Powered by Blogger.
Showing posts with label buhay. Show all posts
Showing posts with label buhay. Show all posts

Tuesday, December 25, 2018

Ang Magandang Istorya ng Pasko


Kakaibang ligaya ang dulot ng Kapaskuhan dahil isinilang ang Diyos upang makapiling tayo. Sa Lumang Tipan, nakipag-usap ang Diyos sa Kanyang mga propeta at bayan sa pamamagitan ng mga kulog at kidlat, mga bagay na totoong nakakatakot at gusto nating iwasan. Subalit sa Bagong Tipan, kakaibang pakikipag-ugnayan ang ginawa ng Diyos: isinugo Niya ang Kanyang Nag-iisang Anak sa anyo ng isang inosenteng sanggol. Sino ba naman ang hindi maantig sa anyo ng isang maamo at walang kalabanlabang sanggol?

Ang pagparito ng Anak ng Diyos bilang isang sanggol ay may paanyaya sa ating nagdiriwang ngayong Pasko na maging mapagkumbaba't banayad katulad Niya. Ilang beses na ba tayong nagpadaig sa tuksong sapawan ang ating kapwa? Ilang ulit na ba tayong nagpaudyok sa inggit sa kapwa at pilit na nakikipagsabayan sa kanila? Nakita lang nating may bagong gadget ang kapit-bahay natin, bibili rin tayo ng ganoon o higit pang modelo kahit gipit na tayo. Kundi man natin mabili ang kung anong mayroon ang iba, sisiraan pa natin sila.

Ilang pagkakataon na bang pinangunahan tayo ng init ng ulo at pinalaki ang mga maliliit na bagay? Ilang ulit na bang naubusan tayo ng pasensya sa mga munting pagkakamali ng kapwa? Ilang beses na bang tinrato nating mga walang kuwenta at dapat puksain ang mga maliliit?

Inaanyahan rin tayong magdulot ng saya katulad ng Sanggol sa Belen. Sa puso nina Maria't Jose gayon din sa mga dukhang pastol, ang pagparito ng Anak ng Diyos ay tanda ng pagtupad ng Diyos sa Kanyang pangakong kaligtasan sa lahat. Ngunit may mga pagkakataong nagdulot ng pasakit sa iba ang ating pagkikibit-balikat, pagbubulagbulagan,  pagbibingibingihan, o kawalan ng pag-asa.

Taun-taon ginugunita natin ang pagsilang ng Banal na Sanggol. Taun-taon ginugunita natin ang Kanyang kababaang-loob, pagiging banayad, at pagbibigay-saya. Hindi pa tapos ang kasaysayan ng pagparito ni Jesus. Nasa mga kamay natin ang pagpapatuloy ng magandang istorya ng Kanyang pagsilang. Magpuri nawa kay Jesus ang sinumang makadarama ng Kanyang presensya sa pamamagitan natin.




Wednesday, February 14, 2018

Ang Pinakamahalagang Sangkap


Dumako na naman tayo sa panahon ng Kuwaresma, ang apatnapung araw ng paghahanda sa dakilang kapistahan ng Muling Pagkabuhay ng Panginoon. Hitik ang panahong ito sa panalangin, pag-aayuno, at pagbibigay-limos. 

Sa kanyang pagninilay ngayong Miyerkules ng Abo, sinabi ni Fr Anthony Giambrone, OP, na pinupuntirya ng panalangin, pag-aayuno, at pagbibigay-limos ang mga patibong ng dimonyo: ang kayabangan sa buhay, ang kalibugan ng katawan, at ang pagnanasa ng mga mata. Sinabi niya ang sa pamamagitan ng panalangin, nagpapakumbaba tayo sa harap ng Panginoon. Sa ating pag-aayuno, dinidisiplina natin ang anumang gana ng ating katawan. Sa ating pagbibigay-limos, nagiging malaya tayo sa anumang makasariling pagnanasa.

Madalas, puno ng dasal at pag-aayuno ang ating mga Kuwaresma. Nakakaligtaan na nating magkawanggawa. Sang-ayon kay Fr Giambrone, ang pagkakawanggawa ang pinakamahalagang sangkap sa Kuwaresma. Kung mananalangin lamang tayo, hindi tayo makakatiyak na mapapawi nito ang ating mga sala. "Kapag manalangin kayo, hindi ko kayo papansinin. Kahit paulit-ulit pa kayong manalangin hindi ko kayo pakikinggan dahil marami kayong pinatay na tao." (Isaias 1:15). Hindi rin sapat ang pag-aayuno. Matatandaang nag-ayuno si Haring David sa loob ng pitong araw bilang pagsisisi sa kanyang pagkakasala sa Diyos, subalit hindi siya pinakinggan ng Panginoon (2 Samuel 12:13-23). Sa pagkakawanggawa, binibigyang-buhay nito ang ating mga pagkilos, pagkilos na puspos ng pag-ibig. Sinabi ni Jesus na kung kakaawaan natin ang mga dukha at tutulungan sila sa kanilang mga pangangailangan, magiging malinis tayo (cf. Lukas 11:41). 

Tuwing Kuwaresma, tinatawag tayong magbalik-loob sa Panginoon. Bakit nga ba tayo kailangang magbalik-loob? Dahil nagkasala tayo. Naging marumi tayo sa ating mga kasalanan. At dahil naging marumi tayo, kailangan nating maging malinis. Hindi sapat ang dasal at ayuno. Kailangan natin ang pag-ibig. Sa taong ito, nagkasabay ang unang araw ng Kuwaresma at ang Araw ng mga puso. Hindi kaya isang panawagan ito upang umibig tayo kagaya ng Diyos na nagkatawang-tao na nag-alay ng Kanyang sarili para luminis tayong muli?

Monday, January 01, 2018

Bagong Ikaw, Bagong Daigdig



Nakakatawag-pansin ang nilalaman ng isang poster kaugnay ng Laudato Si, isang kilalang encyclical ni Pope Francis na nakatuon sa pangangalaga sa ating daigdig. May tatlong panawagan ang poster: Mamuhay nang marunong, mag-isip nang malalim, umibig nang mapagbigay.


Bagong Taon na naman! Nakaugalian na nating salubungin ito na puno ng pagsasaya at pag-iingay, pag-asa at pananampalataya, pasasalamat at pagbabalik-tanaw. 

Sa ating pagbabalik-tanaw, makikita natin ang maraming pagkakataong naging mabuti sa atin ang Panginoon. Marami Siyang biyayang ipinagkaloob sa atin. Halimbawa na lang ang oras. Paano natin ginamit ang biyayang ito? Ginamit ba natin ito para pag-usapan ang kapwa at hanapan sila ng butas o ginamit natin ito para maghanap-buhay o pagyamanin ang ating kaalaman?

Marami rin tayong hinarap na pagsubok noong nakaraang taon. Marami tayong desisyong ginawa. Tama ang iba, subalit mayroon ding mga mali. Nagkamali kaya tayo dahil minadali natin ang ating pagpapasya? Nagkamali kaya tayo dahil hindi natin pinag-isipang maigi ang magiging resulta ng ating mga gawi? Nagkamali kaya kayo dahil pinangunahan tayo ng galit o inggit? Naimpluwensiyahan kaya tayo ng mga fake news na nagkalat sa social media? Nasulsulan ba tayo ng mga kapos din sa karunungan?

Nilikha tayo upang umibig dahil ang lumikha sa atin ay pag-ibig (1 Juan 4:8). Nasasalamin ba sa ating pag-ibig ang pag-ibig ng Diyos? Nagbibigay-tulong lang ba tayo dahil masarap sa pakiramdam, kagaya noong Pasko? Ano ang turing natin sa mga tinutulungan natin? Mga pabigat sa buhay sana nating masarap? Mga kasangkapan para magpasikat? Mga de susing kalaruan?

Sa ating pagsalubong sa Bagong Taon, pagsikapan nating dinggin at isabuhay ang panawagan ng poster. Kung naging mangmang, mababaw, at makunat ang ating 2017, hindi ba panahon na para magbago na tayo? Kung magagawa natin ito, mapapangalagaan natin hindi lamang ang ating mga sarili, kundi ang ating mga mahal sa buhay, ang pamayanan, ang lipunan, at ang daigdig.  Samahan nawa tayo ng Mahal na Inang Maria sa ating paglalakbay.

Isang marunong, malalim, at mapagbigay na 2018 sa inyong lahat!


Tuesday, August 22, 2017

Bajo la Campana



Noong panahon ng mga Kastila, sang-ayon sa istoryador na si Ambeth Ocampo, naging mabisang kasangkapan ang mga kampana ng simbahan upang anyayahan ang mga mamamayan na manalangin, ipahayag ang mahahalagang okasyon gaya ng binyag, kasal, o kamatayan, at magbabala kung may mga panganib gaya ng sunog o pagsalakay ng mga pirata.  Ganoon kabisa ang mga kampana kung kaya tinagurian ang mga sinaunang Pilipino na naninirahan bajo la campana (sa ilalim ng kampana). Sa makabagong panahon, lalo na sa mga lungsod, hindi na masyadong ginagamit ang mga kampana maliban sa mga relihiyosong gawain.  

Noong Linggo, iniutos ni Archbishop Socrates Villegas na patugtugin "ang lahat ng kampana sa lahat ng simbahan (sa Arkidiyosesis ng Lingayen-Dagupan)...simula alas otso ng gabi sa loob ng kinse minutos nang tuloy tuloy." mula ika-22 ng Agosto hanggang ika-27 ng Nobyembre ng taong kasalukuyan.

Bunsod ito ng pagkadismaya ni Villegas sa kaguluhang nagaganap sa bansa sa gitna ng kabikabilang pagpatay na ipinapatupad ng pamahalaan bilang bahagi ng laban nito sa droga. Idinaing rin ng butihing arsobispo ang kawalan ng simpatiya ng taumbayan sa mga biktima ng extrajudicial killings (EJKs): "Bakit kakarampot na lamang ang kababayang naaawa sa mga ulila? Hindi na ba tayo marunong umiyak? Bakit hindi na tayo nasisindak sa tunog ng baril at agos ng dugo sa bangketa?" 

At dahil wala na ngang simpatiya ay sinisisi pa ng mga sumasang-ayon sa EJKs ang mga biktima. Sang-ayon kay Villegas: "Ang gulo ng bayan! Ang opisyal na pumatay ay may parangal. Ang pinatay ay sinisisi. Hindi na makapagpaliwanag ang mga bangkay sa bintang sa kanila 'Nanlaban kasi.' Hindi na nila masabi 'Nagmakaawa po ako hindi ako lumaban!'" 

Ano ang layon ng pagbagting ng mga kampana? "Ang bagting ng kampana ay tawag ng paggising sa bayang hindi na marunong makiramay sa ulila, nakalimutan ng makiramay at duwag na magalit sa kasamaan. Ang tunog ng kampana ay tawag na ihinto ang pagsangayon sa patayan!" 

Puno ng emosyon ang lihamm ni Villegas. Samantala, naglabas ng hiwalay na liham si Cardinal Luis Antonio Tagle kung saan nag-alay siya ng mas malalim at mga kongkretong hakbang tungkol sa isyu ng bawal na droga. Una, nanawagan si Tagle na magkaroon ng diyalogo ang sari-saring bahagi ng lipunantungo sa pagbabalangkas ng karaniwang landas kung paano malulutas ang problema sa bawal na droga. Sang-ayon kami kay Tagle na hindi dapat na ituring na isyung politikal o kriminal lamang ang problemang ito dahil apektado tayong lahat nito. Ang alok ni Tagle na magsilbing tagapag-ugnay ang Arkidiyosesis ng Maynila sa pag-uusap na ito ay dapat suportahan.

Pangalawa, iminungkahi ng kardenal na pakinggan natin ang kuwento ng mga naapektuhan ng bawal na gamot.  Ang paanyayang makipag-ugnayan ang mga kinauukulan sa kanilang mga kura-paroko, gayon din ang pagkatok sa puso ng mga gumagawa at nagbebenta ng mga bawal na gamot pati na rin sa mga pumapatay ng mga inosenteng mamamayan ay tanda ng pag-aaruga ng Simbahan sa kanyang mga anak. 

Pangatlo, ang paglupig sa kasamaan sa pamamagitan ng kabutihan (Taga-Roma 12:21). Kinilala ni Tagle ang mga kabataan, mahihirap, at walang hanap-buhay bilang mga madaling maaapektuhan ng pagkalulong sa bawal na gamot.  Kung kaya hinikayat niyang isulong ng mga parokya at bikaryato ang Sanlakbay, ang drug rehabilitation program ng arkidiyosesis.

Sa ating editoryal noong isang linggo, sinabi natin na ang pusong Pinoy ay pusong "may Diyos na kinatatakutan, may kapwang pinagmamalasakitan".  Sa gitna ng masalimuot na isyu ng bawal na gamot sa ating bansa, masasabi ba nating ganito ang ating puso? Ang ating pagtugon sa pagbagting ng kampana at ang ating malawak at malalim na pagninilay sa isyu ng bawal na gamot ang magiging sukatan nito.


Wednesday, July 19, 2017

Vietato Lamentarsi




Sa pintuan ng kanyang silid sa Casa Santa Marta, ipinaskil ni Pope Francis ang karatulang nagsasabing Vietato Lamentarsi (Bawal ang magreklamo.)  Regalo ito diumano sa Santo Papa ni Salvo Noe, isang sikolohista at may-akda ng mga self-help books, nang dumalo siya sa isang panayam sa St Peter's Square sa Roma noong isang buwan.

Sang-ayon sa karatula na isinulat sa wikang Italyano, ang sinumang lumabag ay mapapasailalim sa tinatawag na victim syndrome na makakabawas sa kanilang pagkamapagpatawa at kakayahang lumutas ng mga suliranin. Dagdag pa ng karatula, magiging doble ang multa kung ang pagrereklamo ay gagawin sa harap ng mga bata. Sinasabing isang patama ang karatulang ito sa mga obispo, pari, at mga kawani ng Vatican na nagdudulot ng mga suliranin sa Papa. Natatandaan ninyo ba ang apat na kardenal na naghain ng kanilang dubia (pagdududa) sa Papa tungkol sa Amoris Laetitia, isang apostolic exhortation na inilabas matapos ang Synods on the Family noong 2014 at 2015?

Kilala tayong mga Pinoy bilang masayahin, mahaba ang pasensya, at matiisin. Subalit may mga pagkakataong nagiging sala tayo sa init at sa lamig.  Gumawa ng hindi maganda ang ating kapwa, may reklamo tayo. Kapag naman gumawa sila ng mabuti, imbis na matuwa o magpasalamat tayo, may reklamo pa rin tayo. Sa parokya, trabaho, o anumang bahagi ng lipunan, mapupuna mo na kung sino pa ang panay angal ay siya ring kakaunti o walang nagagawa. Kakaibang kakaiba sa mga tahimik at masayang kumikilos. 

Nakakalungkot at nakakaawa ang buhay ng reklamador. Sa kanilang palagiang pagdaing, hinihila din nila pababa ang sinumang nasa paligid nila. Hindi katakataka na doble diumano ang magiging multa nila kung masasaksihan ng mga paslit ang kanilang hindi magandang halimbawa.

May isang mungkahi ang karatula sa mga reklamador: ituon ang sarili sa kakayahan at hindi sa limitasyon. Ilang halimbawa:

Hindi sapat ang salapi mo, pero nagmamahalan kayong pamilya. Gamitin mong inspirasyon ang 'kakayahan' na ito para makaahon kayo sa buhay. Pagnilayan natin ang buhay ni San Jose.

Hindi naging tapat ang kabiyak mo, pero nananatili kang matatag sa anumang tukso. Gamitin mo ang kakayahang ito para sa kapakanan ng mga anak mo at para na rin hikayatin ang kabiyak mo na magbagong-buhay. Tingnan natin ang buhay ni Santa Monica.

Kakaunti lamang kayong aktibo sa inyong parokya o samahan, pero nananatili kayong nagkakaisa. Gamitin ninyo ang pagkakaisang iyan para lalo pang lumakas ang inyong samahan. Balikan natin ang naging buhay ng mga martir tulad nina San Lorenzo Ruiz at San Pedro Calungsod.

Mahina ka sa isang asignatura gaya ng Matematika, pero matiyaga kang mag-aral at may ambisyon sa buhay. Gamitin mo ang mga kakayahang ito para makapasa ka at makamit ang inaasam mong antas ng edukasyon. Masdan natin ang buhay ni San Juan Maria Vianney.

Hirap kang mamuhay bilang mabuting Kristiyano, pero mapagkumbaba ka. Gamitin mo ang kababaang-loob para masundan mo ang landas na tinahak ni Kristo. Pag-aralan natin ang buhay ni San Agustin.

Sinabi ni Fr John Martin, isang pari sa Nottingham, Inglatera, na hindi mahalaga sa Diyos ang ating kakayahan o limitasyon. Ang mahalaga sa Kanya ay kung paano natin ginagamit ito para magbunga ang inihasik Niyang biyaya sa ating mga puso. 







Friday, June 16, 2017

Tagapagbigay-buhay



Kung mayroon mang salitang nakaugnay sa mga ama, ito ay walang iba kung hindi ang salitang buhay. Nakagisnan na ng lipunan na ang ama ang naghahanap-buhay para maitaguyod niya ang kanyang pamilya. Sa pagbabanat ng buto ng mga ama, makatitiyak na may panustos sa anumang gastusin, may pangmatrikula ang mga anak, at may pagkain sa hapag.

Bahagi ng paniniwala natin na ang tungkulin ng ama na magbigay-buhay sa kanyang pamilya ay sumasalamin sa papel ng Diyos bilang Amang bukal ng Buhay. Sa pagsugo Niya sa Kanyang Bugtong na Anak, nagkaroon ng pag-asa ang sinumang maniniwala kay Jesus na magkaroon ng buhay, buhay na walang hanggan.

Sa Kanyang pagkakatawang-tao at pagiging bahagi ng pamilya nina Jose at Maria, nakita at naranasan ni Jesus kung paano Siya binuhay ni Jose. Tiyak na nasaksihan niya ang pagtatrabaho ni Jose, ang mga hirap na dinanas nito sa paghahanap-buhay, ang mga pag-uusap nina Jose at Maria kung paano pagkakasyahin ang kinita ni Jose, ang pamimili at paghahain ng masarap na pagkain ni Maria sa hapag para kanilang pagsaluhan. 

Sa mga halimbawang ito, nabuo sa isip ng batang si Jesus ang mga aral na Kanyang gagamitin nang simulan na Niya ang Kanyang pagpapahayag sa madla. Hindi katakataka na ipakilala Niya ang Kanyang sarili bilang Tinapay na nagbibigay-buhay! 

Sa ating pagdiriwang ng Kapistahan ng Banal na Katawan at Dugo ni Kristo at Araw ng mga Ama sa ika-18 ng Hunyo, magpasalamat tayo sa Ama dahil ibinigay Niya sa atin si Jesus bilang pagkaing kailangan natin patungo sa Kanya. Magpasalamat din tayo sa mga amang naglaan ng kanilang buhay upang tayo ay mabuhay. Ipanalangin din natin na manatili silang tapat sa kanilang bokasyon na maitaguyod ang kanilang pamilya bilang mga kalugud-lugod na kasapi ng sambayanan.

Friday, December 23, 2016

Pasko Lagi



Extrajudicial killings, pagpapalibing kay Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani, mga nakakabahalang pahayag at kilos ng Pangulong Duterte, pamamayagpag ng mga dating isinuka ng taumbayan, bangayan sa pagitan ng mga lingkod bayan, pambabraso sa ilang opisyal ng pamahalaan, kahirapan, kawalan ng katarungan. Ilan lang ito sa mga bumabagabag sa ating bansa. 

Sa ibang bahagi ng mundo, mababalitaan ang patuloy na karahasan sa Aleppo, Syria, ang trahedya sa Alemanya nang sadyang bundulin ng isang trak ang Christmas Market sa Berlin, ang pagpaslang sa embahador ng Russia sa Turkey, at ang pagdagsa ng mga refugees sa mga karatig-bansa.

Sa mga kaganapang ito, magiging merry pa ba ang ating Christmas?  

Bagama't inaasahang magaang ang ating kalooban at masaya ang ating kapaligiran sa Kapaskuhan, kailangan nating balikan ang unang Pasko.  Noong unang Pasko, walang kagayak-gayak, walang kasayahan, tila kadiliman ang naghahari sa tanan.

Sa ikalawang kabanata ng Ebanghelyo ayon kay San Lukas, ipinag-utos ng Emperador Augusto Cesar na magkaroon ng senso ang mga nasasakupan niya. Kasama sa sensong ito ang bayang Israel kung kaya't nagpunta sina Jose at Maria sa Bethlehem. Habang sila ay naroon isinilang ni Maria si Jesus - sa isang sabsaban dahil walang nagpatuloy sa kanila.

Maaala rin nating mga ordinaryong pastol ang una nilang bisita. Sumunod dito'y mga banyagang pantas. Walang mataas na tao sa Israel ang kumilala sa pagiging hari ng sanggol. Tinangka pa ngang paslangin ni Herodes ang Banal na Sanggol kung kaya itinakas ni Jose ang kanyang mag-ina sa Egipto.

Hindi merry ang unang Christmas. 

Subalit ito ay puspos ng presensya ng Diyos. Dahil sa kapanganakan ng Anak ng Diyos, natupad ang pangako: tatawaging Emmanuel ang Mesiyas na darating (Isaias 7:14).

Hindi naging madali ang buhay ni Jesus. Hindi rin madali ang buhay ng sinumang susunod sa Kanya, unang-una na sina Maria at Jose. Ngunit kung magiging bukas tayo lagi sa Kanyang presensya, kung hahangarin natin ang hinahangad Niya, kung makikibaka tayo laban sa mga puwersa at aral na taliwas sa Kanyang pag-ibig, hindi lang magiging merry kundi higit sa lahat magiging makabuluhan ang ating Pasko. Magiging Pasko lagi-lagi.

Isang pinagpalang Pasko po sa inyong lahat!


Saturday, July 09, 2016

Paggalang sa Buhay at Pagpapari



Ipinahayag ng National Bureau of Investigation (NBI) na hindi nagpatiwakal, kundi pinaslang si Fr. Marcelino "Mar" Biliran, Kura-Paroko ng St. Peter the Apostle Parish sa Loboc, Bohol. Inakala ng nakakarami, kasama na ang ating web, na nagpatiwakal si Fr. Mar.  Sa kasamaang-palad, may ilang tao na humusga sa yumaong pari. 

Ano kaya ang naging motibo sa pagpaslang kay Fr. Mar? Sa pagbibigay-linaw na hindi siya nagpakamatay kundi pinatay, ito ang isa sa mga unang maitatanong natin. Pangalawa ang kung sino ang pumaslang. 

Hindi ito ang unang pagkakataong makabalita tayo ng paring pinaslang. Nandiyan ang balitang panloloob at pagpatay kina Bishop Hernando Antiporda at Fr. Raymundo Costales sa kumbento ng Quiapo Church noong 1975.  Gayon din ang sinapit ni Fr. Loreto Palafox sa kanyang silid sa Capitol Medical Center noong 1999 at ni Fr. Albert Tanghal habang nagbabakasyon sa Pilipinas noong 2003. Idagdag pa natin dito ang maraming halimbawa ng mga paring pinaslang dahil sa kanilang ipinaglalabang prinsipyo. 

Nakakaalarma ang ganitong mga pangyayari sa dalawang dahilan. Una, ang kahalagahan ng buhay. Bilang mga Kristiyano, bahagi ng ating pananampalataya ang pangalagaan ang buhay. Tanging sa Diyos lamang ang kapangyarihan para ipagkaloob at bawiin ito. 

Pangalawang dahilan ang biyaya ng pagpapari. Sa kagandahang-loob ni Jesus, hinirang Niya ang ilang kalalakihan para ipagpatuloy ang Kanyang misyon na ipangaral ang Mabuting Balita at pangunahan ang pagdiriwang ng mga sakramento. Sa pagtupad sa kanyang ministeryo, kumikilos ang pari sa ngalan ni Kristo.  

Sa pagpaslang sa mga tulad ni Fr. Mar, ipinapahiwatig lang sa atin ang kawalan ng paggalang sa buhay at sa tungkulin ng pagiging pari.  Sa mga karahasang ito, kitang-kita natin ang paglapastangan sa Diyos mismo na Siyang may-akda ng buhay at ng pagpapari. Totoo na may mga paring hindi naging tapat sa kanilang bokasyon, subalit ang isyung iyan ay sagutin na nila sa Panginoon at sa sambayanan.

Nakikiisa kami sa mga kamag-anak, kapwa-pari, at mananampalatayang pinaglingkuran ni Fr. Mar sa panawagang bigyan ng katarungan ang karumaldumal na pagpaslang sa kanya,  at sa iba pang mga paring naging biktima ng ganitong krimen.





Friday, July 01, 2016

Tanging Diyos Lamang

 
Nagdulot ng matinding lumbay sa mga mananampalataya ng St. Peter the Apostle Parish ng Loboc, Bohol ang pagyao ng kanilang Kura-Paroko na si Fr. Marcelino Biliran noong Lunes. Natagpuan ang pari na nakabigti sa kanyang banyo.  Sang-ayon sa pulisya, nagpakamatay ang pari. 
 
Nakakabigla ang balitang ito dahil isang mabigat na kasalanan ang pagpapakamatay. Sang-ayon sa turo ng ating Simbahan, Diyos lamang ang Panginoon ng buhay at tayo ay katiwala lamang nito (Catechism of the Catholic Church, CCC # 2280).
 
Noong unang panahon, hindi ipinapasok sa simbahan ang labi ng sinumang nagpakamatay sa kadahilanang gumawa ng kasalanang mortal ang yumao. Subalit nagbago ng posisyon ang Simbahan tungkol dito dahil kailangang isaalangalang ang mental na kalagayan ng nagpatiwakal. Kaakibat ng lumbay na dinaranas ng mga taga-Loboc ang pagtataka kung bakit nagpatiwakal ang isang pari.  Sang-ayon sa isang kamag-anak, natagpuang may colon cancer si Fr. Biliran noong nakaraang taon at magbuhat noon ay dumanas na ng depresyon.  Hindi kaya ang mga sakit na ito ang nag-udyok sa pari para bawiin ang kanyang buhay? Hindi kaya ang mga sakit na ito ang nagpahina sa kalooban ng pari para magbigti? Hindi na natin ito malalaman.
 
Bagama't masasabing masama ang kumitil ng buhay, tanging ang Panginoon lamang ang nakakaalam ng puno't dulo kung bakit nagawa ito ng isang tao, pari man siya o layko. Imbis na husgahan si Fr. Biliran - isang pari sa loob ng 25 taon - unawain natin na tao rin siyang nagkamali at naging mahina. Ipagkatiwala na lang natin ang kanyang kaluluwa sa Amang May-Likha, puno ng pag-asa sa kaligtasan mula sa kasalanan. Ipanalangin din natin ang mga kamag-anak ni Fr. Biliran gayon din ang mga taga-Loboc at iba pang parokyang pinaglingkuran niya na hilumin nawa ni Kristo ang sugat na dulot ng trahedyang ito. At dahil Taon ng Awa ngayon, maging sensitibo tayo sa pangangailangan at kalagayan ng ating kapwa, lalo na ng ating pamilya.  Anumang magandang salita o gawa ay magsisilbing inspirasyon para lalo silang magtiwala sa Amang puno ng awa sa lahat.
 
 
 
 

Sunday, January 17, 2016

Bagong Alak, Bagong Ikaw



Bahagi na ng anumang okasyon ang alak.  Nitong nakaraang Pasko at Bagong Taon, pati na rin ang mga pista sa iba't ibang bahagi ng bansa, tiyak na kulang ang handa kung walang alak.  Nagbibigay-sigla ang alak.  Bukod dito, iniuugnay nito ang mga manginginom sa isa't isa. 

Sa Ebanghelyo ayon kay San Juan (2:1-11), matutunghayan natin kung paano naubusan ng alak ang bagong kasal.  Kung lalagay tayo sa kinalalagyan ng bagong kasal, lubos tayong mapapahiya.  Salamat sa "mother instinct" ng Mahal na Birheng Maria, iniligtas ni Jesus ang bagong kasal sa kahihiyan nang gawin Niyang alak ang tubig.  

Sang-ayon kay Bishop Robert Barron, ang alak sa Ebanghelyong ito ay tanda ng buhay na  banal, buhay na kaisa ng Diyos. Samakatuwid, ang kawalan ng alak ay kawalan ng biyaya.

Bagong Taon na.  Kumusta na ang buhay natin? Ang ating relasyon sa ating asawa, anak, katipan, magulang, kapatid, kamag-anak, o kapwa?  Kumusta na ang ating buhay-pananampalataya? Kumusta na ang ating trabaho? Ang ating paglilingkod sa pamayanan?  Mayroon pa ba tayong sigla o tinatabangan na tayo?  Madalas ba tayong masungit o tinatamad? Mayroon pa ba tayong ningas o nanlalamig na tayo?

Magandang suriin natin ang ating mga sarili dahil kung wala nang 'alak' sa ating sistema, paano natin matutupad ang kalooban ng Diyos? Paano tayo magiging kawangis ng Amang sagana sa awa?

Sa mga pagkakataong ubos na ang 'alak', huwag nating hanapin ito sa mga alak na pansamantalang patid-uhaw lang ang dulot. Buksan nating muli ang ating mga puso kay Jesus na Siyang magkakaloob sa atin ng Banal na Espiritu.  At kapag naging bukas tayo sa Espiritung ito, tiyak na mararanasan natin na ang ating buhay ay parang bukal na bumabalong ng buhay na walang hanggan (Juan 4:14).  Mas magiging "sweet" tayo sa ating asawa o katipan. Mas magiging mapagmahal tayong mga magulang o anak. Mas magiging propesyunal tayong manggagawa. Mas magagamit natin ang anumang kakayahan natin para sa kapurihan ng Diyos at sa ikabubuti ng kapwa. Mas magiging tapat tayong tagasunod ni Kristo.  Dumulog tayo sa Mahal na Ina na siguradong sasamahan tayo sa ating paglalakbay!

Tuesday, January 31, 2012

Itinalaga

Nakatawag-pansin sa Facebook ang isang magandang dibuho kung saan inilarawan ang pagtuturok ng tila isang adik. Sa likod niya’y naroon ang larawan ni Jesus na pinipigilan ang adik sa kanyang ginagawa. Puno ng sakit ang mukha ng Panginoon dahil braso niya ang tinurukan. Mapupunang iisa ang braso ng adik at ng Panginoon.

Naniniwala tayong mga Kristiyano na ang buhay ay nagmula sa Diyos. At dahil kinikilala nating banal ang Diyos, ang buhay (at anumang manggaling sa Diyos) ay banal. Kaya nga hindi katakatakang manindigan ang Simbahan para sa buhay. Kaya nga ang mga alagad ng Diyos gaya ni Fr Shay Cullen at ang PREDA Foundation ay hindi katakatakang nakikipaglaban para sa karapatang-pantao ng mga inaapi’t salat sa katarungan. Kaya nga ang mga misyonerong gaya ni Fr Raul Tabaranza ay hindi katakatakang nagsisilbi sa mga biktima ng HIV/AIDS sa Africa.

Tinawag ang bawat isa sa atin na makiisa sa Diyos sa pagpapaunlad ng buhay sa pamamagitan ng iba’t ibang bokasyon: pagpapari, pagmamadre, buhay-pamilya, o kaya’y ‘single blessedness’. Anuman ang ating bokasyon, tayo’y itinalaga ng Diyos dito. At dahil tayo’y itinalaga, hindi natin ito dapat ipagwalang-bahala.

Subalit nakakalungkot na mabalitaan o kaya’y masaksihan kung paanong ipinagwalang-bahala ng iba ang kanilang bokasyon. Ang iskandalong sekswal ng ilang pari sa Europa’t Amerika ay nagdulot ng matinding sakit di lamang sa mga naging biktima nito, kundi lalo’t higit kay Kristo na kumilala sa mga kapus-palad bilang Kanyang mga kapatid. Ang pangangaliwa ng ama o ina ay nagdulot ng malalim na sugat di lamang sa kanilang asawa’t mga anak kundi kay Jesus na naging bahagi ng isang pamilya. Ang kapabayaan ng isang manggagamot ay nagdala ng kalungkutan di lamang sa pasyente’t mga kaanak nito kundi kay Kristo na araw-gabing nagpagaling sa mga may karamdaman. Ang pagbubulakbol ng mga estudyante ay nagpasama ng loob di lamang ng kanilang mga magulang at guro kundi ng Dakilang Guro na misang nagpasakop sa pangangalaga nina Jose’t Maria at nagpakilala bilang Katotohanan.

Sa susunod na tayo’y matutuksong gumawa ng mali, alalahanin nawa natin kung sinu-sino ang maaapektuhan. Kagaya ng magandang dibuhong nakapaskil sa Facebook, alalahanin natin ang insultong idudulot nito sa Diyos na nagtiwala sa atin. At kung tayo man ay nadapa, huwag tayong mawalan ng pag-asang magbalik-loob at sariwain ang pangakong italaga ang buong buhay sa Kanyang kapurihan at sa kabutihan ng kapwa.

Tuesday, January 03, 2012

Ibang Daan


Matapos magbigay-pugay sa Banal na Sanggol at maghain sa Kanya ng kanilang mga handog, nilisan ng tatlong haring mago ang Bethlehem sa pamamagitan ng ibang daan. Sa pagtatapos ng Kapaskuhan, sa pagwawakas ng isang pinananabika’t masayang okasyon mahalagang tanungin natin ang ating sarili: “Mag-iibang daan na rin ba tayo?”

Kakaibang pakiramdam ang ating naranasan noong Pasko. Pawang lahat ay nasa kondisyong magbigay ng tulong sa iba, maggayak ng tahanan, magdasal, atbp. Tila punung-puno tayo ng grasya. Tila tayong lahat ay may mabuting kalooban. Subalit sa pagtago ng mga dekorasyon, sa di pagsindi ng mga kumikislap na mga ilaw nandyan pa rin ba sa atin ang grasya at ang mabuting kalooban? O babalik na ba tayo sa dating gawi? Sa dating daan pa rin ba ang tungo natin?

Ang kapanganakan ng Panginoong Jesus noong Pasko ay nagdulot ng kaligtasan sa mundo, ng liwanag sa dilim, ng pag-asa sa mga naghihikahos. Sa pagparito ng Anak ng Diyos, nagsimula na rin sa mundo ang pagdating ng kaharian ng Diyos, isang kaharian na ang bawat isa’y magkakapatid sa pangangalaga ng Diyos bilang Ama.

Subalit kung nais nating mapabilang sa kahariang ito mahalagang talikdan na natin ang daang walang kahahatungan kundi kapahamakan, ang pag-uugali’t gawi na makasarili, ang pamumuhay sa kadiliman. Importante ang pagbabago ng puso!

Simulan natin nang tama ang Bagong Taon. Tahakin natin ang landas ni Kristong ating hinintay noong Adbiyento at tinanggap noong Pasko. Tahakin natin ang landas ng kapayapaan!

Monday, August 01, 2011

Salamat, Panginoon, salamat!

Tanda ng paggalang ang pagsabi ng “Thank you” sa sinumang nakagawa ng kabutihan sa atin, maliit man ito o malaki, bahagi man ito ng trabaho o hindi. Tiyak na ito ang isa sa mga unang posibleng matutuhan (o di matutuhan) ng isang bata mula sa kanyang mga nakatatanda.

Hitik ang Banal na Kasulatan ng mga awit-pasasalamat sa Diyos sa samu’t saring ginawa Niya para sa Kanyang Bayan. Samu’t saring ginawa na pawing dakila! Matutunghayan din sa Bibliya ang mga personal na pagpapasalamat ng ilang kilalang karakter sa kasaysayan ng kaligtasan gaya nina Abraham, Anna, at Maria.

Bagama’t gumawa ng mga kababalaghan ang Panginoon sa mga karakter na ito, hindi naiiba ang buhay nila sa atin. Dumanas din sila ng mga pagsubok – matagal bago nagkaanak sina Abraham at Anna samantalang isang dalaga si Maria nang magdalantao. Di katakatakang maging usapin sila ng kanilang mga kababayan. Dumaranas din tayo ng ganitong uri ng pag-uusig. Pinagpipiyestahan din ng mga matatabil na dila ang anumang problemang kinakaharap natin. Sa gitna ng tila kadilimang ating kinalalagyan, nasa lugar pa ba ang magpasalamat sa Kanya? Nararapat pa bang magpuri sa Kanya?

Mainam sigurong sagutin ang mga katanungang ito sa pamamagitan ng pagbabalik-tanaw sa naging tugon nina Abraham, Anna, at Maria. Ano nga ba ang naging reaksyon ni Abraham sa pagiging baog ng kanyang asawang si Sarah? Ano nga ba ang inasal ni Anna habang pinagmamasdan ang mga anak ng kanyang asawa sa pangalawang nitong asawa? Paano nga ba hinarap ni Maria ang sitwasyong papasukin niya? Nanalig sila’t sumunod sa kalooban ng Panginoon! Hindi madali ang naging buhay-pananampalataya nila pero nanatili silang kumilala sa kani-kanilang kahinaan at nanalig sa kapangyarihan ng Diyos. At dahil kinilala nila kung ano ang ginawa ng Panginoon sa kanila, natuto silang magpasalamat. Pasasalamat na ipinahayag nila sa salita at sa gawa.

Kung natutukso tayong magreklamo’t sumimangot sa hirap at bigat ng ating mga pasanin, huwag nawa nating kalimutan ang mabubuting ginawa ng Diyos sa atin. Isa nang biyayang dapat ipagpasalamat ang pagdating ng panibagong araw, di lang dahil humihinga pa rin tayo, kundi lalo’t higit nandoon ang pag-asa na magsikap, na magbago, na magmahal sa Diyos at kapwa. Kung marunong tayong magpasalamat tuwina, madadala natin ang ating buhay nang may saya, nang may ngiti, nang may mainit at malinamnam na pakikitungo sa iba.

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP