Showing posts with label pulitika. Show all posts
Showing posts with label pulitika. Show all posts
Sunday, August 02, 2015
Kaibigan ng mga Dukha
Friday, May 30, 2014
Buong Bayan?
Sa isang pambansang halalan sa ating bansa dalawang dekada na ang nakakalipas, sinabi ng isang kandidato "Hindi puwedeng kayu-kayo. Hindi puwedeng sila-sila. Kailangan buong bayan".
Siguradong, kahit sino sa atin ay sasang-ayon sa ganitong mga kataga. Mahalaga sa atin ang pangkalahatang kabutihan. Likas ito sa atin bilang tao. Subalit dahil sa kasalanan, may mga pagkakataong gusto nating tayu-tayo lang.
Ang korupsyon sa pamahalaan, Simbaha't iba pang sangay ng lipunan ay pagsasawalang bahala sa pangkalahatang kabutihan. Wala namang bayang nakinabang sa pagnananakaw ng ilan, hindi ba?
Bukod sa korupsyon, ang pagkakaroon ng political dynasty ay isa ring pagkilos para maging lamang ang iilan sa atin bayan. Kahit na sa anong anggulo natin tingnan, nanganganib ang demokrasya ng bansa sa pamumuno ng ilang makapangyarihang magkakamag-anak. Lumilikha ito ng kaisipang ang mga may pera't impluwensiya lamang ang maaaring mamuno sa atin.
Sa Evangelii Gaudium, nagbabala si Pope Francis na kung isasantabi natin ang kabutihan ng lahat, magiging manhid na tayo na sa pananaghoy ng mga dukha at iba pang nangangailangan. Huwag sana ito ang ating maging kahihinatnan, lalo na ng mga lider na nangakong pangalagaan ang kapakanan ng tanang kanilang nasasakupan.
Balikan natin ang kandidatong nabanggit sa unang talata. Nanalo siya sa halalan at patuloy na nanalo sa mga sumunod na eleksyon. Naging makulay ang kanyang buhay-pulitika lalo na sa kanyang paninindigan para ibasura ang tratado ng Estados Unidos ng Amerika at ng Pilipinas noong 1991 at ang kanyang pamumuno sa paglilitis sa dating Punong Mahistrado ng Korte Suprema Renato Corona. Sa kasalukuyan, sangkot siya sa PDAF scandal. Buong bayan o sila-sila lang? Kayo na ang humusga!
Saturday, February 01, 2014
Paglahok sa Pulitika
Marumi. Masalimuot. Pangmayaman. Negosyo. Kamakamag-anak. Ilan lang itong lumalarawan sa pulitika ng ating bansa. Sariwa pa sa ating alaala ang iskandalong dulot ng mga mambabatas na sangkot sa PDAF gayon din ang di pantay na pagpapamudmod ng tulong sa mga nasalanta ng bagyong Yolanda.
Madalas, tanggap na nating ganito ang kalagayan ng ating pulitika, na wala na tayong pag-asa pang bumangon, na kahit sino pa ang iluklok sa puwesto ay walang magagawa at kadalasa'y mababahiran pa ng kabulukan ng sistemang pulitikal ng bansa.
Subalit para sa ating mga Kristiyano, hindi ito ang panahon para mawalan tayo ng pag-asa. Hindi ito ang panahon para ipagkibit-balikat na lang natin ang sitwasyon ng ating lipunan. Hindi rin ito ang pagkakataon para ipaubaya na lang natin sa mga may pera, impluwensiya, o kapangyarihan ang pagsasaayos ng sistemang pulitikal. Sang-ayon nga sa mga obispo ng Pilipinas, may mahalagang papel ang mga layko sa isyung ito.
Sa ganang amin, may apat na paraan kung saan maaaring makilahok ang mga layko:
Edukasyon. May kapangyarihan tayong bumoto ng ating mga lider. At dahil ito ay isang kapangyarihang bigay sa atin ng batas, mahalagang hindi natin ito ipagpalit sa kakaunting halaga lamang, sa tamis ng dila ng mga kumakandidato, o sa mga pananakot ng mga halang ang kaluluwa. Kaya nga't importanteng mabigyan ng wastong edukasyon ang bawat mamamayan lalo na ang mga botante na maging mapanuri, maalam, at magkaroon ng kakayahang tumayo sa sarili nilang paa.
Kamalayang sosyal. Mahalaga ding magkaroon tayo ng kamalayan sa mga nagaganap sa ating kapaligiran. Gamitin natin nang wasto ang malayang pagpapahayag upang maging gising tayo sa tunay na nangyayari sa ating bansa, at gisingin din ang mga tulog o nagtutulug-tulugan nating mga kababayan - lider man sila o pangkarinawang mamamayan. At kung gising tayo, hindi tayo madadaig ng mga anumang pambobola't kasinungalingan ng iba.
Katarungan. Ibigay natin sa iba ang nararapat. Huwag tayong maging kasangkapan ng korupsyon sa bansa. Huwag tayong magbigay ng lagay para lang mapabilis ang isang serbisyo publiko. At kung tayo naman ay nasa pamahalaan, huwag tayong tumanggap ng lagay para paburan ang isa laban sa marami pang dapat paglingkuran. Manatili rin tayong mapagmasid sa anumang anomalyang nagaganap sa pamahalaan at magkaisa para masawata ito.
Pakikiisa sa mga kapus-palad. Sang-ayon sa CBCP, ang sistemang pulitikal sa ating bansa ang siyang pinakamalaking hadlang sa kaunlaran ng Pilipinas. Sinabi rin nila na dahil sa pagiging sugapa ng mga nasa puwesto sa kapangyariha't salapi kung kaya patuloy na naghihirap ang maraming Pilipino. Hindi tayo magiging mga kapanipaniwalang Kristiyano kung wala tayong puso para sa mga naghihirap. Walang saysay ang ating pinaniniwalaan kung hindi tayo marunong tumayo laban sa pang-aapi't iba pang kasamaang dinaranas ni Mang Juan Pasang Krus.
Kung bibigyang-pansin natin ang apat na paraang ito, makasisiguro tayong magkakaroon ng higit na kakayahan ang mga layko para ilagay sa wasto't nararapat ang pulitika. Maaaring sabihin ng ilan na isang suntok sa buwan ang pakikilahok ng layko sa magulong mundo ng pulitika. Sa kanilang mga kasabayan, isang suntok sa buwan ang pagbabatikos ni Juan Bautista sa nangangalunyang Haring Herodes, ang paninindigan ni Thomas More laban sa imoral na Haring Enrique VIII, ang katotohanang isinasabuhay ni Jesus kontra sa mga ipokritong punong pari't matatanda ng bayan. Gayunpaman, kinilala ng tatlong taong ito na ang ginagawa nila'y trabaho ng Diyos at sila'y pawang kasangkapan lamang. Kaya nga't nanatili silang tapat hanggang sa huli. Dumating ang panahong naging bahagi na lamang ng kasaysayan sina Herodes, Enrique VIII, at ang mga punong pari't matatanda ng bayan, subalit ang buhay at halimbawa nina Juan, Thomas, at Jesus ay patuloy pa ring inaalala't tinutularan ng marami.
Importanteng mabanggit na sina Juan, Thomas, at Jesus ay mga layko - si Juan ay isang propeta, si Thomas ay isang opisyal ng pamahalaan, at si Jesus ay isang karpinterong naging guro't manggagamot. Hindi sila naiiba sa nakararami sa atin. Hindi sila naiiba sa mga kasalukuyang layko. Sundan natin ang kanilang yapak. Huwag tayong masiraan ng loob.
Importanteng mabanggit na sina Juan, Thomas, at Jesus ay mga layko - si Juan ay isang propeta, si Thomas ay isang opisyal ng pamahalaan, at si Jesus ay isang karpinterong naging guro't manggagamot. Hindi sila naiiba sa nakararami sa atin. Hindi sila naiiba sa mga kasalukuyang layko. Sundan natin ang kanilang yapak. Huwag tayong masiraan ng loob.
Labels:
Catholic Bishops Conference of the Philippines,
edukasyon,
Jesus,
Juan Bautista,
kahirapan,
kamalayang sosyal,
katarungan,
layko,
pakikiisa,
PDAF scam,
Pilipinas,
pulitika,
Thomas More
Monday, April 01, 2013
Sa Mga Tamang Kamay Lang
Matapos ang botohan sa Roma para sa bagong papa, humaharap naman ang Pilipinas sa paghalal ng mga senador, kongresista't mga lokal na opisyal. Parang kailan lang nang bumoto ang mga mamamayan para sa mga pambansa't lokal na pamahalaan.
Mainam na magbalik-tanaw ang mga botante at mag-usisa:
1. Dama ba ng bansa ang pagbabago't pag-unlad na ipinangako ng mga lider na ngayo'y tatakbong muli sa halalan sa Mayo?
2. Nagpakita ba ng magandang halimbawa ang mga kandidatong ito sa uri ng kanilang pamumuhay at pakikisalamuha sa mga tao lalo na sa kanilang mga kasambahay, mga kasamahan sa trabaho't mga kapus-palad?
3. Nasasalamin ba sa kanilang buhay ang pag-ibig at katarungan ng Diyos?
4. Nakikita ba sa kanilang pananalita, pagkilos, at pag-iisip ang hangarin at katapatang maglingkod sa bayan?
5. Nauunawaan ba natin ang mensahe sa likod ng mga slogan ng mga kandidato o madali tayong nagpapakuha sa kanilang matatamis na bibig?
6. Dapat bang ihalal ang mga kandidatong napatunayang nangurakot sa gobyerno?
7. Kailangan bang ihalal sa puwesto ang isang kandidatong may kamag-anak nang nasa ganoon ding puwesto, gaya halimbawa sa Senado't Mababang Kapulungan ng Kongreso?
Marami pang tanong ang posible nating ipukol sa ating sarili o sa ating mga kababayan. Mahalagang sa mga pag-uusisang ito, magkaroon ng isang malusog na palitan ng kuru-kuro upang makapamili tayo ng mga nararapat na lider. Higit sa lahat - kagaya ng mga kardinal na nakiisa sa botohan sa Roma noong isang buwan - kailangan nating manalangin, makinig, at sumunod sa paggabay ng Banal na Espiritu.
Minsan nang sinabi ni Jesus kay Poncio Pilato na galing sa Ama ang lahat ng kapangyarihang taglay ng ating mga lider. Kung gayon, siguraduhin nating mapunta ito sa mga tamang kamay.
Saturday, September 05, 2009
Bayan Muna
Nag-ukol ng malaking oras at maraming pera si Senador Mar Roxas para lalo niyang maipakilala ang kanyang sarili sa taumbayan lalo na't di lingid sa marami ang kanyang hangaring tumakbo bilang presidente. Ang pagtrato sa kanya at kay Korina Sanchez, ang kanyang kasintahan, ay maihahalintulad sa dalawang sikat na artista. Sinasabing magiging masusi si Korina para mas sumikat pa ang senador habang papalapit nang papalapit ang halalan.
Subalit lahat ito'y nabago nang magdesisyon si Mar na magparaya sa kanyang kapartido't kapwa senador na si Noynoy Aquino, ang nag-iisang anak na lalaki ng mga yumaong Ninoy at Cory Aquino.
Naging maugong ang panawagan ng ilang bahagi ng bansa para tumakbo si Noynoy upang maipagpatuloy ang laban ng kanyang mga nasirang magulang. Isang panawagan na posibleng magpapagulo pa sa magulong buhay-pulitika ng bansa.
Noong isang linggo, ipinahayag namin ang aming pananaw sa pambansang eleksyon at nanawagang matutong magsakripisyo ang mga may interes na tumakbo at magsanib-puwersa sa iba pang may balak kumandidato. Nagpapasalamat kami at may isa nang tumugon sa panawagang ito.
Di biro ang pagsasakripisyo ng ito ni Roxas. Magkaganoon pa man, umani siya ng aming respeto gayon din ng iba pa niyang kababayan. Dalangin namin na marami pa ang sumunod sa kanyang halimbawa.
Uunlad lamang ang Pilipinas kung magiging mas matimbang sa atin ang kapakanang-bayan kaysa sa ating mga pansarili at pinakatatagong agenda.
Subalit lahat ito'y nabago nang magdesisyon si Mar na magparaya sa kanyang kapartido't kapwa senador na si Noynoy Aquino, ang nag-iisang anak na lalaki ng mga yumaong Ninoy at Cory Aquino.
Naging maugong ang panawagan ng ilang bahagi ng bansa para tumakbo si Noynoy upang maipagpatuloy ang laban ng kanyang mga nasirang magulang. Isang panawagan na posibleng magpapagulo pa sa magulong buhay-pulitika ng bansa.
Noong isang linggo, ipinahayag namin ang aming pananaw sa pambansang eleksyon at nanawagang matutong magsakripisyo ang mga may interes na tumakbo at magsanib-puwersa sa iba pang may balak kumandidato. Nagpapasalamat kami at may isa nang tumugon sa panawagang ito.
Di biro ang pagsasakripisyo ng ito ni Roxas. Magkaganoon pa man, umani siya ng aming respeto gayon din ng iba pa niyang kababayan. Dalangin namin na marami pa ang sumunod sa kanyang halimbawa.
Uunlad lamang ang Pilipinas kung magiging mas matimbang sa atin ang kapakanang-bayan kaysa sa ating mga pansarili at pinakatatagong agenda.
Labels:
Cory Aquino,
kandidato,
Korina Sanchez,
Mar Roxas,
Ninoy Aquino,
Noynoy Aquino,
Pilipinas,
pulitika
Subscribe to:
Posts (Atom)



