Powered by Blogger.
Showing posts with label pagpapakumbaba. Show all posts
Showing posts with label pagpapakumbaba. Show all posts

Tuesday, December 25, 2018

Ang Magandang Istorya ng Pasko


Kakaibang ligaya ang dulot ng Kapaskuhan dahil isinilang ang Diyos upang makapiling tayo. Sa Lumang Tipan, nakipag-usap ang Diyos sa Kanyang mga propeta at bayan sa pamamagitan ng mga kulog at kidlat, mga bagay na totoong nakakatakot at gusto nating iwasan. Subalit sa Bagong Tipan, kakaibang pakikipag-ugnayan ang ginawa ng Diyos: isinugo Niya ang Kanyang Nag-iisang Anak sa anyo ng isang inosenteng sanggol. Sino ba naman ang hindi maantig sa anyo ng isang maamo at walang kalabanlabang sanggol?

Ang pagparito ng Anak ng Diyos bilang isang sanggol ay may paanyaya sa ating nagdiriwang ngayong Pasko na maging mapagkumbaba't banayad katulad Niya. Ilang beses na ba tayong nagpadaig sa tuksong sapawan ang ating kapwa? Ilang ulit na ba tayong nagpaudyok sa inggit sa kapwa at pilit na nakikipagsabayan sa kanila? Nakita lang nating may bagong gadget ang kapit-bahay natin, bibili rin tayo ng ganoon o higit pang modelo kahit gipit na tayo. Kundi man natin mabili ang kung anong mayroon ang iba, sisiraan pa natin sila.

Ilang pagkakataon na bang pinangunahan tayo ng init ng ulo at pinalaki ang mga maliliit na bagay? Ilang ulit na bang naubusan tayo ng pasensya sa mga munting pagkakamali ng kapwa? Ilang beses na bang tinrato nating mga walang kuwenta at dapat puksain ang mga maliliit?

Inaanyahan rin tayong magdulot ng saya katulad ng Sanggol sa Belen. Sa puso nina Maria't Jose gayon din sa mga dukhang pastol, ang pagparito ng Anak ng Diyos ay tanda ng pagtupad ng Diyos sa Kanyang pangakong kaligtasan sa lahat. Ngunit may mga pagkakataong nagdulot ng pasakit sa iba ang ating pagkikibit-balikat, pagbubulagbulagan,  pagbibingibingihan, o kawalan ng pag-asa.

Taun-taon ginugunita natin ang pagsilang ng Banal na Sanggol. Taun-taon ginugunita natin ang Kanyang kababaang-loob, pagiging banayad, at pagbibigay-saya. Hindi pa tapos ang kasaysayan ng pagparito ni Jesus. Nasa mga kamay natin ang pagpapatuloy ng magandang istorya ng Kanyang pagsilang. Magpuri nawa kay Jesus ang sinumang makadarama ng Kanyang presensya sa pamamagitan natin.




Tuesday, September 27, 2016

Wastong Motibo


Kapiling ang ilan daang mag-aaral inilunsad ni Archbishop Socrates Villegas sa kapilya ng Colegio de San Juan de Letran ang kampanyang pinamagatang "A Million Roses for the World, Filipinos at Prayer for the World."

Sa kanyang panawagan, sinabi ni Villegas na hindi dapat manatiling sugatan at watak-watak ang bansa dulot ng mga pulitikal at sosyo-kultural na mga isyu. Sa pagkakanya-kanya ng bansa, nakaligtaan na nating magdasal. Nilalayon diumano ng kampanya na baguhin ang lahat ng ito.  Sinimulan noong Setyembre 20, 2016 (kasabay ng Day of Inter religious Prayer for Peace na isinagawa ni Pope Francis sa Assisi), magpapatuloy ang kampanyang ito hanggang Disyembre 23, 2016. Sa loob ng mga araw na ito hinihikayat ang lahat na dasalin ang Rosaryo.

Hindi na bago ang panawagang manalagin tayo bilang isang bayan. Paulit-ulit na ipinapaalala sa atin kung gaano kahalaga  ang pagdarasal.  Ngunit bakit tila hindi pinakikinggan ang ating ipinagdarasal? Bakit tila patuloy na nababaon ang bansa sa kumunoy ng kasamaan? Bakit tila wala na tayong pakialam sa mga nagaganap sa ating paligid kagaya ng extrajudicial killings, ang pagpapalibing sa labi ng dating diktador Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani, ang kagaspangan ng dila ng kasalukuyang pangulo ng bansa, atbp.

Matatagpuan natin ang kasagutan dito mula sa Sulat ni Apostol Santiago: hindi ipinagkakaloob ang ating kahilingan dahil may mali tayong motibo (Santiago 4:3). 

Oras na uli para usisain natin ang ating mga sarili kung naaayon pa ba sa kalooban ng Diyos ang ating mga ikinikilos, bilang indibidwal at bilang bayan. Anu-anong mga pagkakataon na naging pakabig tayo? Kung nais nating maghari ang kapayapaan sa Pilipinas, kailangan nating iwaksi ang pagiging pakabig. Kailangan nating magpasakop sa Diyos (Santiago 4:7-10). 

Kung makikita ng Panginoon na dumudulog tayo sa Kanya na may kababaang-loob at nagsisikap na tumalikod sa ating mga sala, makakasisiguro tayong iaahon Niya tayo sa kumunoy na ating kinasasadlakan. 

Kaisa ni Mariang inuna ang Diyos kaysa sa kanyang sariling kapakanan, kaisa ng ating pamilya at mga kababayang nananabik sa kapayapaan, dasalin natin ang Rosaryo!

Thursday, August 01, 2013

Simple at Kapanipaniwalang Pinuno



Kababalik lamang ni Pope Francis mula sa Brazil kung saan nakiisa siya sa pagdiriwang ng World Youth Day.  Kapansin-pansin ang itim na bag na dala niya nang bumaba siya mula sa eroplano at nang lumulan siya uli dito.  Sa kanyang panayam sa mga mang-uulat habang lulan sa eroplano, ipinaliwanag niyang normal lamang sa kanyang magdala ng bag kung may pupuntahan siya, gaya ng sinuman. 

Mula pa noong ipakilala siya sa buong mundo bilang bagong pinuno ng Simbahang Katolika, nakita na ang kanyang payak na pamumuhay.  Di niya isunuot ang pulang kapa gaya ng mga nauna sa kanya.  Sulit na sa kanya ang puting sutana.  Inayawan din niya ang tradisyunal na pulang sapatos, ang gintong pectoral cross at singsing, ang Mercedes Benz, at ang pagtira sa papal apartments

Bago pa man siya inihalal na humalili kay Benedict XVI, namuhay na nang payak ang Banal na Papa.  Imbis na tumira sa malapalasyong tirahan ng arsobispo, minabuti niyang manirahan sa mas simpleng bahay kung saan siya mismo ang nagluluto ng kanyang sariling pagkain.  Imbis na may kotse't tsuper, sumasakay siya ng tren. 

Sa kulturang may (sobrang) taas na pagtingin sa mga pari't iba pang lider ng Simbahan (sa puntong ang iba sa ati'y halos tratuhin na silang mga amo o diyos), isang bagong tugtugin ang ipinapakita ng Papa.  Napuna ninyo bang di niya ginamit ang salitang "Papa" kundi "Obispo ng Roma" sa kanyang unang panayam sa mga tao noong siya'y ibinoto? Napansin din ninyo siguro na humingi muna siya ng panalangin sa lahat bago niya iginawad ang kanyang unang bendisyon bilang Papa?

Sa mga pang-aabuso sa kapangyarihan ng ilang obispo't pari na nababalitaan natin, isang bagong pag-asa ang dala ng magandang halimbawa ng Papa. Maaalalang minsan sinabihan ni Pope Francis ang mga pari't madre na huwag gumamit ng mga magagarbong kotse.  Pinaalalahan din niya ang mga paring nag-aaral na maging embahador ng Simbahan na huwag ituring na isang karera ang kanilang tungkulin, kundi isang serbisyo sa sambayanan.

Sa bansang kitang-kita ang puwang sa pagitan ng mayama't dukha, isang seryosong pag-uusisa sa ating mga sarili kung ano ba ang ginagawa natin para sa mga maralita. Di man natin kayang puksain ang kahirapan, subalit sa pamumuhay nang simple, mas madarama ng mga kapus-palad na nakikiisa tayo sa kanilang abang kalagayan. 

Ang kapayakapan ni Pope Francis ay salamin ng kapayakan ni Kristong di namuhay nang marangya, na nangaral at nakiramay sa lahat ng tao nang walang sinisino.  Dalangin namin na patuloy na maging mapagkumbaba ang Papa at ang iba pang lider ng Simbahan upang lalo pa silang maging kapanipaniwala sa pagsaksi sa pagmamahal at pangangalaga ni Kristong Mabuting Pastol. 






  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP