Powered by Blogger.
Showing posts with label pag-asa. Show all posts
Showing posts with label pag-asa. Show all posts

Monday, May 29, 2017

Balita



Sa kanyang mensahe sa ika-51 pagdiriwang ng World Communications Day, binanggit ni Pope Francis na inihambing ng mga unang Kristiyano ang pag-iisip sa isang gilingan. Kung paanong nakasalalay sa manggigiling kung mabuting trigo o masamang damo ang kanyang igigiling, gayon din nakasalalay sa atin kung anong klaseng impormasyon o balita ang nais nating ipasok sa ating pag-iisip.

Bago Siya umakyat sa langit, iniutos ni Kristo sa Kanyang mga alaga na humayo't ipahayag ang mabuting balita. Sang-ayon pa rin sa mensahe ni Pope Francis, ang mabuting balitang ito ay walang iba kundi si Kristo. Nilinaw ng Santo Papa na ang mabuting balita ay mabuti hindi dahil sa wala itong kinalaman sa pagpapakasakit, kundi sa pamamagitan ng pagpapakasakit ni Jesus ipinakita Niya ang Kanyang pagmamahal sa Ama at sa sanlibutan. Kay Kristo, ipinadama ng Diyos na kaisa Siya sa anumang kalagayan nating mga tao, na hindi tayo nag-iisa. Sa madaling salita, kasama natin si Kristo hanggang sa wakas ng panahon (Mateo 28:20). 

Puno ng hamon ang daang tatahakin natin. Kung noon ang katunggali ng mabuting balita ay masamang balita, nadagdagan pa ito ngayon ng paglaganap ng fake news. Nakakabahala ang fake news dahil bukod sa maling impormasyong dala nito, madali din itong kumakalat dahil sa maunlad na teknolohiya. 

Bagama't tila nilisan ng Panginoon ang mga alagad nang umakyat Siya sa langit, ipinangako naman Niya ang Banal na Espiritu upang palakasin sila sa kanilang misyon. Handog ng Banal na Espiritu ang pag-asa na balang araw makakarating din tayo sa langit, na balang-araw makakapiling din natin ang Diyos. Habang pinananabikan natin ang araw na iyon, buong pagtitiwala nating ipahayag ang mabuting balita sa lahat: sa mga pinanghihinaan ng pananampalataya dahil sa bad news, sa mga naliligaw ng landas dahil nalinlang sila ng fake news, at sa mga hindi pa nakakakilala sa good news.

Wednesday, December 31, 2014

Taon ng mga Relihiyoso


Ngayong 2015, ipinagdiriwang ng buong Simbahan ang Year of Consecrated Life o Taon ng Itinalagang Buhay. Sa selebrasyong ito, hiniling ni Pope Francis sa mga pari, madre, at hermanong napapabilang sa mga religious congregrations o ordeng relihiyoso na gisingin nila ang daigdig sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya, kabanalan, at pag-asa.

Sa buhay ng Simbahan, ginising ng mga ordeng relihiyoso ang sangkatauhan.  Halimbawa na rito ang Dominican Order na itinatag ni Santo Domingo de Guzman upang ipahayag ang Mabuting Balita ni Kristo at kalabanin ang maling turo na ikinakalat ng mga erehe noong ika-15 siglo.  Nariyan din ang mga Jesuit Order na itinatag naman ni San Ignacio de Loyola. Sila naman ay nakilahok sa Counter-Reformation para muling buhayin ang pagiging Katoliko sa iba't ibang istruktura ng Simbahan.

Sa ating bansa, mula pa noong panahon ng mga Kastila hanggang sa kasalukuyan, sangkot sa iba't ibang gawain ang mga relihiyoso. Naging masigasig sila sa pagbuo ng mga bayan at parokya. Naging maalab din sila sa pagtayo ng mga paaralan gaya ng Adamson University, Ateneo de Manila University, Colegio San Agustin, Colegio de San Juan de Letran, De La Salle University, Don Bosco Technical College, Immaculate Conception Academy, La Consolacion College, St. Paul's College, San Juan de Dios Educational Foundation, Santa Isabel College, University of Santo Tomas, atbp. 

Bukod sa edukasyon, nandiyan din ang mga ospital at bahay-ampunan na kanilang pinamamahalaan gaya ng UST Hospital, St. Martin de Porres Charity Hospital, Home of Joy, Hospicio de San Jose, at PREDA Foundation.  

Mayroon din namang nakikilahok sa mga isyu gaya ng kalikasan, katarungan, kahirapan,kapayapaan, atbp. Mayroon ding nagbibigay ng retreats at nagpapahayag ng Mabuting Balita sa iba't ibang anyo ng media

Binuksan din nila ang kanilang mga simbahan, kapilya, o monasteryo sa madla gaya ng Baclaran Church, Our Lady of Mt. Carmel Shrine, San Agustin Church, at Monasterio de Sta. Clara. Hindi rin siguro natin makakalimutan ang kanilang iniaambag sa mga awitin sa Misa gaya ng mga Heswitang Fr. Eduardo Hontiveros (SLN) at Fr. Manoling Francisco.

Bagama't nagkaroon ng batik ang ilang relihiyoso dulot ng mga pang-aabuso ng kanilang mga kasamahan noong panahon ng mga Kastila, hindi ito sapat para ibasura natin ang malaking tulong nila sa pagbuo ng ating kaalaman bilang mga Katolikong Pilipino, sa paggising nila sa atin sa katotohanan.

Kaisa ng Banal na Papa, na nagbuhat rin sa isang relihiyosong orden at dadalaw pa sa ating bansa ngayong Enero, ipanalangin natin na muling matuklasan ng mga kaanib ng samu't saring religious congregrations ang saya ng pagsunod kay Kristo at magsikap na maglingkod nang may ningas sa mga dukha.

Isang Dekada Na!

Natatangi rin ang bagong taon para sa amin dahil, sa awa at paggabay ng Diyos, ipinagdiriwang ng anluwage.com ang kanyang ika-sampung anibersaryo.  Parang kailan lang nang ilunsad namin ang aming website.  Sa simula, nakatuon lamang ito sa mga taga-Gagalangin, Tundo kung saan ang Tanghalang Anluwage, Inc. ay isinilang, subalit sa paglipas ng panahon, higit pa sa Tundo ang aming pinaglilingkuran.  Pangunahing taglay naming balita at lakas ay ang Mabuting Balita ni Kristo.  Dalangin namin na sa pagpasok ng bagong dekada, patuloy kaming maging tapat sa aming ministeryo upang kagaya ng mga relihiyosong pari, madre, at hermano, magising din namin ang daigdig sa liwanag ni Jesus. Salamat po sa inyong pagtangkilik at panalangin. Patuloy ninyo kaming samahan, mga kapatid!




Friday, November 01, 2013

Kumapit Ka Lang!


Aminin natin, di madali sa ating harapin ang kamatayan.  Takot tayong mamatay, lalo na kung sa palagay natin ay di pa natin oras.  Labis na kalungkutan din ang nadarama kapag may mahal sa buhay na sumakabilang-buhay na.  Para sa ilan, posible itong magdulot ng depresyon.

Sang-ayon sa ilang pag-aaral, pangkaraniwan ang depresyon at maaaring maka-apekto ang sintomas nito sa pang-araw-araw na buhay.  Bukod sa kamatayan sa pamilya, maaari ring magdulot ng depresyon ang kawalan ng trabaho, karamdaman, problema sa bahay, atbp. 

Mayroong dalawang pangunahing sintomas: palaging malungkot o 'wala sa mood' ang isang tao. Bukod dito, mapapansin din ang kawalan niya ng gana sa mga gawaing dati namang kinagigiliwan niya. Ang kawalan ng ganang kumain, di makatulog, palaging pagod, at pag-iisip na sila'y walang kuwenta ay iba pang mga sintomas ng depresyon. 

Kundi malulunasan, maaaring maka-apekto sa pamilya, trabaho, atbp ang nararanasang depresyon ng isang indibidwal.  Kung isa man tayo sa mga may depresyon, huwag nating sarilinin ito. Huwag din tayong magpakalulong sa masamang bisyo gaya ng pag-inom ng alak sa pag-aakalang gagaling tayo.  Maging bukas tayo sa mga malalapit sa atin tungkol sa sitwasyong ito.  

Kung tayo naman ay may kakilalang nasa ganitong kundisyon, lawakan natin ang ating pang-unawa 't habaan ang pasensya sa kanila. Maging mas atentibo tayo sa kanilang mga hinaing.  Di man tayo magsalita nang magsalita, mahalaga na sa kanila yung may nakikinig sa anumang kanilang sabihin. Kung maaari, yayain natin silang lumabas paminsan-minsan.

Naparito si Jesus para pagalingin tayo sa samu't saring karamdaman, para muling ibalik ang tunay nating mga sarili.  Imbis na mawalan ng pag-asa, kumapit tayo sa Kanyang mga mapaghimalang kamay.  Sang-ayon sa Salmo 42:12, "Bakit ka nalulumbay, O kaluluwa ko? Bakit ka dumaraing sa loob ko? Manalig ka sa Diyos! Pupurihin ko pa rin siya, ang aking tagapagligtas at aking Diyos!"




Friday, June 03, 2011

Tumingala ka!

Sa mga sumasakay ng LRT, isang karatula ang kapansin-pansin habang patawid ang sasakyan sa Ilog Pasig: “Look up, young man, look up!”. Kung mayroon mang direktang aral tayong mapupulot sa Kapistahan ng Pag-akyat ng Panginoon sa langit, ito’y ating mapupulot sa karatulang ito ng FEATI University.

Sa paglisan ni Jesus sa Kanyang mga tagasunod, nangako Siyang ipaghahanda sila ng matitirhan sa kaharian ng Kanyang Ama. Ito’y tanda ng pag-asa na hindi tayo pababayaan ng Panginoon sa pagpapatuloy natin ng Kanyang misyon. Hindi nga ba’t ipinangako din Niyang darating ang Banal na Espiritu para tayo’y tulungan? Hindi rin ba totoo na nangako din Siyang sasamahan tayo hanggang sa wakas ng panahon?

Hindi dapat ipagwalang-bahala ang mga pangakong ito ni Kristo. Nasaksihan natin, gaya ng mga una Niyang tagasunod, kung gaano Siya katapat sa anumang sabihin Niya. Kung noong nasa lupa pa Siya’y naging totoo Siya sa mga tao, gaano pa kaya ngayong nakaluklok na Siya “sa kanan ng Ama”?

Bilang mga tinubos sa dugo ni Jesus, wala tayong dapat na itugon kundi ang ipako ang ating pananaw sa langit higit pa sa lahat. Tamang paghandaan natin ang kinabukasan natin at ng ating pamilya sa pamamagitan ng pagtatrabaho’t pag-impok sa bangko, subalit kung galing naman sa masama ang ipinapakain o ipinamimili natin, anong saysay ng ating pagsisikap?

Wala tayong dapat hangarin bilang mga Kristiyano kundi ang nasa itaas. Nakakalungkot na panandaliang ligaya o kasikatan lamang ang laging binibigyang-halaga ng lipunan.

Wala tayong dapat pangarapin kundi ang mga bagay na magdadala sa atin sa itaas. Iwaksi natin ang anumang gawi o pag-uugali na hihila sa atin pababa. Kung noo’y nasa lusak tayo ng kasalanan, ngayon ang panahon para ipakitang di na tayo babalik pa doon.

Nakakapanlumong mabalitaan ang plano ng Diocese of Laoag na ipaupa o ibenta ang bahagi ng lote ng simbahan ng San Nicolas de Tolentino (San Nicolas, Ilocos Norte) sa Shoe Mart Corporation (Basahin BITS & BOBS ). Bukod sa matinding epekto nito sa kabanalan ng simbahan, kikitil din ito sa kabuhayan ng mga maliliit na negosyo sa nasabing bayan. Ipagdasal natin na maliwanagan ng isip ang mga kinauukulan at pagtuunan ng pansin ang mga mas importanteng bagay.

Sa pagbawi sa atin ng Diyos mula kay Satanas, binihisan Niya tayo ng kasuotang maharlika. Tinrato na Niya tayo bilang Kanyang mga anak. Kung nakahiga ka na sa kama, babalik ka pa ba sa banig?

Thursday, July 01, 2010

Lipunang Patapon

Wala na sigurong pinakamagandang biyayang ipinagkaloob sa atin ang Diyos kundi ang buhay. Sa mga unang kabanata ng Genesis, matutunghayan natin kung paano Niya binigyan ng buhay ang tila isang disyertong mundo. Sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu, hiningahan Niya ng buhay ang lahat ng Kanyang nilalang, lalo na ang tao kung kanino Niya ipinagkatiwala ang pagpapaunlad ng mundo.

Sa pagpapaunlad ng mundo, nakita natin ang mga makabagong pamamaraan sa agham at teknolohiya na maraming nagawang maganda sa ating kalusugan, pamumuhay, atbp. Subalit sa isang banda, nag-iba din ang mentalidad ng mga tao. Dahil nasanay na tayo sa iba’t ibang gamit gaya ng cellphone, computer, I-Pad, IPod, atbp, naging palaasa tayo dito. Sa oras na di na ito gumagana o kaya’y di na natin gusto, itinatapon na lang natin ito.

Naging ganito na rin ang ating pakikitungo sa kapwa.

Kapag masama ang isang tao, wala na marahil tayong inaasam kundi ang mamatay na ito. Kapag magiging pabigat lang sa gobyerno’t mamamayan ang isang tao, gaya ng mga nakakulong dahil sa mga karumaldumal na mga krimen, “death penalty” na ang naiisip nating solusyon. Kapag ang kapwa-tao ay di kasama sa ating ‘plano’ ipinalalaglag o kaya’y pinapa-mercy killing natin ito.

Nasaan na ang pag-asang itinanim sa ating mga puso ng Mahabaging Diyos? Isang pag-asang gagabay sa atin para maniwalang magbabago din balang-araw ang mga masasama. Isang pag-asang aakay sa atin para huwag matakot na pangatawanan ang bunga ng kapusukan. Isang pag-asang magpapalakas sa atin habang nasasaksihan ang paghihirap ng isang may-sakit.

Nagpapasalamat kami sa mga organisasyong gaya ng Pro-Life Philippines at Priests for Life na kumikilos para isulong ang pagpapahalaga sa buhay at ang pagpigil sa mga gawaing kikitil dito. Sa buwan ng Hulyo, inaalala natin sila sa ating mga panalangin. Patuloy nawa nilang dalhin ang pag-asa sa isang lipunang kapos nito. At kung tayo't minsan nang nagkaroon ng papel para kumitil ng buhay, ito ang magandang pagkakataon para itama natin ang ating mga pagkakamali. Makilahok din tayo para muling magising ang daigdig sa katotohanang sagrado ang buhay at dapat pangalagaan mula sa sinapupunan hanggang sa natural na kamatayan.

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP