Powered by Blogger.
Showing posts with label tiwala. Show all posts
Showing posts with label tiwala. Show all posts

Monday, April 04, 2011

Magtiwala Ka!


Habang papalapit nang papalapit ang Pasko ng Muling Pagkabuhay ni Jesus, matutunghayan natin sa mga Ebanghelyong binabasa sa Misa tuwing Linggo ang naging paglalakbay ng Panginoon patungo sa Kanyang malagim na wakas sa Kalbaryo.

Makukulay ang bawat istoryang ating maririnig sa bawat Linggo ng Kuwaresma: ang pag-aayuno ni Jesus sa disyerto at ang panunukso sa Kanya ng dimonyo (Unang Linggo), ang pagbabagong-anyo Niya sa bundok ng Tabor (Ikalawang Linggo), ang pakikipag-usap Niya sa babaeng Samaritana (Ikatlong Linggo), ang pagpapagaling Niya sa bulag (Ika-apat na Linggo), ang pagkabuhay na mag-uli ni Lazaro (Ikalimang Linggo), at ang pagpapakasakit at pagkamatay Niya sa krus (Ika-anim na Linggo).

Kalakip ng bawat istorya ang pakikipagtunggali ni Jesus sa Kanyang mga kalaban: ang dimonyo at ang mga pang-aakit nito (Unang Linggo), ang pag-iwas sa pagpapakasakit (Ikalawang Linggo), ang pagdepende sa sariling pagsisikap lamang (Ikatlong Linggo), ang kamatayan (Ikalimang Linggo), at ang kasalanan (Ika-anim na Linggo).

Sa mata nating mga tao, tila mahirap puksain ang mga kalabang ito. Madalas tayong naakit sa galaw ng mundo. Maraming pagkakataon na ayaw nating harapin ang responsibilidad gayong tayo rin ang may kagagawan nito. Masyado nating dinidibdib ang anumang gawain na nakalimutan na nating pahalagahan ang iba, pati na ang Diyos. At ang pinakagrabe sa lahat, atubili tayong patayin ang anumang mali sa atin.

Subalit nawala sa isip nating isa ring tao si Jesus gaya natin! Naransan Niya kung paano maging tao, kung paano humarap sa mga kalabang nabanggit. Sa pagharap ng Panginoon sa lahat ng ito, iisa lang ang Kanyang sandata: pagtitiwala sa Diyos.

Sinasabing ang ugat ng pagkakasala ay ang kawalan ng tiwala sa Diyos. Kinain nina Eba’t Adan ang pinagbabawal na bunga dahil nawalan sila ng tiwala sa Diyos. Dahil diyan sila’y nagkasala sa Kanya. Pinalo ng dalawang ulit ni Moises ang bato sa ilang kung saan dumaloy ang tubig para sa mga Israelita. Gayon pa man, sa mata ng Diyos siya’y nagkasala dahil isang palo lang ang iniutos sa kanyang gawin. Ang pagpalo ng dalawa’y pakilala na nagduda si Moises!

Ganito rin ang masasabi natin sa ating mga sarili. Nangungurakot tayo dahil wala tayong tiwala sa Diyos na nagsasabi sa ating wala sa yaman ang tunay na ligaya. Nakikiapid tayo dahil duda tayo sa Kanyang aral na ang pag-ibig ay matiyaga at di kailanman kakampi sa mali. Nagpapasasa tayo sa pagkain, inumin, droga, seks, o anumang bisyo kasi di tayo nananalig na sa Kanyang salita matatamo natin ang totoong halaga ng buhay.

Laging itinuturo sa atin ng Simbahan na ang Diyos ay di marunong manloko o maloloko. Pinatunayan yan ni Jesus kung kaya’t makalipas ang anim na Linggo ng Kuwaresma, makalipas ang anim na makabuluhang istorya sa Banal na Ebanghelyo, matutunghayan natin ang tagumpay ni Kristong Muling Nabuhay. Isang tagumpay na Kanyang ibabahagi sa sinumang marunong magtiwala sa Kanya.

Jesus, nagtitiwala ako sa Iyo!

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP