Powered by Blogger.
Showing posts with label kapayapaan. Show all posts
Showing posts with label kapayapaan. Show all posts

Saturday, May 05, 2018

Tao ang Lunas


Sa ika-52 taong pagdiriwang ng World Communications Day sa ika-13 ng Mayo, sinabi ni Pope Francis na ang pinakamabisang lunas sa anumang kasinungalingan ay hindi mga istratehiya kundi mga tao. Maitatanong ninyo: sinong mga tao? Sang-ayon sa Papa silang ang mga mamamayang handang makinig at hindi mga sakim, mga nagsusumikap na makisangkot sa taos-pusong diyalogo na naglalayong ilabas ang katotohanan, mga naakit sa kabutihan at responsable sa paggamit ng wika. Kinilala din niya ang responsibilidad na nakaatang sa mga balikat ng mga mamamahayag at hinimok silang isaalang-alang ang mga tao higit pa sa bilis ng pagbabalita ng impormasyon o epekto ng balita sa madla. Dinagdag pa niya na ang pagbibigay-impormasyon ay paghubog sa mga tao.

Isinulat ng Papa ang mensahe na ito bunsod na rin ng paglabas ng mga fake news sa social media. Sa mga sakim, isa itong paraan upang mahikayat nila ang mga tao sa kanilang adhikain: pulitika, ekonomiya, ideolohiya, atbp. Sa kasamaang-palad, marami ang naniniwala dito, maraming nalilinlang, at higit sa lahat maraming inosenteng buhay ang masasaktan at masisira. Kung susuriin ninyo ang social media, maraming mga paskil ay nakabase sa maling impormasyon.

Ang panawagan ng Papa ay hindi dapat ipagwalang-bahala. Oo, ito ay nakatuon sa mga mamamahayag subalit responsibilidad din ito ng ordinaryong mamamayan. Ang tahanan ang unang paaralan kung saan posibleng mamayagpag o mapuksa ang anumang kasinungalingan. Halimbawa, may kumatok sa isang bahay at pinagbuksan ng anak. Hinahanap diumano ng kumatok ang ama ng tahanan. Pinuntahan ng anak ang ama. "Sabihin mo, wala ako," utos ng ama. Bumalik ang anak sa nasa pintuan at nagwika, "Sabi po ni Itay wala siya." 

Bukod sa halimbawang ito, mayroon din tayong kasabihan: "Ipakita mo na sa matanda, huwag lang sa bata."  Ang pagbibigay ng maling halimbawa ay inaakalang tama ng mga paslit. Maraming pagkakataon sa tahanan kung saan maaari nating hubugin ang mga anak na maging mga taong magbibigay-lunas sa o magpapasimuno ng kasinungalingan. Habang lumalaki ang mga anak, mainam na magkaroon ng malusog na talakayan tungkol sa mga isyung bumabalot sa ating lipunan. Sa pagpapalitan ng kuru-kuro sa pagitan ng magulang at anak, masasala ang mali sa wasto, malalantad ang katotohanan. Bukas-makalawa magiging mga mamamahayag na sila o laman ng balita. Anumang landas ang kanilang tatahakin, siguraduhin nating ito ay patungo sa pagkakaisa at kapayapaan.



Tuesday, September 27, 2016

Wastong Motibo


Kapiling ang ilan daang mag-aaral inilunsad ni Archbishop Socrates Villegas sa kapilya ng Colegio de San Juan de Letran ang kampanyang pinamagatang "A Million Roses for the World, Filipinos at Prayer for the World."

Sa kanyang panawagan, sinabi ni Villegas na hindi dapat manatiling sugatan at watak-watak ang bansa dulot ng mga pulitikal at sosyo-kultural na mga isyu. Sa pagkakanya-kanya ng bansa, nakaligtaan na nating magdasal. Nilalayon diumano ng kampanya na baguhin ang lahat ng ito.  Sinimulan noong Setyembre 20, 2016 (kasabay ng Day of Inter religious Prayer for Peace na isinagawa ni Pope Francis sa Assisi), magpapatuloy ang kampanyang ito hanggang Disyembre 23, 2016. Sa loob ng mga araw na ito hinihikayat ang lahat na dasalin ang Rosaryo.

Hindi na bago ang panawagang manalagin tayo bilang isang bayan. Paulit-ulit na ipinapaalala sa atin kung gaano kahalaga  ang pagdarasal.  Ngunit bakit tila hindi pinakikinggan ang ating ipinagdarasal? Bakit tila patuloy na nababaon ang bansa sa kumunoy ng kasamaan? Bakit tila wala na tayong pakialam sa mga nagaganap sa ating paligid kagaya ng extrajudicial killings, ang pagpapalibing sa labi ng dating diktador Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani, ang kagaspangan ng dila ng kasalukuyang pangulo ng bansa, atbp.

Matatagpuan natin ang kasagutan dito mula sa Sulat ni Apostol Santiago: hindi ipinagkakaloob ang ating kahilingan dahil may mali tayong motibo (Santiago 4:3). 

Oras na uli para usisain natin ang ating mga sarili kung naaayon pa ba sa kalooban ng Diyos ang ating mga ikinikilos, bilang indibidwal at bilang bayan. Anu-anong mga pagkakataon na naging pakabig tayo? Kung nais nating maghari ang kapayapaan sa Pilipinas, kailangan nating iwaksi ang pagiging pakabig. Kailangan nating magpasakop sa Diyos (Santiago 4:7-10). 

Kung makikita ng Panginoon na dumudulog tayo sa Kanya na may kababaang-loob at nagsisikap na tumalikod sa ating mga sala, makakasisiguro tayong iaahon Niya tayo sa kumunoy na ating kinasasadlakan. 

Kaisa ni Mariang inuna ang Diyos kaysa sa kanyang sariling kapakanan, kaisa ng ating pamilya at mga kababayang nananabik sa kapayapaan, dasalin natin ang Rosaryo!

Friday, October 01, 2010

Pinagbuklod Para Sa Kapayapaan



Masasabing numero unong dahilan ang pandaigdigang kapayapaan kung bakit dinarasal ang Banal na Rosaryo. Sa pagpapakita ng Mahal na Birhen sa Fatima, Portugal noong 1917 malimit niyang hiniling ito sa tatlong batang pastol.

Isa nang dakilang pangarap ng bawat mamamayan na maghari ang kapayapaan sa mundo. Subalit kaugnay ng anumang hakbang tungo sa kapayapaan ay ang pagpuksa sa kahirapan, ang pagtigil sa digmaan (Di lamang kawalan ng digmaan ang diwa at dulot ng kapayaan!), ang pagbibigay-hustisya sa kung sino ang nangangailangan nito, ang pag-abot ng tulong sa mga biktima ng iba’t ibang kalamidad o trahedya, at ang pagharap sa sari-sari pang isyung bumabagabag sa sangkatauhan ngayon. Walang kapayapaan kung mayroong kahirapan, kung may inaapi, kung may nangangailangan, kung wala tayong gagawin laban sa kasamaan.

Hitik ang Banal na Kasulatan ng mga aral at halimbawa kung paano makakamit ang kapayapaan. Ito ay lalo pang nabibigyan-diin sa 20 misteryo ng Rosaryo na kung tutuusin ay nakabatay sa Bibliya. Hindi kataka-takang tawaging “Walking Bible” ang Rosaryo dahil, kahit wala kang oras para basahin ang anumang kabanata o talata ng Mabuting Aklat, posible mo pa ring alalahanin at pagnilayan ito sa Rosaryo.

Tingnan natin ang Ikatlong Misteryo ng Luwalhati; ang Pagbaba ng Banal na Espiritu sa Mahal na Birhen at mga Apostol. Matapos tanggapin ang liwanag ng Espiritu, nangaral ang mga nakatanggap nito sa maraming taong nagkakatipon noon sa Jerusalem, mga taong galing sa iba’t ibang panig ng mundo na may iba’t ibang salita. Ang kahanga-hanga dito’y naunawaan ang mga alagad ng lahat ng nakinig sa kanila! Pinagkaisa silang lahat ng Espiritu ng Diyos!

Kung isasapuso natin ang aral ng misteryong ito (at ng iba pang misteryo ng Rosaryo) posibleng magkaisa ang bawat mamamayan at bawat lider ng bawat bansa tungo sa lalong ikakaayos ng buong daigdig. Kaisa ng ating mga mahal sa buhay, ng mga kapanalig, ng Mahal nating Ina, muli nating dasali’t pagnilayan ang mga misteryo ng Rosaryo ngayong Oktubre. At sa debosyong ito, ating sariwain ang hangaring makapag-ambag sa kapayapaang ipinangako “sa mga taong may mabuting kalooban”.

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP