Ang kuwento ni Lazaro at ng mayaman sa Ebanghelyo ayon kay San Mateo (23:1-12) ay matalinhaga. Namumuhay nang mariwasa ang mayaman: may magagarang pananamit at masaganang handa. Sa kabilang banda naman, kaawaawa ang sitwasyon ni Lazaro. Tila walang tahanan maliban sa may tarangkahan ng bahay ng mayaman at umaasang makatikim man lang ng mumo na nahuhulog mula sa dulang ng mayaman. Nang kapwa sila mamatay, nabaligtad ang kanilang kalagayan. Kung si Lazaro ay nasa kaluwalhatian sa piling ni Abraham, sa impiyerno naman napunta ang mayaman.
Kung susuriin natin ang kuwento, walang nabanggit na kasamaan ang mayaman. Namuhay lang siya sang-ayon sa kanyang kakayahan. Subalit, hindi sa anumang ginawa niya sa daigdig siya hinatulang mapunta sa impiyerno. Napunta siya doon dahil sa kanyang pagkukulang. Pagkukulang na tulungan si Lazaro noong nangangailangan ito ng lunas sa kanyang mga sugat, noong nangangailangan ito ng kaginhawahan. Mabuti pa ang mga aso dahil binigyang-lunas nila si Lazaro nang dilaan nila ang kanyang mga sugat.
Sa panahon ng Kuwaresma, nag-uukol tayo ng panahon para suriin ang ating mga sarili, para ikumpisal ang ating mga kasalanan. Kadalasan, nakatuon lang tayo sa mga nagawa nating mali: nagmura tayo, siniraan natin ating kaibigan, binastos natin ang ating mga magulang, pinagnasaan natin ang ating katrabaho, atbp. Oo, kailangan nating pagsisihan at ikumpisal ito. Ngunit, dapat din nating suriin ang ating mga sarili sa mga pagkakataong wala tayong ginawa. Kung babalikan natin ang Ebanghelyo, tumulad ba tayo sa mayaman na hindi kumilos para tulungan ang maralita? Hindi ba natin ipinagtanggol ang isang kaibigang sinisiraan ng iba? Nagkibit-balikat na lang ba tayo sa maling pag-uugali ng isang katrabaho, kapit-bahay, o kamag-anak? Nagbibingibingihan na lang ba tayo sa mga daing ng ating kapwa? Nagbubulagbulagan na lang ba tayo sa mga kasamaang nangyayari sa lipunan?
May kasabihang kaya raw namamayagpag ang kasamaan dahil walang ginagawa ang mga mabubuti. Ano pa ang saysay ng pagiging mabuti kung wala namang pagkilos? Ngayong Kuwaresma, paigtingin pa natin ang ating pakikisangkot upang lumaya ang mga mahihirap sa kanilang abang kalagayan. Hindi natin magagawa ito nang nag-iisa. Subalit kung magtutulungan tayo, kung makikipag-ugnayan tayo sa Simbahan at iba pang samahang kapareho natin ng adhikain, makakamit natin ang ating inaasam para sa iba. Makiisa tayo sa nakaliligtas na misyon ni Kristo!

No comments:
Post a Comment