Powered by Blogger.
Showing posts with label Rosaryo. Show all posts
Showing posts with label Rosaryo. Show all posts

Wednesday, May 31, 2017

Fatima



Sandaang taon na ang nakakalipas nang magpakita ang Mahal na Birheng Maria kina San Francisco Marto, Santa Jacinta Marto, at Lucia dos Santos sa Fatima, Portugal. Kasagsagan ng Unang Digmaang Pandaigdig noon. Anim na beses na nagpakita ang Mahal na Ina sa tatlong batang pastol, tuwing ika-13 ng buwan, mula Mayo hanggang Oktubre 1917. May tatlong mahalagang paksa ang mensahe ng Birhen: pagbabago ng puso, pagsasakripisyo, at pagdarasal ng Rosaryo.

Para sa sinumang nais sumunod sa landas ni Kristo, mahalaga ang magbago ng puso, ang magsisi sa kasalanan at sumampalataya sa Mabuting Balita (Marcos 1:15). Sa pagpapakita ni Maria sa Fatima, hiniling niya ang pagdedebosyon sa kanyang Kalinislinisang Puso. Sa puso ni Maria, matatagpuan natin ang pusong tumatalima sa kalooban ng Diyos. Sang-ayon kay Cardinal Vincent Nichols ng Westminster, ang  debosyon sa Kalinislinisang Puso ni Maria ay isang paraan para umoo rin tayo sa pusong kagaya ni Maria upang makapagbukas tayo ng mga sariwa at tiyak na daraanan patungo kay Kristo. 

Mahalaga ring gumawa tayo ng mga sakripisyo bilang tanda ng ating pagbabagong-puso at pagbabayad-puri hindi lamang sa ating mga kasalanan, kundi sa sala ng buong mundo - mga pagkakamaling labis na nakasakit sa mapagmahal nating Diyos. Ang pamumuhay nang payak, ang paglimita sa paggamit ng social media, ang pag-iwas sa bisyo, at ang tahimik at mapayapang pagharap sa anumang suliranin ay ilan lamang halimbawang aming maimumungkahi.

Hindi madaling magbagong-buhay. May mga pagkakataong madarapa tayong muli sa lusak ng ating mga kasalanan. Ang pagbabagong-buhay ay panghabang-buhay. Alam ito ng Mahal na Birhen kaya pinangangaralan niya tayong dasalin ang Rosaryo araw-araw. Sa Rosaryo, matutunghayan natin ang naging buhay ni Maria kaisa ng Panginoong Jesus. Sa Rosaryo, nakikiisa tayo sa pagpupugay ni Arkanghel Gabriel: Aba Ginoong Maria, napupuno ka ng grasyaSa Pilipinas, mas kilala ang Block Rosary devotion bilang Fatima dahil ang debosyong ito marahil ay tugon sa panawagan ng Mahal na Birhen ng Fatima. Mapupuna ring ang rebulto ng Birhen ng Fatima ang pangkaraniwang rebultong ipinapanhik sa bahay-bahay.

Sa kanyang ikatlong pagpapakita sa Fatima noong ika-13 ng Hulyo 1917, sinabi ni Maria na balang-araw magtatagumpay ang kanyang Kalinislinisang Puso. Bilang kanyang mga anak, anong maiaambag natin para matupad ito?

Tuesday, September 27, 2016

Wastong Motibo


Kapiling ang ilan daang mag-aaral inilunsad ni Archbishop Socrates Villegas sa kapilya ng Colegio de San Juan de Letran ang kampanyang pinamagatang "A Million Roses for the World, Filipinos at Prayer for the World."

Sa kanyang panawagan, sinabi ni Villegas na hindi dapat manatiling sugatan at watak-watak ang bansa dulot ng mga pulitikal at sosyo-kultural na mga isyu. Sa pagkakanya-kanya ng bansa, nakaligtaan na nating magdasal. Nilalayon diumano ng kampanya na baguhin ang lahat ng ito.  Sinimulan noong Setyembre 20, 2016 (kasabay ng Day of Inter religious Prayer for Peace na isinagawa ni Pope Francis sa Assisi), magpapatuloy ang kampanyang ito hanggang Disyembre 23, 2016. Sa loob ng mga araw na ito hinihikayat ang lahat na dasalin ang Rosaryo.

Hindi na bago ang panawagang manalagin tayo bilang isang bayan. Paulit-ulit na ipinapaalala sa atin kung gaano kahalaga  ang pagdarasal.  Ngunit bakit tila hindi pinakikinggan ang ating ipinagdarasal? Bakit tila patuloy na nababaon ang bansa sa kumunoy ng kasamaan? Bakit tila wala na tayong pakialam sa mga nagaganap sa ating paligid kagaya ng extrajudicial killings, ang pagpapalibing sa labi ng dating diktador Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani, ang kagaspangan ng dila ng kasalukuyang pangulo ng bansa, atbp.

Matatagpuan natin ang kasagutan dito mula sa Sulat ni Apostol Santiago: hindi ipinagkakaloob ang ating kahilingan dahil may mali tayong motibo (Santiago 4:3). 

Oras na uli para usisain natin ang ating mga sarili kung naaayon pa ba sa kalooban ng Diyos ang ating mga ikinikilos, bilang indibidwal at bilang bayan. Anu-anong mga pagkakataon na naging pakabig tayo? Kung nais nating maghari ang kapayapaan sa Pilipinas, kailangan nating iwaksi ang pagiging pakabig. Kailangan nating magpasakop sa Diyos (Santiago 4:7-10). 

Kung makikita ng Panginoon na dumudulog tayo sa Kanya na may kababaang-loob at nagsisikap na tumalikod sa ating mga sala, makakasisiguro tayong iaahon Niya tayo sa kumunoy na ating kinasasadlakan. 

Kaisa ni Mariang inuna ang Diyos kaysa sa kanyang sariling kapakanan, kaisa ng ating pamilya at mga kababayang nananabik sa kapayapaan, dasalin natin ang Rosaryo!

Wednesday, October 01, 2014

Pagtitipon Para sa Pamilya



Mula ika-5 hanggang ika-19 ng Oktubre ng kasalukuyang taon, magtitipon sa Vatican City ang ilang piling obispo mula sa iba't ibang bansa para sa III Extraordinary Assembly of the Synod of Bishops. Bunsod ito ng panawagan ni Papa Francisco noong isang taon upang konsultahin ang mga obispo tungkol sa pamilya at ebanghelisasyon. Bukod sa mga obispo, mayroon ding mga layko na inanyayahang lumahok sa nasabing sinodo. Sa pagtitipong ito, inaasahang makilala ang tunay na kalagayan ng pamilya at ang mga hamong hinaharap nito.  Magkakaroon din ng Ordinary Assembly of the Synod of Bishops mula ika-4 hanggang ika-25 ng Oktubre 2015 upang makapagbalangkas ang mga obispo ng planong pastoral kung paano nila matutugunan ang mga hamong nakilala nila sa sinodo ng 2014.

Marami na ring pinagdaanang pagbabago ang pamilya. Hindi tulad noong unang panahon na ang ama lang ang naghahanap-buhay samantalang nasa bahay lang ang ina para mangalaga sa mga anak. Sa ngayon, kapwa nagtatrabaho na ang mag-asawa dahil sa hirap ng buhay.  May mga pamilya rin na wala ang isang magulang dahil naghahanap-buhay siya sa ibang bansa. Mayroon ding mga mag-anak na magkahiwalay na ang magulang. Mayroon din namang nagsasama ang magulang na walang basbas ng Simbahan dahil sa masalimuot na annulment process. At mayroon din namang nagsasamang kapwa lalaki o kapwa babae na may isa o higit pang ampong bata.

Hindi pa nagsisimula ang sinodo, naging mainit nang usapin ang ideya ni Kardinal Walter Kasper na payagan nang tumanggap ng Banal na Komunyon ang mga indibidwal na mayroon nang kinakasama kahit 'di pa napapawalang-bisa ang kanilang unang kasal. Mayroong mga sumasang-ayon dito, pero mayroon ding mga hindi, kabilang ang ilang kilalang kardinal gaya nina George Pell at Gerhard Muller.

Nagkataon na ang sinodo ay magaganap sa buwan ng Banal na Rosaryo.  Minsan nang winika ni Fr Patrick Peyton na ang pamilyang magkakasamang nagdarasal ay mananatiling magkakasama.  Sa pagtititipon ng mga mag-anak para dasalin ang napakagandang debosyong ito, mainam na alalahanin natin ang magaganap na sinodo. Sa tulong ni Maria, Birhen ng Banal na Rosaryo at Reyna ng mga mag-anak, maging bukas nawa sa inspirasyon ng Espiritu Santo ang lahat ng sangkot sa sinodo. Maging bukas din nawa sila sa tunay na diyalogo.  

Mahalaga ng pamilya sa mata ng Diyos, kaya nga't nang magkatawang-tao si Kristo, pinili Niyang maging bahagi nito.  Paigtingin pa nawa ng Simbahang itinatag Niya ang wasto't nararapat na pangangalaga dito.






Tuesday, October 01, 2013

Magkaibang Tawag, Iisang Pinaglilingkuran


Hindi kaila sa atin ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga madre sa buhay ng Simbahang Katoliko di lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo. Bagama't di sila inordenahan gaya ng mga pari't obispo, puno ang kamay nila ng samu't sariling responsibilidad sa maraming tao na may iba't ibang pangangailangan.  Halimbawa na rito ang mga Missionaries of Charity na itinatag ni Beata Teresa ng Calcutta. Kilala ang mga madreng ito sa kanilang pangangalaga sa mga may-sakit at mga ulilang bata.  Nandiyan rin ang Missionaries of the Immaculate Conception na abala naman sa larangan ng edukasyon, mga kapus-palad, at mga katutubo. Marami pang ibang kongregasyon ng mga madre na may kanya-kanyang karisma para sa ikabubuti ng Simbahan at lipunan.

Nakakapagtaka na sa ibang wika, ang tawag sa kanila ay "sister" (sa Ingles) o "suore" (sa Italyano). Subalit sa Kastila at Filipino, ang tawag sa kanila ay "madre".  

Magkaiba man ang tawag sa kanila, magandang pagnilayan ang ipinahihiwatig ng dalawang salitang ito:

Bilang "sister", nakikita natin sa kanila ang pagiging isang kapatid, isang kabalikat, isang kasama sa pakikibaka sa mundong ito.  

Bilang "madre", nakikita natin sa kanila ang pagiging isang ina, isang tagapag-aruga, isang gabay habang patuloy nating tinatahak ang landas ni Kristo.  

Saanmang ministeryo sangkot ang mga madre, masasalamin sa kanila ang pangangalaga't pagmamahal ng Panginoon.  Sa kanilang pamumuhay na payak at may pagsasakripisyo, makikita sa kanila ang pagpapakumbaba't pananalig ng Mahal na Birheng Maria na minsang nagsabing "Maganap nawa sa akin ang iyong salita".

Habang pinagninilayan natin ang mga misteryo ng Rosaryo ngayong Oktubre, ipanalangin nating lalo pang matulad kay Maria ang lahat ng mga madre upang patuloy nilang maitaguyod ang pananampalataya ng sambayanan. 







Thursday, October 27, 2011

Pagtuklas sa Mukha ng Diyos


Taun-taon kapag dumarating ang buwan ng Oktubre, dinarasal ang Banal na Rosaryo sa mga simbahan, paaralan, barangay, samaha’t pamilya. Sa paulit-ulit na pagbigkas ng “Aba Ginoong Maria” lalong pinaiigting ng Rosaryo ang damdami’t isipan natin sa mga misteryong naganap sa buhay ni Maria.

Matutunghayan sa mga unang misteryo ng Tuwa gayon din sa mga unang kabanata ng Mabuting Balita ayon kay San Lukas na pinagnilayan ni Maria sa kanyang puso ang mga bagay na ginawa sa kanya ng Diyos. Una, sa pagpili sa kanya na maging ina ng Pangakong Tagapagligtas. Pangalawa, sa pagdalaw ng mga pastol sa bagong silang na si Jesus. Pangatlo, sa pagkawala’t pagkatagpo ni Jesus sa templo.

Dahil ipinaglihi siyang walang bahid ng anuman kasalanan, ang puso ni Maria’y nanatiling malinis. Dahil diyan, hindi naging mahirap para maniwala siya at sumunod sa kalooban ng Diyos. Hindi rin naging mahirap para sa kanya na tumulong sa iba. Higit sa lahat, hindi naging mahirap para sa kanya na ibahagi si Jesus sa lahat. Dahil may puso si Maria sa Diyos, may puso rin siya para sa sinumang lumalapit sa kanya!

Siguradong noong ipinangaral ni Jesus sa bundok ang mga “Beatitudes”, nasa isip Niya si Maria. Isa sa mga Beatituides na angkop sa Mahal na Ina ay ang “Mapapalad ang mga may malinis na puso sapagkat makikita nila ang Diyos.”

Sa ating pagdarasal ng Banal na Rosaryo ngayong buwan na ito at gayon din sa Nobyembre, bilang pag-alala sa mga yumao, magkaroon nawa tayo ng malinis na puso upang matunghayan din natin ang mukha ng Diyos at ipakita ito sa mundong labis na nangangailangan nito.

Friday, October 01, 2010

Pinagbuklod Para Sa Kapayapaan



Masasabing numero unong dahilan ang pandaigdigang kapayapaan kung bakit dinarasal ang Banal na Rosaryo. Sa pagpapakita ng Mahal na Birhen sa Fatima, Portugal noong 1917 malimit niyang hiniling ito sa tatlong batang pastol.

Isa nang dakilang pangarap ng bawat mamamayan na maghari ang kapayapaan sa mundo. Subalit kaugnay ng anumang hakbang tungo sa kapayapaan ay ang pagpuksa sa kahirapan, ang pagtigil sa digmaan (Di lamang kawalan ng digmaan ang diwa at dulot ng kapayaan!), ang pagbibigay-hustisya sa kung sino ang nangangailangan nito, ang pag-abot ng tulong sa mga biktima ng iba’t ibang kalamidad o trahedya, at ang pagharap sa sari-sari pang isyung bumabagabag sa sangkatauhan ngayon. Walang kapayapaan kung mayroong kahirapan, kung may inaapi, kung may nangangailangan, kung wala tayong gagawin laban sa kasamaan.

Hitik ang Banal na Kasulatan ng mga aral at halimbawa kung paano makakamit ang kapayapaan. Ito ay lalo pang nabibigyan-diin sa 20 misteryo ng Rosaryo na kung tutuusin ay nakabatay sa Bibliya. Hindi kataka-takang tawaging “Walking Bible” ang Rosaryo dahil, kahit wala kang oras para basahin ang anumang kabanata o talata ng Mabuting Aklat, posible mo pa ring alalahanin at pagnilayan ito sa Rosaryo.

Tingnan natin ang Ikatlong Misteryo ng Luwalhati; ang Pagbaba ng Banal na Espiritu sa Mahal na Birhen at mga Apostol. Matapos tanggapin ang liwanag ng Espiritu, nangaral ang mga nakatanggap nito sa maraming taong nagkakatipon noon sa Jerusalem, mga taong galing sa iba’t ibang panig ng mundo na may iba’t ibang salita. Ang kahanga-hanga dito’y naunawaan ang mga alagad ng lahat ng nakinig sa kanila! Pinagkaisa silang lahat ng Espiritu ng Diyos!

Kung isasapuso natin ang aral ng misteryong ito (at ng iba pang misteryo ng Rosaryo) posibleng magkaisa ang bawat mamamayan at bawat lider ng bawat bansa tungo sa lalong ikakaayos ng buong daigdig. Kaisa ng ating mga mahal sa buhay, ng mga kapanalig, ng Mahal nating Ina, muli nating dasali’t pagnilayan ang mga misteryo ng Rosaryo ngayong Oktubre. At sa debosyong ito, ating sariwain ang hangaring makapag-ambag sa kapayapaang ipinangako “sa mga taong may mabuting kalooban”.

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP