Powered by Blogger.
Showing posts with label Manila Bay. Show all posts
Showing posts with label Manila Bay. Show all posts

Sunday, October 04, 2009

Gawa ng Tao

"Hindi Act of God, kundi Act of man." Iyan ang pananaw ng batikang arkitekto na si Jun Palafox tungkol sa pananalanta ng bagyong Ondoy sa Kamaynilaan lalo na sa mga probinsya ng Rizal: Marikina, Taguig, San Mateo, Pasig, at Cainta. Sang-ayon kay Palafox nagkaroon ng atake sa puso ang Kamaynilaan nang bumuhos ang mga ulan at umapaw ang mga dapat sana'y pagdaluyan ng tubig papuntang Laguna de Bay at Manila Bay. Hindi maipagkakaila na pawang bumabaw na ang mga daluyang ito dala na rin ng mga basurang itinatapon dito at ang pagdagsa't pagtira ng mga squatter sa pampang ng mga daluyan.

Nakakapagtaka na sa kabila ng mga pag-aaral at rekomendasyon ni Palafox at kanyang mga kasama hinggil sa pagkontrol ng pagbaha sa Kamaynilaan, nauwi lang ang lahat ng ito sa wala. At ngayon heto ang kinalalagyan ng mga kababayan nating nakatira sa Rizal.

Marami nang beses na nasasalanta ang bansa ng mga bagyo lalo na sa mga huling buwan ng taon. Marami na ring beses na nananawagan tayong pangalagaan at ipagtanggol ang ating mga kagubatan dahil kapag wala ng punong sisipsip sa mga tubig-ulan, asahan nating tayong mga nasa kapatagan ang magdurusa. Paulit-ulit na lang ang mga kaganapang ito subalit di pa rin tayo natuto.

Nasayang ang mga rekomendasyon nina Palafox dahil sa maling pulitika. Nawalan ito ng saysay dahil nagpapogi lang ang ating mga pinuno. Nabinbin ang dapat sana'y pagpapaunlad pa sa malaking bahagi ng bansa dahil hindi nagmalasakit ang ating mga lider.

Sa ganang amin, nananawagan kami sa mga kabataan na lalo pang maging mapanuri't mapagmatyag. Suriin ninyong maigi ang mga kakandidato - karamihan sa kanila ngayo'y abalang-abala na sa pagtulong sa mga nasalanta. May pahalaga ba sila sa kalikasan? Mas matimbang ba sa kanila ang pangmatagalang kaunlaran ng kanilang nasasakupan kaysa mga 'quick fix' na solusyon sa mga problema gaya ng pagbaha, pagtapon ng basura, atbp? Kaya ba nilang makinig sa mga rekomendasyon galing sa mga intelihenteng tao gaya ng mga nasa education, science and technology, at research at di basta-basta sasama sa daloy ng maruming pulitika?

Ang pagsalanata ni Ondoy ay may aral na nais ipabatid sa atin, isang aral na di natin dapat kalimutan, isang aral na dapat nating dalhin hanggang sa pagsulat sa ating mga balota sa Mayo 2010.

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP