Sa Banal na Kasulatan, matutunghayan natin kung paano tumalima si Maria sa kalooban ng Diyos. Sa paghirang sa kanya na maging ina ng Mesiyas hanggang sa paghirang sa kanya na maging ina ng lahat ng tagasunod ni Kristo, tanging oo lamang ang kanyang sagot. Ano ang sikreto ni Maria?
Isang napakagandang dibuho ni Sandro Botticelli ang "Madonna of the Book". Sa dibuhong ito, ang Mahal na Birheng Maria ay abala sa pagbabasa ng isang aklat, ang Book of Hours, isang debosyonal na aklat ng mga Kristiyano na naging tanyag noong Middle Ages. Binubuo ang Book of Hours ng mga salmo, imno, at mga pagbasa mula sa Bibliya. Bagama't wala pang nalalathalang Book of Hours noong panahon ng Mahal na Birhen, ipinahihiwatig ng larawang ito ang pagiging bukas ni Maria sa Salita ng Diyos. Kapuna-puna rin ang matamis na pagtingin sa kanya ng sanggol na si Jesus, paalala ng pangako ng Panginoon ng pagmamahal ng Ama at pananahan nila ng Ama sa sinumang tutupad sa Kanyang mga itinuro (Juan 14:23).
Mahalaga sa ating pananampalataya ang Banal na Kasulatan. Hindi kumpleto ang anumang pagdiriwang ng Simbahan na walang pagbasa at pagninilay sa Salita ng Diyos. At bago natin makaligtaan, sa Misa mayroon tayong Liturhiya ng Salita ng Diyos bago ang Liturhiya ng Eukaristiya. Hinihikayat din tayo na magbasa ng Bibliya kasama ang iba pang mananampalataya o nag-iisa. Sang-ayon kay Pope Francis, kailangan nating pakinggan tuwina ang Salita ng Diyos para mabago natin ang throw away culture, ang isang lipunang pilit na ihinihiwalay ang pananampalataya sa ating pamumuhay, ang isang lipunang mas pinahahalagahan ang kayamanan at kasiyahan kaysa sa paglilingkod at pagpapahalaga sa kapwa lalo ng mga dukha.
Sa ating pamimintuho sa Mahal na Birhen ngayong Mayo, hilingin natin ang kanyang makapangyarihang pamamagitan nang mataglay din natin si Jesus at maging malakas ang loob na ipahayag Siya sinumang walang kaugnayan ang relihiyon sa kanilang pamumuhay.
No comments:
Post a Comment