Marahil nakatanggap ang ilan sa atin ng sulat mula sa Association of Mouth and Foot Painting Artists (AMFPA), Inc Philippines kalakip ang ilang Christmas cards na kanilang ginawa. Kung susuriin natin ang kanilang liham, mapupuna nating higit pa sa kawanggawa ang kanilang hinihingi. Sa pamamagitan ng paglalako ng mga Christmas cards, kalendaryo, aklat para sa mga bata, atbp nilalayon ng samahang bigyan ng hanap-buhay ang mga may kapansanang pintor.
Hindi biro ang magkaroon ng kapansanan. Bukod sa umaasa ka sa tulong ng gobyerno o ng iyong mahal sa buhay, mararanasan mo rin ang matinding limitasyon sa iyong buhay. Noong unang panahon, kapag may kapansanan ka nakapirme ka na lang sa bahay o kaya'y sa isang charitable institution. Subalit sa paglipas ng mga panahon, nagkaroon na ng mga batas ang iba't ibang bansa para bigyang-pansin ang mga may kapansanan. May mga lugar na puwedeng paradahan ng kanilang sasakyan, may mga oportunidad para makapag-aral o makapagtrabaho sila. Sa pamamagitan ng mga pagkakataong ito, hindi na nagiging balakid ang anumang kapansanan para makapag-ambag ang isang indibidwal sa ikasusulong ng lipunan.
May kapansanan ang bawat isa sa atin dulot ng kasalanan. Di man ito pisikal, pero apektado tayo nila araw-araw. Bulag tayo sa katotohanang nagaganap sa ating paligid. Pipi tayo sa mga pagkakataong dapat nating ibulalas ang totoo. Bingi tayo sa pangagailangan ng kapwa. Manhid tayo sa tunay na kalagayan ng lipunan. Nagkakamali tayo ng paghusga sa iba. Aliw na aliw tayong pag-usapan ang baho ng kapwa. Paulit-ulit na lang nating ginagawa ang ating mga masamang pag-uugali. Ayaw nating masapawan. Gustung-gusto nating mapansin ng iba.
Sa kabila ng ating mga ispiritwal na kapansanan, minamahal tayo ng Diyos. Sa kabila ng ating mga kakulangan, patuloy pa rin tayong pinagkakatiwalaan ng Panginoon. At itong Kapaskuhan ang pruweba ng Kanyang pagmamahal at pagtitiwala sa atin.
Sa pagsalubong natin sa paparating na Mananakop, matagpuan nawa Niya tayong puno ng pasasalamat at pagpupuri. Matagpuan nawa Niya tayong lumilingap at nagbibigay-lakas sa kapwa nating may-kapansanan - paglingap na di lamang sa pagbibigay ng isda kundi lalo't higit sa pagturo sa kanila kung paano mangisda. Matagpuan nawa Niya tayong nakikiisa sa Kanyang pagpapanibago ng mundo.
Sumainyo nawa ang pagpapala ng Banal na Sanggol ngayong Pasko at sa Bagong Taon!

No comments:
Post a Comment