Ilang araw na lang at balik-eskwela na naman ang ating mga mag-aaral. Sa mga Katolikong paaralan, nakagisnan nang ipagdiwang ang Banal na Misa sa pagbubukas ng panibagong taong akademiko. Kilala ang Misang ito bilang Misa ng Banal na Espiritu dahil kinikilala't inaanyayahan natin ang Ikatlong Persona ng Banal na Santatlo na samahan ang mga estudyante sa bagong kabanata ng kanilang buhay. Sa Misang ito, humihingi din ng patnubay ang mga guro't iba pang tauhan ng paaralan upang mahubog nila nang tama ang mga mag-aaral. Maaalalang sila ang tumatayong pangalawang magulang ng mga estudyante.
Sa Kanyang pagpanaog noong unang Pentekostes, nakita Siya ng Mahal na Birhen at ng mga alagad ni Jesus bilang apoy - apoy na lilinis sa puso't isipan ng mga mag-aaral upang gamitin nila ang kanilang kaalaman sa wasto at nararapat lamang.
Noong unang Pentekostes, nasaksihan ng mga tao mula sa iba't ibang bansa na nangaral ang mga alagad sa kani-kanilang mga wika. Dulot ng Banal na Espiritu ang pagkakaisa ng lahat - pagkakaisang dapat ipalaganap ng mga paaralan upang - sang-ayon na rin sa pangkalahatang intensyon ng Banal na Papa ngayong Hunyo - manaig ang kultura ng diyalogo, pakikinig, at paggalang sa bawat tao. Sa panahon ngayon, tila di na uso ang kompetisyon sa pagitan ng mga paaralan. Para lalong mapaigting ang edukasyon, mahalagang magkaroon ng pagtutulungan ang mga pinuno ng mga paaralan, mga guro, atbp.
Tanyag ang kalapating puti bilang sagisag ng Banal na Espiritu dahil kapayapaan ang kaloob Niya. Kapayapaang dapat isulong ng mga edukador at dapat isapuso ng bawat estudyante sa kanilang araw-araw na pamumuhay.
Kung magkakaroon ng malinis na puso't isipan ang mga mag-aaral; kung magiging daan sila ng pagkakaisa ng mga tao mula sa iba't ibang kultura, bansa't pananampalataya; kung magiging mga instrumento sila ng kapayapaan, makakatiyak tayong magbubunga ang mga sakripisyo ng mga magulang para sa kanilang mga anak. Makakatiyak tayong matutupad ng edukasyon ang kanyang misyon. Higit sa lahat, makakatiyak tayong madarama ang pagkilos ng Banal na Espiritu upang papanibaguhin ang mundo!

No comments:
Post a Comment