Nakatawag-pansin sa Facebook ang isang magandang dibuho kung saan inilarawan ang pagtuturok ng tila isang adik. Sa likod niya’y naroon ang larawan ni Jesus na pinipigilan ang adik sa kanyang ginagawa. Puno ng sakit ang mukha ng Panginoon dahil braso niya ang tinurukan. Mapupunang iisa ang braso ng adik at ng Panginoon.
Naniniwala tayong mga Kristiyano na ang buhay ay nagmula sa Diyos. At dahil kinikilala nating banal ang Diyos, ang buhay (at anumang manggaling sa Diyos) ay banal. Kaya nga hindi katakatakang manindigan ang Simbahan para sa buhay. Kaya nga ang mga alagad ng Diyos gaya ni Fr Shay Cullen at ang PREDA Foundation ay hindi katakatakang nakikipaglaban para sa karapatang-pantao ng mga inaapi’t salat sa katarungan. Kaya nga ang mga misyonerong gaya ni Fr Raul Tabaranza ay hindi katakatakang nagsisilbi sa mga biktima ng HIV/AIDS sa Africa.
Tinawag ang bawat isa sa atin na makiisa sa Diyos sa pagpapaunlad ng buhay sa pamamagitan ng iba’t ibang bokasyon: pagpapari, pagmamadre, buhay-pamilya, o kaya’y ‘single blessedness’. Anuman ang ating bokasyon, tayo’y itinalaga ng Diyos dito. At dahil tayo’y itinalaga, hindi natin ito dapat ipagwalang-bahala.
Subalit nakakalungkot na mabalitaan o kaya’y masaksihan kung paanong ipinagwalang-bahala ng iba ang kanilang bokasyon. Ang iskandalong sekswal ng ilang pari sa Europa’t Amerika ay nagdulot ng matinding sakit di lamang sa mga naging biktima nito, kundi lalo’t higit kay Kristo na kumilala sa mga kapus-palad bilang Kanyang mga kapatid. Ang pangangaliwa ng ama o ina ay nagdulot ng malalim na sugat di lamang sa kanilang asawa’t mga anak kundi kay Jesus na naging bahagi ng isang pamilya. Ang kapabayaan ng isang manggagamot ay nagdala ng kalungkutan di lamang sa pasyente’t mga kaanak nito kundi kay Kristo na araw-gabing nagpagaling sa mga may karamdaman. Ang pagbubulakbol ng mga estudyante ay nagpasama ng loob di lamang ng kanilang mga magulang at guro kundi ng Dakilang Guro na misang nagpasakop sa pangangalaga nina Jose’t Maria at nagpakilala bilang Katotohanan.
Sa susunod na tayo’y matutuksong gumawa ng mali, alalahanin nawa natin kung sinu-sino ang maaapektuhan. Kagaya ng magandang dibuhong nakapaskil sa Facebook, alalahanin natin ang insultong idudulot nito sa Diyos na nagtiwala sa atin. At kung tayo man ay nadapa, huwag tayong mawalan ng pag-asang magbalik-loob at sariwain ang pangakong italaga ang buong buhay sa Kanyang kapurihan at sa kabutihan ng kapwa.
Tuesday, January 31, 2012
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment