Powered by Blogger.

Saturday, May 05, 2018

Tao ang Lunas


Sa ika-52 taong pagdiriwang ng World Communications Day sa ika-13 ng Mayo, sinabi ni Pope Francis na ang pinakamabisang lunas sa anumang kasinungalingan ay hindi mga istratehiya kundi mga tao. Maitatanong ninyo: sinong mga tao? Sang-ayon sa Papa silang ang mga mamamayang handang makinig at hindi mga sakim, mga nagsusumikap na makisangkot sa taos-pusong diyalogo na naglalayong ilabas ang katotohanan, mga naakit sa kabutihan at responsable sa paggamit ng wika. Kinilala din niya ang responsibilidad na nakaatang sa mga balikat ng mga mamamahayag at hinimok silang isaalang-alang ang mga tao higit pa sa bilis ng pagbabalita ng impormasyon o epekto ng balita sa madla. Dinagdag pa niya na ang pagbibigay-impormasyon ay paghubog sa mga tao.

Isinulat ng Papa ang mensahe na ito bunsod na rin ng paglabas ng mga fake news sa social media. Sa mga sakim, isa itong paraan upang mahikayat nila ang mga tao sa kanilang adhikain: pulitika, ekonomiya, ideolohiya, atbp. Sa kasamaang-palad, marami ang naniniwala dito, maraming nalilinlang, at higit sa lahat maraming inosenteng buhay ang masasaktan at masisira. Kung susuriin ninyo ang social media, maraming mga paskil ay nakabase sa maling impormasyon.

Ang panawagan ng Papa ay hindi dapat ipagwalang-bahala. Oo, ito ay nakatuon sa mga mamamahayag subalit responsibilidad din ito ng ordinaryong mamamayan. Ang tahanan ang unang paaralan kung saan posibleng mamayagpag o mapuksa ang anumang kasinungalingan. Halimbawa, may kumatok sa isang bahay at pinagbuksan ng anak. Hinahanap diumano ng kumatok ang ama ng tahanan. Pinuntahan ng anak ang ama. "Sabihin mo, wala ako," utos ng ama. Bumalik ang anak sa nasa pintuan at nagwika, "Sabi po ni Itay wala siya." 

Bukod sa halimbawang ito, mayroon din tayong kasabihan: "Ipakita mo na sa matanda, huwag lang sa bata."  Ang pagbibigay ng maling halimbawa ay inaakalang tama ng mga paslit. Maraming pagkakataon sa tahanan kung saan maaari nating hubugin ang mga anak na maging mga taong magbibigay-lunas sa o magpapasimuno ng kasinungalingan. Habang lumalaki ang mga anak, mainam na magkaroon ng malusog na talakayan tungkol sa mga isyung bumabalot sa ating lipunan. Sa pagpapalitan ng kuru-kuro sa pagitan ng magulang at anak, masasala ang mali sa wasto, malalantad ang katotohanan. Bukas-makalawa magiging mga mamamahayag na sila o laman ng balita. Anumang landas ang kanilang tatahakin, siguraduhin nating ito ay patungo sa pagkakaisa at kapayapaan.



1 comment:

Mario V Albano said...

Excellent essay! The internet is full of pitfalls and traps; social media news, as well as responses, are often promoted by algorithmic robots!

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP