mga ginawa noon ng kanilang mga nakatatanda. Kung hindi man, ito siguro ang magandang pagkakataon para talakayin at pagnilayan kung bakit hindi na ito isinasagawa o kaya ay binago.

Bagama't dumaan na sa maraming pagbabago ang lipunan at para sa iba ay tila naging mas mahirap na ang buhay, patuloy pa ring nagiging tapat ang pamilyang Pinoy sa mga tradisyon ng Pasko: ang Simbang Gabi, ang paggayak ng Belen, ang Noche Buena, ang pagbibigay ng regalo, atbp. 

Sa pagdiriwang sa Kawit, sinabi ni Fr Manaog "Nang tayo'y binyagan...tinanggap natin ang liwanag mula kay Kristo...mayroon tayong tungkulin to radiate this light hindi lamang para sa ating sarili, but we have to light our neighbors". Marami mang pagsubok na dumating sa ating bansa at pamilya, patuloy nawa nating isagawa ang ating mga magagandang kaugalian. Mahalagang mabigyan-diin dito na hindi katanggap-tanggap na haluan ng komersyo o pulitika ang anumang tradisyon. Mawawala ang kabuluhan at saysay ng tradisyon kung ito ay mahahaluan ng ibang motibo.  Kung mayroong pagdududa, magandang isangguni ito sa mga nakakatatanda.

Higit sa lahat, patuloy nawa nating ipasa ang liwanag ni Kristo lalo na sa mga napapariwara at nasisiraan ng loob. 


Friday, September 08, 2017

Ibalik ang Hindi Inyo



Ipinahayag kamakailan ni Pangulong Rodrigo Duterte na handang isauli ng pamilya Marcos ang bahagi ng kanilang yaman para diumano tulungan ang pamahalaang harapin ang kakulangan sa badyet. Mapapansin na hindi ginamit ng Pangulo ang salitang ill-gotten wealth para ilarawan ang yamang alok ng pamilya ng nasirang diktador.

Kasuklam-suklam na marinig na ang dahilan kung bakit itinago diumano ni Ferdinand Marcos ang yaman ng bansa ay para protektahan ang ekonomiya. Sino kayang may matinong pag-iisip ang maniniwala sa rasong ito? Habang papalubog ang ekonomiya ng bansa, namuhay nang maluho ang kanyang pamilya. Saan nila kinuha ang pera? 

Sang-ayon kay Fr Armando Picardal, CSsR, isang paring naging biktima noong panahon ng batas militar, ang alok ng mga Marcos ay malinaw na pag-amin na ninakawan nila ang bansa at dapat nila itong isauli nang buo at walang kapalit. 

Mahalagang ang Pangulo at ang sinumang pagkakatiwalaan niyang makipag-ugnayan sa mga Marcos ay maging marunong at maingat sa alok na ito. Nakakabahala na ang mga Marcos na dating isinuka ng bansa ay unti-unting bumabalik sa kapangyarihang inabuso nila. Sariwa pa sa aming alaala ang hindi angkop na pagpapalibing sa labi ng yumaong Marcos sa Libingan ng mga Bayani. Ano pa ang susunod? Iurong ang mga kasong isinampa ng pamahalaan laban sa kanila?

Totoong kailangang may sapat na salapi ang pamahalaan para manatili itong naglilingkod sa bayan, lalo na sa mga mahihirap at nangangailangan. Malaking problema kung may kakulangan sa badyet. Matatandaang 40% ng taunang badyet ay ipinambabayad sa inutang ni Marcos sa World Bank-International Monetary Fund (WB-IMF) noong siya ay nanunungkulan. Tinatayang hanggang 2025, may utang ang bawat Pilipino na dapat bayaran sa WB-IMF. 

Sa matinding pangangailangan ng kasalukuyang administrasyon, huwag sana nilang pairalin ang utang na loob - hindi lingid sa atin na may tinatanaw na utang na loob si Duterte kay Imee Marcos, isa sa kanyang campaign donors. Huwag sana silang magkasya sa bahagi lang ng nakaw na yaman. Higit sa lahat, huwag sanang silang kumapit sa patalim.




Tuesday, August 22, 2017

Bajo la Campana



Noong panahon ng mga Kastila, sang-ayon sa istoryador na si Ambeth Ocampo, naging mabisang kasangkapan ang mga kampana ng simbahan upang anyayahan ang mga mamamayan na manalangin, ipahayag ang mahahalagang okasyon gaya ng binyag, kasal, o kamatayan, at magbabala kung may mga panganib gaya ng sunog o pagsalakay ng mga pirata.  Ganoon kabisa ang mga kampana kung kaya tinagurian ang mga sinaunang Pilipino na naninirahan bajo la campana (sa ilalim ng kampana). Sa makabagong panahon, lalo na sa mga lungsod, hindi na masyadong ginagamit ang mga kampana maliban sa mga relihiyosong gawain.  

Noong Linggo, iniutos ni Archbishop Socrates Villegas na patugtugin "ang lahat ng kampana sa lahat ng simbahan (sa Arkidiyosesis ng Lingayen-Dagupan)...simula alas otso ng gabi sa loob ng kinse minutos nang tuloy tuloy." mula ika-22 ng Agosto hanggang ika-27 ng Nobyembre ng taong kasalukuyan.

Bunsod ito ng pagkadismaya ni Villegas sa kaguluhang nagaganap sa bansa sa gitna ng kabikabilang pagpatay na ipinapatupad ng pamahalaan bilang bahagi ng laban nito sa droga. Idinaing rin ng butihing arsobispo ang kawalan ng simpatiya ng taumbayan sa mga biktima ng extrajudicial killings (EJKs): "Bakit kakarampot na lamang ang kababayang naaawa sa mga ulila? Hindi na ba tayo marunong umiyak? Bakit hindi na tayo nasisindak sa tunog ng baril at agos ng dugo sa bangketa?" 

At dahil wala na ngang simpatiya ay sinisisi pa ng mga sumasang-ayon sa EJKs ang mga biktima. Sang-ayon kay Villegas: "Ang gulo ng bayan! Ang opisyal na pumatay ay may parangal. Ang pinatay ay sinisisi. Hindi na makapagpaliwanag ang mga bangkay sa bintang sa kanila 'Nanlaban kasi.' Hindi na nila masabi 'Nagmakaawa po ako hindi ako lumaban!'" 

Ano ang layon ng pagbagting ng mga kampana? "Ang bagting ng kampana ay tawag ng paggising sa bayang hindi na marunong makiramay sa ulila, nakalimutan ng makiramay at duwag na magalit sa kasamaan. Ang tunog ng kampana ay tawag na ihinto ang pagsangayon sa patayan!" 

Puno ng emosyon ang lihamm ni Villegas. Samantala, naglabas ng hiwalay na liham si Cardinal Luis Antonio Tagle kung saan nag-alay siya ng mas malalim at mga kongkretong hakbang tungkol sa isyu ng bawal na droga. Una, nanawagan si Tagle na magkaroon ng diyalogo ang sari-saring bahagi ng lipunantungo sa pagbabalangkas ng karaniwang landas kung paano malulutas ang problema sa bawal na droga. Sang-ayon kami kay Tagle na hindi dapat na ituring na isyung politikal o kriminal lamang ang problemang ito dahil apektado tayong lahat nito. Ang alok ni Tagle na magsilbing tagapag-ugnay ang Arkidiyosesis ng Maynila sa pag-uusap na ito ay dapat suportahan.

Pangalawa, iminungkahi ng kardenal na pakinggan natin ang kuwento ng mga naapektuhan ng bawal na gamot.  Ang paanyayang makipag-ugnayan ang mga kinauukulan sa kanilang mga kura-paroko, gayon din ang pagkatok sa puso ng mga gumagawa at nagbebenta ng mga bawal na gamot pati na rin sa mga pumapatay ng mga inosenteng mamamayan ay tanda ng pag-aaruga ng Simbahan sa kanyang mga anak. 

Pangatlo, ang paglupig sa kasamaan sa pamamagitan ng kabutihan (Taga-Roma 12:21). Kinilala ni Tagle ang mga kabataan, mahihirap, at walang hanap-buhay bilang mga madaling maaapektuhan ng pagkalulong sa bawal na gamot.  Kung kaya hinikayat niyang isulong ng mga parokya at bikaryato ang Sanlakbay, ang drug rehabilitation program ng arkidiyosesis.

Sa ating editoryal noong isang linggo, sinabi natin na ang pusong Pinoy ay pusong "may Diyos na kinatatakutan, may kapwang pinagmamalasakitan".  Sa gitna ng masalimuot na isyu ng bawal na gamot sa ating bansa, masasabi ba nating ganito ang ating puso? Ang ating pagtugon sa pagbagting ng kampana at ang ating malawak at malalim na pagninilay sa isyu ng bawal na gamot ang magiging sukatan nito.


Friday, August 18, 2017

Pusong Pinoy


Ginugunita tuwing ika-17 ng Agosto ang pagpapakasakit ni Beato Jose Maria de Manila, isang paring Capuchino at martir.  Anak ng mag-asawang Kastila, isinilang si Eugenio del Saz-Orozco Mortera sa Maynila noong ika-5 ng Setyembre 1880. Naging mag-aaral siya sa Ateneo de Manila, Colegio de San Juan de Letran, at sa Unibersidad ng Santo Tomas. Nagtungo siya sa Espanya noong 1896 para ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral. Habang nasa Espanya, ipinasya niyang umanib sa Order of Friars Minor Capuchin (OFM Cap) sa kabila ng pagtutol ng kanyang mga magulang. 

Sa kanyang pag-anib sa ordeng ito, pinalitan niya ang kanyang pangalan bilang Jose Maria de Manila. Inordenahang pari noong ika-30 ng Nobyembre 1910, hinangad niya na makabalik sa kanyang bayang sinilangan upang doon maging misyonero. Subalit hindi ito nangyari. Kaya masigasig niyang ipinahayag ang Mabuting Balita sa Espanya na dumaranas noon ng matinding kahirapan dulot ng Unang Digmaang Pangdaigdig. 

Sa kasagsagan ng Digmaang Sibil sa Espanya, kinumpiska o sinira ang mga pag-aari ng Simbahang Katoliko at kinulong ang mga pari at relihiyoso. Isa si Jose Maria sa mga naging biktima ng pag-uusig na ito. Ika-17 ng Agosto 1936, pinatay siya sa hardin ng Cuartel de la Montana sa Madrid. Noong ika-13 ng Oktubre 2013, ipinahayag siya at ang 521 kapwa-martir bilang mga beato.

Dahil isinilang siya sa Pilipinas, itinuturing na isang Pilipino, isa nating kababayan, si Beato Jose Maria. Sa kanyang hangaring bumalik sa Pilipinas para doon maglingkod, ipinakita niya na siya ay may pusong Pinoy.  

Ano ang aral na mapupulot natin mula kay Beato Jose Maria? Sa ganang amin, ito'y ang patuloy na paglingon sa pinanggalingan. Saan man tayo naroroon ngayon, huwag na huwag sana nating kakaligtaan ang ating pinag-ugatan. Nasa Pilipinas man tayo o hindi, sikapin nating manatiling may pusong Pinoy: may Diyos na kinatatakutan, may kapwang pinagmamalasakitan.  Kung maisasagawa natin ito, magkakatotoo ang mga huling salitang binigkas ni Beato Jose Maria: "Mabuhay si Kristong Hari!". 

Beato Jose Maria de Manila, ipanalangin mo kami.

Tuesday, July 11, 2017

Tatlong Aral



Sa kanyang huling pambungad na pananalita bilang pangulo ng Catholic Bishops' Conference of the Philippines (CBCP), binigyang-diin ni Archbishop Socrates Villegas ang tatlong mahalagang aral na natutuhan niya sa loob ng apat na taong panunungkulan: lawak ng pag-iisip, lakas ng loob, at bukas-palad.

Ginunita ni Villegas ang sari-saring okasyon kung saan ipinamalas ng mga CBCP ang tatlong aral na ito, kagaya ng paglindol at ang pananalanta ng bagyong Yolanda sa Kabisayaan noong 2013, ang pagdalaw sa bansa si Pope Francis noong 2015, ang pagdaraos ng International Eucharistic Congress sa Cebu noong 2016, atbp.


Kung nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang administrasyong Aquino at ang CBCP, lalo pa itong lumala nang mahalal si Rodrigo Duterte. Sinalubong ni Duterte ng batikos ang anumang panawagan ng mga obispo. Tinawag pa niya silang isang kumpol ng mga ipokrito. Bukod dito, kung anu-anong pekeng balita ang kumalat sa social media laban kay Villegas at mga kasamang obispo. Sang-ayon na rin kay Villegas, sa kabila ng hindi magandang pagtrato sa kanila, pinili pa rin ng mga obispo na umangat.

Ang talumpati ni Villegas sa kanyang mga kapwa-obispo ay panawagan rin sa iba pang kaanib ng Simbahan. Ito ay panawagan sa atin. Sa ating pagsasabuhay ng ating pananampalataya may mga tao, gawi, o sistemang hihila sa atin pababa. Paano tayo aangat? 

Una, kailangan nating ng malawak na pag-iisip. Hindi katanggap-tanggap ang maging makitid ang pag-iisip, ang mag-akalang tayo lang ang tama. Sa ating mga parokya, nakikinig pa rin ba tayo sa magkakaibang mga pananaw nang may paggalang at pag-ibig o tutulad na rin tayo sa mga nanunuligsa sa sinumang sumasalungat sa kanila?

Pangalawa, kailangan natin ng lakas ng loob. Bahagi na ng buhay-Kristiyano ang humarap sa anumang uri ng pag-uusig.  Alam ng ating mga obispo na lumang tugtugin na ang pang-uusig na ginagawa sa kanila dahil nangyari na rin ito noong panahon pa ni Kristo at ng mga unang mananampalataya. Sa ating mga sariling pamayanan, hindi maiiwasan ang intriga. Kaya ba nating sikmurain ang mga pamumuna at mga tsismis matupad lamang ang kalooban ng Diyos?

Pangatlo, kailangan nating maging bukas-palad. Ipinaliwanag ni Villegas na tanging sa pagiging bukas-palad lamang tayo makakapagpadama ng pag-ibig.  Gaano nga ba kabukas ang ating mga palad sa mga taong nasa paligid natin? Sa mga maralita sa ating parokya? Sa mga proyekto sa ating sambayanan? O madalas bang nakasara ang ating mga palad? Pinapaalalahanan tayo ng butihing arsobispo na hindi nagmamahal ang nakasara ang palad. Nakakasakit at nakakasugat lamang ito. 

Nagpapasalamat kami kay Archbishop Villegas sa kanyang tapat na paglilingkod bilang pangulo ng CBCP. Dalangin namin na patuloy siyang patnubayan ng Poong Maykapal bilang pastol ng Kanyang kawan. Nakikiisa rin kami sa pagbati at pagdarasal kay Archbishop Romulo Valles, ang bagong-halal na pangulo ng nasabing kapulungan. Gabayan nawa siya, ang kanyang mga kapwa-opisyal, at ang lahat ng mga obispo sa kanilang panunungkulan sa sambayanang Pilipino.






Wednesday, June 07, 2017

Isang Paggising

https://www.youtube.com/watch?v=u1PMdNwFH50
Lumabas kamakailan sa social media ang isang video kung paano nilapastangan ng Maute group ang Katedral ng Marawi. Nakakasakit ng loob at nakakagalit na mapagmasdan ang ginawa ng iilang kababayan natin sa tahanan ng Diyos: ang pagsira sa mga rebulto ng Panginoon, ng Mahal na Birhen, at ni San Jose; ang pagkakalat ng mga kagamitang pangmisa; at ang pagsunog sa katedral.

Halu-halong reaksyon ang maririnig sa balana. May mga nagsasabing parusahan na sana ng Diyos ang mga salarin. May mga nagsasabing kailangan nating ipagdasal ang mga salarin. May mga nagsasabi ring kahit anong pagsira ang gawin ng ibang tao sa ating mga simbahan, hindi pa rin nila masisira ang Simbahan (i.e. ang Bayan ng Diyos).

Dapat nga tayong mas maging metatag sa ating pananampalataya sa kabila ng mga pagsubok na tulad nito. Kailangan din nating ipagdasal ang mga salarin dahil, sang-ayon na rin sa ating Panginoon, "hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa" (Lukas 23:34). Mahalaga rin na mahuli sila at mabigyan ng karampatang parusa sang-ayon sa itinatadhana ng batas, ng hustisya.

Sa mga kaganapang gaya nito, lalong nagiging maliwanag  at napapanahon ang panawagan ng Mahal na Birhen ng Fatima para magbayad-puri tayo. Gaano ba nating pinahahalagahan ang tahanan ng Diyos? Nagpupunta lang ba tayo dito kung may kailangan tayo o may mahalagang okasyon gaya ng kasal, libing, o binyag? Nag-aambag ba tayo para sa ikalalago ng ating parokya?

Ilang mungkahi lamang ito kung paano tayo makakapagbayad-puri. Sa susunod na magpupunta tayo sa simbahan, mag-ukol tayo ng ilang saglit para buksan ang ating puso sa Panginoon na laging naroroon sa Banal na Sakramento. Makiisa tayo sa pagdarasal ng Rosaryo ng parokya para sa kapayapaan. Hilingin natin sa Mahal na Ina at sa iba pang mga banal na samahan tayo sa ating pagsunod kay Kristo at pagtaguyod sa Kanyang sambayanan. Mabisa ang panalangin! Makisangkot rin tayo sa anumang gawaing pansimbahan. May bahagi tayong lahat sa pamayanang Kristiyano!

Sa ganang amin, isang paggising sa ating mga Katoliko ang naganap na insidente sa Marawi. Huwag nating ipagwalang-bahala ang ating pagiging Katoliko Kristiyano. Magbigay-inspirasyon tayo sa mga kapwa-Katoliko sa Marawi at sa iba pang lugar kung saan may mga pag-uusig na nagaganap.


Wednesday, May 31, 2017

Fatima



Sandaang taon na ang nakakalipas nang magpakita ang Mahal na Birheng Maria kina San Francisco Marto, Santa Jacinta Marto, at Lucia dos Santos sa Fatima, Portugal. Kasagsagan ng Unang Digmaang Pandaigdig noon. Anim na beses na nagpakita ang Mahal na Ina sa tatlong batang pastol, tuwing ika-13 ng buwan, mula Mayo hanggang Oktubre 1917. May tatlong mahalagang paksa ang mensahe ng Birhen: pagbabago ng puso, pagsasakripisyo, at pagdarasal ng Rosaryo.

Para sa sinumang nais sumunod sa landas ni Kristo, mahalaga ang magbago ng puso, ang magsisi sa kasalanan at sumampalataya sa Mabuting Balita (Marcos 1:15). Sa pagpapakita ni Maria sa Fatima, hiniling niya ang pagdedebosyon sa kanyang Kalinislinisang Puso. Sa puso ni Maria, matatagpuan natin ang pusong tumatalima sa kalooban ng Diyos. Sang-ayon kay Cardinal Vincent Nichols ng Westminster, ang  debosyon sa Kalinislinisang Puso ni Maria ay isang paraan para umoo rin tayo sa pusong kagaya ni Maria upang makapagbukas tayo ng mga sariwa at tiyak na daraanan patungo kay Kristo. 

Mahalaga ring gumawa tayo ng mga sakripisyo bilang tanda ng ating pagbabagong-puso at pagbabayad-puri hindi lamang sa ating mga kasalanan, kundi sa sala ng buong mundo - mga pagkakamaling labis na nakasakit sa mapagmahal nating Diyos. Ang pamumuhay nang payak, ang paglimita sa paggamit ng social media, ang pag-iwas sa bisyo, at ang tahimik at mapayapang pagharap sa anumang suliranin ay ilan lamang halimbawang aming maimumungkahi.

Hindi madaling magbagong-buhay. May mga pagkakataong madarapa tayong muli sa lusak ng ating mga kasalanan. Ang pagbabagong-buhay ay panghabang-buhay. Alam ito ng Mahal na Birhen kaya pinangangaralan niya tayong dasalin ang Rosaryo araw-araw. Sa Rosaryo, matutunghayan natin ang naging buhay ni Maria kaisa ng Panginoong Jesus. Sa Rosaryo, nakikiisa tayo sa pagpupugay ni Arkanghel Gabriel: Aba Ginoong Maria, napupuno ka ng grasyaSa Pilipinas, mas kilala ang Block Rosary devotion bilang Fatima dahil ang debosyong ito marahil ay tugon sa panawagan ng Mahal na Birhen ng Fatima. Mapupuna ring ang rebulto ng Birhen ng Fatima ang pangkaraniwang rebultong ipinapanhik sa bahay-bahay.

Sa kanyang ikatlong pagpapakita sa Fatima noong ika-13 ng Hulyo 1917, sinabi ni Maria na balang-araw magtatagumpay ang kanyang Kalinislinisang Puso. Bilang kanyang mga anak, anong maiaambag natin para matupad ito?

Friday, March 31, 2017

Karunungan


Kung mayroon mang maipapamana ang sinumang Pilipinong magulang sa kanilang mga anak, ito'y walang iba kundi ang edukasyon. Ayos lang kahit kumayod na parang kalabaw ang mga magulang o magdildil sa asin ang pamilya, basta makapagtapos ang kanilang mga anak sa pag-aaral. Naniniwala tayong edukasyon ang susi sa kaunlaran ng isang indibidwal. At dahil hindi naman tayo "nabubuhay para sa sarili lamang", may kalalagyan din ang lipuna't bansang ating kinabibilangan sa edukasyong ipinamana sa atin.

Maraming kurso na mapagpipilian ang mag-aaral. May mga pumipili ng kursong pinag-aralan ng kanilang mga magulang o kaya'y ang kursong in-demand. Mayroon din namang pinipili ang kursong abot-kaya lamang.

May mga nagsasabing kailangang pasiglahin ang mga kursong pang-agrikultura sa ating bansa dahil marami tayong lupaing pansakahan.  May mga nagsasabing kailangan nating pasiglahin ang mga kurso sa larangan ng agham at teknolohiya kung nais nating matulad sa mga maunlad na karatig-bansa gaya ng Japan. May mga nagsasabing kailangan nating pasiglahin ang kursong pangkalusugan para matugunan ang pangangailangan ng mga bansang may malaking porsyento ng mga matatandang mamamayan. 

Sa ganang amin, ang anumang kurso ay dapat magpasigla sa karunungan ng mag-aaral. Hindi kumpleto ang edukasyon kung katalinuhan lamang sa anumang larangan ang makakamit ng estudyante. Mahalagang gamitin din niya ang katalinuhang ito nang wasto. Mahalagang maging marunong siya.

Sa mga kaganapan sa ating bansa, nakakalungkot isiping tila wala na ang karunungan.   Saan ka nakakita ng isang diktador na inilagak ang mga labi sa Libingan ng mga Bayani? Nasaan ang karunungan ng Pangulo para gawin ang hakbang na ito gayong lantad naman ang mga kasamaan ni Ferdinand Marcos?

Noong unang araw ng Marso, nabalitaan nating inaprubahan na ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pagbabalik ng death penalty. Nasaan ang karunungan ng mga mambabatas nating sang-ayon sa panukalang ito? 

Kamakailan ay inaprubahan ng Mababang Kapulungan ang panukalang batas para ideklarang pista opisyal sa buong bansa ang ika-8 ng Disyembre, ang Kapistahan ng Kalinislinisang Paglilihi kay Maria. Sinasabing si House Majority Leader Rodolfo Farinas ang may-akda ng panukalang batas. Maaalalang si Farinas rin ang isa sa mga mambabatas na nanguna para madaliin ang pag-apruba sa pagbabalik ng death penalty. Bagama't nakakataba ng puso na gawing national holiday ang Kapistahan ng Mahal na Birhen, hindi namin maiwasang mag-usisa: Isa kaya itong hakbang ito para magpabango ang Kongreso matapos talikuran ang pananampalatayang Kristiyano na hindi sumasang-ayon sa parusang kamatayan? Hindi kaya isa kaya isa lamang itong pagpapaimbabaw? Hindi kaya napaghahalata dito ang kanilang kamangmangan?

Ano ang saysay ng katalinuhan kung sa mga pangyayaring ito ay pawang mga makapangyarihan lamang ang makikinabang? Ano ang saysay ng ating mga pinag-aralan kung hindi tao ang turing natin sa iba, lalo na sa mga maralita? Ano ang saysay ng anumang antas na ating nakamit sa pamantasan kung pinangungunahan tayo ng ambisyon at hindi misyon?

Paano nga ba natin makakamit ang karunungan? "Pagmamahal sa Panginoon ay simula ng karunungan", sabi ng isang awitin.  Kung wala tayong pagmamahal sa Panginoon, kung wala tayong takot sa Diyos, kung hindi natin kinikilala ang Kanyang mga aral at hindi sinusunod ang Kanyang kalooban, huwag tayong magtaka kung bakit namumuhay pa rin tayo sa kamangmangan.

Habang papalapit nang papalapit ang mga Mahal na Araw, muli nating hanapin ang Diyos, May puwang pa ba Siya sa buhay natin? Sa buhay ng ating bansa? Kung mayroon, gaano natin Siyang minamahal? 







Saturday, February 11, 2017

Matapobre



Hindi pa man nakakaupo sa puwesto, ipinahayag na ni Pangulong Duterte na nais niyang ibalik ang parusang kamatayan. Maaalalang binuwag ito noong panunungkulan ni dating Pangulo Gloria Macapagal-Arroyo noong 2006. Sang-ayon kay Duterte, ganti lamang sa mga gumawa ng karumaldumal na mga krimen kagaya ng panggagahasa at pagpaslang ang death penalty.

Subalit ito ay mariing tinutuligsa ng Simbahang Katoliko at ng mga human rights groups. Para sa Simbahan, taliwas ito sa utos ng Diyos - Huwag kang papatay. Hindi rin ito sang-ayon sa paniniwalang ang Diyos ay isang maawaing Ama na hindi magsasawang magbigay ng pagkakataong magbago ang mga nagkasala Niyang anak.

Ngunit, nagmamatigas si Duterte. Gayon din ang mga kaalyado niya sa Kongreso, lalo na sa Mababang Kapulungan. May pananakot pa diumano si Speaker Pantaleon Alvarez na aalisin niya sa puwesto bilang mga opisyal ng mga komite ang mga mambabatas na hindi susuporta sa pagbabalik ng death penalty. Kasama sa mga nanganganib maalis sa puwesto bilang deputy speaker si Gloria Macapagal-Arroyo. 

Nakikiisa kami sa panawagan ng ating mga obispo sa ating mga mambabatas na makinig sa kanilang konsensya at huwag nang ibalik ang parusang kamatayan. Bukod sa hindi ito sang-ayon sa kalooban ng Diyos, ito rin ay matapobre (galing sa dalawang Kastilang salita: matar - pumatay - at pobre - mahirap.). Ang tiyak na mamamatay, kung maibabalik ito sa bansa, ay ang mga mahihirap na walang pambayad sa abogadong magtatanggol sa kanila sa korte, mga mahihirap na ang kinasangkutan krimen ay wala sa kalingkingan ng plunder o pandarambong.  Nabalitaan ninyo ba na inalis nina Alvarez ang plunder sa listahan ng mga karumaldumal na krimen?

Sa panukalang pagbabalik ng parusang kamatayan, tandaan natin na hindi maitatama ng isang mali ang isa pang pagkakamali. At anumang gagawin natin na makakadehado sa mga dukha ay ginagawa natin kay Kristong naging biktima ng parusang kamatayan. 

Nakakapangilabot na gamitin ng boksingerong politiko ang Panginoong Jesus na argumento para mapanumbalik ang death penalty. Sa paggamit na halimbawa, ipinapalagay ng kilalang mambabatas (at pastor)  na tama at makatarungan ang pagpatay kay Kristo.  Hindi ito ang Kristong ating pinaniniwalaan. Ang Kristong ating pinaniniwalaan ay walang iba kundi iyong taong nakiramay sa lahat at pinarusahan na mamatay sa krus dahil sa kawalan ng katarungan.  

Kung si Kristo ay namumuhay na pobre sa Pilipinas sa kasalukuyan at napagbintangang lulong sa droga, kung hindi man Siya maging biktima ng extrajudicial killings baka death penalty (kung maibabalik ito) ang Kanyang kahantungan. 

Sino ang makikinabang kung ibabalik ang parusang kamatayan sa ating bansa? Sa ganang amin, hindi ang mga mahihirap.


Friday, January 27, 2017

Galit



Galit na naman si Digong. Sa kanyang pakikipanayam sa mga naulilang pamilya ng 44 na kasapi ng Special Action Force (SAF), ibinulalas na naman ng pangulo ang kanyang pagkamuhi sa Simbahang Katoliko at inilarawan itong puno ng kabulukan at baho. Hinamon niya pang magbitiw sa puwesto ang mga obispo. Bukod dito, inakusahan niya pang may dalawang asawa ang isang retiradong obispo.

Hindi maipagkakaila na sa kasaysayan ng Simbahan nandiyan si Judas Iscariote, ang alagad na nagkanulo kay Kristo sa halagang 30 pirasong pilak. Nandiyan din si Pope Alexander VI, isang kontrobersiyal na papang kilala sa pagkakaroon ng mga anak mula sa iba't ibang kerida at sa nepotismo sa pamamahala ng Simbahan. Nandiyan din ang mga pang-aabusong sekswal ng ilang kaparian. May kabulukan at baho ang Simbahan. Sa kabila ng mga iskandalong ito, ang Simbahan ay patuloy na tinatawag at tumutugon na maging banal dahil si Kristong nagtatag at nagligtas sa kanya ay banal. 

Sa ganang amin, hindi kami sang-ayon sa mga pahayag ng pangulo. Unang-una, wala sa tamang lugar at oras ang pambabatikos niya sa Simbahan.  Ano ang relasyon ng Simbahan o ng mga obispo sa isang pagtitipon para alalahanin ang mga yumaong kasapi ng SAF? 

Pangalawa, hindi angkop sa isang pinuno ng bansa ang ganitong uri ng pananalita.  Hindi dahilan ang galit para magbulalas ng saloobin. Bakit hindi niya harapin ang mga obispo? Itinuro ni Kristo na kung may kapatid tayong nagkasala kailangan natin silang harapin, hindi batikusin sa publiko.

Pangatlo, bilang ama ng bayan, mahalagang pagbuklurin ni Duterte ang lahat para sa ikakaganda ng Pilipinas. Sa mga ikinikilos at pinagsasabi ng pangulo - hindi lamang sa Simbahan kundi sa iba pang grupo o personalidad na hindi sumasalungat sa kanyang mga adhikain - lalong mawawatak ang bansa. 

Ang galit ay parang lason. Kung magpapaalipin tayo dito, tiyak na lalasunin nito ang sistema natin. Ibubulalas natin ang ating galit nang walang konsiderasyon sa ating kapwa. Gagawa tayo ng mga hakbang na marami ang masasaktan. Ipanalangin nating maliwanagan ng pag-iisip ang ating pangulo. Sinasabing inabuso siya diumano ng isang pari noong kabataan niya. Kung totoo man ito, maranasan nawa niya ang paghilom sa sugat na dulot ng masaklap na karanasang ito. Ipanalangin din natin na manatiling matatag at tapat ang Simbahan sa kanyang pakikibaka sa mga pag-uusig at kasamaan sa mundo.






Friday, December 23, 2016

Pasko Lagi



Extrajudicial killings, pagpapalibing kay Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani, mga nakakabahalang pahayag at kilos ng Pangulong Duterte, pamamayagpag ng mga dating isinuka ng taumbayan, bangayan sa pagitan ng mga lingkod bayan, pambabraso sa ilang opisyal ng pamahalaan, kahirapan, kawalan ng katarungan. Ilan lang ito sa mga bumabagabag sa ating bansa. 

Sa ibang bahagi ng mundo, mababalitaan ang patuloy na karahasan sa Aleppo, Syria, ang trahedya sa Alemanya nang sadyang bundulin ng isang trak ang Christmas Market sa Berlin, ang pagpaslang sa embahador ng Russia sa Turkey, at ang pagdagsa ng mga refugees sa mga karatig-bansa.

Sa mga kaganapang ito, magiging merry pa ba ang ating Christmas?  

Bagama't inaasahang magaang ang ating kalooban at masaya ang ating kapaligiran sa Kapaskuhan, kailangan nating balikan ang unang Pasko.  Noong unang Pasko, walang kagayak-gayak, walang kasayahan, tila kadiliman ang naghahari sa tanan.

Sa ikalawang kabanata ng Ebanghelyo ayon kay San Lukas, ipinag-utos ng Emperador Augusto Cesar na magkaroon ng senso ang mga nasasakupan niya. Kasama sa sensong ito ang bayang Israel kung kaya't nagpunta sina Jose at Maria sa Bethlehem. Habang sila ay naroon isinilang ni Maria si Jesus - sa isang sabsaban dahil walang nagpatuloy sa kanila.

Maaala rin nating mga ordinaryong pastol ang una nilang bisita. Sumunod dito'y mga banyagang pantas. Walang mataas na tao sa Israel ang kumilala sa pagiging hari ng sanggol. Tinangka pa ngang paslangin ni Herodes ang Banal na Sanggol kung kaya itinakas ni Jose ang kanyang mag-ina sa Egipto.

Hindi merry ang unang Christmas. 

Subalit ito ay puspos ng presensya ng Diyos. Dahil sa kapanganakan ng Anak ng Diyos, natupad ang pangako: tatawaging Emmanuel ang Mesiyas na darating (Isaias 7:14).

Hindi naging madali ang buhay ni Jesus. Hindi rin madali ang buhay ng sinumang susunod sa Kanya, unang-una na sina Maria at Jose. Ngunit kung magiging bukas tayo lagi sa Kanyang presensya, kung hahangarin natin ang hinahangad Niya, kung makikibaka tayo laban sa mga puwersa at aral na taliwas sa Kanyang pag-ibig, hindi lang magiging merry kundi higit sa lahat magiging makabuluhan ang ating Pasko. Magiging Pasko lagi-lagi.

Isang pinagpalang Pasko po sa inyong lahat!


Thursday, November 10, 2016

Mahistrado



Ito ang katumbas sa wikang Filipino ng salitang magistrate. Sa ating bansa, mas kilala ito bilang justice, ang katawagan sa mga bumubuo ng Court of Appeals at Supreme Court. Nanggaling ang salitang mahistrado sa magistratus, wikang Latin para sa tagapangasiwa. Sa hukuman, nagsisilbing tagapangasiwa ng katarungan ang isang mahistrado. Samantala, ang salitang magistratus ay hango naman sa magister, wikang Latin para sa guro.  Sa hukuman, nagsisilbing guro o eksperto sa batas ang isang mahistrado.

Ika-8 ng Nobyembre 2016. Sa botong 9-5, pinayagan ng Korte Suprema ang pagpapalibing sa mga labi ni dating pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.  

Bayani bang maituturing ang isang dating sundalong pumeke ng kanyang mga medalya? Bayani ba ang isang dating pangulo na gumawa ng paraan para manatili siya sa puwesto't magpayaman? Bayani bang masasabi ang isang dating lider na nangutang ng malaking halaga sa World Bank para mapakinabangan niya sampu ng kanyang mga galamay? (Tinatayang magbabayad ang Pilipinas sa mga inutang ni Marcos hanggang 2025.) Bayani ba ang itatawag sa isang dating pinunong lumabag sa karapatang pantao ng marami nang ipatupad niya ang Martial Law? Bayani ba ang isang taong pinatalsik sa puwesto? 

Sa ganang amin, hindi bayani si Marcos.

Sa naging desisyon ng Korte Suprema, mahihirapan ang sinumang magulang, guro, at iba pa na ipaliwanag sa kanilang mga anak, estudyante, at pinangangalagaang kabataan kung paanong ang isang hindi bayani ay ililibing sa libingang nakalaan sa mga bayani.

Sa naging desisyon ng Korte Suprema, kinatigan nila ang nang-api kaysa sa mga inapi. Kitang-kita ito sa mga naging desisyon ng korte gaya ng payagan nitong makalaya si dating senador Juan Ponce Enrile kahit na walang piyansa ang kasong kinakaharap niya o nang payagan ang paglaya ni dating pangulo at ngayo'y Congresswoman Gloria Macapagal-Arroyo.  Hindi malayong baka paboran din nila ang electoral protest ni Bongbong Marcos laban kay Pangalawang Pangulong Leni Robredo.

Sa naging desisyon ng Korte Suprema, tinuruan tayo ng maling aral na kung sino pa ang may sala ang dapat gantimpalaan, na kung sino pa ang nang-agrabiyado ang dapat parangalan. Tinuruan tayo ng maling konsepto ng katarungan!

Sa naging desisyon ng Korte Suprema, tinalikuran ng siyam na mahistrado ang kanilang magkakambal na tungkulin bilang tagapangasiwa ng katarungan at guro ng batas.

Sa naging desisyon ng Korte Suprema, hinahamon tayong patuloy na maging sangkot sa pakikibaka laban sa kasamaan at hangarin ang katuparan ng paghahari ng Diyos sa lahat. Napabalitang may balak ang dating mambabatas na si Edcel Lagman na humiling ng motion for reconsideration sa Kataas-taasang Hukuman. Panalangin naming magbago pa rin ang desisyon ng Korte. Kung hindi man, umasa tayong sa wakas ng panahon, igagawad ni Kristo, ang Dakilang Mahistrado, ang katarungang itinanggi sa ating Inang Bayan.







Tuesday, September 27, 2016

Wastong Motibo


Kapiling ang ilan daang mag-aaral inilunsad ni Archbishop Socrates Villegas sa kapilya ng Colegio de San Juan de Letran ang kampanyang pinamagatang "A Million Roses for the World, Filipinos at Prayer for the World."

Sa kanyang panawagan, sinabi ni Villegas na hindi dapat manatiling sugatan at watak-watak ang bansa dulot ng mga pulitikal at sosyo-kultural na mga isyu. Sa pagkakanya-kanya ng bansa, nakaligtaan na nating magdasal. Nilalayon diumano ng kampanya na baguhin ang lahat ng ito.  Sinimulan noong Setyembre 20, 2016 (kasabay ng Day of Inter religious Prayer for Peace na isinagawa ni Pope Francis sa Assisi), magpapatuloy ang kampanyang ito hanggang Disyembre 23, 2016. Sa loob ng mga araw na ito hinihikayat ang lahat na dasalin ang Rosaryo.

Hindi na bago ang panawagang manalagin tayo bilang isang bayan. Paulit-ulit na ipinapaalala sa atin kung gaano kahalaga  ang pagdarasal.  Ngunit bakit tila hindi pinakikinggan ang ating ipinagdarasal? Bakit tila patuloy na nababaon ang bansa sa kumunoy ng kasamaan? Bakit tila wala na tayong pakialam sa mga nagaganap sa ating paligid kagaya ng extrajudicial killings, ang pagpapalibing sa labi ng dating diktador Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani, ang kagaspangan ng dila ng kasalukuyang pangulo ng bansa, atbp.

Matatagpuan natin ang kasagutan dito mula sa Sulat ni Apostol Santiago: hindi ipinagkakaloob ang ating kahilingan dahil may mali tayong motibo (Santiago 4:3). 

Oras na uli para usisain natin ang ating mga sarili kung naaayon pa ba sa kalooban ng Diyos ang ating mga ikinikilos, bilang indibidwal at bilang bayan. Anu-anong mga pagkakataon na naging pakabig tayo? Kung nais nating maghari ang kapayapaan sa Pilipinas, kailangan nating iwaksi ang pagiging pakabig. Kailangan nating magpasakop sa Diyos (Santiago 4:7-10). 

Kung makikita ng Panginoon na dumudulog tayo sa Kanya na may kababaang-loob at nagsisikap na tumalikod sa ating mga sala, makakasisiguro tayong iaahon Niya tayo sa kumunoy na ating kinasasadlakan. 

Kaisa ni Mariang inuna ang Diyos kaysa sa kanyang sariling kapakanan, kaisa ng ating pamilya at mga kababayang nananabik sa kapayapaan, dasalin natin ang Rosaryo!

Saturday, August 13, 2016

Eukaristiya at Mag-anak: Mga Daluyan ng Awa



Kasabay ng pagdiriwang ng Hubileyo ng Awa, idinaraos din sa Pilipinas ang Taon ng Eukaristiya at ng Mag-anak. Bahagi ito ng 9 na taong paghahanda sa ika-500 anibersaryo ng Kristiyanismo sa ating bansa.

Mahalaga sa mga Katolikong Pinoy ang Eukaristiya. Bukod sa pagsisimba tuwing Linggo at mga piyesta opisyal kagaya ng Pasko, naging kaugalian na natin ang makiisa sa Misa tuwing sasapit ang ating kaarawan, anibersaryo ng kasal (o ng pagiging magkatipan), at pagsusulit sa paaralan. Bukod dito, sa Misa rin tayo dumudulog sa mga panahon ng pagsubok katulad ng karamdaman o kamatayan.

Sa Eukaristiya, ipinagdiriwang natin ang dakilang awa ng Anak ng Diyos na niloob na maging pagkai't inuming nagbibigay-buhay sa simpleng anyo ng tinapay at alak. Bagama't imbitado ang lahat sa banal na piging, mahalagang maging karapat-dapat tayong makisalo dito. Dito papasok ang Sakramento ng Pangungumpisal.  Ngayong Hubileyo ng Awa, huwag sana nating kaligtaang magpakumbaba't kilalanin ang ating pagiging makasalanan at lumapit sa pari para aminin ang ating mga pagkakamali. At dahil mahabagin ang Diyos, hindi Niya tatanggihan ang sinumang magbalik-loob sa Kanya.  

May masusi ring papel ang mag-anak sa hubileyong ito. Madalas kapag napag-uusapan ang spiritual and corporal works of mercy, pawang mga taong malalayo sa atin ang naiisip natin. Sang-ayon kay Mother Teresa ng Calcutta, isang kilalang madre na idedeklarang santa sa Setyembre, "Ang paraan ng pagtulong mo sa paghilom ng daigdig ay dapat magsimula sa iyong sariling pamilya." Aminin natin na may mga pagkakataon na ang galing-galing natin sa mga hindi natin kaanu-ano ngunit puno ng pagkukulang sa ating mag-anak. Oras na para baguhin natin ang ganitong ugali.


Isang kilalang deboto ng Banal na Eukaristiya si Santa Clara de Asis. Nang lulusubin ng mga hukbo ni Emperador Federico II ang kanilang kumbento, iniligay ni Santa Clara sa tuktok ng moog ng Asis ang Santisimo Sakramento. Nanikluhod siya dito at nanalangin: "Nagsusumamo ako, butihing Panginoon na ipag-adya mo silang (ang kanyang monasteryo't bayan) hindi ko ngayon kayang ipag-adya."  Sang-ayon sa kuwento, may mga kidlat na nagmula sa Santisimo Sakramento na nagdulot ng ligalig sa mga hukbo. Naging ligtas ang bayan ng Asis.

Kilala ang mga Pinoy bilang maka-pamilya. Gagawin natin ang lahat para masigurong may pagkain sa hapag 3 beses isang araw (o higit pa!) at magkaroon ng magandang kinabukasan ang ating mga anak. Subalit may mga pagkakataong tila nilulusob tayo ng samu't saring hukbo - bisyo, kahirapan, kawalan ng katarungan, katiwalain, atbp. Magpapasalakay na lang ba tayo o tutularan natin ang inasal ni Santa Clara?

Maging angkop na pagkakataon nawa ang pagdiriwang ng Hubileyo ng Awa at ng Taon ng Eukaristiya at ng Mag-anak para lalo pa nating makilala ang ating bokasyon at maalalang kasama natin tuwina ang Amang Maawain.


  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP