Powered by Blogger.
Showing posts with label Jose. Show all posts
Showing posts with label Jose. Show all posts

Tuesday, December 25, 2018

Ang Magandang Istorya ng Pasko


Kakaibang ligaya ang dulot ng Kapaskuhan dahil isinilang ang Diyos upang makapiling tayo. Sa Lumang Tipan, nakipag-usap ang Diyos sa Kanyang mga propeta at bayan sa pamamagitan ng mga kulog at kidlat, mga bagay na totoong nakakatakot at gusto nating iwasan. Subalit sa Bagong Tipan, kakaibang pakikipag-ugnayan ang ginawa ng Diyos: isinugo Niya ang Kanyang Nag-iisang Anak sa anyo ng isang inosenteng sanggol. Sino ba naman ang hindi maantig sa anyo ng isang maamo at walang kalabanlabang sanggol?

Ang pagparito ng Anak ng Diyos bilang isang sanggol ay may paanyaya sa ating nagdiriwang ngayong Pasko na maging mapagkumbaba't banayad katulad Niya. Ilang beses na ba tayong nagpadaig sa tuksong sapawan ang ating kapwa? Ilang ulit na ba tayong nagpaudyok sa inggit sa kapwa at pilit na nakikipagsabayan sa kanila? Nakita lang nating may bagong gadget ang kapit-bahay natin, bibili rin tayo ng ganoon o higit pang modelo kahit gipit na tayo. Kundi man natin mabili ang kung anong mayroon ang iba, sisiraan pa natin sila.

Ilang pagkakataon na bang pinangunahan tayo ng init ng ulo at pinalaki ang mga maliliit na bagay? Ilang ulit na bang naubusan tayo ng pasensya sa mga munting pagkakamali ng kapwa? Ilang beses na bang tinrato nating mga walang kuwenta at dapat puksain ang mga maliliit?

Inaanyahan rin tayong magdulot ng saya katulad ng Sanggol sa Belen. Sa puso nina Maria't Jose gayon din sa mga dukhang pastol, ang pagparito ng Anak ng Diyos ay tanda ng pagtupad ng Diyos sa Kanyang pangakong kaligtasan sa lahat. Ngunit may mga pagkakataong nagdulot ng pasakit sa iba ang ating pagkikibit-balikat, pagbubulagbulagan,  pagbibingibingihan, o kawalan ng pag-asa.

Taun-taon ginugunita natin ang pagsilang ng Banal na Sanggol. Taun-taon ginugunita natin ang Kanyang kababaang-loob, pagiging banayad, at pagbibigay-saya. Hindi pa tapos ang kasaysayan ng pagparito ni Jesus. Nasa mga kamay natin ang pagpapatuloy ng magandang istorya ng Kanyang pagsilang. Magpuri nawa kay Jesus ang sinumang makadarama ng Kanyang presensya sa pamamagitan natin.




Friday, December 23, 2016

Pasko Lagi



Extrajudicial killings, pagpapalibing kay Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani, mga nakakabahalang pahayag at kilos ng Pangulong Duterte, pamamayagpag ng mga dating isinuka ng taumbayan, bangayan sa pagitan ng mga lingkod bayan, pambabraso sa ilang opisyal ng pamahalaan, kahirapan, kawalan ng katarungan. Ilan lang ito sa mga bumabagabag sa ating bansa. 

Sa ibang bahagi ng mundo, mababalitaan ang patuloy na karahasan sa Aleppo, Syria, ang trahedya sa Alemanya nang sadyang bundulin ng isang trak ang Christmas Market sa Berlin, ang pagpaslang sa embahador ng Russia sa Turkey, at ang pagdagsa ng mga refugees sa mga karatig-bansa.

Sa mga kaganapang ito, magiging merry pa ba ang ating Christmas?  

Bagama't inaasahang magaang ang ating kalooban at masaya ang ating kapaligiran sa Kapaskuhan, kailangan nating balikan ang unang Pasko.  Noong unang Pasko, walang kagayak-gayak, walang kasayahan, tila kadiliman ang naghahari sa tanan.

Sa ikalawang kabanata ng Ebanghelyo ayon kay San Lukas, ipinag-utos ng Emperador Augusto Cesar na magkaroon ng senso ang mga nasasakupan niya. Kasama sa sensong ito ang bayang Israel kung kaya't nagpunta sina Jose at Maria sa Bethlehem. Habang sila ay naroon isinilang ni Maria si Jesus - sa isang sabsaban dahil walang nagpatuloy sa kanila.

Maaala rin nating mga ordinaryong pastol ang una nilang bisita. Sumunod dito'y mga banyagang pantas. Walang mataas na tao sa Israel ang kumilala sa pagiging hari ng sanggol. Tinangka pa ngang paslangin ni Herodes ang Banal na Sanggol kung kaya itinakas ni Jose ang kanyang mag-ina sa Egipto.

Hindi merry ang unang Christmas. 

Subalit ito ay puspos ng presensya ng Diyos. Dahil sa kapanganakan ng Anak ng Diyos, natupad ang pangako: tatawaging Emmanuel ang Mesiyas na darating (Isaias 7:14).

Hindi naging madali ang buhay ni Jesus. Hindi rin madali ang buhay ng sinumang susunod sa Kanya, unang-una na sina Maria at Jose. Ngunit kung magiging bukas tayo lagi sa Kanyang presensya, kung hahangarin natin ang hinahangad Niya, kung makikibaka tayo laban sa mga puwersa at aral na taliwas sa Kanyang pag-ibig, hindi lang magiging merry kundi higit sa lahat magiging makabuluhan ang ating Pasko. Magiging Pasko lagi-lagi.

Isang pinagpalang Pasko po sa inyong lahat!


Wednesday, September 09, 2009

Migrante

Hindi na bago sa ating mga Kristiyano ang buhay-migrante. Si Abraham, ang kinikilala nating Ama sa pananampalataya, ay tinawag ng Panginoon na iwan ang kanyang mga magulang at bayan. Sina Moises at ang mga Israelita'y tinawag ng Diyos mula sa Egipto patungo sa lupang pangako. Sina Jose't Maria kasama ang sanggol na si Jesus ay tumakas papuntang Egipto.

Hindi na rin bago sa ating mga Pinoy ang mangibang-bansa. Kagaya nina Jose't Maria, marami sa atin ang inuusig ng mga bagong Herodes - kahirapan, kawalang ng katarungan, atbp - na kung mananatili tayo sa lupang sinilangan ay di tayo uunlad. Pikit mata o kaya'y kapit sa patalim ang karamihan na mangibang-bansa, magtiis ng di mabilang na mga sakripisyo sa kamay ng kanilang mga amo, dumanas ng kalumbayan, atbp masiguro lang ang isang magandang bukas para sa pamilyang kanilang iniwan.

Subalit isa rin sigurong biyayang maituturing ang nasa ibang bansa. Isa itong pagkakataon di lamang para kumayod at kumita ng pera kundi para ipahayag at ibahagi ang liwanag ni Kristo. May mga ibang bansa gaya ng Amerika, Inglatera, Pransya, Roma, atbp na madali itong maisasagawa dahil ang pagpapahayag ng pananampalataya sa mga bansang ito'y iginagalang. Ngunit mayroong mga bansa gaya ng India, China, at ilang parte ng Saudi Arabia na patago ang anumang gawaing panrelihiyon.

Ngayong Setyembre, inaalala ng anluwage.com ang lahat ng mga migrante nating kababaya't kapatid sa pananampalataya: sila nawa'y manatiling tapat at matatag sa mga aral ni Jesus upang ang liwanag ng Panginoon ay lalo pang masilayan ng lahat lalo na ng mga di pa nakakakilala sa Kanya.

Ipamagitan nawa sila ng kababaya't kapwa-migrante na si San Lorenzo Ruiz sa kanilang paghahanap-buhay at sa kanilang patuloy na pagsunod sa Tinapay ng Buhay.

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP