Powered by Blogger.
Showing posts with label Diyos. Show all posts
Showing posts with label Diyos. Show all posts

Friday, June 16, 2017

Tagapagbigay-buhay



Kung mayroon mang salitang nakaugnay sa mga ama, ito ay walang iba kung hindi ang salitang buhay. Nakagisnan na ng lipunan na ang ama ang naghahanap-buhay para maitaguyod niya ang kanyang pamilya. Sa pagbabanat ng buto ng mga ama, makatitiyak na may panustos sa anumang gastusin, may pangmatrikula ang mga anak, at may pagkain sa hapag.

Bahagi ng paniniwala natin na ang tungkulin ng ama na magbigay-buhay sa kanyang pamilya ay sumasalamin sa papel ng Diyos bilang Amang bukal ng Buhay. Sa pagsugo Niya sa Kanyang Bugtong na Anak, nagkaroon ng pag-asa ang sinumang maniniwala kay Jesus na magkaroon ng buhay, buhay na walang hanggan.

Sa Kanyang pagkakatawang-tao at pagiging bahagi ng pamilya nina Jose at Maria, nakita at naranasan ni Jesus kung paano Siya binuhay ni Jose. Tiyak na nasaksihan niya ang pagtatrabaho ni Jose, ang mga hirap na dinanas nito sa paghahanap-buhay, ang mga pag-uusap nina Jose at Maria kung paano pagkakasyahin ang kinita ni Jose, ang pamimili at paghahain ng masarap na pagkain ni Maria sa hapag para kanilang pagsaluhan. 

Sa mga halimbawang ito, nabuo sa isip ng batang si Jesus ang mga aral na Kanyang gagamitin nang simulan na Niya ang Kanyang pagpapahayag sa madla. Hindi katakataka na ipakilala Niya ang Kanyang sarili bilang Tinapay na nagbibigay-buhay! 

Sa ating pagdiriwang ng Kapistahan ng Banal na Katawan at Dugo ni Kristo at Araw ng mga Ama sa ika-18 ng Hunyo, magpasalamat tayo sa Ama dahil ibinigay Niya sa atin si Jesus bilang pagkaing kailangan natin patungo sa Kanya. Magpasalamat din tayo sa mga amang naglaan ng kanilang buhay upang tayo ay mabuhay. Ipanalangin din natin na manatili silang tapat sa kanilang bokasyon na maitaguyod ang kanilang pamilya bilang mga kalugud-lugod na kasapi ng sambayanan.

Saturday, July 09, 2016

Paggalang sa Buhay at Pagpapari



Ipinahayag ng National Bureau of Investigation (NBI) na hindi nagpatiwakal, kundi pinaslang si Fr. Marcelino "Mar" Biliran, Kura-Paroko ng St. Peter the Apostle Parish sa Loboc, Bohol. Inakala ng nakakarami, kasama na ang ating web, na nagpatiwakal si Fr. Mar.  Sa kasamaang-palad, may ilang tao na humusga sa yumaong pari. 

Ano kaya ang naging motibo sa pagpaslang kay Fr. Mar? Sa pagbibigay-linaw na hindi siya nagpakamatay kundi pinatay, ito ang isa sa mga unang maitatanong natin. Pangalawa ang kung sino ang pumaslang. 

Hindi ito ang unang pagkakataong makabalita tayo ng paring pinaslang. Nandiyan ang balitang panloloob at pagpatay kina Bishop Hernando Antiporda at Fr. Raymundo Costales sa kumbento ng Quiapo Church noong 1975.  Gayon din ang sinapit ni Fr. Loreto Palafox sa kanyang silid sa Capitol Medical Center noong 1999 at ni Fr. Albert Tanghal habang nagbabakasyon sa Pilipinas noong 2003. Idagdag pa natin dito ang maraming halimbawa ng mga paring pinaslang dahil sa kanilang ipinaglalabang prinsipyo. 

Nakakaalarma ang ganitong mga pangyayari sa dalawang dahilan. Una, ang kahalagahan ng buhay. Bilang mga Kristiyano, bahagi ng ating pananampalataya ang pangalagaan ang buhay. Tanging sa Diyos lamang ang kapangyarihan para ipagkaloob at bawiin ito. 

Pangalawang dahilan ang biyaya ng pagpapari. Sa kagandahang-loob ni Jesus, hinirang Niya ang ilang kalalakihan para ipagpatuloy ang Kanyang misyon na ipangaral ang Mabuting Balita at pangunahan ang pagdiriwang ng mga sakramento. Sa pagtupad sa kanyang ministeryo, kumikilos ang pari sa ngalan ni Kristo.  

Sa pagpaslang sa mga tulad ni Fr. Mar, ipinapahiwatig lang sa atin ang kawalan ng paggalang sa buhay at sa tungkulin ng pagiging pari.  Sa mga karahasang ito, kitang-kita natin ang paglapastangan sa Diyos mismo na Siyang may-akda ng buhay at ng pagpapari. Totoo na may mga paring hindi naging tapat sa kanilang bokasyon, subalit ang isyung iyan ay sagutin na nila sa Panginoon at sa sambayanan.

Nakikiisa kami sa mga kamag-anak, kapwa-pari, at mananampalatayang pinaglingkuran ni Fr. Mar sa panawagang bigyan ng katarungan ang karumaldumal na pagpaslang sa kanya,  at sa iba pang mga paring naging biktima ng ganitong krimen.





Friday, July 01, 2016

Tanging Diyos Lamang

 
Nagdulot ng matinding lumbay sa mga mananampalataya ng St. Peter the Apostle Parish ng Loboc, Bohol ang pagyao ng kanilang Kura-Paroko na si Fr. Marcelino Biliran noong Lunes. Natagpuan ang pari na nakabigti sa kanyang banyo.  Sang-ayon sa pulisya, nagpakamatay ang pari. 
 
Nakakabigla ang balitang ito dahil isang mabigat na kasalanan ang pagpapakamatay. Sang-ayon sa turo ng ating Simbahan, Diyos lamang ang Panginoon ng buhay at tayo ay katiwala lamang nito (Catechism of the Catholic Church, CCC # 2280).
 
Noong unang panahon, hindi ipinapasok sa simbahan ang labi ng sinumang nagpakamatay sa kadahilanang gumawa ng kasalanang mortal ang yumao. Subalit nagbago ng posisyon ang Simbahan tungkol dito dahil kailangang isaalangalang ang mental na kalagayan ng nagpatiwakal. Kaakibat ng lumbay na dinaranas ng mga taga-Loboc ang pagtataka kung bakit nagpatiwakal ang isang pari.  Sang-ayon sa isang kamag-anak, natagpuang may colon cancer si Fr. Biliran noong nakaraang taon at magbuhat noon ay dumanas na ng depresyon.  Hindi kaya ang mga sakit na ito ang nag-udyok sa pari para bawiin ang kanyang buhay? Hindi kaya ang mga sakit na ito ang nagpahina sa kalooban ng pari para magbigti? Hindi na natin ito malalaman.
 
Bagama't masasabing masama ang kumitil ng buhay, tanging ang Panginoon lamang ang nakakaalam ng puno't dulo kung bakit nagawa ito ng isang tao, pari man siya o layko. Imbis na husgahan si Fr. Biliran - isang pari sa loob ng 25 taon - unawain natin na tao rin siyang nagkamali at naging mahina. Ipagkatiwala na lang natin ang kanyang kaluluwa sa Amang May-Likha, puno ng pag-asa sa kaligtasan mula sa kasalanan. Ipanalangin din natin ang mga kamag-anak ni Fr. Biliran gayon din ang mga taga-Loboc at iba pang parokyang pinaglingkuran niya na hilumin nawa ni Kristo ang sugat na dulot ng trahedyang ito. At dahil Taon ng Awa ngayon, maging sensitibo tayo sa pangangailangan at kalagayan ng ating kapwa, lalo na ng ating pamilya.  Anumang magandang salita o gawa ay magsisilbing inspirasyon para lalo silang magtiwala sa Amang puno ng awa sa lahat.
 
 
 
 

Monday, March 07, 2016

Ulirang Manggagawa ng Awa

 
 
Ika-19 ng Marso, Kapistahan ni San Jose. Sa Baccalaureate Mass ng mga magsisipagtapos sa kursong Narsing, imbis na ipahayag ang ebanghelyo tungkol sa panaginip ni San Jose (Mateo 1:16, 18-21, 24a) - ang Ebanghelyo para sa araw na iyon - binasa ng pari ang ebanghelyo tungkol sa Huling Paghuhusga ni Kristo (Mateo 25:31-46).  Sa kanyang homiliya, ipinaliwanag niya ang kahalagahan ng Narsing sa samu't saring anyo ng pagdurusa sa mundo. Hinamon din niya ang mga magsisipagtapos na gamitin ang kaalamang natutuhan nila sa kolehiyo upang bigyang-lunas ang mga nagdurusa, ang mga "maliliit na kapatid" ni Kristo.
 
Sa ganang amin, hindi nawalan ng papel si San Jose sa paggamit ng pari ng ibang ebanghelyo sa dakilang kapistahan. Lalo pa ngang nabigyan ng halaga ang papel ni San Jose! 
 
Balikan natin ang ebanghelyong ito. Sa unang bahagi, (Mateo 25:35-40), mapapansing isa-isang binanggit ng hari ang mga kabutihang ginawa ng mga nasa kanan niya: pagpapakain nang siya'y nagutom, pagpapainom nang siya'y nauhaw, pagpapatuloy nang siya'y naging isang dayuhan, pagpaparamit nang siya'y hubad, pagdalaw nang siya'y nagkasakit o nabilanggo.
 
Lahat ng mga kabutihang ito, mas kilala bilang mga gawa ng awa o works of mercy, ay isinagawa ni San Jose nang tumayo siyang ama ni Kristo sa lupa. Bagama't Diyos, nagpakumbaba ang ating Panginoon at naging isang tao.  Sa Kanyang pagpapakumbaba, nagpasakop Siya sa pangangalaga ni San Jose. Bilang isang ama tinanggap, pinakain, pinainom, binihisan, at inaruga ni San Jose ang kanyang mag-ina. Sa ipinakitang habag ni San Jose kay Jesus, hindi katakatakang lumaki ang Panginoon bilang isang mahabaging karpintero, guro, manggagamot, at tagapangaral. 
 
Sinasabing "Charity begins at home". Nais naming idagdag: "Mercy begins at home". Dahil sa awa sa mga anak o asawang nangangailangan o nagkakasala, patuloy na nagmamahal ang magulang o asawa.  Iugnay natin ito sa pakikitungo sa ating ng Diyos: dahil sa Kanyang awa sa ating kalagayan, minamahal Niya tayo nang higit pa sa ating inaakala.
 
Kung may mairerekomenda kaming ulirang manggagawa ng awa, ito'y walang iba kung hindi si San Jose.  Anuman ang ating kalagayan sa buhay, may makikita tayong kapareho sa naging buhay at bokasyon ng butihing Anluwage ng Nazaret. Sa kanyang simple at tapat na pamumuhay, nagpakitang-awa siya kay Jesus, "ang mukha ng awa ng Ama" (Misericordiae Vultus). Sa pamamagitan ni San Jose, maging mahabagin din nawa tayo kagaya ng Ama.

Wednesday, June 03, 2015

Personal na Pakikipagkita


Sa Katesismo ng Simbahang Katolika, sinasabing nilikha tayo ng Diyos upang makilala, mahalin, at maglingkod sa Kanya. Imposible para sa ating mga tao ang magmahal at maglingkod sa sinuman - Diyos man o tao - nang hindi muna natin sila nakikilala. At ang pagkilalang ito ay nagsisimula sa pamamagitan ng pakikipagkita.

Sa kasaysayan ng mga alagad ng Panginoon, naging masusi ang kanilang pakikipagkita sa Panginoon.  Makulay, halimbawa, ang pakikipagkita ni Pedro kay Kristo. Sang-ayon sa Ebanghelyo ni San Lukas (5:3-9), matapos sumakay sa bangka ni Pedro, inutusan siya ni Kristo na mangisda. Nang mapagmasdan ni Pedro kung gaano karami ang kanilang nahuling isda, kinilala niya si Kristo bilang Panginoon. Kinilala din niya na hindi siya karapat-dapat sa Panginoon dahil sa kanyang mga kasalanan. 

Subalit, hindi pinansin ni Jesus ang pagiging hindi karapat-dapat ng mangingisda; hinirang pa Niya itong maging alagad Niya! Sang-ayon nga kay Pope Francis, hindi ang mga karapat-dapat ang hinihirang ng Diyos; pinapaging-dapat niya ang Kanyang mga hinihirang. Mayroon pang ibang mga alagad kagaya nina Mateo at Pablo na nabago ang takbo ang buhay dulot ng pakikipagkita nila kay Jesus. Mula sa kanilang pakikipagkita, umusbong ang kanilang pag-ibig sa Panginoon sa siya namang nagbigay-sigla sa kanilang maglingkod sa Kanya hanggang sa huling patak ng kanilang dugo.

Hindi man natin nakita ang Panginoon, mahalagang magkaroon din tayo ng personal na pakikipagkita sa Kanya - sa Misa, sa ating mga debosyon, sa ating pakikisalamuha sa iba lalo na sa mga dukha. 

Mapalad ang Pilipinas dahil malaya tayong makakapagpahayag ng ating pananampalataya. Puno ang mga simbahan sa mga Misang ipinagdiriwang oras-oras tuwing Linggo. Subalit dumaranas ang Simbahan ng kakulangan sa mga pari at relihiyoso. Sa Archdiocese of Manila naglilingkod ang isang pari sa 20,000 mananampalataya.

Sa ganang amin, isang hamon sa mga magulang, lider-Simbahan, at iba pang nakatatanda na hubugin ang mga kabataan sa pananampalatayang Kristiyano dahil kung ipagwawalang-bahala ito, paano pa makikilala ng mga kabataan ang Panginoon? Paano pa nila Siya matututuhang ibigin? Paano pa nila Siya mapaglilingkuran? Sino pa ang pupuno sa kakulangan sa pagpapari at buhay-relihiyoso?

Ipanalangin natin na sa kabila ng samu't saring pinagkakaabalahan ng mga kabataan - mabuti man ito o masama - magkaroon ng malaking puwang si Jesus sa kanilang puso. Nang sa gayon, makapagdesisyon sila nang bukal sa kalooban: "Oo, magpapari ako. Oo, magmamadre ako. Para kay Kristo!". 









Monday, September 01, 2014

Tamang Pakikisama


Kilala tayong mga Pinoy sa ating pakikisama. Marunong tayong makibagay kahit kanino kung kaya't di mahirap sa ating magkaroon ng mga kaibigan.  At kapag marami tayong kaibigan, mas marami tayong maaasahan lalo na sa oras ng pangangailangan.

Nagpakita ng magandang halimbawa ng pakikisama sa bansa kung saan sila naglingkod ang unang dalawang santong Pilipino. Sa bansang Hapon, tinulungan ni San Lorenzo Ruiz ang mga paring Dominiko sa kanilang pagpapalaganap ng Mabuting Balita ni Jesus. Sa Guam naman nagsilbi si San Pedro Calungsod bilang sakristan at katekista, kaagapay ni Padre Diego Luis De San Vitores. Sa kanilang pagsisilbi, humarap sila sa matinding pagsubok. Kay Lorenzo, inalok siya ng kalayaan, talikdan lang niya ang kanyang pananampalataya. Kay Pedro, ang makatakas mula sa palaso ni Mata'pang. Nakisama ba sila sa ganitong mga uri ng 'kaibigan'? Hindi!

Mayroon ding limitasyon ang pakikisama.  Ayos lang kung paminsan-minsa'y sumasama tayo sa lakad ng barkada, ngunit kung nagiging madalas na ito na halos mapabayaan na natin ang ating trabaho o pag-aaral o pamilya, atbp., ibang usapan na iyan. Ayos lang kung tutupdin natin ang itinatadhana ng batas pero kung manghihingi pa ng suhol ang alagad ng batas, ibang usapan na iyan. Sa kalagayan nina Lorenzo at Pedro, ibang usapan na kung ang pananampalataya ang malalagay sa alanganin.

Kailan natin huling isinabuhay ang ating pananampalataya? Kailan natin siya huling ipinagtanggol laban sa masamang bisyo, maruming pulitika, korupsyon sa lipunan, mga pilosopiyang taliwas sa aral ng Simbahan, atbp?

Kabalikat na ng pagsasabuhay ng ating pananampalataya ang pagpasan ng krus. Hindi nangako ng biglang yaman, kalutasan ng lahat ng problema, o anumang sarap ng buhay ang Panginoon sa sinumang magnanais na sumunod sa Kanya. Sa mga gaya nina Lorenzo at Pedro, humantong pa ito sa kanilang kamatayan.  Subalit, kung mananatili tayong tapat sa ating pinaniniwalaan anuman ang mangyari, makakaasa tayo sa Diyos dahil Siya ay tapat (1 Corinto 1:9)! 

Kung mayroon tayong pakikisamahan, kung mayroon tayong tapat maging kaibigan, doon na  tayo sa tapat at maaasahan. Puno man ng pagpapakasakit ang ating buhay sa mundo, tiyak na walang hanggang kaligayahan naman ang mapapasaatin sa kabila, kasama Niya!




Sunday, December 01, 2013

Daan sa Pagpapanibago


Marahil nakatanggap ang ilan sa atin ng sulat mula sa Association of Mouth and Foot Painting Artists (AMFPA), Inc Philippines  kalakip ang ilang Christmas cards na kanilang ginawa.  Kung susuriin natin ang kanilang liham, mapupuna nating higit pa sa kawanggawa ang kanilang hinihingi.  Sa pamamagitan ng paglalako ng mga Christmas cards, kalendaryo, aklat para sa mga bata, atbp nilalayon ng samahang bigyan ng hanap-buhay ang mga may kapansanang pintor.

Hindi biro ang magkaroon ng kapansanan.  Bukod sa umaasa ka sa tulong ng gobyerno o ng iyong mahal sa buhay, mararanasan mo rin ang matinding limitasyon sa iyong buhay.  Noong unang panahon, kapag may kapansanan ka nakapirme ka na lang sa bahay o kaya'y sa isang charitable institution.  Subalit sa paglipas ng mga panahon, nagkaroon na ng mga batas ang iba't ibang bansa para bigyang-pansin ang mga may kapansanan.  May mga lugar na puwedeng paradahan ng kanilang sasakyan, may mga oportunidad para makapag-aral o makapagtrabaho sila.   Sa pamamagitan ng mga pagkakataong ito, hindi na nagiging balakid ang anumang kapansanan para makapag-ambag ang isang indibidwal sa ikasusulong ng lipunan.

May kapansanan ang bawat isa sa atin dulot ng kasalanan.  Di man ito pisikal, pero apektado tayo nila araw-araw.  Bulag tayo sa katotohanang nagaganap sa ating paligid. Pipi tayo sa mga pagkakataong dapat nating ibulalas ang totoo.  Bingi tayo sa pangagailangan ng kapwa. Manhid tayo sa tunay na kalagayan ng lipunan. Nagkakamali tayo ng paghusga sa iba.  Aliw na aliw tayong pag-usapan ang baho ng kapwa. Paulit-ulit na lang nating ginagawa ang ating mga masamang pag-uugali.  Ayaw nating masapawan. Gustung-gusto nating mapansin ng iba.  

Sa kabila ng ating mga ispiritwal na kapansanan, minamahal tayo ng Diyos.  Sa kabila ng ating mga kakulangan, patuloy pa rin tayong pinagkakatiwalaan ng Panginoon.  At itong Kapaskuhan ang pruweba ng Kanyang pagmamahal at pagtitiwala sa atin.  

Sa pagsalubong natin sa paparating na Mananakop, matagpuan nawa Niya tayong puno ng pasasalamat at pagpupuri.  Matagpuan nawa Niya tayong lumilingap at nagbibigay-lakas sa kapwa nating may-kapansanan -  paglingap na di lamang sa pagbibigay ng isda kundi lalo't higit sa pagturo sa kanila kung paano mangisda.  Matagpuan nawa Niya tayong nakikiisa sa Kanyang pagpapanibago ng mundo.

Sumainyo nawa ang pagpapala ng Banal na Sanggol ngayong Pasko at sa Bagong Taon!


Thursday, May 02, 2013

Hamon Lalo Na Sa Mga Kababaihan


Madalas, mapapansin nating taliwas sa mensahe ni Jesus ang ating ginagawa.
Sinabi ni Jesus na sinumang hangga't di tayo nagbabago't tumulad sa mga bata, di tayo makakapasok sa Kanyang kaharian (Mateo 18:3).  Ngunit, ayaw nating masasapawan ng iba.
Si Kristo ang daan, katotohanan, at buhay (Juan 14:6), subalit ibang daan pa rin ang ating tinatahak, umiiral pa rin sa atin ang kasinungalingan, at namumuhay tayo na walang kabuhay-buhay.
Sinabi ng Panginoon na magiging mabunga lamang tayo kung mananatili tayo sa Kanya (Juan 15:5). Pero pilit pa rin tayong lumalayo sa Kanyang pagmamahal.  Sa ibang 'diyos' pa rin tayo umaasa't naglilingkod.

Pinagsabihan din Niya tayong patawarin ang sinumang di natin makasundo para patawarin din tayo ng Amang nasa langit (Marcos 11:25).  Ganoon pa man, hirap pa rin tayong pakawalan ang anumang sama ng loob at galit sa puso natin.
Ipinagkaloob ni Kristo ang Kanyang katawan at dugo para sa atin (Mateo 26:26-28), subalit bakit 'ostya' at 'alak' pa rin ang tawag o tingin natin sa mga tinatanggap natin sa Banal na Komunyon? Di ba't si Jesus na ito?
Bago Siya umakyat sa langit, ibinilin ng Panginoon na ituro natin sa iba ang Kanyang iniutos (Mateo 28:20), ngunit ayaw nating maging sangkot sa bilin na ito.  "Problema na 'yan ng mga pari't madre," ang madalas nating idahilan.
Ilan lang ito sa mga halimbawa kung saan mahina o talagang wala tayong pananampalataya sa Diyos. Sapagkat ang pananampalataya ay isang biyaya kung saan nakikinig at naniniwala tayo sa sinasabi ng Diyos na ating matatagpuan sa Banal na Kasulatan o kaya sa mga banal na tradisyong minana pa natin sa ating mga ninuno.
Nang magpakita ang anghel kay Maria upang ipahayag ang paghirang sa kanya bilang Ina ng Diyos, puno ng pananampalatayang sinabi ni Maria: "Narito ang alipin ng Panginoon. Maganap nawa sa akin ayon sa iyong sinabi"(Lukas 1:38). Naniwala si Maria! Bakit? Dahil tapat ang Diyos (Deuteronomio 7:9)!
Ngayong Mayo, buwan ni Maria, napapanahon ang panawagan sa ating magkaroon ng matibay na pananampalataya sa Diyos. Ito ay isang malaking hamon sa atin, lalo na sa ating mga kababaihan. Sila na mga sangkot sa araw-araw na pamumuhay bilang mga ina, asawa, kapatid, kasintahan, guro, nars, duktor, abogada, madre, 'bisor,  atbp.  Anumang katayuan mayroon sila sa buhay, nandoon ang kakayahang makaimpluwensiya sa iba.  Totoong di ito madali; kahit si Maria'y dumaan din sa matitinding pagsubok.  Subalit kung kay Maria pinatunayan ng Diyos ang Kanyang katapatan, gaano pa kaya sa atin? Dalangin namig na bawat kababaihan ay matulad kay Maria, ang Babaeng Uliran sa Pananampalataya.

Friday, February 01, 2013

Nang Maubos ang Alak

"Nagising na lang akong walang pagmamahal sa kanya."
"Di na siya ang taong nakilala't minahal ko noon."
"Ayoko na sa kanya."
 
Ilan lang ito sa mga paliwanag na maririnig natin mula sa isang taong nakipaghiwalay na sa kanyang asawa.  Sa paglaho ng pagmamahal, nagiging madilim, malungkot, at mapait ang dating masaya't matamis na buhay-pamilya.
 
Maihahalintulad ang kawalan ng amor ng mag-asawa sa isa't isa sa kawalan ng alak sa kasalan sa Cana (Juan 2:1-12). Sa pagkaubos ng isang mahalagang sangkap sa pagdiriwang, nalagay sa bingit ng kahihiyan ang bagong-kasal. Sa pamamagitan ni Maria, iniligtas ni Jesus ang mag-asawa sa kahihiyan nang gawin Niyang tubig ang alak.
 
Maraming pagkakataon na dumaranas ang mag-asawa ng pagkaubos ng 'alak' sa kanilang buhay. Ilang halimbawa ng 'alak' na ito ang biyaya ng Diyos at ang pagmamahalang namamagitan sa mga-asawa't pamilya.  May mga pagkakataong mabigat, masakit, o mahirap tanggapin ang pagkaubos nito. At kung mahina-hina tayo, di malabong sumuko na tayo. Pagsukong nauuwi sa hiwalayan o kaya'y pagsasamang walang kabuhay-buhay.
 
Kung babalikan natin ang kuwento ng kasalan sa Cana, mapapansin nating tumulong si Maria kahit walang lumalapit sa kanya.  May nagkumento na kung tumulong ang Mahal na Birhen nang walang nagsasabi sa kanya, gaano pa kaya kung may humingi sa kanya ng saklolo ?
 
Sa buwang ito ng pag-ibig, makilala nawa ng mga mag-asawa na may pangatlong persona sa kanilang bokasyon: ang Diyos.  Anumang problema, lalo na ang tila mabibigat ay di dapat sarilinin. Kung aasa lang ang mag-asawa sa kanilang sariling kakayanan, tiyak na di nila malulutas ang kanilang suliranin.  Makilala nawa nila, gaya ni Maria, ang presensya't kapangyarihan ng Diyos.  At sa pagkilala nila, tumulad sila sa Mahal na Ina na di nag-atubiling dumulog sa Kanya.  Importanteng-importante na sa pagdulog sa Diyos handa ang mag-asawang talikdan ang anumang maling nagawa nila't magbagong-buhay. Kung magagawa ito ng bawat mag-asawa, makakaasa tayong lalo pa nilang masasalamin ang pag-ibig ng Panginoon sa kanilang mga anak at sa sinumang makasalamuha nila. Babaha ng alak!
 
 

Saturday, October 06, 2012

Taon ng Pananampalataya

Sa ika-11 ng Oktubre ng taong kasalukuyan, ilulunsad ng Simbahang Katolika ang Taon ng Pananampalataya. Magsisimula ang pagdiriwang na ito sa ika-50 anibersaryo ng pagbubukas ng Vatican Council II at magtatapos sa ika-24 ng Nobyembre 2013, Kapistahan ni Kristong Hari.
 
Maraming pagbabagong idinulot sa buhay ng Simbahan ang Vatican Council II.  Sa larangan ng liturhiya halimbawa, mas pinaigting pa ang pakikiisa ng mga layko sa banal na pagdiriwang.  Sa larangan ng Banal na Kasulatan at Pagpapahayag ng Diyos, lalong pinag-ibayo ang pag-aaral ng Salita ng Diyos bilang pagkilala sa masusing papel nito.  Bunga din ng nasabing konsilyo ang pagkilala sa ugnayan ng Simbahang Katolika sa ibang relihiyon at ang papel ng mga obispo bilang isang kapulungang humalili sa mga Apostol sa pangangaral at pamumuno sa Simbahan sa pangunguna ng Banal na Papa.
 
Sa Main Building ng UST, na madalas mapagkamalang isang simbahan dahil sa malaki nitong tore na may krus sa tuktok, may tatlong estatwa na pinamagatang 'Tria Haec' (Itong Tatlo).  May hawak na krus ang estatwang napapagitna at nakatayo sa mas mataas na pedestal. Sumasagisag ito sa 'Fides' (Pananampalataya). Sa kanan nito, may hawak na angkla ang estatwa, sagisag ng ,Spes. (Pag-asa). Sa kaliwa naman nito, makikita ang estatwa na nagpapakain ng isang animo'y mahirap na bata. Ito ang sagisag ng 'Caritas' (Pag-ibig). Kinikila ang tatlong ito bilang mga theological virtues dahil sila'y mga biyaya sa atin ng Diyos para sa ating kaligtasan.
 
Sinasabing ang pananampalataya ay kaloob ng Diyos upang maniwala tayo nang walang pag-aalinlangan sa anumang ipahayag Niya sa atin. Ang pananampalataya ay isang handog at dahil diyan, nasa ating mga kamay kung ano ang gusto nating gawin dito.
 
Nakakalungkot isipin at masaksihan kung paanong ang pananampalatayang ito ay ipinagwawalang-bahala o kaya'y itinatakwil ng marami sa ating paligid. Nakakadismaya't nakakawala ng pananampalataya ang pagkakasangkot ng dalawang alagad ng Diyos sa magkahiwalay na iskandalong kumalat sa media kamakailan lang.Minsan, ganito rin ang ating ginagawa.  Mamimili tayo ng mga aral na sang-ayon sa atin at ibabasura ang di kanais-nais sa atin.
 
Sa pagdiriwang ng Taon ng Pananampalataya, hilingin natin sa Diyos na lalo pang lumalim ang ating ugnayan sa Kanya sa pamamagitan ng Banal na Kasulatan, pagtanggap ng mga sakramento lalo na ng Banal na Komunyon, at pakikiisa sa mga gawaing pansimbahan.
 
Sa ganang amin sa Tanghalang Anluwage, bilang taus-puso pasasalamat sa Poong Maykapal sa ika-21 anibersayo namin ngayon, sisikapin naming patuloy na maipahayag ang Kanyang Salita sa samu't saring anyo ng aming paglilingkod sa Simbahan upang lalo pang matuklasan, mapagyaman, at maipahayag ang ganda ng ating pananampalataya.
 
 

Thursday, August 02, 2012

Kalikasan: Lingkod at Paalala

Sang-ayon kay San Alfonso de Liguori, obispo’t pantas ng Simbahan, ng dahil sa pag-ibig sa atin ng Diyos nilikha Niya ang maraming iba pang magagandang bagay upang paglingkuran tayo’t magsilbing paaalala na mahal tayo ng Diyos at dapat natin Siyang pasalamatan.
Ikinuwento pa ng butihing tagapagtatag ng mga Redemptorists na para kay San Agustin, ipinapahiwatig sa kanya ng langit, lupa’t lahat ng bagay (sa mundo) na ibigin ang Diyos.
Isang mainit na isyu sa ating bansa at sa buong mundo ang kalikasan at kapaligiran. Di na bago sa atin pagbabaha sa Kamaynilaan kahit di pa kasagsagan ng bagyo o kaya’y ang pagbaha sa iba pang bahagi ng bansa kahit mataas pa ang araw. Di na bago sa atin ang pagiging mainit kahit ‘ber’ na. Palasak na sa atin ang pagtayo ng mga pabahay o mall o golf course sa mga lupaing pansakahan o kaya’y reclamation areas sa ngalan ng kaunlaran.

Kung babalikan sana lang natin ang mga pananaw ni San Alfonso’t Agustin, marahil matatauhan tayo sa bigat ng papel natin para sa mga iba pang bagay na nilikha ng Diyos. Oo, nilalayon ng mga bagay na ito na paglingkuran tayo subalit naging abusado tayo. Sa ating pagmamalabis nakaligtaan na nating magpasalamat sa Diyos. At ang pagpapasalamat na ito’y hindi hanggang salita lamang. Higit pa sa pagsabi ng “Salamat, Panginoon, salamat” ay ang pagpapahalaga sa anumang ipinagkaloob Niya at paggamit nito sa nararapat lamang.
Para tayo magtanda, mainam na tularan natin ang halimbawa nina Santa Teresa de Avila at Santa Maria Magdalena de Pazzi. Sa kuwento pa rin ni San Alfonso, kinagagalitan di umano si Santa Teresa ng mga nilikha ng Diyos sa kanyang kawalan ng utang na loob sa Kanya. Samantalang para naman kay Santa Maria Magdalena de Pazzi tila sinusugatan ng pag-ibig ng Diyos ang kanyang puso habang may hawak siyang bulaklak o prutas.
Kung kaya nating pangalagaan ang damit o sapatos na pinaghirapang ibigay sa atin ni Itay noong Pasko, gaano pa kaya ang kalikasang taus-pusong ipinagkaloob sa atin ng Ama?



 

Tuesday, January 31, 2012

Itinalaga

Nakatawag-pansin sa Facebook ang isang magandang dibuho kung saan inilarawan ang pagtuturok ng tila isang adik. Sa likod niya’y naroon ang larawan ni Jesus na pinipigilan ang adik sa kanyang ginagawa. Puno ng sakit ang mukha ng Panginoon dahil braso niya ang tinurukan. Mapupunang iisa ang braso ng adik at ng Panginoon.

Naniniwala tayong mga Kristiyano na ang buhay ay nagmula sa Diyos. At dahil kinikilala nating banal ang Diyos, ang buhay (at anumang manggaling sa Diyos) ay banal. Kaya nga hindi katakatakang manindigan ang Simbahan para sa buhay. Kaya nga ang mga alagad ng Diyos gaya ni Fr Shay Cullen at ang PREDA Foundation ay hindi katakatakang nakikipaglaban para sa karapatang-pantao ng mga inaapi’t salat sa katarungan. Kaya nga ang mga misyonerong gaya ni Fr Raul Tabaranza ay hindi katakatakang nagsisilbi sa mga biktima ng HIV/AIDS sa Africa.

Tinawag ang bawat isa sa atin na makiisa sa Diyos sa pagpapaunlad ng buhay sa pamamagitan ng iba’t ibang bokasyon: pagpapari, pagmamadre, buhay-pamilya, o kaya’y ‘single blessedness’. Anuman ang ating bokasyon, tayo’y itinalaga ng Diyos dito. At dahil tayo’y itinalaga, hindi natin ito dapat ipagwalang-bahala.

Subalit nakakalungkot na mabalitaan o kaya’y masaksihan kung paanong ipinagwalang-bahala ng iba ang kanilang bokasyon. Ang iskandalong sekswal ng ilang pari sa Europa’t Amerika ay nagdulot ng matinding sakit di lamang sa mga naging biktima nito, kundi lalo’t higit kay Kristo na kumilala sa mga kapus-palad bilang Kanyang mga kapatid. Ang pangangaliwa ng ama o ina ay nagdulot ng malalim na sugat di lamang sa kanilang asawa’t mga anak kundi kay Jesus na naging bahagi ng isang pamilya. Ang kapabayaan ng isang manggagamot ay nagdala ng kalungkutan di lamang sa pasyente’t mga kaanak nito kundi kay Kristo na araw-gabing nagpagaling sa mga may karamdaman. Ang pagbubulakbol ng mga estudyante ay nagpasama ng loob di lamang ng kanilang mga magulang at guro kundi ng Dakilang Guro na misang nagpasakop sa pangangalaga nina Jose’t Maria at nagpakilala bilang Katotohanan.

Sa susunod na tayo’y matutuksong gumawa ng mali, alalahanin nawa natin kung sinu-sino ang maaapektuhan. Kagaya ng magandang dibuhong nakapaskil sa Facebook, alalahanin natin ang insultong idudulot nito sa Diyos na nagtiwala sa atin. At kung tayo man ay nadapa, huwag tayong mawalan ng pag-asang magbalik-loob at sariwain ang pangakong italaga ang buong buhay sa Kanyang kapurihan at sa kabutihan ng kapwa.

Thursday, October 27, 2011

Pagtuklas sa Mukha ng Diyos


Taun-taon kapag dumarating ang buwan ng Oktubre, dinarasal ang Banal na Rosaryo sa mga simbahan, paaralan, barangay, samaha’t pamilya. Sa paulit-ulit na pagbigkas ng “Aba Ginoong Maria” lalong pinaiigting ng Rosaryo ang damdami’t isipan natin sa mga misteryong naganap sa buhay ni Maria.

Matutunghayan sa mga unang misteryo ng Tuwa gayon din sa mga unang kabanata ng Mabuting Balita ayon kay San Lukas na pinagnilayan ni Maria sa kanyang puso ang mga bagay na ginawa sa kanya ng Diyos. Una, sa pagpili sa kanya na maging ina ng Pangakong Tagapagligtas. Pangalawa, sa pagdalaw ng mga pastol sa bagong silang na si Jesus. Pangatlo, sa pagkawala’t pagkatagpo ni Jesus sa templo.

Dahil ipinaglihi siyang walang bahid ng anuman kasalanan, ang puso ni Maria’y nanatiling malinis. Dahil diyan, hindi naging mahirap para maniwala siya at sumunod sa kalooban ng Diyos. Hindi rin naging mahirap para sa kanya na tumulong sa iba. Higit sa lahat, hindi naging mahirap para sa kanya na ibahagi si Jesus sa lahat. Dahil may puso si Maria sa Diyos, may puso rin siya para sa sinumang lumalapit sa kanya!

Siguradong noong ipinangaral ni Jesus sa bundok ang mga “Beatitudes”, nasa isip Niya si Maria. Isa sa mga Beatituides na angkop sa Mahal na Ina ay ang “Mapapalad ang mga may malinis na puso sapagkat makikita nila ang Diyos.”

Sa ating pagdarasal ng Banal na Rosaryo ngayong buwan na ito at gayon din sa Nobyembre, bilang pag-alala sa mga yumao, magkaroon nawa tayo ng malinis na puso upang matunghayan din natin ang mukha ng Diyos at ipakita ito sa mundong labis na nangangailangan nito.

Monday, August 01, 2011

Salamat, Panginoon, salamat!

Tanda ng paggalang ang pagsabi ng “Thank you” sa sinumang nakagawa ng kabutihan sa atin, maliit man ito o malaki, bahagi man ito ng trabaho o hindi. Tiyak na ito ang isa sa mga unang posibleng matutuhan (o di matutuhan) ng isang bata mula sa kanyang mga nakatatanda.

Hitik ang Banal na Kasulatan ng mga awit-pasasalamat sa Diyos sa samu’t saring ginawa Niya para sa Kanyang Bayan. Samu’t saring ginawa na pawing dakila! Matutunghayan din sa Bibliya ang mga personal na pagpapasalamat ng ilang kilalang karakter sa kasaysayan ng kaligtasan gaya nina Abraham, Anna, at Maria.

Bagama’t gumawa ng mga kababalaghan ang Panginoon sa mga karakter na ito, hindi naiiba ang buhay nila sa atin. Dumanas din sila ng mga pagsubok – matagal bago nagkaanak sina Abraham at Anna samantalang isang dalaga si Maria nang magdalantao. Di katakatakang maging usapin sila ng kanilang mga kababayan. Dumaranas din tayo ng ganitong uri ng pag-uusig. Pinagpipiyestahan din ng mga matatabil na dila ang anumang problemang kinakaharap natin. Sa gitna ng tila kadilimang ating kinalalagyan, nasa lugar pa ba ang magpasalamat sa Kanya? Nararapat pa bang magpuri sa Kanya?

Mainam sigurong sagutin ang mga katanungang ito sa pamamagitan ng pagbabalik-tanaw sa naging tugon nina Abraham, Anna, at Maria. Ano nga ba ang naging reaksyon ni Abraham sa pagiging baog ng kanyang asawang si Sarah? Ano nga ba ang inasal ni Anna habang pinagmamasdan ang mga anak ng kanyang asawa sa pangalawang nitong asawa? Paano nga ba hinarap ni Maria ang sitwasyong papasukin niya? Nanalig sila’t sumunod sa kalooban ng Panginoon! Hindi madali ang naging buhay-pananampalataya nila pero nanatili silang kumilala sa kani-kanilang kahinaan at nanalig sa kapangyarihan ng Diyos. At dahil kinilala nila kung ano ang ginawa ng Panginoon sa kanila, natuto silang magpasalamat. Pasasalamat na ipinahayag nila sa salita at sa gawa.

Kung natutukso tayong magreklamo’t sumimangot sa hirap at bigat ng ating mga pasanin, huwag nawa nating kalimutan ang mabubuting ginawa ng Diyos sa atin. Isa nang biyayang dapat ipagpasalamat ang pagdating ng panibagong araw, di lang dahil humihinga pa rin tayo, kundi lalo’t higit nandoon ang pag-asa na magsikap, na magbago, na magmahal sa Diyos at kapwa. Kung marunong tayong magpasalamat tuwina, madadala natin ang ating buhay nang may saya, nang may ngiti, nang may mainit at malinamnam na pakikitungo sa iba.

Tuesday, February 01, 2011

Pusong Mapagpatawad


Sa ating pagdarasal ng “Ama Namin”, binibigkas natin: “patawarin mo kami sa aming mga sala para nang pagpapatawad naming sa nagkakasala sa amin…” Dalawang katotohanan ang ipinapahiwatig sa atin ng mga katagang ito. Una, na tayo ay nagkakamali at nangangailangan ng kapatawaran. Pangalawa, sa paghingi natin ng tawad sa Diyos dapat din tayong magpatawad sa sinumang nakasakit sa atin.

Sa kanyang pangangaral sa Siete Palabras maraming taon na ang nakakalipas, idinaing ni P. Rolando De la Rosa, OP na mas maraming tao ang pumipila para tumanggap ng Komunyon kaysa mangumpisal sa pari. Ang dahilan diumano ay ang kawalan na natin ng “sense of sin”. Nawala na sa atin ang kakayahang kilalanin kung kasalanan ba o hindi ang ating ginagawa. Tanggap na ng lipunan ang pagsasama ng isang lalaki’t babae na hindi pa ikinakasal o ang suhulan sa gobyerno. Di na natin binibigyang-pahalaga ang sasabihin ng iba basta maligaya tayo sa ginagawa nating mali!

Ginagatungan ng ganitong klase ng pamumuhay ang pagmamataas ng tao sa Diyos. Ang kayabangang ito ang magiging balakid para kilalanin natin ang ating pagkakamali’t magbalik-loob sa Diyos. At dahil hindi tayo marunong humingi ng tawad ang ating mga sala, imposible ring magpatawad tayo ng iba. Hindi natin puwedeng ibigay ang wala tayo!

Ngayong Pebrero, dalangin nating magkaroon ang bawat isa atin ng isang pusong mapagpatawad. Magagawa lamang natin ito kung tayo’y magpapakumbaba at isusuko ang ating sarili muli sa Panginoon. Isugo Niya nawa ang Banal na Espiritu para tunawin ang mga sebo’t taba ng pagmamataas na bumabalot sa ating puso upang ito’y walang ibang hangarin kundi ipadama ang nakaliligtas na pag-ibig ni Jesus sa iba lalo na sa mga nag-aakalang di nila ang Diyos sa kanilang buhay.

Friday, October 01, 2010

Pinagbuklod Para Sa Kapayapaan



Masasabing numero unong dahilan ang pandaigdigang kapayapaan kung bakit dinarasal ang Banal na Rosaryo. Sa pagpapakita ng Mahal na Birhen sa Fatima, Portugal noong 1917 malimit niyang hiniling ito sa tatlong batang pastol.

Isa nang dakilang pangarap ng bawat mamamayan na maghari ang kapayapaan sa mundo. Subalit kaugnay ng anumang hakbang tungo sa kapayapaan ay ang pagpuksa sa kahirapan, ang pagtigil sa digmaan (Di lamang kawalan ng digmaan ang diwa at dulot ng kapayaan!), ang pagbibigay-hustisya sa kung sino ang nangangailangan nito, ang pag-abot ng tulong sa mga biktima ng iba’t ibang kalamidad o trahedya, at ang pagharap sa sari-sari pang isyung bumabagabag sa sangkatauhan ngayon. Walang kapayapaan kung mayroong kahirapan, kung may inaapi, kung may nangangailangan, kung wala tayong gagawin laban sa kasamaan.

Hitik ang Banal na Kasulatan ng mga aral at halimbawa kung paano makakamit ang kapayapaan. Ito ay lalo pang nabibigyan-diin sa 20 misteryo ng Rosaryo na kung tutuusin ay nakabatay sa Bibliya. Hindi kataka-takang tawaging “Walking Bible” ang Rosaryo dahil, kahit wala kang oras para basahin ang anumang kabanata o talata ng Mabuting Aklat, posible mo pa ring alalahanin at pagnilayan ito sa Rosaryo.

Tingnan natin ang Ikatlong Misteryo ng Luwalhati; ang Pagbaba ng Banal na Espiritu sa Mahal na Birhen at mga Apostol. Matapos tanggapin ang liwanag ng Espiritu, nangaral ang mga nakatanggap nito sa maraming taong nagkakatipon noon sa Jerusalem, mga taong galing sa iba’t ibang panig ng mundo na may iba’t ibang salita. Ang kahanga-hanga dito’y naunawaan ang mga alagad ng lahat ng nakinig sa kanila! Pinagkaisa silang lahat ng Espiritu ng Diyos!

Kung isasapuso natin ang aral ng misteryong ito (at ng iba pang misteryo ng Rosaryo) posibleng magkaisa ang bawat mamamayan at bawat lider ng bawat bansa tungo sa lalong ikakaayos ng buong daigdig. Kaisa ng ating mga mahal sa buhay, ng mga kapanalig, ng Mahal nating Ina, muli nating dasali’t pagnilayan ang mga misteryo ng Rosaryo ngayong Oktubre. At sa debosyong ito, ating sariwain ang hangaring makapag-ambag sa kapayapaang ipinangako “sa mga taong may mabuting kalooban”.

Tuesday, July 27, 2010

Komunikasyon Tungo Sa Katotohanan


Malayo na rin ang narating ng pandaigdigang komunikasyon. Kung noong unang panahon ay umaasa tayo ‘snail mail’ para maipaabot ang ating mensahe sa kabilang bahagi ng mundo, ngayon ay isang klik lang ng mouse at napadala’t natanggap na ang e-mail natin.

Sa pag-usad ng teknolohiya, lalong lumawak at napadali ang pakikipagtalastasan ng mga mamamayan. Ang dating tila magkakawatak-watak na mga bansa’y nagmistulang isang ‘global village’ na.

Ang Simbahan ay lubos na nakikinabang sa samu’t saring anyo ng komunikasyon para lalo pang makaabot sa marami nitong kaanib. Laos na ang pagiging pala-asa ng mga parokya sa mga panawagang binabasa sa Misa o kaya’y pinapaskil sa mga mataong lugar. Ngayon, may mga parokya nang may website o Facebook account. Mismong ang Vatican ay may sariling website!

Sang-ayon nga sa mensahe ni Pope Benedict XVI para sa ika-44 World Communications Day noong nagdaang Mayo, sa daigdig ng ‘digital communication’ lalong nagiging mahalaga ang sinabi ni San Pablo na isang kamalasan para sa kanya ang di ipangaral ang Mabuting Balita.

Totoo din ito sa bawat Kristiyano.

Sa paglawig ng makabagong komunikasyon, hindi tayo dapat mag-atubiling gamitin ito para maibahagi at lalo pang mapatatag ang ating pananampalataya. Marahil kung nabubuhay pa si San Pablo, lalo pa niyang maipapahayag ang Ebanghelyo ni Kristo sa mas maraming tao. Ganito rin ang ating masasabi kay San Francisco de Sales, isang obispo sa Pransya, na sa pamamagitan ng pangangaral at pagsusulat ay maraming Protestanteng nahikayat na magbalik sa Simbahang Katolika.

Hindi na naabutan ng butihing apostol ang ‘Digital Age’. Pero tayo ay nasa mas mabuting posisyon para gamitin ang teknolohiya sa ngalan ng Diyos. Ang simpleng e-mail o text message na puno ng pagmamalasakit sa kapwa bunsod ng pag-ibig sa Diyos ay isa nang unang hakbang. Ang pagpopost ng mga talata mula sa Bibliya sa Facebook ay isa pang payak na halimbawa.

Mula nang itatag ang Anluwage, nakilala na ng mga unang miyembro nito ang kahalagahan ng komunikasyon sa Simbahan. Mula noon, hangarin na naming ipaabot ang mensahe ni Kristo saan mang sulok ng mundo. Patuloy kaming kumakatok sa inyong mga puso na makiisa sa adhikaing ito. Sa ating pagtutulungan, mas marami pa nawa ang ating mahikayat sa Katotohanan.

Thursday, July 01, 2010

Lipunang Patapon

Wala na sigurong pinakamagandang biyayang ipinagkaloob sa atin ang Diyos kundi ang buhay. Sa mga unang kabanata ng Genesis, matutunghayan natin kung paano Niya binigyan ng buhay ang tila isang disyertong mundo. Sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu, hiningahan Niya ng buhay ang lahat ng Kanyang nilalang, lalo na ang tao kung kanino Niya ipinagkatiwala ang pagpapaunlad ng mundo.

Sa pagpapaunlad ng mundo, nakita natin ang mga makabagong pamamaraan sa agham at teknolohiya na maraming nagawang maganda sa ating kalusugan, pamumuhay, atbp. Subalit sa isang banda, nag-iba din ang mentalidad ng mga tao. Dahil nasanay na tayo sa iba’t ibang gamit gaya ng cellphone, computer, I-Pad, IPod, atbp, naging palaasa tayo dito. Sa oras na di na ito gumagana o kaya’y di na natin gusto, itinatapon na lang natin ito.

Naging ganito na rin ang ating pakikitungo sa kapwa.

Kapag masama ang isang tao, wala na marahil tayong inaasam kundi ang mamatay na ito. Kapag magiging pabigat lang sa gobyerno’t mamamayan ang isang tao, gaya ng mga nakakulong dahil sa mga karumaldumal na mga krimen, “death penalty” na ang naiisip nating solusyon. Kapag ang kapwa-tao ay di kasama sa ating ‘plano’ ipinalalaglag o kaya’y pinapa-mercy killing natin ito.

Nasaan na ang pag-asang itinanim sa ating mga puso ng Mahabaging Diyos? Isang pag-asang gagabay sa atin para maniwalang magbabago din balang-araw ang mga masasama. Isang pag-asang aakay sa atin para huwag matakot na pangatawanan ang bunga ng kapusukan. Isang pag-asang magpapalakas sa atin habang nasasaksihan ang paghihirap ng isang may-sakit.

Nagpapasalamat kami sa mga organisasyong gaya ng Pro-Life Philippines at Priests for Life na kumikilos para isulong ang pagpapahalaga sa buhay at ang pagpigil sa mga gawaing kikitil dito. Sa buwan ng Hulyo, inaalala natin sila sa ating mga panalangin. Patuloy nawa nilang dalhin ang pag-asa sa isang lipunang kapos nito. At kung tayo't minsan nang nagkaroon ng papel para kumitil ng buhay, ito ang magandang pagkakataon para itama natin ang ating mga pagkakamali. Makilahok din tayo para muling magising ang daigdig sa katotohanang sagrado ang buhay at dapat pangalagaan mula sa sinapupunan hanggang sa natural na kamatayan.

Tuesday, June 01, 2010

Buo at Aktibong Layko

Mahigit apat na dekada na mula nang idaos ang Vatican II Council kung saan inilunsad ng Simbahan ang malawakang pagbabago sa maraming bagay na kanyang kinakaharap. Isa na rito ang pagbabago sa liturhiya kung saan hinangad ng mga bumubuo ng konsilyo ang buo at aktibong pakikilahok ng mga layko sa mga banal na pagdiriwang sa bisa na rin ng kanilang karapatan at tungkulin bilang mga binyagan.

Magmula noon nakita na natin ang pakikisangkot ng mga ordinaryong mamamayan sa iba't ibang ministeryo ng Simbahan na dati rati'y isinasagawa lamang ng mga pari o diyakono. Nandyan ang mga lectors/commentators, special ministers of Holy Communion, greeters/collectors, choir, altar servers, at marami pang ibang ministeryo kung saan posibleng umanib ang sinumang layko upang mapagsilbihan ang Panginoon sa Misa at sa iba pang gawaing pansimbahan.

Napakahalaga ng papel na ginagampanan ng layko sa Simbahan at nakakataba ng pusong masaksihan kung paano umunlad ang mga parokya, diyosesis, at iba pang Katolikong komunidad dahil sa sigasig ng mga mamamayan.

Subalit minsan, nakakalungkot matunghayang kulang ang pang-unawa at debosyon sa tungkulin ng ilan nating kapatid sa pananampalataya. Para sa kanila, ang ministeryo ay parang isang marangal na posisyon sa sambayanan kung saan dapat silang tingalain ng iba. Sa iba naman ito'y paraan para lalo nilang ipagyabang na sila'y laman ng simbahan.

Hindi lang ang maling pananaw ang hinaharap na pagsubok ng mga layko. Sa English-speaking world gaya ng mga bansang Amerika, UK, India, Pilipinas, Africa, Australia, atbp ang napapabalitang bagong saling Misa sa wikang Ingles ay nakakabahala. Bukod sa nakakalito, ang bagong salin ay gumamit din ng mga salitang lumang-luma na at di na ginagamit ng ordinaryong mamamayan. Ang mga pagbabagong ito'y lubhang makakaapekto sa kung paano magdasal ang mga laykong napapabilang sa mga bansang ito at kung paano sila makikilahok nang buo at aktibo sa Misa na siyang nilalayon ng Vatican II Council. Sa kasalukuyan may petisyon ang kilusang What If We Just Said Wait? para hilingin sa mga obispo ang pagpapaliban sa pagpapatupad nito lalo na't humarap ang Simbahan sa mga mas malala pang problema.

Ngayong Hunyo, ating alalahanin ang lahat ng layko na nakikiisa sa samu't saring gawain ng Simbahan, lalo na ang mga kapatid natin sa English-speaking world. Mapuspos nawa silang lahat ng Banal na Espiritu upang lalo nilang makilala ang halaga ng kanilang tungkulin at gampanan ito nang may pagmamahal sa Diyos at sa kapwa. Maantig nawa ang kanilang mga puso upang wala itong hanapin kundi ang kapurihan ng butihing Panginoong tumuring sa atin bilang Kanyang mga anak. Gabayan din nawa ng Maykapal ang mga namumuno sa ating Simbahan na lalo pa nilang mapangalagaan ang mga layko tungo sa wasto at nararapat.

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP