Powered by Blogger.
Showing posts with label pananampalataya. Show all posts
Showing posts with label pananampalataya. Show all posts

Tuesday, December 25, 2018

Ang Magandang Istorya ng Pasko


Kakaibang ligaya ang dulot ng Kapaskuhan dahil isinilang ang Diyos upang makapiling tayo. Sa Lumang Tipan, nakipag-usap ang Diyos sa Kanyang mga propeta at bayan sa pamamagitan ng mga kulog at kidlat, mga bagay na totoong nakakatakot at gusto nating iwasan. Subalit sa Bagong Tipan, kakaibang pakikipag-ugnayan ang ginawa ng Diyos: isinugo Niya ang Kanyang Nag-iisang Anak sa anyo ng isang inosenteng sanggol. Sino ba naman ang hindi maantig sa anyo ng isang maamo at walang kalabanlabang sanggol?

Ang pagparito ng Anak ng Diyos bilang isang sanggol ay may paanyaya sa ating nagdiriwang ngayong Pasko na maging mapagkumbaba't banayad katulad Niya. Ilang beses na ba tayong nagpadaig sa tuksong sapawan ang ating kapwa? Ilang ulit na ba tayong nagpaudyok sa inggit sa kapwa at pilit na nakikipagsabayan sa kanila? Nakita lang nating may bagong gadget ang kapit-bahay natin, bibili rin tayo ng ganoon o higit pang modelo kahit gipit na tayo. Kundi man natin mabili ang kung anong mayroon ang iba, sisiraan pa natin sila.

Ilang pagkakataon na bang pinangunahan tayo ng init ng ulo at pinalaki ang mga maliliit na bagay? Ilang ulit na bang naubusan tayo ng pasensya sa mga munting pagkakamali ng kapwa? Ilang beses na bang tinrato nating mga walang kuwenta at dapat puksain ang mga maliliit?

Inaanyahan rin tayong magdulot ng saya katulad ng Sanggol sa Belen. Sa puso nina Maria't Jose gayon din sa mga dukhang pastol, ang pagparito ng Anak ng Diyos ay tanda ng pagtupad ng Diyos sa Kanyang pangakong kaligtasan sa lahat. Ngunit may mga pagkakataong nagdulot ng pasakit sa iba ang ating pagkikibit-balikat, pagbubulagbulagan,  pagbibingibingihan, o kawalan ng pag-asa.

Taun-taon ginugunita natin ang pagsilang ng Banal na Sanggol. Taun-taon ginugunita natin ang Kanyang kababaang-loob, pagiging banayad, at pagbibigay-saya. Hindi pa tapos ang kasaysayan ng pagparito ni Jesus. Nasa mga kamay natin ang pagpapatuloy ng magandang istorya ng Kanyang pagsilang. Magpuri nawa kay Jesus ang sinumang makadarama ng Kanyang presensya sa pamamagitan natin.




Thursday, December 13, 2018

Bagong Juan Bautista



Kapansin-pansin sa Ebanghelyo ng Ikalawang Linggo ng Adbiyento ang pagbanggit ni San Lukas sa ilang kilalang personalidad noong panahong iyon: Tiberio Cesar, Poncio Pilato, Herodes, Felipe, Lysanias, Annas, at Caipas. Subalit hindi sa kanila nakatuon ang istorya. Ito'y nakatuon kay Juan Bautista. 

Walang palasyo si Juan Bautista. Sa ilang na pook lamang siya nanahan. Payak lamang ang kanyang pagkain: tipaklong at pulutpukyutan. Yari sa buhok ng kamelyo ang kasuotan niya. Subalit, espesyal si Juan Bautista dahil tanging sa kanya - at hindi sa emperador, gobernador, hari, o punong saserdote - dumating at nanahan ang salita ng Diyos.

Nakakabahala at nakakalungkot ang mga pahayag at pangyayari sa ating bansa ngayon. Sa ilang talumpati ni Pangulong Duterte, sinamantala niyang batikusin at akusahan ang mga obispo. Pangunahin na rito si Bishop Pablo David ng Kalookan. Hinikiyat rin diumano ng Pangulo na magtayo na lamang ng kapilya ang mga mamayan para doon na lang sila manalangin at huwag nang mag-abuloy sa mga namumuno sa Simbahan.

Samantala, bumabalik sa sirkulasyon ang mga personalidad na hindi kalaunan ay nasangkot sa pangungurakot. Naaabsuwelto ang mga kawatan. Itinatanghal na bayani ang yumurak sa dangal ng mamamayan. Namamayagpag na naman ang korupsyon. Nakapagtataka ang katahimikan ng Pangulo sa mga kaganapang ito. Wala ba siyang alam o may basbas siya dito?

Sa gitna ng mga usaping ito, nasaan ang salita ng Diyos?  Sa mga bagong Tiberio, Pilato, o Herodes ng ating panahon ba? Kung nasa kanila ito, wala sigurong magbibitiw ng walang basehang akusasyon sa sinuman. Wala sigurong mangungunsinti sa mga kawatan. 

Kailangan natin ng mga bagong Juan Bautista. Kailangan natin ng mga taong bukas sa salita ng Diyos. Kailangan natin ng mga taong magpapahayag at magpapatotoo sa salita ng Diyos. 

Kung may maganda tayong maipamamasko sa ating mga sarili, pamilya, at bayan, ito ay walang iba kundi isang pusong tatanggap at palalaguin ang salita ng Diyos. Kung ganito ang mga puso natin, magiging matatag tayo sa anumang pagsubok. Ang ating pagkatao ay hindi madaling maimpluwensiyahan ng mga baluktot na gawi, fake news, at kabikabilang pag-uusig. 

Kailangan natin ng mga bagong Juan Bautista upang ihanda ang daraanan ng Salitang-Nagkatawang-tao, ang Maluwalhating Panginoong maggagawad ng tunay na katarungan sa lahat.

Ikaw ba ito, kapatid?






Friday, July 20, 2018

Pananampalataya at Katotohanan


Naging balita na nitong mga huling buwan ang pagkansela ng Bureau of Immigration  (BI) ng visa ni Sr Patricia Fox, isang madreng taga-Australia. Binawi ng BI ang visa ng madre dahil sa kanya diumanong pagiging aktibista. Naging matagumpay ang apila ng madre sa Department of Justice (DOJ). Sang-ayon sa DOJ, nagkamali ang BI sa pagkansela ng visa. Mapapaso ang visa ng madre sa Septyembre at balak niyang baguhin ito upang maipagpatuloy ang kanyang paglilingkod sa bansa.

Subalit marami ang nabigla nang ituloy pa rin ng pamahalaan ang deportasyon kay Sr Pat. Sang-ayon kay Bishop Artuto Bastes ng Sorsogon, kinumpirma lamang ng deportasyon ang suspetsang pinupuntirya ng gobyerno ang sinumang pumupuna dito.  Sa pananaw naman ni Bishop Broderick Pabillo ng Maynila, matapos maglingkod sa mga mahihirap ng bansa, ito pa (ang deportasyon) ang igaganti ng pamahalaan sa madre.

Noong Abril, nagpahayag ng kanyang saloobin si Fr Shay Cullen, SSC (http://anluwage-fathershay.blogspot.com/2018/04/deport-sex-tourists-not-missionaries.html) sa pagmamaltrato sa madre at sa sinumang misyonero sa bansa.

Noong 1983, ipiniit sina Fr Niall O'Brien at Fr Brian Gore (mga misyonerong Columbano katulad ni Fr Cullen at naging sangkot sa pagbubuo ng Basic Christian Communities sa Negros.) kasama sina Fr Vicente Darangan at anim na laykong naglilingkod sa parokya. Pinagbintangan sila ng diktaduryang Marcos sa salang pagpaslang sa isang alkalde at kanyang mga bantay - isang salang inamin na ng New People's Army. Tinaguriang Negros Nine, inakusahan sila ng mga bulaang saksi na hinakot ng militar. Subalit nakuha nila ang atensyon ng maraming bansa na siyang naging dahilan para ibasura ang kaso laban sa kanila.

Ano ang nais ipabatid sa atin ng istoryang ito? Ang pinanghahawakan nating pananampalataya at katotohanan. Nanatiling tapat at totoo ang Negros Nine. Hindi biro ang makulong, lalo na kung wala kang kasalanan. Sa kanilang pagkapiit, hindi sila nasiraan ng loob. Bagamat umalis ng bansa sina Fr O'Brien at Fr Gore matapos ang kanilang paglaya (Ito diumano ang kundisyon para mapalaya ang anim na Pilipinong kasama nilang ikinulong.), bumalik silang muli sa Pilipinas nang mapatalsik si Marcos noong 1986. 

Sa ating pamahalaan: hindi si Sr Pat o sinumang misyonero ang kalaban. Ang mga totoong kalaban ay ang katiwaliang namamayagpag sa lipunan na kahit aso sa kalsada ay maaamoy ang baho nito, ang lumalaking utang sa World Bank-IMF, ang walang-habas na pagpaslang sa mga pinaghihinalaang lulong sa droga, ang maruming pulitika, ang kawalan ng katarungan, ang di makatuwirang pagsakop ng Tsina sa West Philippine Sea sa kabila ng desisyon ng UN Convention on the Law of the Sea pabor sa ating bansa, at ang pagiging makasarili. Ito po ang mga dapat ninyong pagtuunan ng pansin. Hindi ang mga walang kalabanlaban, misyonero man o ordinaryong mamamayan.

Kay Sr Pat at sa iba pang misyonero sa bawat sulok at isla ng Pilipinas: salamat po sa inyong pagiging bukas-palad. Huwag kayong masiraan ng loob. Ipaglaban ninyo ang nararapat. Kasama ninyo kami sa inyong laban. Ipagpatuloy ninyo ang misyong ipinagkatiwala sa inyo ni Kristo!








Tuesday, December 26, 2017

Salamat sa Lahat-lahat!


Nakaugalian na sa ilang simbahan sa Pilipinas ang pagpapahalik sa estatwa ng Banal na Sanggol kapag Kapaskuhan. Bagama't mayroong Belen kung saan mapagmamasdan ang Banal na Mag-anak nina Jose, Maria, at Jesus, tila hindi ito sapat para makapagbigay-pugay ang maraming mananampalatayang nakikiisa sa mga banal na pagdiriwang. Ang pagpapahalik sa Banal na Sanggol pagkatapos ng Misa ay isang paraan para mapunan ang kakulangang ito. 

Nakakatuwang mapagmasdan ang mga taong nagsisilapit sa santuwaryo ng simbahan, minsan pa'y nag-uunahan silang humalik sa bagong-silang na Panginoon. Sa ilang simbahan pa nga ay higit pa sa isang estatwa ang pinapahalikan upang  matugunan ang dami ng mga deboto.

Lumalapit ka ba't humahalik sa Banal na Sanggol o hindi? Kung lumalapit ka, ano ang motibo mo? Kung hindi naman, anong pumipigil sa iyo para lumapit? 

Sa isang Pamaskong mensahe ni Pope Francis, hinikayat niya tayong lumapit nang may pagtitiwala, nang may pagpapaubaya simula sa ating mga limitasyon at kasalanan. Minsan mahirap itong gawin dahil ayaw nating kaawaan tayo ng iba. Minsan mahirap itong gawin lalo na kung puno tayo ng kayabangan. Subalit, sang-ayon sa Papa, ang diwa ng tunay na Pasko ay ang kagandahan na mahalin tayo ng Diyos sa kabila ng ating mga nakaraan, sa kabila ng anumang baho mayroon tayo. 

Sa susunod na pagkakataon, huwag tayong mag-atubiling lapitan at halikan ang Banal na Sanggol. At sa ating paghalik sa Kanya, ibulong natin ang mga salitang ito ni Pope Francis: Salamat. Salamat dahil ginawa mo ang lahat ng ito para sa akin.

Sumaatin nawa ang pag-ibig na taglay ng Banal na Sanggol ngayong Kapaskuhan at sa Bagong Taon!




Friday, August 18, 2017

Pusong Pinoy


Ginugunita tuwing ika-17 ng Agosto ang pagpapakasakit ni Beato Jose Maria de Manila, isang paring Capuchino at martir.  Anak ng mag-asawang Kastila, isinilang si Eugenio del Saz-Orozco Mortera sa Maynila noong ika-5 ng Setyembre 1880. Naging mag-aaral siya sa Ateneo de Manila, Colegio de San Juan de Letran, at sa Unibersidad ng Santo Tomas. Nagtungo siya sa Espanya noong 1896 para ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral. Habang nasa Espanya, ipinasya niyang umanib sa Order of Friars Minor Capuchin (OFM Cap) sa kabila ng pagtutol ng kanyang mga magulang. 

Sa kanyang pag-anib sa ordeng ito, pinalitan niya ang kanyang pangalan bilang Jose Maria de Manila. Inordenahang pari noong ika-30 ng Nobyembre 1910, hinangad niya na makabalik sa kanyang bayang sinilangan upang doon maging misyonero. Subalit hindi ito nangyari. Kaya masigasig niyang ipinahayag ang Mabuting Balita sa Espanya na dumaranas noon ng matinding kahirapan dulot ng Unang Digmaang Pangdaigdig. 

Sa kasagsagan ng Digmaang Sibil sa Espanya, kinumpiska o sinira ang mga pag-aari ng Simbahang Katoliko at kinulong ang mga pari at relihiyoso. Isa si Jose Maria sa mga naging biktima ng pag-uusig na ito. Ika-17 ng Agosto 1936, pinatay siya sa hardin ng Cuartel de la Montana sa Madrid. Noong ika-13 ng Oktubre 2013, ipinahayag siya at ang 521 kapwa-martir bilang mga beato.

Dahil isinilang siya sa Pilipinas, itinuturing na isang Pilipino, isa nating kababayan, si Beato Jose Maria. Sa kanyang hangaring bumalik sa Pilipinas para doon maglingkod, ipinakita niya na siya ay may pusong Pinoy.  

Ano ang aral na mapupulot natin mula kay Beato Jose Maria? Sa ganang amin, ito'y ang patuloy na paglingon sa pinanggalingan. Saan man tayo naroroon ngayon, huwag na huwag sana nating kakaligtaan ang ating pinag-ugatan. Nasa Pilipinas man tayo o hindi, sikapin nating manatiling may pusong Pinoy: may Diyos na kinatatakutan, may kapwang pinagmamalasakitan.  Kung maisasagawa natin ito, magkakatotoo ang mga huling salitang binigkas ni Beato Jose Maria: "Mabuhay si Kristong Hari!". 

Beato Jose Maria de Manila, ipanalangin mo kami.

Wednesday, June 07, 2017

Isang Paggising

https://www.youtube.com/watch?v=u1PMdNwFH50
Lumabas kamakailan sa social media ang isang video kung paano nilapastangan ng Maute group ang Katedral ng Marawi. Nakakasakit ng loob at nakakagalit na mapagmasdan ang ginawa ng iilang kababayan natin sa tahanan ng Diyos: ang pagsira sa mga rebulto ng Panginoon, ng Mahal na Birhen, at ni San Jose; ang pagkakalat ng mga kagamitang pangmisa; at ang pagsunog sa katedral.

Halu-halong reaksyon ang maririnig sa balana. May mga nagsasabing parusahan na sana ng Diyos ang mga salarin. May mga nagsasabing kailangan nating ipagdasal ang mga salarin. May mga nagsasabi ring kahit anong pagsira ang gawin ng ibang tao sa ating mga simbahan, hindi pa rin nila masisira ang Simbahan (i.e. ang Bayan ng Diyos).

Dapat nga tayong mas maging metatag sa ating pananampalataya sa kabila ng mga pagsubok na tulad nito. Kailangan din nating ipagdasal ang mga salarin dahil, sang-ayon na rin sa ating Panginoon, "hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa" (Lukas 23:34). Mahalaga rin na mahuli sila at mabigyan ng karampatang parusa sang-ayon sa itinatadhana ng batas, ng hustisya.

Sa mga kaganapang gaya nito, lalong nagiging maliwanag  at napapanahon ang panawagan ng Mahal na Birhen ng Fatima para magbayad-puri tayo. Gaano ba nating pinahahalagahan ang tahanan ng Diyos? Nagpupunta lang ba tayo dito kung may kailangan tayo o may mahalagang okasyon gaya ng kasal, libing, o binyag? Nag-aambag ba tayo para sa ikalalago ng ating parokya?

Ilang mungkahi lamang ito kung paano tayo makakapagbayad-puri. Sa susunod na magpupunta tayo sa simbahan, mag-ukol tayo ng ilang saglit para buksan ang ating puso sa Panginoon na laging naroroon sa Banal na Sakramento. Makiisa tayo sa pagdarasal ng Rosaryo ng parokya para sa kapayapaan. Hilingin natin sa Mahal na Ina at sa iba pang mga banal na samahan tayo sa ating pagsunod kay Kristo at pagtaguyod sa Kanyang sambayanan. Mabisa ang panalangin! Makisangkot rin tayo sa anumang gawaing pansimbahan. May bahagi tayong lahat sa pamayanang Kristiyano!

Sa ganang amin, isang paggising sa ating mga Katoliko ang naganap na insidente sa Marawi. Huwag nating ipagwalang-bahala ang ating pagiging Katoliko Kristiyano. Magbigay-inspirasyon tayo sa mga kapwa-Katoliko sa Marawi at sa iba pang lugar kung saan may mga pag-uusig na nagaganap.


Saturday, September 19, 2015

Katesismong Buhay

Mahalaga sa buhay ng isang parokya ang mga katekista. Bukod sa pagtuturo ng Katesismo sa mga estudyante ng mga pampublikong paaralan, sila rin ang kaagapay ng kura-paroko sa pagbabalangkas at pagdiriwang ng mga sakramento. Sa mga lugar na kulang ang pari, sila ang inaasahang magdala ng Mabuting Balita ni Kristo.

Hindi biro ang maging katekista mula noon hanggang ngayon.  Maaalalang si San Pedro Calungsod ay pinaslang dahil sa kanyang pananampalataya. Nandyan din si Santa Rosa Tchao, isang katekista sa China na naging biktima ng pang-uusig ng mga Boxers, isang sikretong samahan na naglayong linisin ang kanilang bansa mula sa impluwensiya ng mga dayuhan.  

Sang-ayon sa isang matandang babae na nagbigay-patotoo kay Rosa, hindi lamang siya isang ulirang katekista, siya rin ay puno ng pag-ibig, mapagkumbaba, tapat, at handang magsakripisyo.  Sa kabila ng kahinaan ng matanda, hindi siya minaliit ni Rosa.

Kagaya ng sinumang guro, mahalagang makita ng mga mag-aaral sa pamumuhay ng mga katekista ang pananampalatayang kanilang itinuturo.  Kung kalaigtaran ang makikita ng mga estudyante, posibleng masiraan sila ng loob.  

Kailangan ding manatili mapagkumbaba at hindi nangmamaliit ng tao ang mga katekista.  Dahil sa laki ng responsibilidad na nakaatang sa kanilang balikat, naririyan ang tuksong magmataas sila kagaya ng mga pariseo noong panahon ni Jesus.  Mas magiging kapanipaniwala sila kung magiging banayad sila.

Kaisa ng Santo Papa, ipanalangin nating laging maging buhay na saksi ang mga katekista upang lalo pang umusbong ang pananampalataya sa apat na sulok ng daigdig.

Saturday, May 02, 2015

Salitang Nagpapalakas-loob



Sa Banal na Kasulatan, matutunghayan natin kung paano tumalima si Maria sa kalooban ng Diyos. Sa paghirang sa kanya na maging ina ng Mesiyas hanggang sa paghirang sa kanya na maging ina ng lahat ng tagasunod ni Kristo, tanging oo lamang ang kanyang sagot. Ano ang sikreto ni Maria? 

Isang napakagandang dibuho ni Sandro Botticelli ang "Madonna of the Book". Sa dibuhong ito, ang Mahal na Birheng Maria ay abala sa pagbabasa ng isang aklat, ang Book of Hours, isang debosyonal na aklat ng mga Kristiyano na naging tanyag noong Middle Ages. Binubuo ang Book of Hours ng mga salmo, imno, at mga pagbasa mula sa Bibliya. Bagama't wala pang nalalathalang Book of Hours noong panahon ng Mahal na Birhen, ipinahihiwatig ng larawang ito ang pagiging bukas ni Maria sa Salita ng Diyos. Kapuna-puna rin ang matamis na pagtingin sa kanya ng sanggol na si Jesus, paalala ng pangako ng Panginoon ng pagmamahal ng Ama at pananahan nila ng Ama sa sinumang tutupad sa Kanyang mga itinuro (Juan 14:23).

Mahalaga sa ating pananampalataya ang Banal na Kasulatan.  Hindi kumpleto ang anumang pagdiriwang ng Simbahan na walang pagbasa at pagninilay sa Salita ng Diyos. At bago natin makaligtaan, sa Misa mayroon tayong Liturhiya ng Salita ng Diyos bago ang Liturhiya ng Eukaristiya. Hinihikayat din tayo na magbasa ng Bibliya kasama ang iba pang mananampalataya o nag-iisa.  Sang-ayon kay Pope Francis, kailangan nating pakinggan tuwina ang Salita ng Diyos para mabago natin ang throw away culture, ang isang lipunang pilit na ihinihiwalay ang pananampalataya sa ating pamumuhay, ang isang lipunang mas pinahahalagahan ang kayamanan at kasiyahan kaysa sa paglilingkod at pagpapahalaga sa kapwa lalo ng mga dukha.

Sa ating pamimintuho sa Mahal na Birhen ngayong Mayo, hilingin natin ang kanyang makapangyarihang pamamagitan nang mataglay din natin si Jesus at maging malakas ang loob na ipahayag Siya sinumang walang kaugnayan ang relihiyon sa kanilang pamumuhay. 









Saturday, April 04, 2015

Aliw sa mga Inuusig

Sa kanyang pananalita sa Daan ng Krus na ginanap sa Roma noong Biyernes Santo, kinondena ni Pope Francis ang tahimik na pakikipagsabwatan na nagaganap sa pagpaslang sa mga Kristiyano.  Maaalalang 148 katao ang namatay sa Garissa University sa Kenya noong lamang Huwebes Santo.  Bukod sa Kenya, naging balita na rin ang mga pag-uusig sa mga Kristiyano sa Syria, Iraq, and Nigeria.  

Ang istorya ng mga kapatid natin sa pananampalataya sa mga bansang kasalukuyang may nangyayaring pag-uusig ay istorya ng mga unang tagasunod ni Kristo, at istorya mismo ni Kristo.  Kaakibat na ng bawat Kristiyano ang pasanin ang kani-kanilang krus at sumunod sa Panginoon, mahirap man o masaklap ang landas na kanilang kailangang tahakin. Mayroong mga susuko sa daan at mananalig sa ibang panginoon. Subalit sa mga mananatiling tapat hanggang sa huli, may gantimpalang naghihintay.  Minsang sinabi ni Msgr Mario Enriquez, isang pari sa Maynila, na naparito si Jesus hindi upang maging madali ang ating buhay, kundi upang gawin tayong dakila.  

Sa muling pagkabuhay ni Jesus, masisilayan natin kung ano itong gantimpalang naghihintay sa atin, gantimpalang higit pa sa anumang kayamanan o kadakilaang maaaring ipagkaloob ng mundo.  Ang Pasko ng Muling Pagkabuhay ay isang ring hamon sa atin na maging tapat at matapang para sa ating pananampalataya.  Kung noon hindi natin siniseryoso ang ating pagiging Katoliko, ngayon ang tamang panahon para magbago tayo. Kung noon ang pananaw natin sa Simbahan ay para lamang sa mga manong at manang, ngayon ang tamang panahon para makilalang bahagi rin tayo ng komunidad na ito. Kung noon nananahimik lamang tayo sa gitna ng kabikabilang pag-uusig, ngayon ang tamang panahon para maging instrumento tayo ng nakaaaliw na presensya ni Kristo sa mga nangangailangan nating mga kapatid.

Mapasaatin nawa ang biyaya ni Kristong Muling Nabuhay!

Wednesday, December 31, 2014

Taon ng mga Relihiyoso


Ngayong 2015, ipinagdiriwang ng buong Simbahan ang Year of Consecrated Life o Taon ng Itinalagang Buhay. Sa selebrasyong ito, hiniling ni Pope Francis sa mga pari, madre, at hermanong napapabilang sa mga religious congregrations o ordeng relihiyoso na gisingin nila ang daigdig sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya, kabanalan, at pag-asa.

Sa buhay ng Simbahan, ginising ng mga ordeng relihiyoso ang sangkatauhan.  Halimbawa na rito ang Dominican Order na itinatag ni Santo Domingo de Guzman upang ipahayag ang Mabuting Balita ni Kristo at kalabanin ang maling turo na ikinakalat ng mga erehe noong ika-15 siglo.  Nariyan din ang mga Jesuit Order na itinatag naman ni San Ignacio de Loyola. Sila naman ay nakilahok sa Counter-Reformation para muling buhayin ang pagiging Katoliko sa iba't ibang istruktura ng Simbahan.

Sa ating bansa, mula pa noong panahon ng mga Kastila hanggang sa kasalukuyan, sangkot sa iba't ibang gawain ang mga relihiyoso. Naging masigasig sila sa pagbuo ng mga bayan at parokya. Naging maalab din sila sa pagtayo ng mga paaralan gaya ng Adamson University, Ateneo de Manila University, Colegio San Agustin, Colegio de San Juan de Letran, De La Salle University, Don Bosco Technical College, Immaculate Conception Academy, La Consolacion College, St. Paul's College, San Juan de Dios Educational Foundation, Santa Isabel College, University of Santo Tomas, atbp. 

Bukod sa edukasyon, nandiyan din ang mga ospital at bahay-ampunan na kanilang pinamamahalaan gaya ng UST Hospital, St. Martin de Porres Charity Hospital, Home of Joy, Hospicio de San Jose, at PREDA Foundation.  

Mayroon din namang nakikilahok sa mga isyu gaya ng kalikasan, katarungan, kahirapan,kapayapaan, atbp. Mayroon ding nagbibigay ng retreats at nagpapahayag ng Mabuting Balita sa iba't ibang anyo ng media

Binuksan din nila ang kanilang mga simbahan, kapilya, o monasteryo sa madla gaya ng Baclaran Church, Our Lady of Mt. Carmel Shrine, San Agustin Church, at Monasterio de Sta. Clara. Hindi rin siguro natin makakalimutan ang kanilang iniaambag sa mga awitin sa Misa gaya ng mga Heswitang Fr. Eduardo Hontiveros (SLN) at Fr. Manoling Francisco.

Bagama't nagkaroon ng batik ang ilang relihiyoso dulot ng mga pang-aabuso ng kanilang mga kasamahan noong panahon ng mga Kastila, hindi ito sapat para ibasura natin ang malaking tulong nila sa pagbuo ng ating kaalaman bilang mga Katolikong Pilipino, sa paggising nila sa atin sa katotohanan.

Kaisa ng Banal na Papa, na nagbuhat rin sa isang relihiyosong orden at dadalaw pa sa ating bansa ngayong Enero, ipanalangin natin na muling matuklasan ng mga kaanib ng samu't saring religious congregrations ang saya ng pagsunod kay Kristo at magsikap na maglingkod nang may ningas sa mga dukha.

Isang Dekada Na!

Natatangi rin ang bagong taon para sa amin dahil, sa awa at paggabay ng Diyos, ipinagdiriwang ng anluwage.com ang kanyang ika-sampung anibersaryo.  Parang kailan lang nang ilunsad namin ang aming website.  Sa simula, nakatuon lamang ito sa mga taga-Gagalangin, Tundo kung saan ang Tanghalang Anluwage, Inc. ay isinilang, subalit sa paglipas ng panahon, higit pa sa Tundo ang aming pinaglilingkuran.  Pangunahing taglay naming balita at lakas ay ang Mabuting Balita ni Kristo.  Dalangin namin na sa pagpasok ng bagong dekada, patuloy kaming maging tapat sa aming ministeryo upang kagaya ng mga relihiyosong pari, madre, at hermano, magising din namin ang daigdig sa liwanag ni Jesus. Salamat po sa inyong pagtangkilik at panalangin. Patuloy ninyo kaming samahan, mga kapatid!




Monday, September 01, 2014

Tamang Pakikisama


Kilala tayong mga Pinoy sa ating pakikisama. Marunong tayong makibagay kahit kanino kung kaya't di mahirap sa ating magkaroon ng mga kaibigan.  At kapag marami tayong kaibigan, mas marami tayong maaasahan lalo na sa oras ng pangangailangan.

Nagpakita ng magandang halimbawa ng pakikisama sa bansa kung saan sila naglingkod ang unang dalawang santong Pilipino. Sa bansang Hapon, tinulungan ni San Lorenzo Ruiz ang mga paring Dominiko sa kanilang pagpapalaganap ng Mabuting Balita ni Jesus. Sa Guam naman nagsilbi si San Pedro Calungsod bilang sakristan at katekista, kaagapay ni Padre Diego Luis De San Vitores. Sa kanilang pagsisilbi, humarap sila sa matinding pagsubok. Kay Lorenzo, inalok siya ng kalayaan, talikdan lang niya ang kanyang pananampalataya. Kay Pedro, ang makatakas mula sa palaso ni Mata'pang. Nakisama ba sila sa ganitong mga uri ng 'kaibigan'? Hindi!

Mayroon ding limitasyon ang pakikisama.  Ayos lang kung paminsan-minsa'y sumasama tayo sa lakad ng barkada, ngunit kung nagiging madalas na ito na halos mapabayaan na natin ang ating trabaho o pag-aaral o pamilya, atbp., ibang usapan na iyan. Ayos lang kung tutupdin natin ang itinatadhana ng batas pero kung manghihingi pa ng suhol ang alagad ng batas, ibang usapan na iyan. Sa kalagayan nina Lorenzo at Pedro, ibang usapan na kung ang pananampalataya ang malalagay sa alanganin.

Kailan natin huling isinabuhay ang ating pananampalataya? Kailan natin siya huling ipinagtanggol laban sa masamang bisyo, maruming pulitika, korupsyon sa lipunan, mga pilosopiyang taliwas sa aral ng Simbahan, atbp?

Kabalikat na ng pagsasabuhay ng ating pananampalataya ang pagpasan ng krus. Hindi nangako ng biglang yaman, kalutasan ng lahat ng problema, o anumang sarap ng buhay ang Panginoon sa sinumang magnanais na sumunod sa Kanya. Sa mga gaya nina Lorenzo at Pedro, humantong pa ito sa kanilang kamatayan.  Subalit, kung mananatili tayong tapat sa ating pinaniniwalaan anuman ang mangyari, makakaasa tayo sa Diyos dahil Siya ay tapat (1 Corinto 1:9)! 

Kung mayroon tayong pakikisamahan, kung mayroon tayong tapat maging kaibigan, doon na  tayo sa tapat at maaasahan. Puno man ng pagpapakasakit ang ating buhay sa mundo, tiyak na walang hanggang kaligayahan naman ang mapapasaatin sa kabila, kasama Niya!




Saturday, August 02, 2014

Binhi sa Mabatong Lupa


Isa sa mga tampok na Ebanghelyo noong isang buwan ang Talinhaga ng Maghahasik (Mateo 13:1-23). Sa kuwentong ito, sinabi ni Jesus na may mga binhing napunta sa daanan sa mabatong lupa, sa mga tinik, at sa matabang lupa.  Pagtuunan natin ng pansin ang mga binhing nasa mabatong lupa. Sang-ayon sa Ebanghelyo, agad silang sumibol dahil di malalim ang lupa. Sa kasamaang-palad, di sila nagtagal dahil sa matinding sikat ng araw.

Kamakailan pinuri ng ating mga obispo ang pananampalataya ng mga layko, subalit kanila ring binigyang-pansin ang dalawang punong kakulangan ng ating pananampalaya: kakulangan sa kaalaman at kawalan ng kaugnayan sa ating pamumuhay. 

Sa kabila ng tila buhay na buhay nating mga liturhiya at pamimintuho sa Panginoon at mga banal, mapupuna pa rin ang kawalan nating ng kaalaman sa ating pananampalataya. Isa nang pruweba nito ang biglaang paglusob ng ilang mga deboto sa rebulto ng Nazareno habang nagmimisa sa Quirino Grandstand noong Enero .  Isa pang halimbawa ay ang pagpapapako sa krus ng ilan nating kababayan tuwing Mahal na Araw sa pag-aakalang maaalis nito ang anumang pagkakasala nila. 

Sa kabila ng ating pagpapakilala bilang mga Katoliko sarado, tila kapag Linggo o kung nasa loob lamang ng simbahan natin ito ipinapakita.  "Hanggang sa balat lang", 'ika nga. Matapos isagawa ang ating 'obligasyon' sa Diyos, balik na naman tayo sa ating dating ugali.  

Tayo'y tulad ng mga binhing nahulog sa mabatong lupa.  Wala tayong masyadong ugat kaya't madali nating tinatanggap ang Salita ng Diyos, AT madali din natin itong isinusuko kapag naaakit na tayo ng ibang sekta o kulto o ng anumang tukso sa ating paligid.  

Kailan natin huling binasa ang Bibliya o ang Katesismo? Kailan tayo huling dumalo sa anumang seminar o rekoleksyon sa ating parokya? Ito na marahil ang pagkakataon para muli nating kilalanin at palalimin ang ating pananampalataya.  Mayroon bang tila malabo sa aral ni Kristo? Huwag natin itong sarilinin. Makipag-ugnayan sa ating kura-paroko o katekista.  

Kailan natin huling nilangkapan ng Kristiyanong pagmamahal ang ating pakikitungo sa pamilya, kapitbahay, kasamahan, o mga istranghero? Sa mga sigalot sa tahanan o pamayanan, kailan natin huling kinilala't tinawag ang biyaya ni Jesus?  May puwang pa ba ang mga turo ng Panginoon sa ating negosyo, sa ating pangangalaga sa kapaligiran, at sa ating pakikilahok sa pagpuksa ng kahirapan at kawalan ng katarungan?

Sinasabing ang pagkilala sa ating pananampalataya ay hanggang magpantay ang ating mga paa. Hilingin natin sa Banal na Espiritu na patuloy Niya tayong samahan, patatagin, at patapangin. Kung ang bawat isa sa atin ay magiging bukas sa Kanyang kapangyarihan,  tayo'y matutulad sa mga binhing nahulog sa matabang lupa na nakinig at nakaunawa sa Salita ng Diyos at naging mabunga.






Friday, May 30, 2014

Buong Bayan?


Sa isang pambansang halalan sa ating bansa dalawang dekada na ang nakakalipas, sinabi ng isang kandidato "Hindi puwedeng kayu-kayo. Hindi puwedeng sila-sila. Kailangan buong bayan". 
Siguradong, kahit sino sa atin ay sasang-ayon sa ganitong mga kataga.  Mahalaga sa atin ang pangkalahatang kabutihan.  Likas ito sa atin bilang tao.  Subalit dahil sa kasalanan, may mga pagkakataong gusto nating tayu-tayo lang.  

Ang korupsyon sa pamahalaan, Simbaha't iba pang sangay ng lipunan ay pagsasawalang bahala sa pangkalahatang kabutihan. Wala namang bayang nakinabang sa pagnananakaw ng ilan, hindi ba?

Bukod sa korupsyon, ang pagkakaroon ng political dynasty ay isa ring pagkilos para maging lamang ang iilan sa atin bayan.  Kahit na sa anong anggulo natin tingnan, nanganganib ang demokrasya ng bansa sa pamumuno ng ilang makapangyarihang magkakamag-anak. Lumilikha ito ng kaisipang ang mga may pera't impluwensiya lamang ang maaaring mamuno sa atin.

Sa Evangelii Gaudium, nagbabala si Pope Francis na kung isasantabi natin ang kabutihan ng lahat, magiging manhid na tayo na sa pananaghoy ng mga dukha at iba pang nangangailangan. Huwag sana ito ang ating maging kahihinatnan, lalo na ng mga lider na nangakong pangalagaan ang kapakanan ng tanang kanilang nasasakupan.

Balikan natin ang kandidatong nabanggit sa unang talata.  Nanalo siya sa halalan at patuloy na nanalo sa mga sumunod na eleksyon. Naging makulay ang kanyang buhay-pulitika lalo na sa kanyang paninindigan para ibasura ang tratado ng Estados Unidos ng Amerika at ng Pilipinas noong 1991 at ang kanyang pamumuno sa paglilitis sa dating Punong Mahistrado ng Korte Suprema Renato Corona.  Sa kasalukuyan, sangkot siya sa PDAF scandal.  Buong bayan o sila-sila lang? Kayo na ang humusga!

Tuesday, October 01, 2013

Magkaibang Tawag, Iisang Pinaglilingkuran


Hindi kaila sa atin ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga madre sa buhay ng Simbahang Katoliko di lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo. Bagama't di sila inordenahan gaya ng mga pari't obispo, puno ang kamay nila ng samu't sariling responsibilidad sa maraming tao na may iba't ibang pangangailangan.  Halimbawa na rito ang mga Missionaries of Charity na itinatag ni Beata Teresa ng Calcutta. Kilala ang mga madreng ito sa kanilang pangangalaga sa mga may-sakit at mga ulilang bata.  Nandiyan rin ang Missionaries of the Immaculate Conception na abala naman sa larangan ng edukasyon, mga kapus-palad, at mga katutubo. Marami pang ibang kongregasyon ng mga madre na may kanya-kanyang karisma para sa ikabubuti ng Simbahan at lipunan.

Nakakapagtaka na sa ibang wika, ang tawag sa kanila ay "sister" (sa Ingles) o "suore" (sa Italyano). Subalit sa Kastila at Filipino, ang tawag sa kanila ay "madre".  

Magkaiba man ang tawag sa kanila, magandang pagnilayan ang ipinahihiwatig ng dalawang salitang ito:

Bilang "sister", nakikita natin sa kanila ang pagiging isang kapatid, isang kabalikat, isang kasama sa pakikibaka sa mundong ito.  

Bilang "madre", nakikita natin sa kanila ang pagiging isang ina, isang tagapag-aruga, isang gabay habang patuloy nating tinatahak ang landas ni Kristo.  

Saanmang ministeryo sangkot ang mga madre, masasalamin sa kanila ang pangangalaga't pagmamahal ng Panginoon.  Sa kanilang pamumuhay na payak at may pagsasakripisyo, makikita sa kanila ang pagpapakumbaba't pananalig ng Mahal na Birheng Maria na minsang nagsabing "Maganap nawa sa akin ang iyong salita".

Habang pinagninilayan natin ang mga misteryo ng Rosaryo ngayong Oktubre, ipanalangin nating lalo pang matulad kay Maria ang lahat ng mga madre upang patuloy nilang maitaguyod ang pananampalataya ng sambayanan. 







Thursday, May 02, 2013

Hamon Lalo Na Sa Mga Kababaihan


Madalas, mapapansin nating taliwas sa mensahe ni Jesus ang ating ginagawa.
Sinabi ni Jesus na sinumang hangga't di tayo nagbabago't tumulad sa mga bata, di tayo makakapasok sa Kanyang kaharian (Mateo 18:3).  Ngunit, ayaw nating masasapawan ng iba.
Si Kristo ang daan, katotohanan, at buhay (Juan 14:6), subalit ibang daan pa rin ang ating tinatahak, umiiral pa rin sa atin ang kasinungalingan, at namumuhay tayo na walang kabuhay-buhay.
Sinabi ng Panginoon na magiging mabunga lamang tayo kung mananatili tayo sa Kanya (Juan 15:5). Pero pilit pa rin tayong lumalayo sa Kanyang pagmamahal.  Sa ibang 'diyos' pa rin tayo umaasa't naglilingkod.

Pinagsabihan din Niya tayong patawarin ang sinumang di natin makasundo para patawarin din tayo ng Amang nasa langit (Marcos 11:25).  Ganoon pa man, hirap pa rin tayong pakawalan ang anumang sama ng loob at galit sa puso natin.
Ipinagkaloob ni Kristo ang Kanyang katawan at dugo para sa atin (Mateo 26:26-28), subalit bakit 'ostya' at 'alak' pa rin ang tawag o tingin natin sa mga tinatanggap natin sa Banal na Komunyon? Di ba't si Jesus na ito?
Bago Siya umakyat sa langit, ibinilin ng Panginoon na ituro natin sa iba ang Kanyang iniutos (Mateo 28:20), ngunit ayaw nating maging sangkot sa bilin na ito.  "Problema na 'yan ng mga pari't madre," ang madalas nating idahilan.
Ilan lang ito sa mga halimbawa kung saan mahina o talagang wala tayong pananampalataya sa Diyos. Sapagkat ang pananampalataya ay isang biyaya kung saan nakikinig at naniniwala tayo sa sinasabi ng Diyos na ating matatagpuan sa Banal na Kasulatan o kaya sa mga banal na tradisyong minana pa natin sa ating mga ninuno.
Nang magpakita ang anghel kay Maria upang ipahayag ang paghirang sa kanya bilang Ina ng Diyos, puno ng pananampalatayang sinabi ni Maria: "Narito ang alipin ng Panginoon. Maganap nawa sa akin ayon sa iyong sinabi"(Lukas 1:38). Naniwala si Maria! Bakit? Dahil tapat ang Diyos (Deuteronomio 7:9)!
Ngayong Mayo, buwan ni Maria, napapanahon ang panawagan sa ating magkaroon ng matibay na pananampalataya sa Diyos. Ito ay isang malaking hamon sa atin, lalo na sa ating mga kababaihan. Sila na mga sangkot sa araw-araw na pamumuhay bilang mga ina, asawa, kapatid, kasintahan, guro, nars, duktor, abogada, madre, 'bisor,  atbp.  Anumang katayuan mayroon sila sa buhay, nandoon ang kakayahang makaimpluwensiya sa iba.  Totoong di ito madali; kahit si Maria'y dumaan din sa matitinding pagsubok.  Subalit kung kay Maria pinatunayan ng Diyos ang Kanyang katapatan, gaano pa kaya sa atin? Dalangin namig na bawat kababaihan ay matulad kay Maria, ang Babaeng Uliran sa Pananampalataya.

Saturday, October 06, 2012

Taon ng Pananampalataya

Sa ika-11 ng Oktubre ng taong kasalukuyan, ilulunsad ng Simbahang Katolika ang Taon ng Pananampalataya. Magsisimula ang pagdiriwang na ito sa ika-50 anibersaryo ng pagbubukas ng Vatican Council II at magtatapos sa ika-24 ng Nobyembre 2013, Kapistahan ni Kristong Hari.
 
Maraming pagbabagong idinulot sa buhay ng Simbahan ang Vatican Council II.  Sa larangan ng liturhiya halimbawa, mas pinaigting pa ang pakikiisa ng mga layko sa banal na pagdiriwang.  Sa larangan ng Banal na Kasulatan at Pagpapahayag ng Diyos, lalong pinag-ibayo ang pag-aaral ng Salita ng Diyos bilang pagkilala sa masusing papel nito.  Bunga din ng nasabing konsilyo ang pagkilala sa ugnayan ng Simbahang Katolika sa ibang relihiyon at ang papel ng mga obispo bilang isang kapulungang humalili sa mga Apostol sa pangangaral at pamumuno sa Simbahan sa pangunguna ng Banal na Papa.
 
Sa Main Building ng UST, na madalas mapagkamalang isang simbahan dahil sa malaki nitong tore na may krus sa tuktok, may tatlong estatwa na pinamagatang 'Tria Haec' (Itong Tatlo).  May hawak na krus ang estatwang napapagitna at nakatayo sa mas mataas na pedestal. Sumasagisag ito sa 'Fides' (Pananampalataya). Sa kanan nito, may hawak na angkla ang estatwa, sagisag ng ,Spes. (Pag-asa). Sa kaliwa naman nito, makikita ang estatwa na nagpapakain ng isang animo'y mahirap na bata. Ito ang sagisag ng 'Caritas' (Pag-ibig). Kinikila ang tatlong ito bilang mga theological virtues dahil sila'y mga biyaya sa atin ng Diyos para sa ating kaligtasan.
 
Sinasabing ang pananampalataya ay kaloob ng Diyos upang maniwala tayo nang walang pag-aalinlangan sa anumang ipahayag Niya sa atin. Ang pananampalataya ay isang handog at dahil diyan, nasa ating mga kamay kung ano ang gusto nating gawin dito.
 
Nakakalungkot isipin at masaksihan kung paanong ang pananampalatayang ito ay ipinagwawalang-bahala o kaya'y itinatakwil ng marami sa ating paligid. Nakakadismaya't nakakawala ng pananampalataya ang pagkakasangkot ng dalawang alagad ng Diyos sa magkahiwalay na iskandalong kumalat sa media kamakailan lang.Minsan, ganito rin ang ating ginagawa.  Mamimili tayo ng mga aral na sang-ayon sa atin at ibabasura ang di kanais-nais sa atin.
 
Sa pagdiriwang ng Taon ng Pananampalataya, hilingin natin sa Diyos na lalo pang lumalim ang ating ugnayan sa Kanya sa pamamagitan ng Banal na Kasulatan, pagtanggap ng mga sakramento lalo na ng Banal na Komunyon, at pakikiisa sa mga gawaing pansimbahan.
 
Sa ganang amin sa Tanghalang Anluwage, bilang taus-puso pasasalamat sa Poong Maykapal sa ika-21 anibersayo namin ngayon, sisikapin naming patuloy na maipahayag ang Kanyang Salita sa samu't saring anyo ng aming paglilingkod sa Simbahan upang lalo pang matuklasan, mapagyaman, at maipahayag ang ganda ng ating pananampalataya.
 
 

Thursday, August 02, 2012

Kalikasan: Lingkod at Paalala

Sang-ayon kay San Alfonso de Liguori, obispo’t pantas ng Simbahan, ng dahil sa pag-ibig sa atin ng Diyos nilikha Niya ang maraming iba pang magagandang bagay upang paglingkuran tayo’t magsilbing paaalala na mahal tayo ng Diyos at dapat natin Siyang pasalamatan.
Ikinuwento pa ng butihing tagapagtatag ng mga Redemptorists na para kay San Agustin, ipinapahiwatig sa kanya ng langit, lupa’t lahat ng bagay (sa mundo) na ibigin ang Diyos.
Isang mainit na isyu sa ating bansa at sa buong mundo ang kalikasan at kapaligiran. Di na bago sa atin pagbabaha sa Kamaynilaan kahit di pa kasagsagan ng bagyo o kaya’y ang pagbaha sa iba pang bahagi ng bansa kahit mataas pa ang araw. Di na bago sa atin ang pagiging mainit kahit ‘ber’ na. Palasak na sa atin ang pagtayo ng mga pabahay o mall o golf course sa mga lupaing pansakahan o kaya’y reclamation areas sa ngalan ng kaunlaran.

Kung babalikan sana lang natin ang mga pananaw ni San Alfonso’t Agustin, marahil matatauhan tayo sa bigat ng papel natin para sa mga iba pang bagay na nilikha ng Diyos. Oo, nilalayon ng mga bagay na ito na paglingkuran tayo subalit naging abusado tayo. Sa ating pagmamalabis nakaligtaan na nating magpasalamat sa Diyos. At ang pagpapasalamat na ito’y hindi hanggang salita lamang. Higit pa sa pagsabi ng “Salamat, Panginoon, salamat” ay ang pagpapahalaga sa anumang ipinagkaloob Niya at paggamit nito sa nararapat lamang.
Para tayo magtanda, mainam na tularan natin ang halimbawa nina Santa Teresa de Avila at Santa Maria Magdalena de Pazzi. Sa kuwento pa rin ni San Alfonso, kinagagalitan di umano si Santa Teresa ng mga nilikha ng Diyos sa kanyang kawalan ng utang na loob sa Kanya. Samantalang para naman kay Santa Maria Magdalena de Pazzi tila sinusugatan ng pag-ibig ng Diyos ang kanyang puso habang may hawak siyang bulaklak o prutas.
Kung kaya nating pangalagaan ang damit o sapatos na pinaghirapang ibigay sa atin ni Itay noong Pasko, gaano pa kaya ang kalikasang taus-pusong ipinagkaloob sa atin ng Ama?



 

Thursday, May 03, 2012

Kulturang Bukas sa Pagkakaisa

 
Hitik sa pagdiriwang ang ating bansa ngayong Mayo. Kabi-kabila ang pista mapa-parokya man o barangay. Bukod dito, nariyan din ang Flores de Maria, Sunduan, at Santa Krusan. Sa mga pagdiriwang na ito, kitang-kita kung gaano kayaman ang ating kultura’t pananampalataya.


Sa pamamagitan ng kultura, makikita natin kung paanong naka-ugnay ang ating pagkilos at paraan ng pamumuhay bilang mamamayan ng isang bansa, rehiyon, o pamayanan sa ating pagsamba sa Diyos at pagbibigay-galang sa mga banal. Buhay na buhay, halimbawa, ang bayanihan sa mga palamuti sa simbaha’t lansangan. Sa kabila ang hirap ng buhay, marunong pa rin tayong mga Pinoy na mag-ukol ng oras, salapi’t kakayahan sa mga ganitong pagdiriwang na minana pa natin sa ating mga ninuno.

Kung nagiging masusi sa ating pananampalataya ang mga tradisyong ito, nararapat lamang na pagyamanin pa’t pag-ibayuhin ito. Bahagi ng pagpapaunlad nito ay ang pagiging bukas sa mga tao na nanggaling sa ibang kultura – di lamang ang mga taong galing sa ibang bansa kundi yung mga nagbuhat sa ibang rehiyon ng bansa.

Bagama’t tila pare-pareho ang ating mga tradisyon, mayroon pa ring mga pagkakaiba kung paano ito isinasagawa sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas. At minsan, may tuksong isipin ng isang bayan o parokya o barangay na mas maganda ang kanilang pagdiriwang kaysa iba. Nariyan rin ang patibong na maging sarado ang isip ng pamayanan sa pagbabago (“Kagaya na lang noong isang taon!”) lalo na’t kung ang mga pagbabago’y galing sa mga baguhan o dayo.

Sa paglipat ng mga tao sa mga lungsod, hindi na natin maaasahang ang mga naturingang ‘lehitimong mamamayan’ ng isang bayan lamang ang may karapatan para maglingkod at mamuno sa pamayanan. Oo, dapat pa ring panatilihin ang mga tradisyong wasto subalit kung ito’y mapagyayaman pa mula sa mga ideya ng mga ‘baguhan’ o mga ‘dayo’, walang dahilan para ito’y di bigyang-pansin. Mahalagang naroroon pa rin ang paggalang sa kultura ng iba.

Matapos umakyat sa langit si Jesus, nanaog ang Banal na Espiritu sa Mahal na Ina at sa mga tagasunod ni Kristo. Mula noon, isinilang ang Simbahan. Mula noon, nangaral ang mga alagad sa iba’t ibang wika. Mula noon, pinagkaisa ng Diyos ang watak-watak na sangkatauhan para maging iisa Niyang bayan. Patuloy nawa nating madama ang kapangyarihan ng Banal na Espiritu upang sa pamamagitan ng samu’t sari nating tradisyon maaakay natin ang lahat lalo na ang mga di pa nakakakilala kay Jesus pabalik sa Kanya.





Wednesday, July 06, 2011

Hindi Lamang Isang Tungkulin

Madalas nating naririnig ang mga katagang “Trabaho lang, walang personalan.” Totoong dapat tayong maging obhetibo sa pagtupad ng ating mga tungkulin. Isipin ninyo ang isang tapat na alagad ng batas na kailangang hulihin ang isang salaring kamag-anak niya. Kung paiiralin niya ang pagiging magkadugo nila, tiyak na hindi niya tutugisin ang kriminal. Pero kung mangingibabaw sa kanya ang kahalagahan ng katarungang panlipunan, gagawa at gagawa siya ng paraan para makulong ito.

Subalit sa ating pagiging Kristiyano, di sapat na sabihing obligasyon lamang kung kaya tayo nagsisimba linggu-linggo, nag-aayuno sa mga piling araw ng Kuwaresma, nagbibigay ng limos sa mga dukha, atbp.

Kung ang tingin natin sa ating pananampalataya ay lupon ng mga obligasyon lamang, wala tayong pinagkaiba sa mga pariseo noong panahon ni Jesus. Bagama’t tinitingala ng mga tao dahil sa kanilang posisyon sa pamayanan at sa kanilang pagtupad sa maraming batas at debosyon ng kanilang relihiyon, payat ang kanilang pakikipag-ugnayan sa Diyos at sa kapwa. Kung kaya anumang pagsunod nila sa utos o kalooban ng Diyos ay maihahalintulad sa isang hollow block – walang laman ang loob.

Isa sa mga palaging ibinabandera ng mga tinatawag na Born-again Christians ay ang kahalagahan na tanggapin si Jesus bilang personal nating Tagapagligtas. Hindi ito isang mali o taliwas sa aral ng ating Simbahan, pero ito marahil ang isang bagay na malimit nating ipinagwawalang-bahala o kaya’y di natin inaakalang dapat bigyang-pansin.

Isang balakid na maituturing kung bakit di natin ito pinahahalagahan ay ang kulturang binibigyang-diin ang Simbahan bilang isang institusyong binubuo’t pinamumunuan ng mga pari kaysa isang komunidad na kinabibilangan ng mga inordenahan at mga layko. Ito’y nakakadismaya lalo na kung mababalitaan natin ang mga iskandalong kinasasangkutan ng mga pari sa bawat sulok ng mundo at ang pawang katahimikan o kawalan ng aksyon ng kanilang mga pinuno.

Hindi sapat na kilalanin si Kristo bilang isang Diyos. Higit Siyang dapat kilalanin bilang isang Nagmamahal at Nagliligtas na Diyos. Ang pagkakaroon ng mas personal pang pakikipag-ugnayan sa Kanya ang susi para buong puso nating susundin ang Kanyang kalooban, para buong pagpapakumbaba nating tatahakin ang Kanyang daan.

Nakakalungkot isiping ipapatupad na sa English-speaking world ang bagong saling Misa sa Ingles sa kabila ng mga pagbatikos at kontrobersiyang bumabalot dito. Sinasabing ang ipapatupad na bersyon ay hindi ang inaprubahang bersyon ng mga bishops conferences. Di makakatulong sa atin na magbuo ng mas personal pang relasyon sa Panginoon kung ang mga salitang gagamitin sa Misa – na siyang pinakadakilang paraan ng panalangin ng buong Simbahan- ay luma’t laos na. Bagama’t marunong magsalita ng Ingles ang maraming Pinoy, mahihirapan tayong maunawaan ang ilang salitang gagamitin sa bagong saling Misa. Tila babalik na naman tayo sa panahon ng ating mga lolo’t lola kung saan ang Misa ay sa wikang Latin na di naman nila naunawaan - ang Misa ay magiging pagtitipong di lubos na naiintindihan ng maraming dumadalo dito, isang seremonyas na mangilan-ngilan lang ang magkakaroon ng mas aktibong partisipasyon salungat sa ipinag-uutos ng Vatican II Council!

Hindi rin tayo makakakuha ng inspirasyon sa ang mga pangungusap sa ilang bahagi ng Misa; may mga panalanging ang tono ay nagpapahiwatig na ang Diyos ay parang makapangyarihang hari na dapat katakutan at tayo ay mga makasalanang nasasakupan Niya. Tunay ang makapangyarihan ang Diyos at tayo’y mga nagkasala subalit mas mainam na ipakita ang Kanyang pagkamaawain at pagkagalante.

Sa totoong buhay, mas mamahalin natin ang sinumang nagpapakita sa atin ng kabutihan; nagiging kapalagayan natin ng loob ang sinumang nagpapadama sa atin ng pag-aalala; nagmumula sa puso ang ating pagsunod sa sinumang nakakaunawa’t sensitibo sa ating mga pangangailanga’t kahinaan.

Saturday, September 19, 2009

Huwag Makalimot

Isang tukso sa mga Pilipinong nasa ibang bansa ang makalimot - makalimot sa mga mahal sa buhay na kanilang pansamantalang iniwan, makalimot sa sumpang binitiwan nila noong sila'y ikasal, makalimot sa kanilang responsibilidad sa kanilang pamilya sa 'pinas, makalimot tumawag sa Diyos.

Subalit mayroon tayong kababayang hindi nakalimot. Sapilitang lumikas ng Pilipinas para takasan ang maling pambibintang sa kanya hinggil sa pagpaslang sa isang Kastila, nagtungo si Lorenzo Ruiz kasama ang ilang paring Dominiko sa Japan para ipalaganap ang Kristiyanismo. Sa kanilang pagsisilbi sa bansang ayaw sa bagong relihiyong ito, sila'y hinuli at pinarusahan. Nang aluking palayain siya kapalit ng kanyang pananampalataya, sinabi niyang libu-libo man ang kanyang buhay lahat ito'y kanyang ibibigay para sa pananampalataya. Binawian si Lorenzo ng buhay na nananatiling tapat kay Kristo.

Hindi lahat ng Pinoy Overseas Workers at immigrants ay makakaharap sa ganitong uri ng pagsubok habang nasa ibang bansa, pero lahat tayo'y mayroong pananampalatayang dapat pakaingatan at laging dapat isabuhay.

Dumulog tayo lagi kay San Lorenzo Ruiz, ang kinikilalang pintakasi ng mga Pilipinong nangingibang bansa. Hilingin natin sa kanya ang biyayang laging handang ipahayag ang ating pananampalataya, ang lakas na huwag manghina sa kabila ng lumbay at bagong kultura sa bansang kinaroonan natin, at ang kakayahang huwag makalimot kung saan tayo nakaugat.

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP