Powered by Blogger.
Showing posts with label Jun Palafox. Show all posts
Showing posts with label Jun Palafox. Show all posts

Monday, July 01, 2013

Tatlong Susi


Minsan sinabi ni John Steinbeck, isang kilalang Amerikanong manunulat, "One can find so many pains when the rain is falling."  Sa ating bansa, damang-dama ang mga pasakit dulot ng tag-ulan. 

Hindi na bago sa atin ang mga eksena gaya ng buhul-buhol na trapik, paglubog ng mga lansangan, pagkasira ng mga pananim, pagkawala ng kuryente, atbp. kapag may bagyo.  Sinasabing di natin makokontrol ang kalikasan; subalit maaari nating maiwasan o kaya'y mabawasan ang masamang epekto nito.

May tatlong susi dito.

Una, ang PAGASA (Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration). Sa kasamaang-palad, tampulan na ng batikos ang PAGASA dahil sa kawalan nito ng kakayahan na magbigay ng tamang lagay ng panahon.  Maaalalang sinibak ni P-Noy sa puwesto ang dating pinuno ng ahensyang ito.  Pawang nagbitiw din sa puwesto ang 2 humalili sa dating pinuno.  Sinasabing nag-aalisan ang mga kawani nito para makahanap ng mas mabuting trabaho sa ibang bansa. Kung susuriin, nangangailangan ng mas modernong mga kagamitan ang PAGASA para magampanan nito ang kanyang tungkulin sa bansa. 

Hangga't di natutugunan ng pamahalaan ang mas malalim na problemang ito ng PAGASA, mawawalan ng saysay ang anumang pagsibak sa puwesto.  Makatitiyak din tayo sa mga bagyong di natin inaasahan.  Kung ibinabandera ng pamahalaan ang daang matuwid, kailangang iprayoridad nito ang pagpapaunlad sa PAGASA.  

Pangalawa, ang tama at maayos na pangangasiwa ng Kamaynilaan.  Sang-ayon kay Architect Felino Palafox Jr nagkaroon ng atake sa puso ang Kamaynilaan noong lumubog ito sa baha ilang taon na ang nakakalipas. 

 
Ilang lamang ito sa mga panukalang hakbang na naiisip namin para maiwasan ang mga pasakit ng bagyo:

1. pagpapaalis sa mga iskwater na nakatira sa mga estero at paglipat sa kanila sa mas ligtas na mga lugar;

2. pagkakaroon ng mas malusog na pagpaplano ng istruktura ng Kamaynilaan - huwag lang basta-basta magbibigay ng building permit;

3. pagkakaroon ng tamang sistema ng pagtatapon ng basura;

4. pagpapatupad ang total log ban;

5. masusing koordinasyon sa pagitan ng iba't ibang ahensya ng pamahalaan (PAGASA, DPWH, MMDA, atbp.) - Tama na ang sisiha't turuan;

6. pagsupil sa katiwalian;

6. pananagot sa batas ng mga napatunayang lumabag dito.

Pangatlo, ang ating mga sarili.   Alam naman nating kung walang puno sa mga bundok ay walang ding sisipsip ng tubig-ulan, pero bakit walang habas pa rin ang ating pagputol ng mga puno? Alam naman nating magbabara sa mga kanal ang plastik ng kendi o upos ng sigarilyo, pero bakit sige pa rin ang pagtapon natin dito?  Alam naman nating may responsibilidad tayo sa ang ating mga alagang aso, pero bakit hinahayaan nating dumumi sila sa kalsada? Alam naman nating makakasagabal sa lansangan ang mga luma't di na natin kailangang mga gamit, pero bakit tuloy pa rin ang ating pagtatambak dito?

Marami nang dumaang bagyo sa ating bansa. Marami nang ulit tayong nasaktan nito.Matuto na tayo!

 




Sunday, October 04, 2009

Gawa ng Tao

"Hindi Act of God, kundi Act of man." Iyan ang pananaw ng batikang arkitekto na si Jun Palafox tungkol sa pananalanta ng bagyong Ondoy sa Kamaynilaan lalo na sa mga probinsya ng Rizal: Marikina, Taguig, San Mateo, Pasig, at Cainta. Sang-ayon kay Palafox nagkaroon ng atake sa puso ang Kamaynilaan nang bumuhos ang mga ulan at umapaw ang mga dapat sana'y pagdaluyan ng tubig papuntang Laguna de Bay at Manila Bay. Hindi maipagkakaila na pawang bumabaw na ang mga daluyang ito dala na rin ng mga basurang itinatapon dito at ang pagdagsa't pagtira ng mga squatter sa pampang ng mga daluyan.

Nakakapagtaka na sa kabila ng mga pag-aaral at rekomendasyon ni Palafox at kanyang mga kasama hinggil sa pagkontrol ng pagbaha sa Kamaynilaan, nauwi lang ang lahat ng ito sa wala. At ngayon heto ang kinalalagyan ng mga kababayan nating nakatira sa Rizal.

Marami nang beses na nasasalanta ang bansa ng mga bagyo lalo na sa mga huling buwan ng taon. Marami na ring beses na nananawagan tayong pangalagaan at ipagtanggol ang ating mga kagubatan dahil kapag wala ng punong sisipsip sa mga tubig-ulan, asahan nating tayong mga nasa kapatagan ang magdurusa. Paulit-ulit na lang ang mga kaganapang ito subalit di pa rin tayo natuto.

Nasayang ang mga rekomendasyon nina Palafox dahil sa maling pulitika. Nawalan ito ng saysay dahil nagpapogi lang ang ating mga pinuno. Nabinbin ang dapat sana'y pagpapaunlad pa sa malaking bahagi ng bansa dahil hindi nagmalasakit ang ating mga lider.

Sa ganang amin, nananawagan kami sa mga kabataan na lalo pang maging mapanuri't mapagmatyag. Suriin ninyong maigi ang mga kakandidato - karamihan sa kanila ngayo'y abalang-abala na sa pagtulong sa mga nasalanta. May pahalaga ba sila sa kalikasan? Mas matimbang ba sa kanila ang pangmatagalang kaunlaran ng kanilang nasasakupan kaysa mga 'quick fix' na solusyon sa mga problema gaya ng pagbaha, pagtapon ng basura, atbp? Kaya ba nilang makinig sa mga rekomendasyon galing sa mga intelihenteng tao gaya ng mga nasa education, science and technology, at research at di basta-basta sasama sa daloy ng maruming pulitika?

Ang pagsalanata ni Ondoy ay may aral na nais ipabatid sa atin, isang aral na di natin dapat kalimutan, isang aral na dapat nating dalhin hanggang sa pagsulat sa ating mga balota sa Mayo 2010.

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP