Powered by Blogger.
Showing posts with label Maria. Show all posts
Showing posts with label Maria. Show all posts

Tuesday, December 25, 2018

Ang Magandang Istorya ng Pasko


Kakaibang ligaya ang dulot ng Kapaskuhan dahil isinilang ang Diyos upang makapiling tayo. Sa Lumang Tipan, nakipag-usap ang Diyos sa Kanyang mga propeta at bayan sa pamamagitan ng mga kulog at kidlat, mga bagay na totoong nakakatakot at gusto nating iwasan. Subalit sa Bagong Tipan, kakaibang pakikipag-ugnayan ang ginawa ng Diyos: isinugo Niya ang Kanyang Nag-iisang Anak sa anyo ng isang inosenteng sanggol. Sino ba naman ang hindi maantig sa anyo ng isang maamo at walang kalabanlabang sanggol?

Ang pagparito ng Anak ng Diyos bilang isang sanggol ay may paanyaya sa ating nagdiriwang ngayong Pasko na maging mapagkumbaba't banayad katulad Niya. Ilang beses na ba tayong nagpadaig sa tuksong sapawan ang ating kapwa? Ilang ulit na ba tayong nagpaudyok sa inggit sa kapwa at pilit na nakikipagsabayan sa kanila? Nakita lang nating may bagong gadget ang kapit-bahay natin, bibili rin tayo ng ganoon o higit pang modelo kahit gipit na tayo. Kundi man natin mabili ang kung anong mayroon ang iba, sisiraan pa natin sila.

Ilang pagkakataon na bang pinangunahan tayo ng init ng ulo at pinalaki ang mga maliliit na bagay? Ilang ulit na bang naubusan tayo ng pasensya sa mga munting pagkakamali ng kapwa? Ilang beses na bang tinrato nating mga walang kuwenta at dapat puksain ang mga maliliit?

Inaanyahan rin tayong magdulot ng saya katulad ng Sanggol sa Belen. Sa puso nina Maria't Jose gayon din sa mga dukhang pastol, ang pagparito ng Anak ng Diyos ay tanda ng pagtupad ng Diyos sa Kanyang pangakong kaligtasan sa lahat. Ngunit may mga pagkakataong nagdulot ng pasakit sa iba ang ating pagkikibit-balikat, pagbubulagbulagan,  pagbibingibingihan, o kawalan ng pag-asa.

Taun-taon ginugunita natin ang pagsilang ng Banal na Sanggol. Taun-taon ginugunita natin ang Kanyang kababaang-loob, pagiging banayad, at pagbibigay-saya. Hindi pa tapos ang kasaysayan ng pagparito ni Jesus. Nasa mga kamay natin ang pagpapatuloy ng magandang istorya ng Kanyang pagsilang. Magpuri nawa kay Jesus ang sinumang makadarama ng Kanyang presensya sa pamamagitan natin.




Monday, January 01, 2018

Bagong Ikaw, Bagong Daigdig



Nakakatawag-pansin ang nilalaman ng isang poster kaugnay ng Laudato Si, isang kilalang encyclical ni Pope Francis na nakatuon sa pangangalaga sa ating daigdig. May tatlong panawagan ang poster: Mamuhay nang marunong, mag-isip nang malalim, umibig nang mapagbigay.


Bagong Taon na naman! Nakaugalian na nating salubungin ito na puno ng pagsasaya at pag-iingay, pag-asa at pananampalataya, pasasalamat at pagbabalik-tanaw. 

Sa ating pagbabalik-tanaw, makikita natin ang maraming pagkakataong naging mabuti sa atin ang Panginoon. Marami Siyang biyayang ipinagkaloob sa atin. Halimbawa na lang ang oras. Paano natin ginamit ang biyayang ito? Ginamit ba natin ito para pag-usapan ang kapwa at hanapan sila ng butas o ginamit natin ito para maghanap-buhay o pagyamanin ang ating kaalaman?

Marami rin tayong hinarap na pagsubok noong nakaraang taon. Marami tayong desisyong ginawa. Tama ang iba, subalit mayroon ding mga mali. Nagkamali kaya tayo dahil minadali natin ang ating pagpapasya? Nagkamali kaya tayo dahil hindi natin pinag-isipang maigi ang magiging resulta ng ating mga gawi? Nagkamali kaya kayo dahil pinangunahan tayo ng galit o inggit? Naimpluwensiyahan kaya tayo ng mga fake news na nagkalat sa social media? Nasulsulan ba tayo ng mga kapos din sa karunungan?

Nilikha tayo upang umibig dahil ang lumikha sa atin ay pag-ibig (1 Juan 4:8). Nasasalamin ba sa ating pag-ibig ang pag-ibig ng Diyos? Nagbibigay-tulong lang ba tayo dahil masarap sa pakiramdam, kagaya noong Pasko? Ano ang turing natin sa mga tinutulungan natin? Mga pabigat sa buhay sana nating masarap? Mga kasangkapan para magpasikat? Mga de susing kalaruan?

Sa ating pagsalubong sa Bagong Taon, pagsikapan nating dinggin at isabuhay ang panawagan ng poster. Kung naging mangmang, mababaw, at makunat ang ating 2017, hindi ba panahon na para magbago na tayo? Kung magagawa natin ito, mapapangalagaan natin hindi lamang ang ating mga sarili, kundi ang ating mga mahal sa buhay, ang pamayanan, ang lipunan, at ang daigdig.  Samahan nawa tayo ng Mahal na Inang Maria sa ating paglalakbay.

Isang marunong, malalim, at mapagbigay na 2018 sa inyong lahat!


Friday, June 16, 2017

Tagapagbigay-buhay



Kung mayroon mang salitang nakaugnay sa mga ama, ito ay walang iba kung hindi ang salitang buhay. Nakagisnan na ng lipunan na ang ama ang naghahanap-buhay para maitaguyod niya ang kanyang pamilya. Sa pagbabanat ng buto ng mga ama, makatitiyak na may panustos sa anumang gastusin, may pangmatrikula ang mga anak, at may pagkain sa hapag.

Bahagi ng paniniwala natin na ang tungkulin ng ama na magbigay-buhay sa kanyang pamilya ay sumasalamin sa papel ng Diyos bilang Amang bukal ng Buhay. Sa pagsugo Niya sa Kanyang Bugtong na Anak, nagkaroon ng pag-asa ang sinumang maniniwala kay Jesus na magkaroon ng buhay, buhay na walang hanggan.

Sa Kanyang pagkakatawang-tao at pagiging bahagi ng pamilya nina Jose at Maria, nakita at naranasan ni Jesus kung paano Siya binuhay ni Jose. Tiyak na nasaksihan niya ang pagtatrabaho ni Jose, ang mga hirap na dinanas nito sa paghahanap-buhay, ang mga pag-uusap nina Jose at Maria kung paano pagkakasyahin ang kinita ni Jose, ang pamimili at paghahain ng masarap na pagkain ni Maria sa hapag para kanilang pagsaluhan. 

Sa mga halimbawang ito, nabuo sa isip ng batang si Jesus ang mga aral na Kanyang gagamitin nang simulan na Niya ang Kanyang pagpapahayag sa madla. Hindi katakataka na ipakilala Niya ang Kanyang sarili bilang Tinapay na nagbibigay-buhay! 

Sa ating pagdiriwang ng Kapistahan ng Banal na Katawan at Dugo ni Kristo at Araw ng mga Ama sa ika-18 ng Hunyo, magpasalamat tayo sa Ama dahil ibinigay Niya sa atin si Jesus bilang pagkaing kailangan natin patungo sa Kanya. Magpasalamat din tayo sa mga amang naglaan ng kanilang buhay upang tayo ay mabuhay. Ipanalangin din natin na manatili silang tapat sa kanilang bokasyon na maitaguyod ang kanilang pamilya bilang mga kalugud-lugod na kasapi ng sambayanan.

Wednesday, May 31, 2017

Fatima



Sandaang taon na ang nakakalipas nang magpakita ang Mahal na Birheng Maria kina San Francisco Marto, Santa Jacinta Marto, at Lucia dos Santos sa Fatima, Portugal. Kasagsagan ng Unang Digmaang Pandaigdig noon. Anim na beses na nagpakita ang Mahal na Ina sa tatlong batang pastol, tuwing ika-13 ng buwan, mula Mayo hanggang Oktubre 1917. May tatlong mahalagang paksa ang mensahe ng Birhen: pagbabago ng puso, pagsasakripisyo, at pagdarasal ng Rosaryo.

Para sa sinumang nais sumunod sa landas ni Kristo, mahalaga ang magbago ng puso, ang magsisi sa kasalanan at sumampalataya sa Mabuting Balita (Marcos 1:15). Sa pagpapakita ni Maria sa Fatima, hiniling niya ang pagdedebosyon sa kanyang Kalinislinisang Puso. Sa puso ni Maria, matatagpuan natin ang pusong tumatalima sa kalooban ng Diyos. Sang-ayon kay Cardinal Vincent Nichols ng Westminster, ang  debosyon sa Kalinislinisang Puso ni Maria ay isang paraan para umoo rin tayo sa pusong kagaya ni Maria upang makapagbukas tayo ng mga sariwa at tiyak na daraanan patungo kay Kristo. 

Mahalaga ring gumawa tayo ng mga sakripisyo bilang tanda ng ating pagbabagong-puso at pagbabayad-puri hindi lamang sa ating mga kasalanan, kundi sa sala ng buong mundo - mga pagkakamaling labis na nakasakit sa mapagmahal nating Diyos. Ang pamumuhay nang payak, ang paglimita sa paggamit ng social media, ang pag-iwas sa bisyo, at ang tahimik at mapayapang pagharap sa anumang suliranin ay ilan lamang halimbawang aming maimumungkahi.

Hindi madaling magbagong-buhay. May mga pagkakataong madarapa tayong muli sa lusak ng ating mga kasalanan. Ang pagbabagong-buhay ay panghabang-buhay. Alam ito ng Mahal na Birhen kaya pinangangaralan niya tayong dasalin ang Rosaryo araw-araw. Sa Rosaryo, matutunghayan natin ang naging buhay ni Maria kaisa ng Panginoong Jesus. Sa Rosaryo, nakikiisa tayo sa pagpupugay ni Arkanghel Gabriel: Aba Ginoong Maria, napupuno ka ng grasyaSa Pilipinas, mas kilala ang Block Rosary devotion bilang Fatima dahil ang debosyong ito marahil ay tugon sa panawagan ng Mahal na Birhen ng Fatima. Mapupuna ring ang rebulto ng Birhen ng Fatima ang pangkaraniwang rebultong ipinapanhik sa bahay-bahay.

Sa kanyang ikatlong pagpapakita sa Fatima noong ika-13 ng Hulyo 1917, sinabi ni Maria na balang-araw magtatagumpay ang kanyang Kalinislinisang Puso. Bilang kanyang mga anak, anong maiaambag natin para matupad ito?

Friday, December 23, 2016

Pasko Lagi



Extrajudicial killings, pagpapalibing kay Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani, mga nakakabahalang pahayag at kilos ng Pangulong Duterte, pamamayagpag ng mga dating isinuka ng taumbayan, bangayan sa pagitan ng mga lingkod bayan, pambabraso sa ilang opisyal ng pamahalaan, kahirapan, kawalan ng katarungan. Ilan lang ito sa mga bumabagabag sa ating bansa. 

Sa ibang bahagi ng mundo, mababalitaan ang patuloy na karahasan sa Aleppo, Syria, ang trahedya sa Alemanya nang sadyang bundulin ng isang trak ang Christmas Market sa Berlin, ang pagpaslang sa embahador ng Russia sa Turkey, at ang pagdagsa ng mga refugees sa mga karatig-bansa.

Sa mga kaganapang ito, magiging merry pa ba ang ating Christmas?  

Bagama't inaasahang magaang ang ating kalooban at masaya ang ating kapaligiran sa Kapaskuhan, kailangan nating balikan ang unang Pasko.  Noong unang Pasko, walang kagayak-gayak, walang kasayahan, tila kadiliman ang naghahari sa tanan.

Sa ikalawang kabanata ng Ebanghelyo ayon kay San Lukas, ipinag-utos ng Emperador Augusto Cesar na magkaroon ng senso ang mga nasasakupan niya. Kasama sa sensong ito ang bayang Israel kung kaya't nagpunta sina Jose at Maria sa Bethlehem. Habang sila ay naroon isinilang ni Maria si Jesus - sa isang sabsaban dahil walang nagpatuloy sa kanila.

Maaala rin nating mga ordinaryong pastol ang una nilang bisita. Sumunod dito'y mga banyagang pantas. Walang mataas na tao sa Israel ang kumilala sa pagiging hari ng sanggol. Tinangka pa ngang paslangin ni Herodes ang Banal na Sanggol kung kaya itinakas ni Jose ang kanyang mag-ina sa Egipto.

Hindi merry ang unang Christmas. 

Subalit ito ay puspos ng presensya ng Diyos. Dahil sa kapanganakan ng Anak ng Diyos, natupad ang pangako: tatawaging Emmanuel ang Mesiyas na darating (Isaias 7:14).

Hindi naging madali ang buhay ni Jesus. Hindi rin madali ang buhay ng sinumang susunod sa Kanya, unang-una na sina Maria at Jose. Ngunit kung magiging bukas tayo lagi sa Kanyang presensya, kung hahangarin natin ang hinahangad Niya, kung makikibaka tayo laban sa mga puwersa at aral na taliwas sa Kanyang pag-ibig, hindi lang magiging merry kundi higit sa lahat magiging makabuluhan ang ating Pasko. Magiging Pasko lagi-lagi.

Isang pinagpalang Pasko po sa inyong lahat!


Tuesday, September 27, 2016

Wastong Motibo


Kapiling ang ilan daang mag-aaral inilunsad ni Archbishop Socrates Villegas sa kapilya ng Colegio de San Juan de Letran ang kampanyang pinamagatang "A Million Roses for the World, Filipinos at Prayer for the World."

Sa kanyang panawagan, sinabi ni Villegas na hindi dapat manatiling sugatan at watak-watak ang bansa dulot ng mga pulitikal at sosyo-kultural na mga isyu. Sa pagkakanya-kanya ng bansa, nakaligtaan na nating magdasal. Nilalayon diumano ng kampanya na baguhin ang lahat ng ito.  Sinimulan noong Setyembre 20, 2016 (kasabay ng Day of Inter religious Prayer for Peace na isinagawa ni Pope Francis sa Assisi), magpapatuloy ang kampanyang ito hanggang Disyembre 23, 2016. Sa loob ng mga araw na ito hinihikayat ang lahat na dasalin ang Rosaryo.

Hindi na bago ang panawagang manalagin tayo bilang isang bayan. Paulit-ulit na ipinapaalala sa atin kung gaano kahalaga  ang pagdarasal.  Ngunit bakit tila hindi pinakikinggan ang ating ipinagdarasal? Bakit tila patuloy na nababaon ang bansa sa kumunoy ng kasamaan? Bakit tila wala na tayong pakialam sa mga nagaganap sa ating paligid kagaya ng extrajudicial killings, ang pagpapalibing sa labi ng dating diktador Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani, ang kagaspangan ng dila ng kasalukuyang pangulo ng bansa, atbp.

Matatagpuan natin ang kasagutan dito mula sa Sulat ni Apostol Santiago: hindi ipinagkakaloob ang ating kahilingan dahil may mali tayong motibo (Santiago 4:3). 

Oras na uli para usisain natin ang ating mga sarili kung naaayon pa ba sa kalooban ng Diyos ang ating mga ikinikilos, bilang indibidwal at bilang bayan. Anu-anong mga pagkakataon na naging pakabig tayo? Kung nais nating maghari ang kapayapaan sa Pilipinas, kailangan nating iwaksi ang pagiging pakabig. Kailangan nating magpasakop sa Diyos (Santiago 4:7-10). 

Kung makikita ng Panginoon na dumudulog tayo sa Kanya na may kababaang-loob at nagsisikap na tumalikod sa ating mga sala, makakasisiguro tayong iaahon Niya tayo sa kumunoy na ating kinasasadlakan. 

Kaisa ni Mariang inuna ang Diyos kaysa sa kanyang sariling kapakanan, kaisa ng ating pamilya at mga kababayang nananabik sa kapayapaan, dasalin natin ang Rosaryo!

Sunday, January 17, 2016

Bagong Alak, Bagong Ikaw



Bahagi na ng anumang okasyon ang alak.  Nitong nakaraang Pasko at Bagong Taon, pati na rin ang mga pista sa iba't ibang bahagi ng bansa, tiyak na kulang ang handa kung walang alak.  Nagbibigay-sigla ang alak.  Bukod dito, iniuugnay nito ang mga manginginom sa isa't isa. 

Sa Ebanghelyo ayon kay San Juan (2:1-11), matutunghayan natin kung paano naubusan ng alak ang bagong kasal.  Kung lalagay tayo sa kinalalagyan ng bagong kasal, lubos tayong mapapahiya.  Salamat sa "mother instinct" ng Mahal na Birheng Maria, iniligtas ni Jesus ang bagong kasal sa kahihiyan nang gawin Niyang alak ang tubig.  

Sang-ayon kay Bishop Robert Barron, ang alak sa Ebanghelyong ito ay tanda ng buhay na  banal, buhay na kaisa ng Diyos. Samakatuwid, ang kawalan ng alak ay kawalan ng biyaya.

Bagong Taon na.  Kumusta na ang buhay natin? Ang ating relasyon sa ating asawa, anak, katipan, magulang, kapatid, kamag-anak, o kapwa?  Kumusta na ang ating buhay-pananampalataya? Kumusta na ang ating trabaho? Ang ating paglilingkod sa pamayanan?  Mayroon pa ba tayong sigla o tinatabangan na tayo?  Madalas ba tayong masungit o tinatamad? Mayroon pa ba tayong ningas o nanlalamig na tayo?

Magandang suriin natin ang ating mga sarili dahil kung wala nang 'alak' sa ating sistema, paano natin matutupad ang kalooban ng Diyos? Paano tayo magiging kawangis ng Amang sagana sa awa?

Sa mga pagkakataong ubos na ang 'alak', huwag nating hanapin ito sa mga alak na pansamantalang patid-uhaw lang ang dulot. Buksan nating muli ang ating mga puso kay Jesus na Siyang magkakaloob sa atin ng Banal na Espiritu.  At kapag naging bukas tayo sa Espiritung ito, tiyak na mararanasan natin na ang ating buhay ay parang bukal na bumabalong ng buhay na walang hanggan (Juan 4:14).  Mas magiging "sweet" tayo sa ating asawa o katipan. Mas magiging mapagmahal tayong mga magulang o anak. Mas magiging propesyunal tayong manggagawa. Mas magagamit natin ang anumang kakayahan natin para sa kapurihan ng Diyos at sa ikabubuti ng kapwa. Mas magiging tapat tayong tagasunod ni Kristo.  Dumulog tayo sa Mahal na Ina na siguradong sasamahan tayo sa ating paglalakbay!

Saturday, May 02, 2015

Salitang Nagpapalakas-loob



Sa Banal na Kasulatan, matutunghayan natin kung paano tumalima si Maria sa kalooban ng Diyos. Sa paghirang sa kanya na maging ina ng Mesiyas hanggang sa paghirang sa kanya na maging ina ng lahat ng tagasunod ni Kristo, tanging oo lamang ang kanyang sagot. Ano ang sikreto ni Maria? 

Isang napakagandang dibuho ni Sandro Botticelli ang "Madonna of the Book". Sa dibuhong ito, ang Mahal na Birheng Maria ay abala sa pagbabasa ng isang aklat, ang Book of Hours, isang debosyonal na aklat ng mga Kristiyano na naging tanyag noong Middle Ages. Binubuo ang Book of Hours ng mga salmo, imno, at mga pagbasa mula sa Bibliya. Bagama't wala pang nalalathalang Book of Hours noong panahon ng Mahal na Birhen, ipinahihiwatig ng larawang ito ang pagiging bukas ni Maria sa Salita ng Diyos. Kapuna-puna rin ang matamis na pagtingin sa kanya ng sanggol na si Jesus, paalala ng pangako ng Panginoon ng pagmamahal ng Ama at pananahan nila ng Ama sa sinumang tutupad sa Kanyang mga itinuro (Juan 14:23).

Mahalaga sa ating pananampalataya ang Banal na Kasulatan.  Hindi kumpleto ang anumang pagdiriwang ng Simbahan na walang pagbasa at pagninilay sa Salita ng Diyos. At bago natin makaligtaan, sa Misa mayroon tayong Liturhiya ng Salita ng Diyos bago ang Liturhiya ng Eukaristiya. Hinihikayat din tayo na magbasa ng Bibliya kasama ang iba pang mananampalataya o nag-iisa.  Sang-ayon kay Pope Francis, kailangan nating pakinggan tuwina ang Salita ng Diyos para mabago natin ang throw away culture, ang isang lipunang pilit na ihinihiwalay ang pananampalataya sa ating pamumuhay, ang isang lipunang mas pinahahalagahan ang kayamanan at kasiyahan kaysa sa paglilingkod at pagpapahalaga sa kapwa lalo ng mga dukha.

Sa ating pamimintuho sa Mahal na Birhen ngayong Mayo, hilingin natin ang kanyang makapangyarihang pamamagitan nang mataglay din natin si Jesus at maging malakas ang loob na ipahayag Siya sinumang walang kaugnayan ang relihiyon sa kanilang pamumuhay. 









Saturday, March 07, 2015

Paningin ng Puso


Isa sa mga tampok na pangyayari sa Pilipinas kapag Marso ang pagtatapos.  Sa pagtatapos ng mga mag-aaral, inaalala't ipinagdiriwang ang mga taon na nagsunog sila ng kilay, lumago bilang mga tao, at nagtamo ng karampatang gantimpala.  Sino sa atin ang makakalimot sa marami nating isinakripisyo, sa marami nating kasiyahan, sa marami nating natutuhan noong nag-aaral pa tayo?

Ang pagtatapos din ay pagkakataon para alalahani't pasalamatan ang mga magulang, guro, at iba pang may ginampanang mahalagang papel sa paghubog ng mga kabataan. Kukulangin siguro ang isang kuwaderno kung isusulat natin ang lahat ng kabutihang ginawa sa atin ng mga taong ito.

Isa ring tampok sa buwang ito ang pag-alala sa mga kababaihan.  Para sa mga magsisipagtapos, ang mga kababaihang ito ay ang kanilang mga ina, tiyahin, lola, kapatid, katulong, guro, katekista, madre, gabay tagapayo, duktora, nars, atbp. 

Sa Ebanghelyo ni San Lukas (10:38-42) matutunghayan natin sina Marta at Maria at kung paano nila inasikaso si Kristo.  Kung si Marta'y naging abala sa paghahanda ng pagkain para sa Panginoon, si Maria nama'y nanatiling nakikinig sa Kanya. Pag-aasikaso't pakikinig. Dalawang kilalang katangian ng mga kababaihan.  Halos lahat tayo'y nakalasap ng ganitong uri ng pangangalaga.  Ang sikreto sa mga katangiang ito, sang-ayon kay San Juan Pablo II, ay ang kakayahan ng mga babae na makita ang kanilang kapwa sa pamamagitan ng kanilang puso.  

Sa kanyang pananalita noong 2007, binanggit ni Pope Emeritus Benedict XVI na magiging iba ang pag-unlad ng Kristiyanismo kung wala ang bukas palad na pagtulong ng maraming kababaihan.  Sinabi din niya na hindi katulad ng 12 alagad, hindi pinabayaan ng mga kababaihan ang Panginoon noong magpakasakit Siya sa krus.

Mula nang manungkulan si Pope Francis, natunghayan natin ang 'pagbabagong anyo' ng Simbahan bilang isang komunidad ng awa at habag.  Nakita rin natin ang kanyang pagkilala sa mga kababaihan. Bilang tanda nito, dinagdagan niya ang dami ng babaeng kasapi ng International Theological Commission, isang mahalagang lupon na tumutulong sa Papa sa mga isyung may kinalaman sa doktrina. Mula sa 2, mayroon na itong 7 babaeng kasapi. Kamakailan, inatasan ng Vatican si Sr. Mary Melone bilang unang babaeng rektor ng Pontifical University Antonianum sa Roma.  Mayroon ding 4 na babaeng kasapi ang Pontifical Commission for the Protection of Minors, isang bagong tatag na lupon na tutulong sa Papa hinggil sa pangangalaga sa mga bata laban sa pang-aabusong sekswal at pangangalaga sa mga biktima nito.

Sa pagpupugay natin sa mga kababaihan ngayong Marso, ipanalangin nating patuloy na makilala at mapahalagahan ang natatanging kontribusyon ng mga kababaihan sa buhay ng Simbahan. Sikapin din nating matuklasan kung paano natin makikita ang ating kapwa - lalo na ang mga mahihirap - sa pamamagitan ng ating mga puso. Kung magagawa natin ito, tiyak na walang kakapusin sa ating sambayanan (cf. Mga Gawa 4:34). 


Wednesday, October 01, 2014

Pagtitipon Para sa Pamilya



Mula ika-5 hanggang ika-19 ng Oktubre ng kasalukuyang taon, magtitipon sa Vatican City ang ilang piling obispo mula sa iba't ibang bansa para sa III Extraordinary Assembly of the Synod of Bishops. Bunsod ito ng panawagan ni Papa Francisco noong isang taon upang konsultahin ang mga obispo tungkol sa pamilya at ebanghelisasyon. Bukod sa mga obispo, mayroon ding mga layko na inanyayahang lumahok sa nasabing sinodo. Sa pagtitipong ito, inaasahang makilala ang tunay na kalagayan ng pamilya at ang mga hamong hinaharap nito.  Magkakaroon din ng Ordinary Assembly of the Synod of Bishops mula ika-4 hanggang ika-25 ng Oktubre 2015 upang makapagbalangkas ang mga obispo ng planong pastoral kung paano nila matutugunan ang mga hamong nakilala nila sa sinodo ng 2014.

Marami na ring pinagdaanang pagbabago ang pamilya. Hindi tulad noong unang panahon na ang ama lang ang naghahanap-buhay samantalang nasa bahay lang ang ina para mangalaga sa mga anak. Sa ngayon, kapwa nagtatrabaho na ang mag-asawa dahil sa hirap ng buhay.  May mga pamilya rin na wala ang isang magulang dahil naghahanap-buhay siya sa ibang bansa. Mayroon ding mga mag-anak na magkahiwalay na ang magulang. Mayroon din namang nagsasama ang magulang na walang basbas ng Simbahan dahil sa masalimuot na annulment process. At mayroon din namang nagsasamang kapwa lalaki o kapwa babae na may isa o higit pang ampong bata.

Hindi pa nagsisimula ang sinodo, naging mainit nang usapin ang ideya ni Kardinal Walter Kasper na payagan nang tumanggap ng Banal na Komunyon ang mga indibidwal na mayroon nang kinakasama kahit 'di pa napapawalang-bisa ang kanilang unang kasal. Mayroong mga sumasang-ayon dito, pero mayroon ding mga hindi, kabilang ang ilang kilalang kardinal gaya nina George Pell at Gerhard Muller.

Nagkataon na ang sinodo ay magaganap sa buwan ng Banal na Rosaryo.  Minsan nang winika ni Fr Patrick Peyton na ang pamilyang magkakasamang nagdarasal ay mananatiling magkakasama.  Sa pagtititipon ng mga mag-anak para dasalin ang napakagandang debosyong ito, mainam na alalahanin natin ang magaganap na sinodo. Sa tulong ni Maria, Birhen ng Banal na Rosaryo at Reyna ng mga mag-anak, maging bukas nawa sa inspirasyon ng Espiritu Santo ang lahat ng sangkot sa sinodo. Maging bukas din nawa sila sa tunay na diyalogo.  

Mahalaga ng pamilya sa mata ng Diyos, kaya nga't nang magkatawang-tao si Kristo, pinili Niyang maging bahagi nito.  Paigtingin pa nawa ng Simbahang itinatag Niya ang wasto't nararapat na pangangalaga dito.






Tuesday, October 01, 2013

Magkaibang Tawag, Iisang Pinaglilingkuran


Hindi kaila sa atin ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga madre sa buhay ng Simbahang Katoliko di lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo. Bagama't di sila inordenahan gaya ng mga pari't obispo, puno ang kamay nila ng samu't sariling responsibilidad sa maraming tao na may iba't ibang pangangailangan.  Halimbawa na rito ang mga Missionaries of Charity na itinatag ni Beata Teresa ng Calcutta. Kilala ang mga madreng ito sa kanilang pangangalaga sa mga may-sakit at mga ulilang bata.  Nandiyan rin ang Missionaries of the Immaculate Conception na abala naman sa larangan ng edukasyon, mga kapus-palad, at mga katutubo. Marami pang ibang kongregasyon ng mga madre na may kanya-kanyang karisma para sa ikabubuti ng Simbahan at lipunan.

Nakakapagtaka na sa ibang wika, ang tawag sa kanila ay "sister" (sa Ingles) o "suore" (sa Italyano). Subalit sa Kastila at Filipino, ang tawag sa kanila ay "madre".  

Magkaiba man ang tawag sa kanila, magandang pagnilayan ang ipinahihiwatig ng dalawang salitang ito:

Bilang "sister", nakikita natin sa kanila ang pagiging isang kapatid, isang kabalikat, isang kasama sa pakikibaka sa mundong ito.  

Bilang "madre", nakikita natin sa kanila ang pagiging isang ina, isang tagapag-aruga, isang gabay habang patuloy nating tinatahak ang landas ni Kristo.  

Saanmang ministeryo sangkot ang mga madre, masasalamin sa kanila ang pangangalaga't pagmamahal ng Panginoon.  Sa kanilang pamumuhay na payak at may pagsasakripisyo, makikita sa kanila ang pagpapakumbaba't pananalig ng Mahal na Birheng Maria na minsang nagsabing "Maganap nawa sa akin ang iyong salita".

Habang pinagninilayan natin ang mga misteryo ng Rosaryo ngayong Oktubre, ipanalangin nating lalo pang matulad kay Maria ang lahat ng mga madre upang patuloy nilang maitaguyod ang pananampalataya ng sambayanan. 







Thursday, May 02, 2013

Hamon Lalo Na Sa Mga Kababaihan


Madalas, mapapansin nating taliwas sa mensahe ni Jesus ang ating ginagawa.
Sinabi ni Jesus na sinumang hangga't di tayo nagbabago't tumulad sa mga bata, di tayo makakapasok sa Kanyang kaharian (Mateo 18:3).  Ngunit, ayaw nating masasapawan ng iba.
Si Kristo ang daan, katotohanan, at buhay (Juan 14:6), subalit ibang daan pa rin ang ating tinatahak, umiiral pa rin sa atin ang kasinungalingan, at namumuhay tayo na walang kabuhay-buhay.
Sinabi ng Panginoon na magiging mabunga lamang tayo kung mananatili tayo sa Kanya (Juan 15:5). Pero pilit pa rin tayong lumalayo sa Kanyang pagmamahal.  Sa ibang 'diyos' pa rin tayo umaasa't naglilingkod.

Pinagsabihan din Niya tayong patawarin ang sinumang di natin makasundo para patawarin din tayo ng Amang nasa langit (Marcos 11:25).  Ganoon pa man, hirap pa rin tayong pakawalan ang anumang sama ng loob at galit sa puso natin.
Ipinagkaloob ni Kristo ang Kanyang katawan at dugo para sa atin (Mateo 26:26-28), subalit bakit 'ostya' at 'alak' pa rin ang tawag o tingin natin sa mga tinatanggap natin sa Banal na Komunyon? Di ba't si Jesus na ito?
Bago Siya umakyat sa langit, ibinilin ng Panginoon na ituro natin sa iba ang Kanyang iniutos (Mateo 28:20), ngunit ayaw nating maging sangkot sa bilin na ito.  "Problema na 'yan ng mga pari't madre," ang madalas nating idahilan.
Ilan lang ito sa mga halimbawa kung saan mahina o talagang wala tayong pananampalataya sa Diyos. Sapagkat ang pananampalataya ay isang biyaya kung saan nakikinig at naniniwala tayo sa sinasabi ng Diyos na ating matatagpuan sa Banal na Kasulatan o kaya sa mga banal na tradisyong minana pa natin sa ating mga ninuno.
Nang magpakita ang anghel kay Maria upang ipahayag ang paghirang sa kanya bilang Ina ng Diyos, puno ng pananampalatayang sinabi ni Maria: "Narito ang alipin ng Panginoon. Maganap nawa sa akin ayon sa iyong sinabi"(Lukas 1:38). Naniwala si Maria! Bakit? Dahil tapat ang Diyos (Deuteronomio 7:9)!
Ngayong Mayo, buwan ni Maria, napapanahon ang panawagan sa ating magkaroon ng matibay na pananampalataya sa Diyos. Ito ay isang malaking hamon sa atin, lalo na sa ating mga kababaihan. Sila na mga sangkot sa araw-araw na pamumuhay bilang mga ina, asawa, kapatid, kasintahan, guro, nars, duktor, abogada, madre, 'bisor,  atbp.  Anumang katayuan mayroon sila sa buhay, nandoon ang kakayahang makaimpluwensiya sa iba.  Totoong di ito madali; kahit si Maria'y dumaan din sa matitinding pagsubok.  Subalit kung kay Maria pinatunayan ng Diyos ang Kanyang katapatan, gaano pa kaya sa atin? Dalangin namig na bawat kababaihan ay matulad kay Maria, ang Babaeng Uliran sa Pananampalataya.

Friday, February 01, 2013

Nang Maubos ang Alak

"Nagising na lang akong walang pagmamahal sa kanya."
"Di na siya ang taong nakilala't minahal ko noon."
"Ayoko na sa kanya."
 
Ilan lang ito sa mga paliwanag na maririnig natin mula sa isang taong nakipaghiwalay na sa kanyang asawa.  Sa paglaho ng pagmamahal, nagiging madilim, malungkot, at mapait ang dating masaya't matamis na buhay-pamilya.
 
Maihahalintulad ang kawalan ng amor ng mag-asawa sa isa't isa sa kawalan ng alak sa kasalan sa Cana (Juan 2:1-12). Sa pagkaubos ng isang mahalagang sangkap sa pagdiriwang, nalagay sa bingit ng kahihiyan ang bagong-kasal. Sa pamamagitan ni Maria, iniligtas ni Jesus ang mag-asawa sa kahihiyan nang gawin Niyang tubig ang alak.
 
Maraming pagkakataon na dumaranas ang mag-asawa ng pagkaubos ng 'alak' sa kanilang buhay. Ilang halimbawa ng 'alak' na ito ang biyaya ng Diyos at ang pagmamahalang namamagitan sa mga-asawa't pamilya.  May mga pagkakataong mabigat, masakit, o mahirap tanggapin ang pagkaubos nito. At kung mahina-hina tayo, di malabong sumuko na tayo. Pagsukong nauuwi sa hiwalayan o kaya'y pagsasamang walang kabuhay-buhay.
 
Kung babalikan natin ang kuwento ng kasalan sa Cana, mapapansin nating tumulong si Maria kahit walang lumalapit sa kanya.  May nagkumento na kung tumulong ang Mahal na Birhen nang walang nagsasabi sa kanya, gaano pa kaya kung may humingi sa kanya ng saklolo ?
 
Sa buwang ito ng pag-ibig, makilala nawa ng mga mag-asawa na may pangatlong persona sa kanilang bokasyon: ang Diyos.  Anumang problema, lalo na ang tila mabibigat ay di dapat sarilinin. Kung aasa lang ang mag-asawa sa kanilang sariling kakayanan, tiyak na di nila malulutas ang kanilang suliranin.  Makilala nawa nila, gaya ni Maria, ang presensya't kapangyarihan ng Diyos.  At sa pagkilala nila, tumulad sila sa Mahal na Ina na di nag-atubiling dumulog sa Kanya.  Importanteng-importante na sa pagdulog sa Diyos handa ang mag-asawang talikdan ang anumang maling nagawa nila't magbagong-buhay. Kung magagawa ito ng bawat mag-asawa, makakaasa tayong lalo pa nilang masasalamin ang pag-ibig ng Panginoon sa kanilang mga anak at sa sinumang makasalamuha nila. Babaha ng alak!
 
 

Thursday, October 27, 2011

Pagtuklas sa Mukha ng Diyos


Taun-taon kapag dumarating ang buwan ng Oktubre, dinarasal ang Banal na Rosaryo sa mga simbahan, paaralan, barangay, samaha’t pamilya. Sa paulit-ulit na pagbigkas ng “Aba Ginoong Maria” lalong pinaiigting ng Rosaryo ang damdami’t isipan natin sa mga misteryong naganap sa buhay ni Maria.

Matutunghayan sa mga unang misteryo ng Tuwa gayon din sa mga unang kabanata ng Mabuting Balita ayon kay San Lukas na pinagnilayan ni Maria sa kanyang puso ang mga bagay na ginawa sa kanya ng Diyos. Una, sa pagpili sa kanya na maging ina ng Pangakong Tagapagligtas. Pangalawa, sa pagdalaw ng mga pastol sa bagong silang na si Jesus. Pangatlo, sa pagkawala’t pagkatagpo ni Jesus sa templo.

Dahil ipinaglihi siyang walang bahid ng anuman kasalanan, ang puso ni Maria’y nanatiling malinis. Dahil diyan, hindi naging mahirap para maniwala siya at sumunod sa kalooban ng Diyos. Hindi rin naging mahirap para sa kanya na tumulong sa iba. Higit sa lahat, hindi naging mahirap para sa kanya na ibahagi si Jesus sa lahat. Dahil may puso si Maria sa Diyos, may puso rin siya para sa sinumang lumalapit sa kanya!

Siguradong noong ipinangaral ni Jesus sa bundok ang mga “Beatitudes”, nasa isip Niya si Maria. Isa sa mga Beatituides na angkop sa Mahal na Ina ay ang “Mapapalad ang mga may malinis na puso sapagkat makikita nila ang Diyos.”

Sa ating pagdarasal ng Banal na Rosaryo ngayong buwan na ito at gayon din sa Nobyembre, bilang pag-alala sa mga yumao, magkaroon nawa tayo ng malinis na puso upang matunghayan din natin ang mukha ng Diyos at ipakita ito sa mundong labis na nangangailangan nito.

Monday, August 01, 2011

Salamat, Panginoon, salamat!

Tanda ng paggalang ang pagsabi ng “Thank you” sa sinumang nakagawa ng kabutihan sa atin, maliit man ito o malaki, bahagi man ito ng trabaho o hindi. Tiyak na ito ang isa sa mga unang posibleng matutuhan (o di matutuhan) ng isang bata mula sa kanyang mga nakatatanda.

Hitik ang Banal na Kasulatan ng mga awit-pasasalamat sa Diyos sa samu’t saring ginawa Niya para sa Kanyang Bayan. Samu’t saring ginawa na pawing dakila! Matutunghayan din sa Bibliya ang mga personal na pagpapasalamat ng ilang kilalang karakter sa kasaysayan ng kaligtasan gaya nina Abraham, Anna, at Maria.

Bagama’t gumawa ng mga kababalaghan ang Panginoon sa mga karakter na ito, hindi naiiba ang buhay nila sa atin. Dumanas din sila ng mga pagsubok – matagal bago nagkaanak sina Abraham at Anna samantalang isang dalaga si Maria nang magdalantao. Di katakatakang maging usapin sila ng kanilang mga kababayan. Dumaranas din tayo ng ganitong uri ng pag-uusig. Pinagpipiyestahan din ng mga matatabil na dila ang anumang problemang kinakaharap natin. Sa gitna ng tila kadilimang ating kinalalagyan, nasa lugar pa ba ang magpasalamat sa Kanya? Nararapat pa bang magpuri sa Kanya?

Mainam sigurong sagutin ang mga katanungang ito sa pamamagitan ng pagbabalik-tanaw sa naging tugon nina Abraham, Anna, at Maria. Ano nga ba ang naging reaksyon ni Abraham sa pagiging baog ng kanyang asawang si Sarah? Ano nga ba ang inasal ni Anna habang pinagmamasdan ang mga anak ng kanyang asawa sa pangalawang nitong asawa? Paano nga ba hinarap ni Maria ang sitwasyong papasukin niya? Nanalig sila’t sumunod sa kalooban ng Panginoon! Hindi madali ang naging buhay-pananampalataya nila pero nanatili silang kumilala sa kani-kanilang kahinaan at nanalig sa kapangyarihan ng Diyos. At dahil kinilala nila kung ano ang ginawa ng Panginoon sa kanila, natuto silang magpasalamat. Pasasalamat na ipinahayag nila sa salita at sa gawa.

Kung natutukso tayong magreklamo’t sumimangot sa hirap at bigat ng ating mga pasanin, huwag nawa nating kalimutan ang mabubuting ginawa ng Diyos sa atin. Isa nang biyayang dapat ipagpasalamat ang pagdating ng panibagong araw, di lang dahil humihinga pa rin tayo, kundi lalo’t higit nandoon ang pag-asa na magsikap, na magbago, na magmahal sa Diyos at kapwa. Kung marunong tayong magpasalamat tuwina, madadala natin ang ating buhay nang may saya, nang may ngiti, nang may mainit at malinamnam na pakikitungo sa iba.

Wednesday, December 29, 2010

Pusong Nakikinig


Sa pagsisimula ng Bagong Taon, ipinagdiriwang ng Simbahan ang Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos. Sa Ebanghelyo sa araw na ito, matutunghayan natin ang pagdalaw ng mga pastol sa Banal na Sanggol sa Belen. Nagpatotoo ang mga pastol sa sinumang nakarinig sa kanila kung paano nagpakita sa kanila ang anghel para ibalita sa kanila ang pagsilang sa Mesiyas. Ano ang naging reaksyon ng Mahal na Birhen sa ipinabatid ng mga pastol sa kanya? Sang-ayon sa Ebanghelyo, binigyang-halaga ito ni Maria. Kagaya ng isang mamahaling kayamanan, pinakaingatan ni Maria ang mga pangyayaring ito sa kanyang puso.

Ilang araw bago dumating ang Pasko, naging paksa sa ating mga Simbang Gabi kung paano nakinig si Maria sa Diyos. Puno ng biyaya, ang puso niya'y laging nakinig sa paanyaya ng Panginoon: una, para maging ina ng Kanyang Nag-iisang Anak; at pangalawa, balang-araw ay maging ina ng sangkatauhang tinubos ng dugo ni Jesus.

Ang Bagong Taon ay nakagisnan na nating salubungin sa pamamagitan ng pag-iingay dulot ng paputok, paghampas sa mga batya't takip ng kaldero, o kaya'y pagpapatugtog ng mga awitin. Hindi masamang mag-ingay sa selebrasyong ito, pero mahalagang magkaroon din tayo ng oras para sa katahimikan. Mahirap makinig kung maingay.

Kung magsisikap tayong magkaroon ng oras at lugar para sa katahimikan, siguradong maririnig at makikinig ang ating puso sa panawagan ng Diyos. Kung tayo'y magpapakumbaba, makakaasa tayong maririnig natin ang tinig ng Diyos gayon din ang tinig ng ating kapwa lalo na ang mga nangangailangan.

Hangad namin sa Bagong Taon, lalung-lalo na sa buwan ng Enero na magkaroon tayo ng pusong marunong makinig upang kagaya ni Mariang Ina ng Diyos at ng sangkatauhan tayo rin ay handang tumalima sa anumang ipag-utos sa atin ng Maykapal, mga utos na walang nilalayon kundi ang ating kabutihan.

Isang mapagapalang 2011 sa inyong lahat!

Thursday, December 03, 2009

Hindi Birong Maging Ina

Wala na sigurong higit na magtuturo sa atin kung paanong tunay na maihahanda ang ating mga sarili sa Kapaskuhan kundi ang Mahal na Birheng Maria. Tinaguriang napupuno ng grasya, tinanggap ni Maria nang buong puso ang paanyaya sa kanya na maging ina ni Jesus. Hindi madaling maging ina, lalo na kung ang magiging anak ang itinakdang Tagapagligtas ng sangkatauhan. Ganoon pa man, si Maria’y nanatiling bukas sa paggabay ng Diyos at tapat sa kanyang bokasyon.

Bilang pagkilala sa natatanging tungkuln ni Maria, inaalala natin ngayong Disyembre ang lahat ng mga inang nagdadalantao. Matulad nawa sila kay Mariang dinala si Jesus sa kanyang sinapupunan na puspos ng pag-ibig. Maihanda nawa nila nang lubusan ang kanilang sarili sa banal na tungkuling dalhin ang sanggol sa kanilang sinapupunan sa ganap na kaalaman at pag-ibig sa Diyos at sa kapwa.

Maraming beses na nating posibleng naririnig na hindi birong maging ina. Subalit nakakalungkot masaksihan ang mga napapariwarang anak dahil kulang o kaya’y wala silang makitang paggabay mula sa kanilang mga ina.

Sinasabing ang ‘Pasko ay para sa mga bata’. Marahil ngayong Adbiyento magandang muling usisain ng mga ina (at lahat ng mga nakatatanda) kung paano sila nagbigay-suporta sa mga kabataan. Dumulog nawa sila kay Maria at kaisa niya, bigyang-sigla nawa nilang muli ang kanilang mga anak na nasisiraan ng loob at uhaw sa kanilang pagkalinga.

Hindi madaling maging ina, subalit kung aanyayahan natin ang Panginoon sa ating buhay, gaya ni Maria, walang problemang di natin makakayanan.

Wednesday, September 09, 2009

Migrante

Hindi na bago sa ating mga Kristiyano ang buhay-migrante. Si Abraham, ang kinikilala nating Ama sa pananampalataya, ay tinawag ng Panginoon na iwan ang kanyang mga magulang at bayan. Sina Moises at ang mga Israelita'y tinawag ng Diyos mula sa Egipto patungo sa lupang pangako. Sina Jose't Maria kasama ang sanggol na si Jesus ay tumakas papuntang Egipto.

Hindi na rin bago sa ating mga Pinoy ang mangibang-bansa. Kagaya nina Jose't Maria, marami sa atin ang inuusig ng mga bagong Herodes - kahirapan, kawalang ng katarungan, atbp - na kung mananatili tayo sa lupang sinilangan ay di tayo uunlad. Pikit mata o kaya'y kapit sa patalim ang karamihan na mangibang-bansa, magtiis ng di mabilang na mga sakripisyo sa kamay ng kanilang mga amo, dumanas ng kalumbayan, atbp masiguro lang ang isang magandang bukas para sa pamilyang kanilang iniwan.

Subalit isa rin sigurong biyayang maituturing ang nasa ibang bansa. Isa itong pagkakataon di lamang para kumayod at kumita ng pera kundi para ipahayag at ibahagi ang liwanag ni Kristo. May mga ibang bansa gaya ng Amerika, Inglatera, Pransya, Roma, atbp na madali itong maisasagawa dahil ang pagpapahayag ng pananampalataya sa mga bansang ito'y iginagalang. Ngunit mayroong mga bansa gaya ng India, China, at ilang parte ng Saudi Arabia na patago ang anumang gawaing panrelihiyon.

Ngayong Setyembre, inaalala ng anluwage.com ang lahat ng mga migrante nating kababaya't kapatid sa pananampalataya: sila nawa'y manatiling tapat at matatag sa mga aral ni Jesus upang ang liwanag ng Panginoon ay lalo pang masilayan ng lahat lalo na ng mga di pa nakakakilala sa Kanya.

Ipamagitan nawa sila ng kababaya't kapwa-migrante na si San Lorenzo Ruiz sa kanilang paghahanap-buhay at sa kanilang patuloy na pagsunod sa Tinapay ng Buhay.

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP