Nagdulot ng matinding lumbay sa mga mananampalataya ng St. Peter the Apostle Parish ng Loboc, Bohol ang pagyao ng kanilang Kura-Paroko na si Fr. Marcelino Biliran noong Lunes. Natagpuan ang pari na nakabigti sa kanyang banyo. Sang-ayon sa pulisya, nagpakamatay ang pari.
Nakakabigla ang balitang ito dahil isang mabigat na kasalanan ang pagpapakamatay. Sang-ayon sa turo ng ating Simbahan, Diyos lamang ang Panginoon ng buhay at tayo ay katiwala lamang nito (Catechism of the Catholic Church, CCC # 2280).
Noong unang panahon, hindi ipinapasok sa simbahan ang labi ng sinumang nagpakamatay sa kadahilanang gumawa ng kasalanang mortal ang yumao. Subalit nagbago ng posisyon ang Simbahan tungkol dito dahil kailangang isaalangalang ang mental na kalagayan ng nagpatiwakal. Kaakibat ng lumbay na dinaranas ng mga taga-Loboc ang pagtataka kung bakit nagpatiwakal ang isang pari. Sang-ayon sa isang kamag-anak, natagpuang may colon cancer si Fr. Biliran noong nakaraang taon at magbuhat noon ay dumanas na ng depresyon. Hindi kaya ang mga sakit na ito ang nag-udyok sa pari para bawiin ang kanyang buhay? Hindi kaya ang mga sakit na ito ang nagpahina sa kalooban ng pari para magbigti? Hindi na natin ito malalaman.
Bagama't masasabing masama ang kumitil ng buhay, tanging ang Panginoon lamang ang nakakaalam ng puno't dulo kung bakit nagawa ito ng isang tao, pari man siya o layko. Imbis na husgahan si Fr. Biliran - isang pari sa loob ng 25 taon - unawain natin na tao rin siyang nagkamali at naging mahina. Ipagkatiwala na lang natin ang kanyang kaluluwa sa Amang May-Likha, puno ng pag-asa sa kaligtasan mula sa kasalanan. Ipanalangin din natin ang mga kamag-anak ni Fr. Biliran gayon din ang mga taga-Loboc at iba pang parokyang pinaglingkuran niya na hilumin nawa ni Kristo ang sugat na dulot ng trahedyang ito. At dahil Taon ng Awa ngayon, maging sensitibo tayo sa pangangailangan at kalagayan ng ating kapwa, lalo na ng ating pamilya. Anumang magandang salita o gawa ay magsisilbing inspirasyon para lalo silang magtiwala sa Amang puno ng awa sa lahat.

No comments:
Post a Comment