Powered by Blogger.
Showing posts with label kasalanan. Show all posts
Showing posts with label kasalanan. Show all posts

Thursday, March 01, 2018

Ang Saysay ng Pagiging Mabuti


Ang kuwento ni Lazaro at ng mayaman sa Ebanghelyo ayon kay San Mateo (23:1-12) ay matalinhaga. Namumuhay nang mariwasa ang mayaman: may magagarang pananamit at masaganang handa.  Sa kabilang banda naman, kaawaawa ang sitwasyon ni Lazaro. Tila walang tahanan maliban sa may tarangkahan ng bahay ng mayaman at umaasang makatikim man lang ng mumo na nahuhulog mula sa dulang ng mayaman. Nang kapwa sila mamatay, nabaligtad ang kanilang kalagayan. Kung si Lazaro ay nasa kaluwalhatian sa piling ni Abraham, sa impiyerno naman napunta ang mayaman.

Kung susuriin natin ang kuwento, walang nabanggit na kasamaan ang mayaman. Namuhay lang siya sang-ayon sa kanyang kakayahan. Subalit, hindi sa anumang ginawa niya sa daigdig siya hinatulang mapunta sa impiyerno. Napunta siya doon dahil sa kanyang pagkukulang. Pagkukulang na tulungan si Lazaro noong nangangailangan ito ng lunas sa kanyang mga sugat, noong nangangailangan ito ng kaginhawahan.  Mabuti pa ang mga aso dahil binigyang-lunas nila si Lazaro nang dilaan nila ang kanyang mga sugat.

Sa panahon ng Kuwaresma, nag-uukol tayo ng panahon para suriin ang ating mga sarili, para ikumpisal ang ating mga kasalanan. Kadalasan, nakatuon lang tayo sa mga nagawa nating mali: nagmura tayo, siniraan natin ating kaibigan, binastos natin ang ating mga magulang, pinagnasaan natin ang ating katrabaho, atbp.  Oo, kailangan nating pagsisihan at ikumpisal ito.  Ngunit, dapat din nating suriin ang ating mga sarili sa mga pagkakataong wala tayong ginawa. Kung babalikan natin ang Ebanghelyo, tumulad ba tayo sa mayaman na hindi kumilos para tulungan ang maralita? Hindi ba natin ipinagtanggol ang isang kaibigang sinisiraan ng iba? Nagkibit-balikat na lang ba tayo sa maling pag-uugali ng isang katrabaho, kapit-bahay, o kamag-anak? Nagbibingibingihan na lang ba tayo sa mga daing ng ating kapwa? Nagbubulagbulagan na lang ba tayo sa mga kasamaang nangyayari sa lipunan?

May kasabihang kaya raw namamayagpag ang kasamaan dahil walang ginagawa ang mga mabubuti.  Ano pa ang saysay ng pagiging mabuti kung wala namang pagkilos? Ngayong Kuwaresma, paigtingin pa natin ang ating pakikisangkot upang lumaya ang mga mahihirap sa kanilang abang kalagayan. Hindi natin magagawa ito nang nag-iisa. Subalit kung magtutulungan tayo, kung makikipag-ugnayan tayo sa Simbahan at iba pang samahang kapareho natin ng adhikain, makakamit natin ang ating inaasam para sa iba. Makiisa tayo sa nakaliligtas na misyon ni Kristo!

Tuesday, September 27, 2016

Wastong Motibo


Kapiling ang ilan daang mag-aaral inilunsad ni Archbishop Socrates Villegas sa kapilya ng Colegio de San Juan de Letran ang kampanyang pinamagatang "A Million Roses for the World, Filipinos at Prayer for the World."

Sa kanyang panawagan, sinabi ni Villegas na hindi dapat manatiling sugatan at watak-watak ang bansa dulot ng mga pulitikal at sosyo-kultural na mga isyu. Sa pagkakanya-kanya ng bansa, nakaligtaan na nating magdasal. Nilalayon diumano ng kampanya na baguhin ang lahat ng ito.  Sinimulan noong Setyembre 20, 2016 (kasabay ng Day of Inter religious Prayer for Peace na isinagawa ni Pope Francis sa Assisi), magpapatuloy ang kampanyang ito hanggang Disyembre 23, 2016. Sa loob ng mga araw na ito hinihikayat ang lahat na dasalin ang Rosaryo.

Hindi na bago ang panawagang manalagin tayo bilang isang bayan. Paulit-ulit na ipinapaalala sa atin kung gaano kahalaga  ang pagdarasal.  Ngunit bakit tila hindi pinakikinggan ang ating ipinagdarasal? Bakit tila patuloy na nababaon ang bansa sa kumunoy ng kasamaan? Bakit tila wala na tayong pakialam sa mga nagaganap sa ating paligid kagaya ng extrajudicial killings, ang pagpapalibing sa labi ng dating diktador Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani, ang kagaspangan ng dila ng kasalukuyang pangulo ng bansa, atbp.

Matatagpuan natin ang kasagutan dito mula sa Sulat ni Apostol Santiago: hindi ipinagkakaloob ang ating kahilingan dahil may mali tayong motibo (Santiago 4:3). 

Oras na uli para usisain natin ang ating mga sarili kung naaayon pa ba sa kalooban ng Diyos ang ating mga ikinikilos, bilang indibidwal at bilang bayan. Anu-anong mga pagkakataon na naging pakabig tayo? Kung nais nating maghari ang kapayapaan sa Pilipinas, kailangan nating iwaksi ang pagiging pakabig. Kailangan nating magpasakop sa Diyos (Santiago 4:7-10). 

Kung makikita ng Panginoon na dumudulog tayo sa Kanya na may kababaang-loob at nagsisikap na tumalikod sa ating mga sala, makakasisiguro tayong iaahon Niya tayo sa kumunoy na ating kinasasadlakan. 

Kaisa ni Mariang inuna ang Diyos kaysa sa kanyang sariling kapakanan, kaisa ng ating pamilya at mga kababayang nananabik sa kapayapaan, dasalin natin ang Rosaryo!

Friday, July 01, 2016

Tanging Diyos Lamang

 
Nagdulot ng matinding lumbay sa mga mananampalataya ng St. Peter the Apostle Parish ng Loboc, Bohol ang pagyao ng kanilang Kura-Paroko na si Fr. Marcelino Biliran noong Lunes. Natagpuan ang pari na nakabigti sa kanyang banyo.  Sang-ayon sa pulisya, nagpakamatay ang pari. 
 
Nakakabigla ang balitang ito dahil isang mabigat na kasalanan ang pagpapakamatay. Sang-ayon sa turo ng ating Simbahan, Diyos lamang ang Panginoon ng buhay at tayo ay katiwala lamang nito (Catechism of the Catholic Church, CCC # 2280).
 
Noong unang panahon, hindi ipinapasok sa simbahan ang labi ng sinumang nagpakamatay sa kadahilanang gumawa ng kasalanang mortal ang yumao. Subalit nagbago ng posisyon ang Simbahan tungkol dito dahil kailangang isaalangalang ang mental na kalagayan ng nagpatiwakal. Kaakibat ng lumbay na dinaranas ng mga taga-Loboc ang pagtataka kung bakit nagpatiwakal ang isang pari.  Sang-ayon sa isang kamag-anak, natagpuang may colon cancer si Fr. Biliran noong nakaraang taon at magbuhat noon ay dumanas na ng depresyon.  Hindi kaya ang mga sakit na ito ang nag-udyok sa pari para bawiin ang kanyang buhay? Hindi kaya ang mga sakit na ito ang nagpahina sa kalooban ng pari para magbigti? Hindi na natin ito malalaman.
 
Bagama't masasabing masama ang kumitil ng buhay, tanging ang Panginoon lamang ang nakakaalam ng puno't dulo kung bakit nagawa ito ng isang tao, pari man siya o layko. Imbis na husgahan si Fr. Biliran - isang pari sa loob ng 25 taon - unawain natin na tao rin siyang nagkamali at naging mahina. Ipagkatiwala na lang natin ang kanyang kaluluwa sa Amang May-Likha, puno ng pag-asa sa kaligtasan mula sa kasalanan. Ipanalangin din natin ang mga kamag-anak ni Fr. Biliran gayon din ang mga taga-Loboc at iba pang parokyang pinaglingkuran niya na hilumin nawa ni Kristo ang sugat na dulot ng trahedyang ito. At dahil Taon ng Awa ngayon, maging sensitibo tayo sa pangangailangan at kalagayan ng ating kapwa, lalo na ng ating pamilya.  Anumang magandang salita o gawa ay magsisilbing inspirasyon para lalo silang magtiwala sa Amang puno ng awa sa lahat.
 
 
 
 

Sunday, April 03, 2016

Lunas sa Inggit


Tanyag na debosyon sa ating mga Pinoy ang Divine Mercy o Mabathalang Awa. Kapag ikatlo ng hapon, isinasahimpapawid ang Three o'clock Prayer bilang pag-alala sa pagkamatay ni Jesus. Sa pag-alala sa kamatayan ng Panginoon, ipinagkakatiwala ng sinumang nagdarasal ang kanilang sarili at ang buong mundo sa awa ng Diyos, awang ibinuhos nang mamatay si Jesus sa krus.

Isang linggo mula nang alalahanin natin ang Muling Pagkabuhay ni Kristo, ipinagdiriwang natin ang Kapistahan ng Mabathalang Awa.  Natatangi ang taong ito dahil idinaraos din natin ang Taon ng Awa.  

Ano ba ang kaligtaran ng awa? Ito ay walang iba kung hindi ang inggit.  Maalalang inggit ang nag-udyok sa mga matatanda ng bayan para ipapatay si Kristo.  Inggit rin ang nag-udyok kay Judas para ipagkanulo ang kanyang Guro't kaibigan. Inggit ang nagpakitid sa utak at nagpapayat ng puso ng mga taong gustung-gustong abutin ni Kristo.  Kaya nga habang nakabuyabay sa krus, ihiningi ni Jesus ng kapatawaran ang mga sumalbahe sa Kanya dahil hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.

Sa ating pamumuhay, posibleng narinig na natin ang ganitong kuwento:

"Naku, napromote na pala yung kasamahan natin bilang manager!"

Ano ang isasagot mo: "Naku, sipsip kasi kay Boss kaya napromote!" o "Wow! Deserving siyang mapromote!"?

Kung yung una, nainggit tayo sa pag-asenso ng ating kapwa. Kung yung pangalawa, tayo ay nagpakita ng awa o pag-ibig sa iba. 

Marami pang halimbawa kung saan dinaig tayo ng inggit. Nakita nating may bagong gadget ang iba, bibili rin tayo ng mas hi-tech na gadget (kahit wala ito sa ating budget!). Nakita nating aktibung-aktibo sa simbahan o anumang pamayanan ang ating kasama, pero imbis na suportahan ay gagawan natin sila ng usap. Ayaw nating masasapawan tayo kaya gagawa at gagawa tayo ng paraan para hindi tayo mahigitan. Ganyan lumingkis ang inggit. At kung hindi natin ito masasawata, tiyak na sisirain nito ang ugnayan ng sinuman: magkakamag-anak man o magkakaibigan, magkakasama man magkababayan o magkakapatid sa pananampalataya. 

Inggit ang dahilan kung bakit inakit ni Satanas sina Eba't Adan para magkasala. Ngunit sa Kanyang pagkamatay at muling pagkabuhay, tinubos ni Kristo sina Eba't Adan at tayong lahat na nagmana ng kanilang kasalanan.  Sa madaling salita, nilupig na ng awa ng Diyos ang inggit ni Satanas!  Tumalab na ba ito sa atin?

Sunday, December 01, 2013

Daan sa Pagpapanibago


Marahil nakatanggap ang ilan sa atin ng sulat mula sa Association of Mouth and Foot Painting Artists (AMFPA), Inc Philippines  kalakip ang ilang Christmas cards na kanilang ginawa.  Kung susuriin natin ang kanilang liham, mapupuna nating higit pa sa kawanggawa ang kanilang hinihingi.  Sa pamamagitan ng paglalako ng mga Christmas cards, kalendaryo, aklat para sa mga bata, atbp nilalayon ng samahang bigyan ng hanap-buhay ang mga may kapansanang pintor.

Hindi biro ang magkaroon ng kapansanan.  Bukod sa umaasa ka sa tulong ng gobyerno o ng iyong mahal sa buhay, mararanasan mo rin ang matinding limitasyon sa iyong buhay.  Noong unang panahon, kapag may kapansanan ka nakapirme ka na lang sa bahay o kaya'y sa isang charitable institution.  Subalit sa paglipas ng mga panahon, nagkaroon na ng mga batas ang iba't ibang bansa para bigyang-pansin ang mga may kapansanan.  May mga lugar na puwedeng paradahan ng kanilang sasakyan, may mga oportunidad para makapag-aral o makapagtrabaho sila.   Sa pamamagitan ng mga pagkakataong ito, hindi na nagiging balakid ang anumang kapansanan para makapag-ambag ang isang indibidwal sa ikasusulong ng lipunan.

May kapansanan ang bawat isa sa atin dulot ng kasalanan.  Di man ito pisikal, pero apektado tayo nila araw-araw.  Bulag tayo sa katotohanang nagaganap sa ating paligid. Pipi tayo sa mga pagkakataong dapat nating ibulalas ang totoo.  Bingi tayo sa pangagailangan ng kapwa. Manhid tayo sa tunay na kalagayan ng lipunan. Nagkakamali tayo ng paghusga sa iba.  Aliw na aliw tayong pag-usapan ang baho ng kapwa. Paulit-ulit na lang nating ginagawa ang ating mga masamang pag-uugali.  Ayaw nating masapawan. Gustung-gusto nating mapansin ng iba.  

Sa kabila ng ating mga ispiritwal na kapansanan, minamahal tayo ng Diyos.  Sa kabila ng ating mga kakulangan, patuloy pa rin tayong pinagkakatiwalaan ng Panginoon.  At itong Kapaskuhan ang pruweba ng Kanyang pagmamahal at pagtitiwala sa atin.  

Sa pagsalubong natin sa paparating na Mananakop, matagpuan nawa Niya tayong puno ng pasasalamat at pagpupuri.  Matagpuan nawa Niya tayong lumilingap at nagbibigay-lakas sa kapwa nating may-kapansanan -  paglingap na di lamang sa pagbibigay ng isda kundi lalo't higit sa pagturo sa kanila kung paano mangisda.  Matagpuan nawa Niya tayong nakikiisa sa Kanyang pagpapanibago ng mundo.

Sumainyo nawa ang pagpapala ng Banal na Sanggol ngayong Pasko at sa Bagong Taon!


Wednesday, November 30, 2011

Makasalanan Subalit Minahal


Mayroon bang pinagkaiba ang isang opisyal na nagkakamal ng maraming pera sa maruming paraan sa isang mandurukot sa lansangan o sa isang paslit na nangungupit ng barya sa bulsa ng kanyang magulang? Wala! Bagama't malaki ang nakukuhang pera ng opisyal kaysa sa mandurukot at lalo na sa paslit, silang lahat ay nagkasala.

Madalas nagiging pangkaraniwan na sa ating ang kasalanan at ang paggawa nito. Sa mga nababalitaan o nasasaksihan natin sa paligid, tila isa nang kalakaran ang magkasala. At ang malimit pa nating idahilan kung bakit tayo'y nagkakasala ay "...dahil tao lamang ako" o "...dala ng matinding pangangailangan...".

Ang mga dahilang ganito, kahit kailan ay di sapat para tayo'y panghinaan ng loob, mahulog sa tukso, at gumawa ng mali. Ang mga dahilang tulad nito ay ginagawa pa nating kalasag para itago o palabasing tama ang ating ginawa.

Magpapasko na naman. Masarap ang pakiramdam dahil sa samu't saring palamuti o regalo o tugtog sa ating paligid. Ito na marahil ang panahong abalang-abala tayo sa dami ng preparasyon o gawaing kaugnay ng Kapaskuhan. Subalit binabalaan tayo ng Panginoon na manatiling gising (Marcos 13:33-37) at huwag magpasasa sa mga bisyo't mga kaabalahan ng mundo (Lukas 21:34-36).

Manatili tayong gising sa ating mga ginagawa. Lagi nating usisain ang ating sarili: Tama ba ang gagawin ko? Makatarungan ba ito? May maaapakan ba akong tao kung gagawin ko ito? Naaayon ba ito sa kalooban ng Diyos?

Huwag tayong magpakaabala sa mga panlabas na palamuti ng Pasko. Kadalasan ang mga ito'y mababaw at pansamantala lamang. Mahalagang paghahanda ay ang magbalik-loob sa Diyos, makipagkasundo sa mga taong nasaktan natin, at piliin lagi ang tama sa mali.

Sa susunod na pagkakataon na tayo'y inaakit ni Taning na magkasala, isipin natin ang isang katotohanang di niya kayang itanggi: "Tao lamang ako pero MAHAL ako ni Kristo at para sa akin Siya'y nagkatawang-tao!"

Matagpuan nawa tayo ni Kristong handang-handa ang mga puso't tahanan sa Kanyang pagdating ngayong Kapaskuhan.

Monday, April 04, 2011

Magtiwala Ka!


Habang papalapit nang papalapit ang Pasko ng Muling Pagkabuhay ni Jesus, matutunghayan natin sa mga Ebanghelyong binabasa sa Misa tuwing Linggo ang naging paglalakbay ng Panginoon patungo sa Kanyang malagim na wakas sa Kalbaryo.

Makukulay ang bawat istoryang ating maririnig sa bawat Linggo ng Kuwaresma: ang pag-aayuno ni Jesus sa disyerto at ang panunukso sa Kanya ng dimonyo (Unang Linggo), ang pagbabagong-anyo Niya sa bundok ng Tabor (Ikalawang Linggo), ang pakikipag-usap Niya sa babaeng Samaritana (Ikatlong Linggo), ang pagpapagaling Niya sa bulag (Ika-apat na Linggo), ang pagkabuhay na mag-uli ni Lazaro (Ikalimang Linggo), at ang pagpapakasakit at pagkamatay Niya sa krus (Ika-anim na Linggo).

Kalakip ng bawat istorya ang pakikipagtunggali ni Jesus sa Kanyang mga kalaban: ang dimonyo at ang mga pang-aakit nito (Unang Linggo), ang pag-iwas sa pagpapakasakit (Ikalawang Linggo), ang pagdepende sa sariling pagsisikap lamang (Ikatlong Linggo), ang kamatayan (Ikalimang Linggo), at ang kasalanan (Ika-anim na Linggo).

Sa mata nating mga tao, tila mahirap puksain ang mga kalabang ito. Madalas tayong naakit sa galaw ng mundo. Maraming pagkakataon na ayaw nating harapin ang responsibilidad gayong tayo rin ang may kagagawan nito. Masyado nating dinidibdib ang anumang gawain na nakalimutan na nating pahalagahan ang iba, pati na ang Diyos. At ang pinakagrabe sa lahat, atubili tayong patayin ang anumang mali sa atin.

Subalit nawala sa isip nating isa ring tao si Jesus gaya natin! Naransan Niya kung paano maging tao, kung paano humarap sa mga kalabang nabanggit. Sa pagharap ng Panginoon sa lahat ng ito, iisa lang ang Kanyang sandata: pagtitiwala sa Diyos.

Sinasabing ang ugat ng pagkakasala ay ang kawalan ng tiwala sa Diyos. Kinain nina Eba’t Adan ang pinagbabawal na bunga dahil nawalan sila ng tiwala sa Diyos. Dahil diyan sila’y nagkasala sa Kanya. Pinalo ng dalawang ulit ni Moises ang bato sa ilang kung saan dumaloy ang tubig para sa mga Israelita. Gayon pa man, sa mata ng Diyos siya’y nagkasala dahil isang palo lang ang iniutos sa kanyang gawin. Ang pagpalo ng dalawa’y pakilala na nagduda si Moises!

Ganito rin ang masasabi natin sa ating mga sarili. Nangungurakot tayo dahil wala tayong tiwala sa Diyos na nagsasabi sa ating wala sa yaman ang tunay na ligaya. Nakikiapid tayo dahil duda tayo sa Kanyang aral na ang pag-ibig ay matiyaga at di kailanman kakampi sa mali. Nagpapasasa tayo sa pagkain, inumin, droga, seks, o anumang bisyo kasi di tayo nananalig na sa Kanyang salita matatamo natin ang totoong halaga ng buhay.

Laging itinuturo sa atin ng Simbahan na ang Diyos ay di marunong manloko o maloloko. Pinatunayan yan ni Jesus kung kaya’t makalipas ang anim na Linggo ng Kuwaresma, makalipas ang anim na makabuluhang istorya sa Banal na Ebanghelyo, matutunghayan natin ang tagumpay ni Kristong Muling Nabuhay. Isang tagumpay na Kanyang ibabahagi sa sinumang marunong magtiwala sa Kanya.

Jesus, nagtitiwala ako sa Iyo!

Tuesday, February 01, 2011

Pusong Mapagpatawad


Sa ating pagdarasal ng “Ama Namin”, binibigkas natin: “patawarin mo kami sa aming mga sala para nang pagpapatawad naming sa nagkakasala sa amin…” Dalawang katotohanan ang ipinapahiwatig sa atin ng mga katagang ito. Una, na tayo ay nagkakamali at nangangailangan ng kapatawaran. Pangalawa, sa paghingi natin ng tawad sa Diyos dapat din tayong magpatawad sa sinumang nakasakit sa atin.

Sa kanyang pangangaral sa Siete Palabras maraming taon na ang nakakalipas, idinaing ni P. Rolando De la Rosa, OP na mas maraming tao ang pumipila para tumanggap ng Komunyon kaysa mangumpisal sa pari. Ang dahilan diumano ay ang kawalan na natin ng “sense of sin”. Nawala na sa atin ang kakayahang kilalanin kung kasalanan ba o hindi ang ating ginagawa. Tanggap na ng lipunan ang pagsasama ng isang lalaki’t babae na hindi pa ikinakasal o ang suhulan sa gobyerno. Di na natin binibigyang-pahalaga ang sasabihin ng iba basta maligaya tayo sa ginagawa nating mali!

Ginagatungan ng ganitong klase ng pamumuhay ang pagmamataas ng tao sa Diyos. Ang kayabangang ito ang magiging balakid para kilalanin natin ang ating pagkakamali’t magbalik-loob sa Diyos. At dahil hindi tayo marunong humingi ng tawad ang ating mga sala, imposible ring magpatawad tayo ng iba. Hindi natin puwedeng ibigay ang wala tayo!

Ngayong Pebrero, dalangin nating magkaroon ang bawat isa atin ng isang pusong mapagpatawad. Magagawa lamang natin ito kung tayo’y magpapakumbaba at isusuko ang ating sarili muli sa Panginoon. Isugo Niya nawa ang Banal na Espiritu para tunawin ang mga sebo’t taba ng pagmamataas na bumabalot sa ating puso upang ito’y walang ibang hangarin kundi ipadama ang nakaliligtas na pag-ibig ni Jesus sa iba lalo na sa mga nag-aakalang di nila ang Diyos sa kanilang buhay.

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP