Powered by Blogger.
Showing posts with label edukasyon. Show all posts
Showing posts with label edukasyon. Show all posts

Friday, March 31, 2017

Karunungan


Kung mayroon mang maipapamana ang sinumang Pilipinong magulang sa kanilang mga anak, ito'y walang iba kundi ang edukasyon. Ayos lang kahit kumayod na parang kalabaw ang mga magulang o magdildil sa asin ang pamilya, basta makapagtapos ang kanilang mga anak sa pag-aaral. Naniniwala tayong edukasyon ang susi sa kaunlaran ng isang indibidwal. At dahil hindi naman tayo "nabubuhay para sa sarili lamang", may kalalagyan din ang lipuna't bansang ating kinabibilangan sa edukasyong ipinamana sa atin.

Maraming kurso na mapagpipilian ang mag-aaral. May mga pumipili ng kursong pinag-aralan ng kanilang mga magulang o kaya'y ang kursong in-demand. Mayroon din namang pinipili ang kursong abot-kaya lamang.

May mga nagsasabing kailangang pasiglahin ang mga kursong pang-agrikultura sa ating bansa dahil marami tayong lupaing pansakahan.  May mga nagsasabing kailangan nating pasiglahin ang mga kurso sa larangan ng agham at teknolohiya kung nais nating matulad sa mga maunlad na karatig-bansa gaya ng Japan. May mga nagsasabing kailangan nating pasiglahin ang kursong pangkalusugan para matugunan ang pangangailangan ng mga bansang may malaking porsyento ng mga matatandang mamamayan. 

Sa ganang amin, ang anumang kurso ay dapat magpasigla sa karunungan ng mag-aaral. Hindi kumpleto ang edukasyon kung katalinuhan lamang sa anumang larangan ang makakamit ng estudyante. Mahalagang gamitin din niya ang katalinuhang ito nang wasto. Mahalagang maging marunong siya.

Sa mga kaganapan sa ating bansa, nakakalungkot isiping tila wala na ang karunungan.   Saan ka nakakita ng isang diktador na inilagak ang mga labi sa Libingan ng mga Bayani? Nasaan ang karunungan ng Pangulo para gawin ang hakbang na ito gayong lantad naman ang mga kasamaan ni Ferdinand Marcos?

Noong unang araw ng Marso, nabalitaan nating inaprubahan na ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pagbabalik ng death penalty. Nasaan ang karunungan ng mga mambabatas nating sang-ayon sa panukalang ito? 

Kamakailan ay inaprubahan ng Mababang Kapulungan ang panukalang batas para ideklarang pista opisyal sa buong bansa ang ika-8 ng Disyembre, ang Kapistahan ng Kalinislinisang Paglilihi kay Maria. Sinasabing si House Majority Leader Rodolfo Farinas ang may-akda ng panukalang batas. Maaalalang si Farinas rin ang isa sa mga mambabatas na nanguna para madaliin ang pag-apruba sa pagbabalik ng death penalty. Bagama't nakakataba ng puso na gawing national holiday ang Kapistahan ng Mahal na Birhen, hindi namin maiwasang mag-usisa: Isa kaya itong hakbang ito para magpabango ang Kongreso matapos talikuran ang pananampalatayang Kristiyano na hindi sumasang-ayon sa parusang kamatayan? Hindi kaya isa kaya isa lamang itong pagpapaimbabaw? Hindi kaya napaghahalata dito ang kanilang kamangmangan?

Ano ang saysay ng katalinuhan kung sa mga pangyayaring ito ay pawang mga makapangyarihan lamang ang makikinabang? Ano ang saysay ng ating mga pinag-aralan kung hindi tao ang turing natin sa iba, lalo na sa mga maralita? Ano ang saysay ng anumang antas na ating nakamit sa pamantasan kung pinangungunahan tayo ng ambisyon at hindi misyon?

Paano nga ba natin makakamit ang karunungan? "Pagmamahal sa Panginoon ay simula ng karunungan", sabi ng isang awitin.  Kung wala tayong pagmamahal sa Panginoon, kung wala tayong takot sa Diyos, kung hindi natin kinikilala ang Kanyang mga aral at hindi sinusunod ang Kanyang kalooban, huwag tayong magtaka kung bakit namumuhay pa rin tayo sa kamangmangan.

Habang papalapit nang papalapit ang mga Mahal na Araw, muli nating hanapin ang Diyos, May puwang pa ba Siya sa buhay natin? Sa buhay ng ating bansa? Kung mayroon, gaano natin Siyang minamahal? 







Saturday, February 01, 2014

Paglahok sa Pulitika


Marumi. Masalimuot. Pangmayaman. Negosyo. Kamakamag-anak.  Ilan lang itong lumalarawan sa pulitika ng ating bansa.  Sariwa pa sa ating alaala ang iskandalong dulot ng mga mambabatas na sangkot sa PDAF gayon din ang di pantay na pagpapamudmod ng tulong sa mga nasalanta ng bagyong Yolanda.  

Madalas, tanggap na nating ganito ang kalagayan ng ating pulitika, na wala na tayong pag-asa pang bumangon, na kahit sino pa ang iluklok sa puwesto ay walang magagawa at kadalasa'y mababahiran pa ng kabulukan ng sistemang pulitikal ng bansa.

Subalit para sa ating mga Kristiyano, hindi ito ang panahon para mawalan tayo ng pag-asa. Hindi ito ang panahon para ipagkibit-balikat na lang natin ang sitwasyon ng ating lipunan. Hindi rin ito ang pagkakataon para ipaubaya na lang natin sa mga may pera, impluwensiya, o kapangyarihan ang pagsasaayos ng sistemang pulitikal.  Sang-ayon nga sa mga obispo ng Pilipinas, may mahalagang papel ang mga layko sa isyung ito.

Sa ganang amin, may apat na paraan kung saan maaaring makilahok ang mga layko:

Edukasyon.  May kapangyarihan tayong bumoto ng ating mga lider.  At dahil ito ay isang kapangyarihang bigay sa atin ng batas, mahalagang hindi natin ito ipagpalit sa kakaunting halaga lamang, sa tamis ng dila ng mga kumakandidato, o sa mga pananakot ng mga halang ang kaluluwa.  Kaya nga't importanteng mabigyan ng wastong edukasyon ang bawat mamamayan lalo na ang mga botante na maging mapanuri, maalam, at magkaroon ng kakayahang tumayo sa sarili nilang paa.

Kamalayang sosyal.  Mahalaga ding magkaroon tayo ng kamalayan sa mga nagaganap sa ating kapaligiran.  Gamitin natin nang wasto ang malayang pagpapahayag upang maging gising tayo sa tunay na nangyayari sa ating bansa, at gisingin din ang mga tulog o nagtutulug-tulugan nating mga kababayan - lider man sila o pangkarinawang mamamayan. At kung gising tayo, hindi tayo madadaig ng mga anumang pambobola't kasinungalingan ng iba.

Katarungan.  Ibigay natin sa iba ang nararapat.  Huwag tayong maging kasangkapan ng korupsyon sa bansa.  Huwag tayong magbigay ng lagay para lang mapabilis ang isang serbisyo publiko. At kung tayo naman ay nasa pamahalaan, huwag tayong tumanggap ng lagay para paburan ang isa laban sa marami pang dapat paglingkuran.  Manatili rin tayong mapagmasid sa anumang anomalyang nagaganap sa pamahalaan at magkaisa para masawata ito.

Pakikiisa sa mga kapus-palad.  Sang-ayon sa CBCP, ang sistemang pulitikal sa ating bansa ang siyang pinakamalaking hadlang sa kaunlaran ng Pilipinas.  Sinabi rin nila na dahil sa pagiging sugapa ng mga nasa puwesto sa kapangyariha't salapi kung kaya patuloy na naghihirap ang maraming Pilipino.  Hindi tayo magiging mga kapanipaniwalang Kristiyano kung wala tayong puso para sa mga naghihirap.  Walang saysay ang ating pinaniniwalaan kung hindi tayo marunong tumayo laban sa pang-aapi't iba pang kasamaang dinaranas ni Mang Juan Pasang Krus.

Kung bibigyang-pansin natin ang apat na paraang ito, makasisiguro tayong magkakaroon ng higit na kakayahan ang mga layko para ilagay sa wasto't nararapat ang pulitika.  Maaaring sabihin ng ilan na isang suntok sa buwan ang pakikilahok ng layko sa magulong mundo ng pulitika.  Sa kanilang mga kasabayan, isang suntok sa buwan ang pagbabatikos ni Juan Bautista sa nangangalunyang Haring Herodes, ang paninindigan ni Thomas More laban sa imoral na Haring Enrique VIII, ang katotohanang isinasabuhay ni Jesus kontra sa mga ipokritong punong pari't matatanda ng bayan.  Gayunpaman, kinilala ng tatlong taong ito na ang ginagawa nila'y trabaho ng Diyos at sila'y pawang kasangkapan lamang.  Kaya nga't nanatili silang tapat hanggang sa huli.  Dumating ang panahong naging bahagi na lamang ng kasaysayan sina Herodes, Enrique VIII, at ang mga punong pari't matatanda ng bayan, subalit ang buhay at halimbawa nina Juan, Thomas, at Jesus ay patuloy pa ring inaalala't tinutularan ng marami.

Importanteng mabanggit na sina Juan, Thomas, at Jesus ay mga layko - si Juan ay isang propeta, si Thomas ay isang opisyal ng pamahalaan, at si Jesus ay isang karpinterong naging guro't manggagamot.  Hindi sila naiiba sa nakararami sa atin. Hindi sila naiiba sa mga kasalukuyang layko.  Sundan natin ang kanilang yapak.  Huwag tayong masiraan ng loob.


Sunday, June 02, 2013

Kalinisan ng Puso, Pagkakaisa, Kapayapaan

 

 
Ilang araw na lang at balik-eskwela na naman ang ating mga mag-aaral.  Sa mga Katolikong paaralan, nakagisnan nang ipagdiwang ang Banal na Misa sa pagbubukas ng panibagong taong akademiko.  Kilala ang Misang ito bilang Misa ng Banal na Espiritu dahil kinikilala't inaanyayahan natin ang Ikatlong Persona ng Banal na Santatlo na samahan ang mga estudyante sa bagong kabanata ng kanilang buhay.  Sa Misang ito, humihingi din ng patnubay ang mga guro't iba pang tauhan ng paaralan upang mahubog nila  nang tama ang mga mag-aaral.  Maaalalang sila ang tumatayong pangalawang magulang ng mga estudyante.
 
Sa Kanyang pagpanaog noong unang Pentekostes, nakita Siya ng Mahal na Birhen at ng mga alagad ni Jesus bilang apoy - apoy na lilinis sa puso't isipan ng mga mag-aaral upang gamitin nila ang kanilang kaalaman sa wasto at nararapat lamang.
 
Noong unang Pentekostes, nasaksihan ng mga tao mula sa iba't ibang bansa na nangaral ang mga alagad sa kani-kanilang mga wika.  Dulot ng Banal na Espiritu ang pagkakaisa ng lahat - pagkakaisang dapat ipalaganap ng mga paaralan upang - sang-ayon na rin sa  pangkalahatang intensyon ng Banal na Papa ngayong Hunyo - manaig ang kultura ng diyalogo, pakikinig, at paggalang sa bawat tao.  Sa panahon ngayon, tila di na uso ang kompetisyon sa pagitan ng mga paaralan.  Para lalong mapaigting ang edukasyon, mahalagang magkaroon ng pagtutulungan ang mga pinuno ng mga paaralan, mga guro, atbp.
 
Tanyag ang kalapating puti bilang sagisag ng Banal na Espiritu dahil kapayapaan ang kaloob Niya.  Kapayapaang dapat isulong ng mga edukador at dapat isapuso ng bawat estudyante sa kanilang araw-araw na pamumuhay.
 
Kung magkakaroon ng malinis na puso't isipan ang mga mag-aaral; kung magiging daan sila ng pagkakaisa ng mga tao mula sa iba't ibang kultura, bansa't pananampalataya; kung magiging mga instrumento sila ng kapayapaan, makakatiyak tayong magbubunga ang mga sakripisyo ng mga magulang para sa kanilang mga anak.  Makakatiyak tayong matutupad ng edukasyon ang kanyang misyon.  Higit sa lahat, makakatiyak tayong madarama ang pagkilos ng Banal na Espiritu upang papanibaguhin ang mundo!



Friday, June 01, 2012

Tungkulin Nating Lahat

 
Sa pagkakatanggal sa puwesto ni Renato Corona bilang Punong Mahistrado ng Korte Suprema, hindi maiiwasang itanong ng ilan nating kababayan:  Saan ba iyan nag-aral? Ganyan ba ang itinuro sa kanya sa paaaralan? Hindi ba’t ganitong uri din ng pag-uusisa ang ating nabibigkas kapag nakakita tayo ng batang nakagawa ng mali?


Madalas, ang paaralan ang pinupuri kapag nagkamit ng karangalan ang isa nitong produkto. Sa kasamaang-palad, ito rin ang napagbubuntunan ng sisi sa mga tiwali nitong estudyante. Subalit, hindi lamang sa paaralan dapat iatang ang responsibilidad na hubugin nang tama ang isang tao. Isa itong tungkuling ginagampanan ng pamilya (lalo na ng mga magulang), Simbahan, pamahalaan, at iba pang sangay ng lipunan.

Kung noong unang panahon, nakatutok lamang mga estudyante sa eskwela, simbahan, at tahanan, ibang-iba na ngayon. Sa pagsulong ng teknolohiya at media, tila lalong nahahati ang atensyon ng mga estudyante. Misan pa nga, ito pa ang sisira sa kanilang pag-aaral. Dagdagan pa ng mga eskandalong dulot ng mga taong dapat magsilbing mabuting halimbawa sa kanila.

Kung sisisihin natin ang paaralan sa kapalpakan ng mga estudyante, para na rin nating sinisi si Jesus sa kabulukan ni Judas o ang puno sa maasim nitong bunga. May kinalaman ang bawat isa sa atin sa tagumpay o kasalanan ng ating kapwa. Tanungin natin ang ating mga sarili: Kailan natin huling pinuri ang magandang ginawa ng ating mga anak? Kinunsite ba natin ang mga maliliit ngunit mali nilang gawi gaya ng pangungupit o pagkahiya sa pagsabi ng totoo? Sinabihan ba natin si Mamang tsuper ng jeep kung mali ang isinukli niya – sobra man ito o mali? Pawang tamang pag-uugali ba nakita ng mga bata sa ating pamumuhay?

Sa pagbubukas ng ating mga paaralan ngayong Hunyo, humingi tayo sa Banal na Espiritu ng liwanag, sigasig, at katapangan upang sama-sama nating hubugin ang mg

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP