Powered by Blogger.
Showing posts with label kahirapan. Show all posts
Showing posts with label kahirapan. Show all posts

Thursday, July 09, 2015

Pagkakaisa Tungo sa Pagkakapantay-pantay

Sang-ayon sa United Nations Economic Commission for Latin America and the Caribbean (ECLAC), ang Latin Amerika ang may pinakamalaking antas ng hindi pagkakapantay-pantay sa buong mundo.  At dahil laganap ang hindi pagkakapantay ng mga mamamayan, patuloy na lumulubog sa kahirapan ang mga dukha. Nakakapagtaka na sa kabila ng pagiging Katoliko ng 70% ng populasyon, hindi pa rin masawata ang malaking agwat sa pagitan ng kakaunting mayayaman at ng nakararaming mahihirap. Hindi ba't ganito rin ang eksena sa Pilipinas?

Sa kanyang pagdalaw sa Ecuador, isa sa maraming bansa sa nasabing rehiyon, nanawagan si Pope Francis sa mga mamamayan na magkaisang muli - kagaya nang lumaban ang kanilang mga ninuno para sa kasarinlan mula sa Espanya - upang ipalaganap ang pananampalataya. Napabalita ang pagbaba ng dami ng mga Katoliko dulot ng pag-anib nila sa mga Protestante. Sinasabing ang tagumpay ng mga Protestante sa pag-akit sa mga dukhang Katoliko ay dahil nakatuon ang kanilang ministeryo sa edukasyon at paghahanap-buhay, dalawang mahalagang susi para makaahon sa kahirapan. 

Paano mapagkakaisa ang mga mamamayan ng malaking rehiyon na ito? Sang-ayon sa Santo Papa, ang pagkakaisang kailangan ay hindi magliliwanag kung magpapasakop tayo sa makamundong klase ng espiritwalidad na siyang nang-uudyok sa atin na mag-away-away para sa kapangyarihan, pagkakilala, kasiyahan, at pang-ekonomiyang seguridad. Sa madaling salita, mangyayari at magbubunga lamang ang pagkakaisa kung magkakaroon ng pagbabago ang bawat isa at isasantabi ang mga pansariling hangarin.

Kung malalampasan ng mga taga-Latin Amerika ang makamundong espiritwalidad, tiyak na magiging buhay silang saksi ng pag-ibig sa mga mahihirap at makakapag-ambag sa isang lipunang ang trato sa kapwa ay kagaya ng sa magkakapatid. Kung maiwawaksi ang makamundong espiritwalidad, malalansag ang hindi pagkakapantay-pantay ng mga mamamayan. 

Suntok ito sa buwan para sa ilan, subalit sa ating mga Kristiyano malulutas natin ang mga suliraning ito kaisa ni Kristo "na siyang nagmulat sa bulag, sa pilay nagpalakad, at nakiramay sa lahat".

Saturday, March 07, 2015

Paningin ng Puso


Isa sa mga tampok na pangyayari sa Pilipinas kapag Marso ang pagtatapos.  Sa pagtatapos ng mga mag-aaral, inaalala't ipinagdiriwang ang mga taon na nagsunog sila ng kilay, lumago bilang mga tao, at nagtamo ng karampatang gantimpala.  Sino sa atin ang makakalimot sa marami nating isinakripisyo, sa marami nating kasiyahan, sa marami nating natutuhan noong nag-aaral pa tayo?

Ang pagtatapos din ay pagkakataon para alalahani't pasalamatan ang mga magulang, guro, at iba pang may ginampanang mahalagang papel sa paghubog ng mga kabataan. Kukulangin siguro ang isang kuwaderno kung isusulat natin ang lahat ng kabutihang ginawa sa atin ng mga taong ito.

Isa ring tampok sa buwang ito ang pag-alala sa mga kababaihan.  Para sa mga magsisipagtapos, ang mga kababaihang ito ay ang kanilang mga ina, tiyahin, lola, kapatid, katulong, guro, katekista, madre, gabay tagapayo, duktora, nars, atbp. 

Sa Ebanghelyo ni San Lukas (10:38-42) matutunghayan natin sina Marta at Maria at kung paano nila inasikaso si Kristo.  Kung si Marta'y naging abala sa paghahanda ng pagkain para sa Panginoon, si Maria nama'y nanatiling nakikinig sa Kanya. Pag-aasikaso't pakikinig. Dalawang kilalang katangian ng mga kababaihan.  Halos lahat tayo'y nakalasap ng ganitong uri ng pangangalaga.  Ang sikreto sa mga katangiang ito, sang-ayon kay San Juan Pablo II, ay ang kakayahan ng mga babae na makita ang kanilang kapwa sa pamamagitan ng kanilang puso.  

Sa kanyang pananalita noong 2007, binanggit ni Pope Emeritus Benedict XVI na magiging iba ang pag-unlad ng Kristiyanismo kung wala ang bukas palad na pagtulong ng maraming kababaihan.  Sinabi din niya na hindi katulad ng 12 alagad, hindi pinabayaan ng mga kababaihan ang Panginoon noong magpakasakit Siya sa krus.

Mula nang manungkulan si Pope Francis, natunghayan natin ang 'pagbabagong anyo' ng Simbahan bilang isang komunidad ng awa at habag.  Nakita rin natin ang kanyang pagkilala sa mga kababaihan. Bilang tanda nito, dinagdagan niya ang dami ng babaeng kasapi ng International Theological Commission, isang mahalagang lupon na tumutulong sa Papa sa mga isyung may kinalaman sa doktrina. Mula sa 2, mayroon na itong 7 babaeng kasapi. Kamakailan, inatasan ng Vatican si Sr. Mary Melone bilang unang babaeng rektor ng Pontifical University Antonianum sa Roma.  Mayroon ding 4 na babaeng kasapi ang Pontifical Commission for the Protection of Minors, isang bagong tatag na lupon na tutulong sa Papa hinggil sa pangangalaga sa mga bata laban sa pang-aabusong sekswal at pangangalaga sa mga biktima nito.

Sa pagpupugay natin sa mga kababaihan ngayong Marso, ipanalangin nating patuloy na makilala at mapahalagahan ang natatanging kontribusyon ng mga kababaihan sa buhay ng Simbahan. Sikapin din nating matuklasan kung paano natin makikita ang ating kapwa - lalo na ang mga mahihirap - sa pamamagitan ng ating mga puso. Kung magagawa natin ito, tiyak na walang kakapusin sa ating sambayanan (cf. Mga Gawa 4:34). 


Saturday, February 01, 2014

Paglahok sa Pulitika


Marumi. Masalimuot. Pangmayaman. Negosyo. Kamakamag-anak.  Ilan lang itong lumalarawan sa pulitika ng ating bansa.  Sariwa pa sa ating alaala ang iskandalong dulot ng mga mambabatas na sangkot sa PDAF gayon din ang di pantay na pagpapamudmod ng tulong sa mga nasalanta ng bagyong Yolanda.  

Madalas, tanggap na nating ganito ang kalagayan ng ating pulitika, na wala na tayong pag-asa pang bumangon, na kahit sino pa ang iluklok sa puwesto ay walang magagawa at kadalasa'y mababahiran pa ng kabulukan ng sistemang pulitikal ng bansa.

Subalit para sa ating mga Kristiyano, hindi ito ang panahon para mawalan tayo ng pag-asa. Hindi ito ang panahon para ipagkibit-balikat na lang natin ang sitwasyon ng ating lipunan. Hindi rin ito ang pagkakataon para ipaubaya na lang natin sa mga may pera, impluwensiya, o kapangyarihan ang pagsasaayos ng sistemang pulitikal.  Sang-ayon nga sa mga obispo ng Pilipinas, may mahalagang papel ang mga layko sa isyung ito.

Sa ganang amin, may apat na paraan kung saan maaaring makilahok ang mga layko:

Edukasyon.  May kapangyarihan tayong bumoto ng ating mga lider.  At dahil ito ay isang kapangyarihang bigay sa atin ng batas, mahalagang hindi natin ito ipagpalit sa kakaunting halaga lamang, sa tamis ng dila ng mga kumakandidato, o sa mga pananakot ng mga halang ang kaluluwa.  Kaya nga't importanteng mabigyan ng wastong edukasyon ang bawat mamamayan lalo na ang mga botante na maging mapanuri, maalam, at magkaroon ng kakayahang tumayo sa sarili nilang paa.

Kamalayang sosyal.  Mahalaga ding magkaroon tayo ng kamalayan sa mga nagaganap sa ating kapaligiran.  Gamitin natin nang wasto ang malayang pagpapahayag upang maging gising tayo sa tunay na nangyayari sa ating bansa, at gisingin din ang mga tulog o nagtutulug-tulugan nating mga kababayan - lider man sila o pangkarinawang mamamayan. At kung gising tayo, hindi tayo madadaig ng mga anumang pambobola't kasinungalingan ng iba.

Katarungan.  Ibigay natin sa iba ang nararapat.  Huwag tayong maging kasangkapan ng korupsyon sa bansa.  Huwag tayong magbigay ng lagay para lang mapabilis ang isang serbisyo publiko. At kung tayo naman ay nasa pamahalaan, huwag tayong tumanggap ng lagay para paburan ang isa laban sa marami pang dapat paglingkuran.  Manatili rin tayong mapagmasid sa anumang anomalyang nagaganap sa pamahalaan at magkaisa para masawata ito.

Pakikiisa sa mga kapus-palad.  Sang-ayon sa CBCP, ang sistemang pulitikal sa ating bansa ang siyang pinakamalaking hadlang sa kaunlaran ng Pilipinas.  Sinabi rin nila na dahil sa pagiging sugapa ng mga nasa puwesto sa kapangyariha't salapi kung kaya patuloy na naghihirap ang maraming Pilipino.  Hindi tayo magiging mga kapanipaniwalang Kristiyano kung wala tayong puso para sa mga naghihirap.  Walang saysay ang ating pinaniniwalaan kung hindi tayo marunong tumayo laban sa pang-aapi't iba pang kasamaang dinaranas ni Mang Juan Pasang Krus.

Kung bibigyang-pansin natin ang apat na paraang ito, makasisiguro tayong magkakaroon ng higit na kakayahan ang mga layko para ilagay sa wasto't nararapat ang pulitika.  Maaaring sabihin ng ilan na isang suntok sa buwan ang pakikilahok ng layko sa magulong mundo ng pulitika.  Sa kanilang mga kasabayan, isang suntok sa buwan ang pagbabatikos ni Juan Bautista sa nangangalunyang Haring Herodes, ang paninindigan ni Thomas More laban sa imoral na Haring Enrique VIII, ang katotohanang isinasabuhay ni Jesus kontra sa mga ipokritong punong pari't matatanda ng bayan.  Gayunpaman, kinilala ng tatlong taong ito na ang ginagawa nila'y trabaho ng Diyos at sila'y pawang kasangkapan lamang.  Kaya nga't nanatili silang tapat hanggang sa huli.  Dumating ang panahong naging bahagi na lamang ng kasaysayan sina Herodes, Enrique VIII, at ang mga punong pari't matatanda ng bayan, subalit ang buhay at halimbawa nina Juan, Thomas, at Jesus ay patuloy pa ring inaalala't tinutularan ng marami.

Importanteng mabanggit na sina Juan, Thomas, at Jesus ay mga layko - si Juan ay isang propeta, si Thomas ay isang opisyal ng pamahalaan, at si Jesus ay isang karpinterong naging guro't manggagamot.  Hindi sila naiiba sa nakararami sa atin. Hindi sila naiiba sa mga kasalukuyang layko.  Sundan natin ang kanilang yapak.  Huwag tayong masiraan ng loob.


Friday, January 03, 2014

Taon ng Layko


Ang Taong 2014 ay Taon ng Layko.  Sa paglulunsad nito, naglabas ng pastoral exhortation ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) noong isang buwan kung saan nanawagan ang mga obispo na magkaroon ang mga ordinaryong tao ng mas mahalagang papel sa ikababanal at ikapagbabago ng mundo.  Mayroong 9 na isyung dapat pagtuunan ng pansin ng mga layko:  kahirapan, pulitika, paghahanap-buhay at kalakalan, pagkagahaman at pagkamakasarili, katotohanan, pangkalahatang kabutihan, hamon at misyon, kaalaman sa pananampalataya, pagsasabuhay ng pananampalataya, at pagbuo ng mga pamayanan ng pananampalataya.

Sa nasabing exhortation, sinasabi ng CBCP na isang suliraning panlipunan at espiritwal ang kahirapan.  Sinasabi din ng mga obispo na sa kabila ng pag-angat ng ekonomiya ng bansa, ang malaking porsyento ng mga mamamayan ay hindi pa rin nakakaahon sa kahirapan at ang pagbabahagi ng yaman ng bansa ay hindi tama.  

Kinilala ng mga lider ng ating Simbahang lokal ang mga layko bilang nasa tamang posisyon para lumikha ng mga solusyon laban sa kahirapan.  Ang mga usisa ng mga obispo:  Ano ang ginagawa ng mga layko para magkaroon, mangalaga't magbahagi ng kayamanan?  Nadarama ba ng mga nakaririwasang layko ang pinagdaraanan ng mga kapus-palad nating kapatid at gumagawa ng mga pamamaraan para maiahon sila mula sa kahirapan patungo sa kasaganahan?

Sa ganang amin, mahalagang mulat at naka-ugat ang layko sa turo ng  Simbahan tungkol sa wasto't makatarungang pagkakaroon, pangangalaga't pagbabahagi ng kayamanan at  sa kalagayan ng mga mahihirap.  Importanteng may pinanghahawakan tayong mga aral dahil magsisilbi itong mga ilaw sa ating daraanan at lakas sa oras na tayo'y subukan.  Hindi madaling maging banal o maging bayani - kung wala tayong saligan, madali tayong masisiraan ng loob.  Mahalaga din na makita natin sa mga obispo't pari tapat na pagsasabuhay ng mga aral ng Simbahan na ipinagkatiwala sa kanila ng Panginoon.  Ang simpleng pamumuhay at pagtatanggol ni Papa Francisco para sa mga mahihirap ay kahanga-hanga't dapat tularan.

Importante ding nakikiisa tayo sa kahirapan ng iba kung hindi, ituturing lang nating mababa sa atin ang mga dukha.  Masisiguro lamang nating kasangga tayo ng mahihirap kung marunong tayong mamuhay nang payak.  Kilalanin natin kung ano ang gusto at ano ang kailangan natin. Huwag tayong bili nang bili tapos pawang naging tambakan na ng mga gamit na di natin magamit ang ating mga tahanan.  Iwasan din natin ang sobrang pagluluto.  Kung may handaan, maghanda lamang nang sapat. 

Iwaksi din natin sa mga parokya at iba pang komunidad ang VIP treatment sa mayaman. Alisin na natin ang maling takbo ng pag-iisip kung saan ang mahihirap ay nagiging kasangkapan natin para magkamal ng salapi o magkaroon ng boto sa eleksyon.  

Higit sa lahat, huwag lang tayong magkasya sa pagbibigay ng dole out sa mga dukha. Kung kaya naman natin, mas mabuti pa kung kabuhayang pangmatagalan imbis na mga nauubos na de lata, asukal, bigas, atbp. ang ating ipagkakaloob sa kanila.  Kung magkagayon, lubos nating mapadarama na lahat tayo'y may dignidad bilang mga anak ng Diyos.





Sunday, April 01, 2012

Pangmatagalang Tulong


Magkaakibat ang kahirapan at kawalan ng makakain. Kapag kapos ang iyong pananalapi, tiyak na maisasa-isang tabi mo pati ang mga ordinaryong pangangailangan gaya ng pagkain at edukasyon. At kung kapos ka rin naman sa masusustansyang pagkain, magiging balakid ito sa iyong paghahanap-buhay o pag-aaral nang maigi.

Bagama’t magandang halimbawa ng kawanggawa ang pagpapamudmod ng bigas, asukal, de latang karne, atbp. o kaya’y ang pagpapakain sa mga mahihirap, mananatili pa ring problema ang kahirapan at kawalan ng makakain. Matapos na maubos ang bigas at de lata, matapos mabusog ang mga pinakain, babalik silang muli para pumila sa mga nagkakawanggawa.

Mayroong dalawang grupo na may kakaibang istilo ng pagtulong sa mga mahihirap. Sa mga bansang gaya ng Zambia (Africa), kung saan walang malinis at ligtas na tubig, isang bata ang namamatay bawat 20 segundo. Para matugunan ang ganitong suliranin, nangangalap ng pondo ang Catholic Overseas Development Agency(CAFOD), ang opisyal na Catholic aid agency sa England at Wales.

Bukod sa pagkakaroon ng malinis na tubig, hangarin din ng grupong ito ang mabigyan ng karampatang edukasyon at pangangalagang pangkalusugan ang mga mamamayan ng umuunlad na bansa. Tinutulungan din nila ang mga kabalikat nilang grupo sa mga bansang ito na magbalangkas ng mga epektibong programa at serbisyo sa kanilang pamayanan. Gumagawa rin sila ng mga hakbang para siguruhing ipinapatupad ng mga pribadong sektor ang mga makatarungang sistema sa trabaho. Ikinakampanya rin nila sa gobyerno ng UK at sa European Union ang mga programang makakatulong sa mga umuunlad na bansa.

Kahanga-hanga ang naging proyekto nilang ‘Give it Up’ ngayong Kuwaresma kung saan hinikayat nilang magsakripsiyo ang mga tao tulad ng pag-aayuno, pag-iwas sa mga masasarap na inumin, atbp. Anumang makolektang pera sa ganitong mga sakripisyo’y ibibigay sa pagkakaroon ng malinis na tubig.

Sa sarili nating bayan, kilala ang Preda Foundation sa kanilang pagtanggol sa mga kabataan laban sa pang-aabuso, di makatarungang pagkakulong, at eksploytasyon. Subalit abala din sila sa pagtulong sa mga Aeta ng Zambales (kung saan nakabase ang Preda) sa pamamagitan ng pagkakaloob sa kanila ng hanap-buhay. Binibili ng Preda sa presyong makatuwiran ang mga manggang inaani ng mga Aeta sa kagubatan. Inaangkat ito sa mga Fair Trade shops sa Europa.

Kung nag-iisip ka pa ng kakaibang pagtulong sa mahirap, bakit di ka makilahok sa mga grupong gaya ng CAFOD, Preda, o anumang charitable institution na ang pagtulong ay di ‘dole-out’ kundi pangmatagalan?

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP