Powered by Blogger.
Showing posts with label Noynoy Aquino. Show all posts
Showing posts with label Noynoy Aquino. Show all posts

Monday, September 02, 2013

Katarungang Naantala



Noong ika-25 ng Pebrero 2013, sa pagdiriwang ng ika-27 taong anibersaryo ng EDSA 1, nilagdaaan ng Pangulong Noynoy Aquino ang batas na kumikilala at magkakaloob ng karampatang halaga sa mga naging biktima ng Martial Law noong panahon ng dating Pangulong Ferdinand Marcos. Matapos ang matagal na panahon, tila magkakamit na ng katarungan ang mga kaawa-awa nating kababayang nagdusa sa mapang-aping batas militar.

Sang-ayon kay Kongresista Walden Bello, importante ang batas na ito dahil iilang bansa pa lamang gaya ng Pilipinas ang maglalaan ng bayad sa mga biktima ng diktadurya.

Subalit, hanggang ngayon, di pa binunuo ni P-Noy ang Human Rights Victims Claims Board na siyang unang hakbang sa pagpapatupad ng nasabing batas. Ayon sa Samahan ng Ex-Detainees Laban sa Detensyon at Aresto (SELDA), isang insulto sa mga biktima ang kawalan ng aksyon ng Pangulo.  

Katakataka rin ang kawalan ng paliwanag mula sa Palasyo kung bakit di pa rin ipinapatupad ang batas na ito.

Habang lumulubog na naman ang bansa sa samu't saring isyu gaya ng PDAF scam, at patuoy na namamayagpag sa puwesto ang asawa't mga anak ni Marcos, mahalagang manatiling gising ang bayan.  Noong manumpa sa tungkulin si P-Noy, ipinangako niya ang pagkakaloob ng katarungan sa bawat mamamayan.  Huwag sana niyang makalimutan ng mga Pilipinong dumanas ng hirap at pasakit sa batas militar, mga taong gaya ng kanyang sariling ama na sumisigaw ng katarungan. 

Katarungang naantala, katarungang itinatwa.




Saturday, September 05, 2009

Bayan Muna

Nag-ukol ng malaking oras at maraming pera si Senador Mar Roxas para lalo niyang maipakilala ang kanyang sarili sa taumbayan lalo na't di lingid sa marami ang kanyang hangaring tumakbo bilang presidente. Ang pagtrato sa kanya at kay Korina Sanchez, ang kanyang kasintahan, ay maihahalintulad sa dalawang sikat na artista. Sinasabing magiging masusi si Korina para mas sumikat pa ang senador habang papalapit nang papalapit ang halalan.

Subalit lahat ito'y nabago nang magdesisyon si Mar na magparaya sa kanyang kapartido't kapwa senador na si Noynoy Aquino, ang nag-iisang anak na lalaki ng mga yumaong Ninoy at Cory Aquino.

Naging maugong ang panawagan ng ilang bahagi ng bansa para tumakbo si Noynoy upang maipagpatuloy ang laban ng kanyang mga nasirang magulang. Isang panawagan na posibleng magpapagulo pa sa magulong buhay-pulitika ng bansa.

Noong isang linggo, ipinahayag namin ang aming pananaw sa pambansang eleksyon at nanawagang matutong magsakripisyo ang mga may interes na tumakbo at magsanib-puwersa sa iba pang may balak kumandidato. Nagpapasalamat kami at may isa nang tumugon sa panawagang ito.

Di biro ang pagsasakripisyo ng ito ni Roxas. Magkaganoon pa man, umani siya ng aming respeto gayon din ng iba pa niyang kababayan. Dalangin namin na marami pa ang sumunod sa kanyang halimbawa.

Uunlad lamang ang Pilipinas kung magiging mas matimbang sa atin ang kapakanang-bayan kaysa sa ating mga pansarili at pinakatatagong agenda.

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP