Powered by Blogger.
Showing posts with label Misa. Show all posts
Showing posts with label Misa. Show all posts

Friday, September 22, 2017

Sentido Komun



Inilathala ni Pope Francis noong ika-3 ng Setyembre ang isang liham apostolika na pinamagatang Magnum Principium (Dakilang Prinsipyo). Sa liham apostolikang ito, binago ng Papa ang Code of Canon Law. Inilipat niya sa mga pambansang kapulungan ng mga obispo ang kapangyarihang isalin ang mga tekstong liturhikal (kagaya ng Misa) sa kani-kanilang sariling wika. Sa pagbabagong ito, nilimita niya ang kapangyarihan ng Congregation for Divine Worship and Discipline of the Sacraments (CDW).

Sang-ayon sa ilang komentarista, bagamat ang pagbabagong nilalayon ng Magnum Principium ay hinggil sa mga tekstong liturhikal, ipinapakita ng Papa ang kanyang hangaring baguhin ang sistema ng gobyerno sa Roma, isang mainit na isyu na hinarap niya nang siya ay mahalal noong 2013.

Ang paglalathala ng liham apostolikang ito ay napapanahon at naaayon sa diwa ng Vatican II. Hinangad ng mga lumahok sa nasabing konsilyo ang ganap na kamalayan at aktibong pakikilahok ng mga layko sa mga liturhikal na pagdiriwang dahil karapatan at tungkulin nila ito bilang mga binyagang Kristiyano (Sacrosanctum Concilium). At para tunay na makilahok ang mga pangkaraniwang tao sa Misa, nararapat lamang na ang banal na pagdiriwang ay sa wikang kanilang kilala at ginagamit. 

Higit sa lahat ang Magnum Principium ay bunsod ng sentido komun. Kung mayroon mang may kakayahang isalin ang mga banal na pagdiriwang sa sariling wika, ito ay ang mga kapulungan ng mga obispo, hindi ang CDW.  Nakakalungkot isipin na ang kasalukyang Misa sa Ingles ay bunsod ng pambabraso ng nasabing kagawaran sa International Commission on English in the Liturgy (ICEL). Samantala, ang mga kapulungan ng mga obispo sa Alemanya at Japon ay hindi sumasang-ayon sa pandidikta ng CDW.

Umaasa kami na patuloy na ilalagay ng Papa, ng mga kapulungan ng mga obispo, at ibang pang kinauukulan ang kaayusan ng liturhiya. Isang dokumento na kailangang ibasura ay ang Liturgiam Authenticam na nag-uutos na gamitin ang literal na pagsasalin ng mga teksto mula sa Latin. Maaalalang minsan nang sinabi ng Papa na wala ng atrasan ang mga pagbabagong liturhikal. Kung nais natin ng isang Simbahang may pakialam sa kalagayan ng mundo sa ngayon, mahalagang nakaugnay ang liturhiya sa pangkaraniwang buhay - katulad ng pag-ugnay ni Kristo ng Kanyang mga aral sa mga pangkaraniwang eksena. Sa ganang amin, hindi ito matutugunan ng wikang banyaga katulad ng Latin o ng mga wikang pilit na isinalin para maging tunog-Latin.




Friday, September 01, 2017

Walang Atrasan



Ang panalangin ay pakikipag-usap sa Diyos. At dahil ito ay pakikipagtalastasan natin sa Maykapal (at sa mga anghel at mga banal), mahalagang maipapahayag ang anumang ipinagdarasal sa wikang ating ginagamit at naiintindihan. Ang Misa ang siyang pinakamataas na anyo ng panalangin. Napakasuwerte natin na sa panahon ngayon, ang Misa ay isinasagawa sa wikang ating nauunawaan.  

Sinasabing ang unang wika na ginamit sa Misa ay Arameo dahil ito ang pangkaraniwang wikang ginamit ni Jesus at ng mga unang Kristiyano – ang mga Hudyo sa Palestina. Nang kumalat ang Kristiyanismo sa ibang bahagi ng mundo, ipinagdiwang ang Misa sa iba’t ibang wika gaya ng Griyego, Koptiko, Syriac, at Armenian. Noon lamang ika-anim na siglo nagsimulang ipagdiwang ang Misa sa wikang Latin. Nagbago lamang ito nang maganap ang Ikalawang Konsilyo Batikano noong dekada 60 kung saan ipinatupad ni Pope Paul VI ang Sacrosanctum Concilium noong ika-apat ng Disyembre 1963. 

Ang Sacrosanctum Concilium ang saligang-batas hinggil sa banal na liturhiya (Misa). Isa sa mga pangunahing isyu na isinaalangalang ng konsilyo ay ang pagpapanibago ng liturhiya dahil, sang-ayon sa mga obispong lumahok sa konsilyo, mahalagang magkaroon ng mas malaking pakikilahok ang mga layko sa banal na pagdiriwang. Kung noong wikang Latin pa ang Misa (mas kilala bilang Tridentine Mass), ang altar ay nakaharap sa silangan ng simbahan, ang pari ay nakatalikod sa mga tao, at ang wika ay banyaga sa mga nagsisimba. Sa pagbabago ng liturhiya, hinikayat ang mga layko na makiisa sa pamamagitan ng mga awitin, antipona, pagtugon, aklamasyon, atbp. Bukod dito, nakaharap na sa tao ang pari kapag may Misa.

Subalit hindi lahat ng Katoliko ay natuwa. Pangunahin na dito ang yumaong Archbishop Marcel Lefebvre na tumangging ipatupad ang mga pagbabagong isinusulong ng Ikalawang Konsilyo Batikano.  Inekskomunika ni San Juan Pablo II si Lefebvre noong 1988. Patuloy pa ring ipinagdiriwang ng Society of St Pius X (ang samahang kanyang itinatag) ang Tridentine Mass. Hanggang ngayon, nakahiwalay pa rin sa Simbahang Katoliko ang samahan ni Lefebvre.

Samantala, naglabas ng kautusan si Pope Benedict XVI noong 2007 kung saan pinalawak niya ang pagdiriwang ng Tridentine Mass. Bago inilabas ang kautusang ito, limitado at kinakailangang humingi ng pahintulot ng obispo ang sinumang pari o samahang nais ipagdiwang ang lumang anyo ng Misa.  Sa ginawa ng dating Papa, sang-ayon sa ilang komentarista, lalo pang lumala ang hidwaan sa pagitan ng mga pumapabor sa Tridentine Mass at sa mga sumusuporta sa Ikalawang Konsilyo Batikano.

May iba pang mga obispong nagpakita ng tunay nilang kulay hinggil sa Tridentine Mass kagaya nina Cardinal Robert Sarah na hinikayat ang mga paring nagkakatipon sa isang panayam sa London noong 2016 na magmisang nakatalikod sa taumbayan at Cardinal Raymond Burke na sumasalungat sa pagkakaroon ng mga babaeng sakristan sa Misa.

Ang kontrobersyal na bagong salin na Misa sa wikang Ingles ay kinikilalang hakbang ng iilang maimpluwensiya sa ating Simbahan para ibalik ang dati; isang reform of the reform kung baga.

Sa kanyang talumpati sa National Italian Liturgical Week, pinagtibay ni Pope Francis - nang may katiyakan at sa bisa ng kanyang kapangyarihan bilang tagapagturo ng Simbahan - na ang pagbabago sa liturhiya ay wala nang atrasan. Ito na ang maituturing na unang pagkakataong ipinahayag ng Papa ang kanyang saloobin tungkol sa pagbabagong liturhikal na isinusulong ng Pangalawang Konsilyo Batikano. 

Bago pa man ang talumpating ito, may ilang hakbang nang ginawa ang Papa. Una, naglabas ng klaripikasyon ang Vatican Office na magpapatuloy pa rin ang pagmimisa ng pari na nakaharap sa tao, taliwas sa paghihikayat ni Cardinal Sarah. Pangalawa, ang pagbalasa sa mga obispong kasapi ng Congregation for the Divine Worship, ang kagawaran sa Roma na nangangasiwa sa liturhiya. Pangatlo, ang pagbuo ng komite na magsusuri sa Liturgicam Authenticam, ang kontrobersyal na dokumento sa likod ng kasalukuyang Misa sa Ingles. 

Sinusuportahan namin ang pahayag at mga pagkilos ng Santo Papa. Tama na ang liturgical wars. Panahon na para patuloy na isulong ang adhikain ng Vatican II. Panahon na para makilala natin, sang-ayon kay Pope Francis, na “ang liturhiya ay buhay at hindi ideyang kailangang unawain... isang bukal ng buhay at liwanag para sa ating paglalakbay bilang mananampalataya.”

Saturday, August 13, 2016

Eukaristiya at Mag-anak: Mga Daluyan ng Awa



Kasabay ng pagdiriwang ng Hubileyo ng Awa, idinaraos din sa Pilipinas ang Taon ng Eukaristiya at ng Mag-anak. Bahagi ito ng 9 na taong paghahanda sa ika-500 anibersaryo ng Kristiyanismo sa ating bansa.

Mahalaga sa mga Katolikong Pinoy ang Eukaristiya. Bukod sa pagsisimba tuwing Linggo at mga piyesta opisyal kagaya ng Pasko, naging kaugalian na natin ang makiisa sa Misa tuwing sasapit ang ating kaarawan, anibersaryo ng kasal (o ng pagiging magkatipan), at pagsusulit sa paaralan. Bukod dito, sa Misa rin tayo dumudulog sa mga panahon ng pagsubok katulad ng karamdaman o kamatayan.

Sa Eukaristiya, ipinagdiriwang natin ang dakilang awa ng Anak ng Diyos na niloob na maging pagkai't inuming nagbibigay-buhay sa simpleng anyo ng tinapay at alak. Bagama't imbitado ang lahat sa banal na piging, mahalagang maging karapat-dapat tayong makisalo dito. Dito papasok ang Sakramento ng Pangungumpisal.  Ngayong Hubileyo ng Awa, huwag sana nating kaligtaang magpakumbaba't kilalanin ang ating pagiging makasalanan at lumapit sa pari para aminin ang ating mga pagkakamali. At dahil mahabagin ang Diyos, hindi Niya tatanggihan ang sinumang magbalik-loob sa Kanya.  

May masusi ring papel ang mag-anak sa hubileyong ito. Madalas kapag napag-uusapan ang spiritual and corporal works of mercy, pawang mga taong malalayo sa atin ang naiisip natin. Sang-ayon kay Mother Teresa ng Calcutta, isang kilalang madre na idedeklarang santa sa Setyembre, "Ang paraan ng pagtulong mo sa paghilom ng daigdig ay dapat magsimula sa iyong sariling pamilya." Aminin natin na may mga pagkakataon na ang galing-galing natin sa mga hindi natin kaanu-ano ngunit puno ng pagkukulang sa ating mag-anak. Oras na para baguhin natin ang ganitong ugali.


Isang kilalang deboto ng Banal na Eukaristiya si Santa Clara de Asis. Nang lulusubin ng mga hukbo ni Emperador Federico II ang kanilang kumbento, iniligay ni Santa Clara sa tuktok ng moog ng Asis ang Santisimo Sakramento. Nanikluhod siya dito at nanalangin: "Nagsusumamo ako, butihing Panginoon na ipag-adya mo silang (ang kanyang monasteryo't bayan) hindi ko ngayon kayang ipag-adya."  Sang-ayon sa kuwento, may mga kidlat na nagmula sa Santisimo Sakramento na nagdulot ng ligalig sa mga hukbo. Naging ligtas ang bayan ng Asis.

Kilala ang mga Pinoy bilang maka-pamilya. Gagawin natin ang lahat para masigurong may pagkain sa hapag 3 beses isang araw (o higit pa!) at magkaroon ng magandang kinabukasan ang ating mga anak. Subalit may mga pagkakataong tila nilulusob tayo ng samu't saring hukbo - bisyo, kahirapan, kawalan ng katarungan, katiwalain, atbp. Magpapasalakay na lang ba tayo o tutularan natin ang inasal ni Santa Clara?

Maging angkop na pagkakataon nawa ang pagdiriwang ng Hubileyo ng Awa at ng Taon ng Eukaristiya at ng Mag-anak para lalo pa nating makilala ang ating bokasyon at maalalang kasama natin tuwina ang Amang Maawain.


Wednesday, July 06, 2011

Hindi Lamang Isang Tungkulin

Madalas nating naririnig ang mga katagang “Trabaho lang, walang personalan.” Totoong dapat tayong maging obhetibo sa pagtupad ng ating mga tungkulin. Isipin ninyo ang isang tapat na alagad ng batas na kailangang hulihin ang isang salaring kamag-anak niya. Kung paiiralin niya ang pagiging magkadugo nila, tiyak na hindi niya tutugisin ang kriminal. Pero kung mangingibabaw sa kanya ang kahalagahan ng katarungang panlipunan, gagawa at gagawa siya ng paraan para makulong ito.

Subalit sa ating pagiging Kristiyano, di sapat na sabihing obligasyon lamang kung kaya tayo nagsisimba linggu-linggo, nag-aayuno sa mga piling araw ng Kuwaresma, nagbibigay ng limos sa mga dukha, atbp.

Kung ang tingin natin sa ating pananampalataya ay lupon ng mga obligasyon lamang, wala tayong pinagkaiba sa mga pariseo noong panahon ni Jesus. Bagama’t tinitingala ng mga tao dahil sa kanilang posisyon sa pamayanan at sa kanilang pagtupad sa maraming batas at debosyon ng kanilang relihiyon, payat ang kanilang pakikipag-ugnayan sa Diyos at sa kapwa. Kung kaya anumang pagsunod nila sa utos o kalooban ng Diyos ay maihahalintulad sa isang hollow block – walang laman ang loob.

Isa sa mga palaging ibinabandera ng mga tinatawag na Born-again Christians ay ang kahalagahan na tanggapin si Jesus bilang personal nating Tagapagligtas. Hindi ito isang mali o taliwas sa aral ng ating Simbahan, pero ito marahil ang isang bagay na malimit nating ipinagwawalang-bahala o kaya’y di natin inaakalang dapat bigyang-pansin.

Isang balakid na maituturing kung bakit di natin ito pinahahalagahan ay ang kulturang binibigyang-diin ang Simbahan bilang isang institusyong binubuo’t pinamumunuan ng mga pari kaysa isang komunidad na kinabibilangan ng mga inordenahan at mga layko. Ito’y nakakadismaya lalo na kung mababalitaan natin ang mga iskandalong kinasasangkutan ng mga pari sa bawat sulok ng mundo at ang pawang katahimikan o kawalan ng aksyon ng kanilang mga pinuno.

Hindi sapat na kilalanin si Kristo bilang isang Diyos. Higit Siyang dapat kilalanin bilang isang Nagmamahal at Nagliligtas na Diyos. Ang pagkakaroon ng mas personal pang pakikipag-ugnayan sa Kanya ang susi para buong puso nating susundin ang Kanyang kalooban, para buong pagpapakumbaba nating tatahakin ang Kanyang daan.

Nakakalungkot isiping ipapatupad na sa English-speaking world ang bagong saling Misa sa Ingles sa kabila ng mga pagbatikos at kontrobersiyang bumabalot dito. Sinasabing ang ipapatupad na bersyon ay hindi ang inaprubahang bersyon ng mga bishops conferences. Di makakatulong sa atin na magbuo ng mas personal pang relasyon sa Panginoon kung ang mga salitang gagamitin sa Misa – na siyang pinakadakilang paraan ng panalangin ng buong Simbahan- ay luma’t laos na. Bagama’t marunong magsalita ng Ingles ang maraming Pinoy, mahihirapan tayong maunawaan ang ilang salitang gagamitin sa bagong saling Misa. Tila babalik na naman tayo sa panahon ng ating mga lolo’t lola kung saan ang Misa ay sa wikang Latin na di naman nila naunawaan - ang Misa ay magiging pagtitipong di lubos na naiintindihan ng maraming dumadalo dito, isang seremonyas na mangilan-ngilan lang ang magkakaroon ng mas aktibong partisipasyon salungat sa ipinag-uutos ng Vatican II Council!

Hindi rin tayo makakakuha ng inspirasyon sa ang mga pangungusap sa ilang bahagi ng Misa; may mga panalanging ang tono ay nagpapahiwatig na ang Diyos ay parang makapangyarihang hari na dapat katakutan at tayo ay mga makasalanang nasasakupan Niya. Tunay ang makapangyarihan ang Diyos at tayo’y mga nagkasala subalit mas mainam na ipakita ang Kanyang pagkamaawain at pagkagalante.

Sa totoong buhay, mas mamahalin natin ang sinumang nagpapakita sa atin ng kabutihan; nagiging kapalagayan natin ng loob ang sinumang nagpapadama sa atin ng pag-aalala; nagmumula sa puso ang ating pagsunod sa sinumang nakakaunawa’t sensitibo sa ating mga pangangailanga’t kahinaan.

Tuesday, June 01, 2010

Buo at Aktibong Layko

Mahigit apat na dekada na mula nang idaos ang Vatican II Council kung saan inilunsad ng Simbahan ang malawakang pagbabago sa maraming bagay na kanyang kinakaharap. Isa na rito ang pagbabago sa liturhiya kung saan hinangad ng mga bumubuo ng konsilyo ang buo at aktibong pakikilahok ng mga layko sa mga banal na pagdiriwang sa bisa na rin ng kanilang karapatan at tungkulin bilang mga binyagan.

Magmula noon nakita na natin ang pakikisangkot ng mga ordinaryong mamamayan sa iba't ibang ministeryo ng Simbahan na dati rati'y isinasagawa lamang ng mga pari o diyakono. Nandyan ang mga lectors/commentators, special ministers of Holy Communion, greeters/collectors, choir, altar servers, at marami pang ibang ministeryo kung saan posibleng umanib ang sinumang layko upang mapagsilbihan ang Panginoon sa Misa at sa iba pang gawaing pansimbahan.

Napakahalaga ng papel na ginagampanan ng layko sa Simbahan at nakakataba ng pusong masaksihan kung paano umunlad ang mga parokya, diyosesis, at iba pang Katolikong komunidad dahil sa sigasig ng mga mamamayan.

Subalit minsan, nakakalungkot matunghayang kulang ang pang-unawa at debosyon sa tungkulin ng ilan nating kapatid sa pananampalataya. Para sa kanila, ang ministeryo ay parang isang marangal na posisyon sa sambayanan kung saan dapat silang tingalain ng iba. Sa iba naman ito'y paraan para lalo nilang ipagyabang na sila'y laman ng simbahan.

Hindi lang ang maling pananaw ang hinaharap na pagsubok ng mga layko. Sa English-speaking world gaya ng mga bansang Amerika, UK, India, Pilipinas, Africa, Australia, atbp ang napapabalitang bagong saling Misa sa wikang Ingles ay nakakabahala. Bukod sa nakakalito, ang bagong salin ay gumamit din ng mga salitang lumang-luma na at di na ginagamit ng ordinaryong mamamayan. Ang mga pagbabagong ito'y lubhang makakaapekto sa kung paano magdasal ang mga laykong napapabilang sa mga bansang ito at kung paano sila makikilahok nang buo at aktibo sa Misa na siyang nilalayon ng Vatican II Council. Sa kasalukuyan may petisyon ang kilusang What If We Just Said Wait? para hilingin sa mga obispo ang pagpapaliban sa pagpapatupad nito lalo na't humarap ang Simbahan sa mga mas malala pang problema.

Ngayong Hunyo, ating alalahanin ang lahat ng layko na nakikiisa sa samu't saring gawain ng Simbahan, lalo na ang mga kapatid natin sa English-speaking world. Mapuspos nawa silang lahat ng Banal na Espiritu upang lalo nilang makilala ang halaga ng kanilang tungkulin at gampanan ito nang may pagmamahal sa Diyos at sa kapwa. Maantig nawa ang kanilang mga puso upang wala itong hanapin kundi ang kapurihan ng butihing Panginoong tumuring sa atin bilang Kanyang mga anak. Gabayan din nawa ng Maykapal ang mga namumuno sa ating Simbahan na lalo pa nilang mapangalagaan ang mga layko tungo sa wasto at nararapat.

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP