Minsan sinabi ni John Steinbeck, isang kilalang Amerikanong manunulat, "One can find so many pains when the rain is falling." Sa ating bansa, damang-dama ang mga pasakit dulot ng tag-ulan.
Hindi na bago sa atin ang mga eksena gaya ng buhul-buhol na trapik, paglubog ng mga lansangan, pagkasira ng mga pananim, pagkawala ng kuryente, atbp. kapag may bagyo. Sinasabing di natin makokontrol ang kalikasan; subalit maaari nating maiwasan o kaya'y mabawasan ang masamang epekto nito.
May tatlong susi dito.
Una, ang PAGASA (Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration). Sa kasamaang-palad, tampulan na ng batikos ang PAGASA dahil sa kawalan nito ng kakayahan na magbigay ng tamang lagay ng panahon. Maaalalang sinibak ni P-Noy sa puwesto ang dating pinuno ng ahensyang ito. Pawang nagbitiw din sa puwesto ang 2 humalili sa dating pinuno. Sinasabing nag-aalisan ang mga kawani nito para makahanap ng mas mabuting trabaho sa ibang bansa. Kung susuriin, nangangailangan ng mas modernong mga kagamitan ang PAGASA para magampanan nito ang kanyang tungkulin sa bansa.
Hangga't di natutugunan ng pamahalaan ang mas malalim na problemang ito ng PAGASA, mawawalan ng saysay ang anumang pagsibak sa puwesto. Makatitiyak din tayo sa mga bagyong di natin inaasahan. Kung ibinabandera ng pamahalaan ang daang matuwid, kailangang iprayoridad nito ang pagpapaunlad sa PAGASA.
Pangalawa, ang tama at maayos na pangangasiwa ng Kamaynilaan. Sang-ayon kay Architect Felino Palafox Jr nagkaroon ng atake sa puso ang Kamaynilaan noong lumubog ito sa baha ilang taon na ang nakakalipas.
Ilang lamang ito sa mga panukalang hakbang na naiisip namin para maiwasan ang mga pasakit ng bagyo:
1. pagpapaalis sa mga iskwater na nakatira sa mga estero at paglipat sa kanila sa mas ligtas na mga lugar;
2. pagkakaroon ng mas malusog na pagpaplano ng istruktura ng Kamaynilaan - huwag lang basta-basta magbibigay ng building permit;
3. pagkakaroon ng tamang sistema ng pagtatapon ng basura;
4. pagpapatupad ang total log ban;
5. masusing koordinasyon sa pagitan ng iba't ibang ahensya ng pamahalaan (PAGASA, DPWH, MMDA, atbp.) - Tama na ang sisiha't turuan;
6. pagsupil sa katiwalian;
6. pananagot sa batas ng mga napatunayang lumabag dito.
Pangatlo, ang ating mga sarili. Alam naman nating kung walang puno sa mga bundok ay walang ding sisipsip ng tubig-ulan, pero bakit walang habas pa rin ang ating pagputol ng mga puno? Alam naman nating magbabara sa mga kanal ang plastik ng kendi o upos ng sigarilyo, pero bakit sige pa rin ang pagtapon natin dito? Alam naman nating may responsibilidad tayo sa ang ating mga alagang aso, pero bakit hinahayaan nating dumumi sila sa kalsada? Alam naman nating makakasagabal sa lansangan ang mga luma't di na natin kailangang mga gamit, pero bakit tuloy pa rin ang ating pagtatambak dito?
Marami nang dumaang bagyo sa ating bansa. Marami nang ulit tayong nasaktan nito.Matuto na tayo!

1 comment:
Good pointers, sir, totally agree with you! Unfortunately, politicians will seize any predicament, problem, calamity, illnesses and other suffering of the people during monsoon to elevate their career. Long-term fixes to alleviate the woeful conditions of the people will cause them to lose a platform to promote their agenda.
Post a Comment