Powered by Blogger.
Showing posts with label Mabuting Balita. Show all posts
Showing posts with label Mabuting Balita. Show all posts

Monday, May 29, 2017

Balita



Sa kanyang mensahe sa ika-51 pagdiriwang ng World Communications Day, binanggit ni Pope Francis na inihambing ng mga unang Kristiyano ang pag-iisip sa isang gilingan. Kung paanong nakasalalay sa manggigiling kung mabuting trigo o masamang damo ang kanyang igigiling, gayon din nakasalalay sa atin kung anong klaseng impormasyon o balita ang nais nating ipasok sa ating pag-iisip.

Bago Siya umakyat sa langit, iniutos ni Kristo sa Kanyang mga alaga na humayo't ipahayag ang mabuting balita. Sang-ayon pa rin sa mensahe ni Pope Francis, ang mabuting balitang ito ay walang iba kundi si Kristo. Nilinaw ng Santo Papa na ang mabuting balita ay mabuti hindi dahil sa wala itong kinalaman sa pagpapakasakit, kundi sa pamamagitan ng pagpapakasakit ni Jesus ipinakita Niya ang Kanyang pagmamahal sa Ama at sa sanlibutan. Kay Kristo, ipinadama ng Diyos na kaisa Siya sa anumang kalagayan nating mga tao, na hindi tayo nag-iisa. Sa madaling salita, kasama natin si Kristo hanggang sa wakas ng panahon (Mateo 28:20). 

Puno ng hamon ang daang tatahakin natin. Kung noon ang katunggali ng mabuting balita ay masamang balita, nadagdagan pa ito ngayon ng paglaganap ng fake news. Nakakabahala ang fake news dahil bukod sa maling impormasyong dala nito, madali din itong kumakalat dahil sa maunlad na teknolohiya. 

Bagama't tila nilisan ng Panginoon ang mga alagad nang umakyat Siya sa langit, ipinangako naman Niya ang Banal na Espiritu upang palakasin sila sa kanilang misyon. Handog ng Banal na Espiritu ang pag-asa na balang araw makakarating din tayo sa langit, na balang-araw makakapiling din natin ang Diyos. Habang pinananabikan natin ang araw na iyon, buong pagtitiwala nating ipahayag ang mabuting balita sa lahat: sa mga pinanghihinaan ng pananampalataya dahil sa bad news, sa mga naliligaw ng landas dahil nalinlang sila ng fake news, at sa mga hindi pa nakakakilala sa good news.

Wednesday, October 07, 2015

Misyonero

Dalawampu't apat na taon na ang nakakalipas nang itatag sa parokya ng Gagalangin ang Tanghalang Anluwage.  Sa mga unang buwan mula nang ilunsad ito, naging abala ang samahan sa pagtatanghal ng mga makabuluhang obra. Bukod dito – at lingid sa kaalaman ng nakakarami – pinamunuan nila ang pag-awit sa Misa sa isang lugar sa parokya na puno ng kahirapan. Linggu-linggo, kasama nila si Padre (ngayo’y Monsignor) Mario Enriquez  sa apostoladong ito. 

Marami na ring pagbabago ang naganap sa Tanghalan mula noon. Mayroong mga pagbabagong maganda’t nakapagpaunlad sa kanya, mayroon din namang mga hindi.  Ganoon pa man, patuloy pa ring “nagtatanghal” ang samahan sa pamamagitan ng ating website.

Sinasabing likas na sa Simbahang Katolika ang pagiging misyonero.  Nakaugat ito sa huling habilin ni Jesus na humayo ang Kanyang mga alagad at ipahayag ang Mabuting Balita sa lahat (Marcos 16:15). Puspos ng Banal na Espiritu, tinupad ng mga alagad ang iniutos sa kanila ng Panginoon kahit buhay pa nila ang maging kapalit.

Taglay ang isang pusong nagpapasalamat, hinihiling namin ang biyaya ng Poong Maykapal na maipagpatuloy pa rin naming itanghal ang liwanag ni Kristo, maipagpatuloy na ipadama ang ligaya ng Kanyang Mabuting Balita sa lahat lalo na sa mga nananabik nito. Samahan ninyo kaming muli sa misyong ito!

Wednesday, December 31, 2014

Taon ng mga Relihiyoso


Ngayong 2015, ipinagdiriwang ng buong Simbahan ang Year of Consecrated Life o Taon ng Itinalagang Buhay. Sa selebrasyong ito, hiniling ni Pope Francis sa mga pari, madre, at hermanong napapabilang sa mga religious congregrations o ordeng relihiyoso na gisingin nila ang daigdig sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya, kabanalan, at pag-asa.

Sa buhay ng Simbahan, ginising ng mga ordeng relihiyoso ang sangkatauhan.  Halimbawa na rito ang Dominican Order na itinatag ni Santo Domingo de Guzman upang ipahayag ang Mabuting Balita ni Kristo at kalabanin ang maling turo na ikinakalat ng mga erehe noong ika-15 siglo.  Nariyan din ang mga Jesuit Order na itinatag naman ni San Ignacio de Loyola. Sila naman ay nakilahok sa Counter-Reformation para muling buhayin ang pagiging Katoliko sa iba't ibang istruktura ng Simbahan.

Sa ating bansa, mula pa noong panahon ng mga Kastila hanggang sa kasalukuyan, sangkot sa iba't ibang gawain ang mga relihiyoso. Naging masigasig sila sa pagbuo ng mga bayan at parokya. Naging maalab din sila sa pagtayo ng mga paaralan gaya ng Adamson University, Ateneo de Manila University, Colegio San Agustin, Colegio de San Juan de Letran, De La Salle University, Don Bosco Technical College, Immaculate Conception Academy, La Consolacion College, St. Paul's College, San Juan de Dios Educational Foundation, Santa Isabel College, University of Santo Tomas, atbp. 

Bukod sa edukasyon, nandiyan din ang mga ospital at bahay-ampunan na kanilang pinamamahalaan gaya ng UST Hospital, St. Martin de Porres Charity Hospital, Home of Joy, Hospicio de San Jose, at PREDA Foundation.  

Mayroon din namang nakikilahok sa mga isyu gaya ng kalikasan, katarungan, kahirapan,kapayapaan, atbp. Mayroon ding nagbibigay ng retreats at nagpapahayag ng Mabuting Balita sa iba't ibang anyo ng media

Binuksan din nila ang kanilang mga simbahan, kapilya, o monasteryo sa madla gaya ng Baclaran Church, Our Lady of Mt. Carmel Shrine, San Agustin Church, at Monasterio de Sta. Clara. Hindi rin siguro natin makakalimutan ang kanilang iniaambag sa mga awitin sa Misa gaya ng mga Heswitang Fr. Eduardo Hontiveros (SLN) at Fr. Manoling Francisco.

Bagama't nagkaroon ng batik ang ilang relihiyoso dulot ng mga pang-aabuso ng kanilang mga kasamahan noong panahon ng mga Kastila, hindi ito sapat para ibasura natin ang malaking tulong nila sa pagbuo ng ating kaalaman bilang mga Katolikong Pilipino, sa paggising nila sa atin sa katotohanan.

Kaisa ng Banal na Papa, na nagbuhat rin sa isang relihiyosong orden at dadalaw pa sa ating bansa ngayong Enero, ipanalangin natin na muling matuklasan ng mga kaanib ng samu't saring religious congregrations ang saya ng pagsunod kay Kristo at magsikap na maglingkod nang may ningas sa mga dukha.

Isang Dekada Na!

Natatangi rin ang bagong taon para sa amin dahil, sa awa at paggabay ng Diyos, ipinagdiriwang ng anluwage.com ang kanyang ika-sampung anibersaryo.  Parang kailan lang nang ilunsad namin ang aming website.  Sa simula, nakatuon lamang ito sa mga taga-Gagalangin, Tundo kung saan ang Tanghalang Anluwage, Inc. ay isinilang, subalit sa paglipas ng panahon, higit pa sa Tundo ang aming pinaglilingkuran.  Pangunahing taglay naming balita at lakas ay ang Mabuting Balita ni Kristo.  Dalangin namin na sa pagpasok ng bagong dekada, patuloy kaming maging tapat sa aming ministeryo upang kagaya ng mga relihiyosong pari, madre, at hermano, magising din namin ang daigdig sa liwanag ni Jesus. Salamat po sa inyong pagtangkilik at panalangin. Patuloy ninyo kaming samahan, mga kapatid!




  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP