Powered by Blogger.
Showing posts with label Ferdinand Marcos. Show all posts
Showing posts with label Ferdinand Marcos. Show all posts

Friday, July 20, 2018

Pananampalataya at Katotohanan


Naging balita na nitong mga huling buwan ang pagkansela ng Bureau of Immigration  (BI) ng visa ni Sr Patricia Fox, isang madreng taga-Australia. Binawi ng BI ang visa ng madre dahil sa kanya diumanong pagiging aktibista. Naging matagumpay ang apila ng madre sa Department of Justice (DOJ). Sang-ayon sa DOJ, nagkamali ang BI sa pagkansela ng visa. Mapapaso ang visa ng madre sa Septyembre at balak niyang baguhin ito upang maipagpatuloy ang kanyang paglilingkod sa bansa.

Subalit marami ang nabigla nang ituloy pa rin ng pamahalaan ang deportasyon kay Sr Pat. Sang-ayon kay Bishop Artuto Bastes ng Sorsogon, kinumpirma lamang ng deportasyon ang suspetsang pinupuntirya ng gobyerno ang sinumang pumupuna dito.  Sa pananaw naman ni Bishop Broderick Pabillo ng Maynila, matapos maglingkod sa mga mahihirap ng bansa, ito pa (ang deportasyon) ang igaganti ng pamahalaan sa madre.

Noong Abril, nagpahayag ng kanyang saloobin si Fr Shay Cullen, SSC (http://anluwage-fathershay.blogspot.com/2018/04/deport-sex-tourists-not-missionaries.html) sa pagmamaltrato sa madre at sa sinumang misyonero sa bansa.

Noong 1983, ipiniit sina Fr Niall O'Brien at Fr Brian Gore (mga misyonerong Columbano katulad ni Fr Cullen at naging sangkot sa pagbubuo ng Basic Christian Communities sa Negros.) kasama sina Fr Vicente Darangan at anim na laykong naglilingkod sa parokya. Pinagbintangan sila ng diktaduryang Marcos sa salang pagpaslang sa isang alkalde at kanyang mga bantay - isang salang inamin na ng New People's Army. Tinaguriang Negros Nine, inakusahan sila ng mga bulaang saksi na hinakot ng militar. Subalit nakuha nila ang atensyon ng maraming bansa na siyang naging dahilan para ibasura ang kaso laban sa kanila.

Ano ang nais ipabatid sa atin ng istoryang ito? Ang pinanghahawakan nating pananampalataya at katotohanan. Nanatiling tapat at totoo ang Negros Nine. Hindi biro ang makulong, lalo na kung wala kang kasalanan. Sa kanilang pagkapiit, hindi sila nasiraan ng loob. Bagamat umalis ng bansa sina Fr O'Brien at Fr Gore matapos ang kanilang paglaya (Ito diumano ang kundisyon para mapalaya ang anim na Pilipinong kasama nilang ikinulong.), bumalik silang muli sa Pilipinas nang mapatalsik si Marcos noong 1986. 

Sa ating pamahalaan: hindi si Sr Pat o sinumang misyonero ang kalaban. Ang mga totoong kalaban ay ang katiwaliang namamayagpag sa lipunan na kahit aso sa kalsada ay maaamoy ang baho nito, ang lumalaking utang sa World Bank-IMF, ang walang-habas na pagpaslang sa mga pinaghihinalaang lulong sa droga, ang maruming pulitika, ang kawalan ng katarungan, ang di makatuwirang pagsakop ng Tsina sa West Philippine Sea sa kabila ng desisyon ng UN Convention on the Law of the Sea pabor sa ating bansa, at ang pagiging makasarili. Ito po ang mga dapat ninyong pagtuunan ng pansin. Hindi ang mga walang kalabanlaban, misyonero man o ordinaryong mamamayan.

Kay Sr Pat at sa iba pang misyonero sa bawat sulok at isla ng Pilipinas: salamat po sa inyong pagiging bukas-palad. Huwag kayong masiraan ng loob. Ipaglaban ninyo ang nararapat. Kasama ninyo kami sa inyong laban. Ipagpatuloy ninyo ang misyong ipinagkatiwala sa inyo ni Kristo!








Friday, September 08, 2017

Ibalik ang Hindi Inyo



Ipinahayag kamakailan ni Pangulong Rodrigo Duterte na handang isauli ng pamilya Marcos ang bahagi ng kanilang yaman para diumano tulungan ang pamahalaang harapin ang kakulangan sa badyet. Mapapansin na hindi ginamit ng Pangulo ang salitang ill-gotten wealth para ilarawan ang yamang alok ng pamilya ng nasirang diktador.

Kasuklam-suklam na marinig na ang dahilan kung bakit itinago diumano ni Ferdinand Marcos ang yaman ng bansa ay para protektahan ang ekonomiya. Sino kayang may matinong pag-iisip ang maniniwala sa rasong ito? Habang papalubog ang ekonomiya ng bansa, namuhay nang maluho ang kanyang pamilya. Saan nila kinuha ang pera? 

Sang-ayon kay Fr Armando Picardal, CSsR, isang paring naging biktima noong panahon ng batas militar, ang alok ng mga Marcos ay malinaw na pag-amin na ninakawan nila ang bansa at dapat nila itong isauli nang buo at walang kapalit. 

Mahalagang ang Pangulo at ang sinumang pagkakatiwalaan niyang makipag-ugnayan sa mga Marcos ay maging marunong at maingat sa alok na ito. Nakakabahala na ang mga Marcos na dating isinuka ng bansa ay unti-unting bumabalik sa kapangyarihang inabuso nila. Sariwa pa sa aming alaala ang hindi angkop na pagpapalibing sa labi ng yumaong Marcos sa Libingan ng mga Bayani. Ano pa ang susunod? Iurong ang mga kasong isinampa ng pamahalaan laban sa kanila?

Totoong kailangang may sapat na salapi ang pamahalaan para manatili itong naglilingkod sa bayan, lalo na sa mga mahihirap at nangangailangan. Malaking problema kung may kakulangan sa badyet. Matatandaang 40% ng taunang badyet ay ipinambabayad sa inutang ni Marcos sa World Bank-International Monetary Fund (WB-IMF) noong siya ay nanunungkulan. Tinatayang hanggang 2025, may utang ang bawat Pilipino na dapat bayaran sa WB-IMF. 

Sa matinding pangangailangan ng kasalukuyang administrasyon, huwag sana nilang pairalin ang utang na loob - hindi lingid sa atin na may tinatanaw na utang na loob si Duterte kay Imee Marcos, isa sa kanyang campaign donors. Huwag sana silang magkasya sa bahagi lang ng nakaw na yaman. Higit sa lahat, huwag sanang silang kumapit sa patalim.




Friday, March 31, 2017

Karunungan


Kung mayroon mang maipapamana ang sinumang Pilipinong magulang sa kanilang mga anak, ito'y walang iba kundi ang edukasyon. Ayos lang kahit kumayod na parang kalabaw ang mga magulang o magdildil sa asin ang pamilya, basta makapagtapos ang kanilang mga anak sa pag-aaral. Naniniwala tayong edukasyon ang susi sa kaunlaran ng isang indibidwal. At dahil hindi naman tayo "nabubuhay para sa sarili lamang", may kalalagyan din ang lipuna't bansang ating kinabibilangan sa edukasyong ipinamana sa atin.

Maraming kurso na mapagpipilian ang mag-aaral. May mga pumipili ng kursong pinag-aralan ng kanilang mga magulang o kaya'y ang kursong in-demand. Mayroon din namang pinipili ang kursong abot-kaya lamang.

May mga nagsasabing kailangang pasiglahin ang mga kursong pang-agrikultura sa ating bansa dahil marami tayong lupaing pansakahan.  May mga nagsasabing kailangan nating pasiglahin ang mga kurso sa larangan ng agham at teknolohiya kung nais nating matulad sa mga maunlad na karatig-bansa gaya ng Japan. May mga nagsasabing kailangan nating pasiglahin ang kursong pangkalusugan para matugunan ang pangangailangan ng mga bansang may malaking porsyento ng mga matatandang mamamayan. 

Sa ganang amin, ang anumang kurso ay dapat magpasigla sa karunungan ng mag-aaral. Hindi kumpleto ang edukasyon kung katalinuhan lamang sa anumang larangan ang makakamit ng estudyante. Mahalagang gamitin din niya ang katalinuhang ito nang wasto. Mahalagang maging marunong siya.

Sa mga kaganapan sa ating bansa, nakakalungkot isiping tila wala na ang karunungan.   Saan ka nakakita ng isang diktador na inilagak ang mga labi sa Libingan ng mga Bayani? Nasaan ang karunungan ng Pangulo para gawin ang hakbang na ito gayong lantad naman ang mga kasamaan ni Ferdinand Marcos?

Noong unang araw ng Marso, nabalitaan nating inaprubahan na ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pagbabalik ng death penalty. Nasaan ang karunungan ng mga mambabatas nating sang-ayon sa panukalang ito? 

Kamakailan ay inaprubahan ng Mababang Kapulungan ang panukalang batas para ideklarang pista opisyal sa buong bansa ang ika-8 ng Disyembre, ang Kapistahan ng Kalinislinisang Paglilihi kay Maria. Sinasabing si House Majority Leader Rodolfo Farinas ang may-akda ng panukalang batas. Maaalalang si Farinas rin ang isa sa mga mambabatas na nanguna para madaliin ang pag-apruba sa pagbabalik ng death penalty. Bagama't nakakataba ng puso na gawing national holiday ang Kapistahan ng Mahal na Birhen, hindi namin maiwasang mag-usisa: Isa kaya itong hakbang ito para magpabango ang Kongreso matapos talikuran ang pananampalatayang Kristiyano na hindi sumasang-ayon sa parusang kamatayan? Hindi kaya isa kaya isa lamang itong pagpapaimbabaw? Hindi kaya napaghahalata dito ang kanilang kamangmangan?

Ano ang saysay ng katalinuhan kung sa mga pangyayaring ito ay pawang mga makapangyarihan lamang ang makikinabang? Ano ang saysay ng ating mga pinag-aralan kung hindi tao ang turing natin sa iba, lalo na sa mga maralita? Ano ang saysay ng anumang antas na ating nakamit sa pamantasan kung pinangungunahan tayo ng ambisyon at hindi misyon?

Paano nga ba natin makakamit ang karunungan? "Pagmamahal sa Panginoon ay simula ng karunungan", sabi ng isang awitin.  Kung wala tayong pagmamahal sa Panginoon, kung wala tayong takot sa Diyos, kung hindi natin kinikilala ang Kanyang mga aral at hindi sinusunod ang Kanyang kalooban, huwag tayong magtaka kung bakit namumuhay pa rin tayo sa kamangmangan.

Habang papalapit nang papalapit ang mga Mahal na Araw, muli nating hanapin ang Diyos, May puwang pa ba Siya sa buhay natin? Sa buhay ng ating bansa? Kung mayroon, gaano natin Siyang minamahal? 







Thursday, November 10, 2016

Mahistrado



Ito ang katumbas sa wikang Filipino ng salitang magistrate. Sa ating bansa, mas kilala ito bilang justice, ang katawagan sa mga bumubuo ng Court of Appeals at Supreme Court. Nanggaling ang salitang mahistrado sa magistratus, wikang Latin para sa tagapangasiwa. Sa hukuman, nagsisilbing tagapangasiwa ng katarungan ang isang mahistrado. Samantala, ang salitang magistratus ay hango naman sa magister, wikang Latin para sa guro.  Sa hukuman, nagsisilbing guro o eksperto sa batas ang isang mahistrado.

Ika-8 ng Nobyembre 2016. Sa botong 9-5, pinayagan ng Korte Suprema ang pagpapalibing sa mga labi ni dating pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.  

Bayani bang maituturing ang isang dating sundalong pumeke ng kanyang mga medalya? Bayani ba ang isang dating pangulo na gumawa ng paraan para manatili siya sa puwesto't magpayaman? Bayani bang masasabi ang isang dating lider na nangutang ng malaking halaga sa World Bank para mapakinabangan niya sampu ng kanyang mga galamay? (Tinatayang magbabayad ang Pilipinas sa mga inutang ni Marcos hanggang 2025.) Bayani ba ang itatawag sa isang dating pinunong lumabag sa karapatang pantao ng marami nang ipatupad niya ang Martial Law? Bayani ba ang isang taong pinatalsik sa puwesto? 

Sa ganang amin, hindi bayani si Marcos.

Sa naging desisyon ng Korte Suprema, mahihirapan ang sinumang magulang, guro, at iba pa na ipaliwanag sa kanilang mga anak, estudyante, at pinangangalagaang kabataan kung paanong ang isang hindi bayani ay ililibing sa libingang nakalaan sa mga bayani.

Sa naging desisyon ng Korte Suprema, kinatigan nila ang nang-api kaysa sa mga inapi. Kitang-kita ito sa mga naging desisyon ng korte gaya ng payagan nitong makalaya si dating senador Juan Ponce Enrile kahit na walang piyansa ang kasong kinakaharap niya o nang payagan ang paglaya ni dating pangulo at ngayo'y Congresswoman Gloria Macapagal-Arroyo.  Hindi malayong baka paboran din nila ang electoral protest ni Bongbong Marcos laban kay Pangalawang Pangulong Leni Robredo.

Sa naging desisyon ng Korte Suprema, tinuruan tayo ng maling aral na kung sino pa ang may sala ang dapat gantimpalaan, na kung sino pa ang nang-agrabiyado ang dapat parangalan. Tinuruan tayo ng maling konsepto ng katarungan!

Sa naging desisyon ng Korte Suprema, tinalikuran ng siyam na mahistrado ang kanilang magkakambal na tungkulin bilang tagapangasiwa ng katarungan at guro ng batas.

Sa naging desisyon ng Korte Suprema, hinahamon tayong patuloy na maging sangkot sa pakikibaka laban sa kasamaan at hangarin ang katuparan ng paghahari ng Diyos sa lahat. Napabalitang may balak ang dating mambabatas na si Edcel Lagman na humiling ng motion for reconsideration sa Kataas-taasang Hukuman. Panalangin naming magbago pa rin ang desisyon ng Korte. Kung hindi man, umasa tayong sa wakas ng panahon, igagawad ni Kristo, ang Dakilang Mahistrado, ang katarungang itinanggi sa ating Inang Bayan.







Tuesday, September 27, 2016

Wastong Motibo


Kapiling ang ilan daang mag-aaral inilunsad ni Archbishop Socrates Villegas sa kapilya ng Colegio de San Juan de Letran ang kampanyang pinamagatang "A Million Roses for the World, Filipinos at Prayer for the World."

Sa kanyang panawagan, sinabi ni Villegas na hindi dapat manatiling sugatan at watak-watak ang bansa dulot ng mga pulitikal at sosyo-kultural na mga isyu. Sa pagkakanya-kanya ng bansa, nakaligtaan na nating magdasal. Nilalayon diumano ng kampanya na baguhin ang lahat ng ito.  Sinimulan noong Setyembre 20, 2016 (kasabay ng Day of Inter religious Prayer for Peace na isinagawa ni Pope Francis sa Assisi), magpapatuloy ang kampanyang ito hanggang Disyembre 23, 2016. Sa loob ng mga araw na ito hinihikayat ang lahat na dasalin ang Rosaryo.

Hindi na bago ang panawagang manalagin tayo bilang isang bayan. Paulit-ulit na ipinapaalala sa atin kung gaano kahalaga  ang pagdarasal.  Ngunit bakit tila hindi pinakikinggan ang ating ipinagdarasal? Bakit tila patuloy na nababaon ang bansa sa kumunoy ng kasamaan? Bakit tila wala na tayong pakialam sa mga nagaganap sa ating paligid kagaya ng extrajudicial killings, ang pagpapalibing sa labi ng dating diktador Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani, ang kagaspangan ng dila ng kasalukuyang pangulo ng bansa, atbp.

Matatagpuan natin ang kasagutan dito mula sa Sulat ni Apostol Santiago: hindi ipinagkakaloob ang ating kahilingan dahil may mali tayong motibo (Santiago 4:3). 

Oras na uli para usisain natin ang ating mga sarili kung naaayon pa ba sa kalooban ng Diyos ang ating mga ikinikilos, bilang indibidwal at bilang bayan. Anu-anong mga pagkakataon na naging pakabig tayo? Kung nais nating maghari ang kapayapaan sa Pilipinas, kailangan nating iwaksi ang pagiging pakabig. Kailangan nating magpasakop sa Diyos (Santiago 4:7-10). 

Kung makikita ng Panginoon na dumudulog tayo sa Kanya na may kababaang-loob at nagsisikap na tumalikod sa ating mga sala, makakasisiguro tayong iaahon Niya tayo sa kumunoy na ating kinasasadlakan. 

Kaisa ni Mariang inuna ang Diyos kaysa sa kanyang sariling kapakanan, kaisa ng ating pamilya at mga kababayang nananabik sa kapayapaan, dasalin natin ang Rosaryo!

Friday, May 02, 2014

Manindigan Sa Katotohanan


Marahil maririnig natin sa iba ang ganitong mga kataga "Noong panahon ni Marcos walang nangyayaring ganyang krimen o ganyang pangungurakot".  Wala nga ba talagang nangyayaring kasamaan noong panahon ng diktadurya?  Matatandaang nang mapasailalim ang Pilipinas sa batas militar, kontrolado ng diktador ang lahat ng sangay ng gobyerno pati na ang media.  Kung ikaw ang nasa posisyon, ilalabas mo ba ang mga kabuluka't pang-aabuso ng rehimen mo? Hindi!

Mahalaga sa atin ang katotohanan.  Bahagi kasi ito ng ating likas bilang tao't bilang Kristiyano. Hindi ba't nagagalit tayo kapag maling sukli ang iaabot sa atin? Hindi ba't naghahanap tayo ng iba pang sukat ng damit kung maliit o malaki ang ating sinubukang damit?  Hindi ba't pinangangaralan natin ang ating mga anak na huwag magsinungaling? Hindi ba't nagrereklamo tayo kung alam nating nasa tama tayo?

At dahil mahalaga sa atin ang katotohanan, nararapat lamang na ang media ay manatiling malaya sa pagpapahayag ng buong katotohanan. Kung hindi, makukulong tayo sa isang uri ng mundo na pawang maganda lahat at pilit na itinatago ang pangit.  Kung hindi, matutulad lang tayo sa mga kababayan nating patuloy pa ring iniidolo ang diktador dahil itinago sa kanila ang mga kabuluka't baho ng kanilang idolo.

Sa pagkagahaman ng iba, naiisantabi ang katotohanan.  Sa pagkasugapa sa kapangyarihan at salapi, madali nang maibenta ang katotohanan.  Hindi ba't sa 30 pirasong pilak, ipinagbili ni Judas si Kristo, ang Daan, Buhay, at Katotohanan?

Kaisa ni Pope Francis, ipagdasal nating maging kasangkapan ng katotohanan at paglilingkod ang media upang lubos na mamuhay ang bawat mamamayan  sa liwanag na dulot ni Kristong Muling Nabuhay. Idalangin din natin na manindigan tuwina ang bawat laykong PIlipino para sa katotohanan sa gitna ng mga pag-uusig at pagkilos laban dito.








Monday, September 02, 2013

Katarungang Naantala



Noong ika-25 ng Pebrero 2013, sa pagdiriwang ng ika-27 taong anibersaryo ng EDSA 1, nilagdaaan ng Pangulong Noynoy Aquino ang batas na kumikilala at magkakaloob ng karampatang halaga sa mga naging biktima ng Martial Law noong panahon ng dating Pangulong Ferdinand Marcos. Matapos ang matagal na panahon, tila magkakamit na ng katarungan ang mga kaawa-awa nating kababayang nagdusa sa mapang-aping batas militar.

Sang-ayon kay Kongresista Walden Bello, importante ang batas na ito dahil iilang bansa pa lamang gaya ng Pilipinas ang maglalaan ng bayad sa mga biktima ng diktadurya.

Subalit, hanggang ngayon, di pa binunuo ni P-Noy ang Human Rights Victims Claims Board na siyang unang hakbang sa pagpapatupad ng nasabing batas. Ayon sa Samahan ng Ex-Detainees Laban sa Detensyon at Aresto (SELDA), isang insulto sa mga biktima ang kawalan ng aksyon ng Pangulo.  

Katakataka rin ang kawalan ng paliwanag mula sa Palasyo kung bakit di pa rin ipinapatupad ang batas na ito.

Habang lumulubog na naman ang bansa sa samu't saring isyu gaya ng PDAF scam, at patuoy na namamayagpag sa puwesto ang asawa't mga anak ni Marcos, mahalagang manatiling gising ang bayan.  Noong manumpa sa tungkulin si P-Noy, ipinangako niya ang pagkakaloob ng katarungan sa bawat mamamayan.  Huwag sana niyang makalimutan ng mga Pilipinong dumanas ng hirap at pasakit sa batas militar, mga taong gaya ng kanyang sariling ama na sumisigaw ng katarungan. 

Katarungang naantala, katarungang itinatwa.




  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP