Powered by Blogger.
Showing posts with label Hubileyo ng Awa. Show all posts
Showing posts with label Hubileyo ng Awa. Show all posts

Saturday, August 13, 2016

Eukaristiya at Mag-anak: Mga Daluyan ng Awa



Kasabay ng pagdiriwang ng Hubileyo ng Awa, idinaraos din sa Pilipinas ang Taon ng Eukaristiya at ng Mag-anak. Bahagi ito ng 9 na taong paghahanda sa ika-500 anibersaryo ng Kristiyanismo sa ating bansa.

Mahalaga sa mga Katolikong Pinoy ang Eukaristiya. Bukod sa pagsisimba tuwing Linggo at mga piyesta opisyal kagaya ng Pasko, naging kaugalian na natin ang makiisa sa Misa tuwing sasapit ang ating kaarawan, anibersaryo ng kasal (o ng pagiging magkatipan), at pagsusulit sa paaralan. Bukod dito, sa Misa rin tayo dumudulog sa mga panahon ng pagsubok katulad ng karamdaman o kamatayan.

Sa Eukaristiya, ipinagdiriwang natin ang dakilang awa ng Anak ng Diyos na niloob na maging pagkai't inuming nagbibigay-buhay sa simpleng anyo ng tinapay at alak. Bagama't imbitado ang lahat sa banal na piging, mahalagang maging karapat-dapat tayong makisalo dito. Dito papasok ang Sakramento ng Pangungumpisal.  Ngayong Hubileyo ng Awa, huwag sana nating kaligtaang magpakumbaba't kilalanin ang ating pagiging makasalanan at lumapit sa pari para aminin ang ating mga pagkakamali. At dahil mahabagin ang Diyos, hindi Niya tatanggihan ang sinumang magbalik-loob sa Kanya.  

May masusi ring papel ang mag-anak sa hubileyong ito. Madalas kapag napag-uusapan ang spiritual and corporal works of mercy, pawang mga taong malalayo sa atin ang naiisip natin. Sang-ayon kay Mother Teresa ng Calcutta, isang kilalang madre na idedeklarang santa sa Setyembre, "Ang paraan ng pagtulong mo sa paghilom ng daigdig ay dapat magsimula sa iyong sariling pamilya." Aminin natin na may mga pagkakataon na ang galing-galing natin sa mga hindi natin kaanu-ano ngunit puno ng pagkukulang sa ating mag-anak. Oras na para baguhin natin ang ganitong ugali.


Isang kilalang deboto ng Banal na Eukaristiya si Santa Clara de Asis. Nang lulusubin ng mga hukbo ni Emperador Federico II ang kanilang kumbento, iniligay ni Santa Clara sa tuktok ng moog ng Asis ang Santisimo Sakramento. Nanikluhod siya dito at nanalangin: "Nagsusumamo ako, butihing Panginoon na ipag-adya mo silang (ang kanyang monasteryo't bayan) hindi ko ngayon kayang ipag-adya."  Sang-ayon sa kuwento, may mga kidlat na nagmula sa Santisimo Sakramento na nagdulot ng ligalig sa mga hukbo. Naging ligtas ang bayan ng Asis.

Kilala ang mga Pinoy bilang maka-pamilya. Gagawin natin ang lahat para masigurong may pagkain sa hapag 3 beses isang araw (o higit pa!) at magkaroon ng magandang kinabukasan ang ating mga anak. Subalit may mga pagkakataong tila nilulusob tayo ng samu't saring hukbo - bisyo, kahirapan, kawalan ng katarungan, katiwalain, atbp. Magpapasalakay na lang ba tayo o tutularan natin ang inasal ni Santa Clara?

Maging angkop na pagkakataon nawa ang pagdiriwang ng Hubileyo ng Awa at ng Taon ng Eukaristiya at ng Mag-anak para lalo pa nating makilala ang ating bokasyon at maalalang kasama natin tuwina ang Amang Maawain.


Sunday, April 03, 2016

Lunas sa Inggit


Tanyag na debosyon sa ating mga Pinoy ang Divine Mercy o Mabathalang Awa. Kapag ikatlo ng hapon, isinasahimpapawid ang Three o'clock Prayer bilang pag-alala sa pagkamatay ni Jesus. Sa pag-alala sa kamatayan ng Panginoon, ipinagkakatiwala ng sinumang nagdarasal ang kanilang sarili at ang buong mundo sa awa ng Diyos, awang ibinuhos nang mamatay si Jesus sa krus.

Isang linggo mula nang alalahanin natin ang Muling Pagkabuhay ni Kristo, ipinagdiriwang natin ang Kapistahan ng Mabathalang Awa.  Natatangi ang taong ito dahil idinaraos din natin ang Taon ng Awa.  

Ano ba ang kaligtaran ng awa? Ito ay walang iba kung hindi ang inggit.  Maalalang inggit ang nag-udyok sa mga matatanda ng bayan para ipapatay si Kristo.  Inggit rin ang nag-udyok kay Judas para ipagkanulo ang kanyang Guro't kaibigan. Inggit ang nagpakitid sa utak at nagpapayat ng puso ng mga taong gustung-gustong abutin ni Kristo.  Kaya nga habang nakabuyabay sa krus, ihiningi ni Jesus ng kapatawaran ang mga sumalbahe sa Kanya dahil hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.

Sa ating pamumuhay, posibleng narinig na natin ang ganitong kuwento:

"Naku, napromote na pala yung kasamahan natin bilang manager!"

Ano ang isasagot mo: "Naku, sipsip kasi kay Boss kaya napromote!" o "Wow! Deserving siyang mapromote!"?

Kung yung una, nainggit tayo sa pag-asenso ng ating kapwa. Kung yung pangalawa, tayo ay nagpakita ng awa o pag-ibig sa iba. 

Marami pang halimbawa kung saan dinaig tayo ng inggit. Nakita nating may bagong gadget ang iba, bibili rin tayo ng mas hi-tech na gadget (kahit wala ito sa ating budget!). Nakita nating aktibung-aktibo sa simbahan o anumang pamayanan ang ating kasama, pero imbis na suportahan ay gagawan natin sila ng usap. Ayaw nating masasapawan tayo kaya gagawa at gagawa tayo ng paraan para hindi tayo mahigitan. Ganyan lumingkis ang inggit. At kung hindi natin ito masasawata, tiyak na sisirain nito ang ugnayan ng sinuman: magkakamag-anak man o magkakaibigan, magkakasama man magkababayan o magkakapatid sa pananampalataya. 

Inggit ang dahilan kung bakit inakit ni Satanas sina Eba't Adan para magkasala. Ngunit sa Kanyang pagkamatay at muling pagkabuhay, tinubos ni Kristo sina Eba't Adan at tayong lahat na nagmana ng kanilang kasalanan.  Sa madaling salita, nilupig na ng awa ng Diyos ang inggit ni Satanas!  Tumalab na ba ito sa atin?

Monday, March 07, 2016

Ulirang Manggagawa ng Awa

 
 
Ika-19 ng Marso, Kapistahan ni San Jose. Sa Baccalaureate Mass ng mga magsisipagtapos sa kursong Narsing, imbis na ipahayag ang ebanghelyo tungkol sa panaginip ni San Jose (Mateo 1:16, 18-21, 24a) - ang Ebanghelyo para sa araw na iyon - binasa ng pari ang ebanghelyo tungkol sa Huling Paghuhusga ni Kristo (Mateo 25:31-46).  Sa kanyang homiliya, ipinaliwanag niya ang kahalagahan ng Narsing sa samu't saring anyo ng pagdurusa sa mundo. Hinamon din niya ang mga magsisipagtapos na gamitin ang kaalamang natutuhan nila sa kolehiyo upang bigyang-lunas ang mga nagdurusa, ang mga "maliliit na kapatid" ni Kristo.
 
Sa ganang amin, hindi nawalan ng papel si San Jose sa paggamit ng pari ng ibang ebanghelyo sa dakilang kapistahan. Lalo pa ngang nabigyan ng halaga ang papel ni San Jose! 
 
Balikan natin ang ebanghelyong ito. Sa unang bahagi, (Mateo 25:35-40), mapapansing isa-isang binanggit ng hari ang mga kabutihang ginawa ng mga nasa kanan niya: pagpapakain nang siya'y nagutom, pagpapainom nang siya'y nauhaw, pagpapatuloy nang siya'y naging isang dayuhan, pagpaparamit nang siya'y hubad, pagdalaw nang siya'y nagkasakit o nabilanggo.
 
Lahat ng mga kabutihang ito, mas kilala bilang mga gawa ng awa o works of mercy, ay isinagawa ni San Jose nang tumayo siyang ama ni Kristo sa lupa. Bagama't Diyos, nagpakumbaba ang ating Panginoon at naging isang tao.  Sa Kanyang pagpapakumbaba, nagpasakop Siya sa pangangalaga ni San Jose. Bilang isang ama tinanggap, pinakain, pinainom, binihisan, at inaruga ni San Jose ang kanyang mag-ina. Sa ipinakitang habag ni San Jose kay Jesus, hindi katakatakang lumaki ang Panginoon bilang isang mahabaging karpintero, guro, manggagamot, at tagapangaral. 
 
Sinasabing "Charity begins at home". Nais naming idagdag: "Mercy begins at home". Dahil sa awa sa mga anak o asawang nangangailangan o nagkakasala, patuloy na nagmamahal ang magulang o asawa.  Iugnay natin ito sa pakikitungo sa ating ng Diyos: dahil sa Kanyang awa sa ating kalagayan, minamahal Niya tayo nang higit pa sa ating inaakala.
 
Kung may mairerekomenda kaming ulirang manggagawa ng awa, ito'y walang iba kung hindi si San Jose.  Anuman ang ating kalagayan sa buhay, may makikita tayong kapareho sa naging buhay at bokasyon ng butihing Anluwage ng Nazaret. Sa kanyang simple at tapat na pamumuhay, nagpakitang-awa siya kay Jesus, "ang mukha ng awa ng Ama" (Misericordiae Vultus). Sa pamamagitan ni San Jose, maging mahabagin din nawa tayo kagaya ng Ama.

Friday, February 12, 2016

Masayang Daan



Kadalasan, inilalarawan natin ang Kuwaresma bilang isang negatibo at malungkot na panahon. Kilala kasi ang Kuwaresma bilang panahon ng paggawa ng higit sa nakasanayan na nating gawin, sa larangan ng panalangin, pag-aayuno, at pagbibigay-limos. 
  
Sa alituntunin ni San Benito, inutusan niya ang mga monghe sa kanyang orden na higitan pa ang kanilang pangkaraniwang paglilingkod tuwing Kuwaresma at gawin ito nang may masayang pananabik sa Pasko ng Muling Pagkabuhay.

Sa aming palagay, maaari ding gawing gabay ng iba pang Katoliko ang alituntuning ito dahil lahat naman tayo ay nakikiisa sa pagdiriwang ng Kuwaresma. 

Kung nakagisnan na nating bigyan ng malungkot na kulay ang Kuwaresma, pagkakataon na natin ngayong baguhin ito.  Punuin natin ng saya ang ating mga panata. Lakipan natin ng matamis na ngiti ang anumang sakripisyo.  Hangga't maaari, iwasan natin ang umangal kapag may humihingi sa atin ng tulong. Hindi ba't binalaan ni Jesus ang Kanyang mga alagad na huwag tularan ang mga nakasambakol na mukha ng mga pariseo (Mateo 6:1-6, 16-18)?

Mahalaga ding pagnilayan natin ang awa ng Diyos, lalo na at ipinagdiriwang din natin ang Hubileyo ng Awa ngayong 2016. Isa ring dahilan kung bakit nagiging negatibo ang Kuwaresma ay dahil inaakala nating kailangan nating gumawa ng mas maraming dasal, sakripisyo, at kawang-gawa. Sa sobra nating pagbibigay-pansin dito, nakaligtaan na nating kailangan din pala nating tanggapin ang awa ng Diyos - sa mga sakramento, sa ating pamilya, sa ating lipunan. Higit sana nating buksan ang ating puso sa Banal na Awa!

Ang Kuwaresma ay hindi malungkot na hangganan kundi masayang daan patungo sa isang dakilang kapistahan. 
 
 
 
 

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP