Powered by Blogger.
Showing posts with label Marcelino Biliran. Show all posts
Showing posts with label Marcelino Biliran. Show all posts

Saturday, July 09, 2016

Paggalang sa Buhay at Pagpapari



Ipinahayag ng National Bureau of Investigation (NBI) na hindi nagpatiwakal, kundi pinaslang si Fr. Marcelino "Mar" Biliran, Kura-Paroko ng St. Peter the Apostle Parish sa Loboc, Bohol. Inakala ng nakakarami, kasama na ang ating web, na nagpatiwakal si Fr. Mar.  Sa kasamaang-palad, may ilang tao na humusga sa yumaong pari. 

Ano kaya ang naging motibo sa pagpaslang kay Fr. Mar? Sa pagbibigay-linaw na hindi siya nagpakamatay kundi pinatay, ito ang isa sa mga unang maitatanong natin. Pangalawa ang kung sino ang pumaslang. 

Hindi ito ang unang pagkakataong makabalita tayo ng paring pinaslang. Nandiyan ang balitang panloloob at pagpatay kina Bishop Hernando Antiporda at Fr. Raymundo Costales sa kumbento ng Quiapo Church noong 1975.  Gayon din ang sinapit ni Fr. Loreto Palafox sa kanyang silid sa Capitol Medical Center noong 1999 at ni Fr. Albert Tanghal habang nagbabakasyon sa Pilipinas noong 2003. Idagdag pa natin dito ang maraming halimbawa ng mga paring pinaslang dahil sa kanilang ipinaglalabang prinsipyo. 

Nakakaalarma ang ganitong mga pangyayari sa dalawang dahilan. Una, ang kahalagahan ng buhay. Bilang mga Kristiyano, bahagi ng ating pananampalataya ang pangalagaan ang buhay. Tanging sa Diyos lamang ang kapangyarihan para ipagkaloob at bawiin ito. 

Pangalawang dahilan ang biyaya ng pagpapari. Sa kagandahang-loob ni Jesus, hinirang Niya ang ilang kalalakihan para ipagpatuloy ang Kanyang misyon na ipangaral ang Mabuting Balita at pangunahan ang pagdiriwang ng mga sakramento. Sa pagtupad sa kanyang ministeryo, kumikilos ang pari sa ngalan ni Kristo.  

Sa pagpaslang sa mga tulad ni Fr. Mar, ipinapahiwatig lang sa atin ang kawalan ng paggalang sa buhay at sa tungkulin ng pagiging pari.  Sa mga karahasang ito, kitang-kita natin ang paglapastangan sa Diyos mismo na Siyang may-akda ng buhay at ng pagpapari. Totoo na may mga paring hindi naging tapat sa kanilang bokasyon, subalit ang isyung iyan ay sagutin na nila sa Panginoon at sa sambayanan.

Nakikiisa kami sa mga kamag-anak, kapwa-pari, at mananampalatayang pinaglingkuran ni Fr. Mar sa panawagang bigyan ng katarungan ang karumaldumal na pagpaslang sa kanya,  at sa iba pang mga paring naging biktima ng ganitong krimen.





Friday, July 01, 2016

Tanging Diyos Lamang

 
Nagdulot ng matinding lumbay sa mga mananampalataya ng St. Peter the Apostle Parish ng Loboc, Bohol ang pagyao ng kanilang Kura-Paroko na si Fr. Marcelino Biliran noong Lunes. Natagpuan ang pari na nakabigti sa kanyang banyo.  Sang-ayon sa pulisya, nagpakamatay ang pari. 
 
Nakakabigla ang balitang ito dahil isang mabigat na kasalanan ang pagpapakamatay. Sang-ayon sa turo ng ating Simbahan, Diyos lamang ang Panginoon ng buhay at tayo ay katiwala lamang nito (Catechism of the Catholic Church, CCC # 2280).
 
Noong unang panahon, hindi ipinapasok sa simbahan ang labi ng sinumang nagpakamatay sa kadahilanang gumawa ng kasalanang mortal ang yumao. Subalit nagbago ng posisyon ang Simbahan tungkol dito dahil kailangang isaalangalang ang mental na kalagayan ng nagpatiwakal. Kaakibat ng lumbay na dinaranas ng mga taga-Loboc ang pagtataka kung bakit nagpatiwakal ang isang pari.  Sang-ayon sa isang kamag-anak, natagpuang may colon cancer si Fr. Biliran noong nakaraang taon at magbuhat noon ay dumanas na ng depresyon.  Hindi kaya ang mga sakit na ito ang nag-udyok sa pari para bawiin ang kanyang buhay? Hindi kaya ang mga sakit na ito ang nagpahina sa kalooban ng pari para magbigti? Hindi na natin ito malalaman.
 
Bagama't masasabing masama ang kumitil ng buhay, tanging ang Panginoon lamang ang nakakaalam ng puno't dulo kung bakit nagawa ito ng isang tao, pari man siya o layko. Imbis na husgahan si Fr. Biliran - isang pari sa loob ng 25 taon - unawain natin na tao rin siyang nagkamali at naging mahina. Ipagkatiwala na lang natin ang kanyang kaluluwa sa Amang May-Likha, puno ng pag-asa sa kaligtasan mula sa kasalanan. Ipanalangin din natin ang mga kamag-anak ni Fr. Biliran gayon din ang mga taga-Loboc at iba pang parokyang pinaglingkuran niya na hilumin nawa ni Kristo ang sugat na dulot ng trahedyang ito. At dahil Taon ng Awa ngayon, maging sensitibo tayo sa pangangailangan at kalagayan ng ating kapwa, lalo na ng ating pamilya.  Anumang magandang salita o gawa ay magsisilbing inspirasyon para lalo silang magtiwala sa Amang puno ng awa sa lahat.
 
 
 
 

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP