Ipinahayag kamakailan ni Pangulong Rodrigo Duterte na handang isauli ng pamilya Marcos ang bahagi ng kanilang yaman para diumano tulungan ang pamahalaang harapin ang kakulangan sa badyet. Mapapansin na hindi ginamit ng Pangulo ang salitang ill-gotten wealth para ilarawan ang yamang alok ng pamilya ng nasirang diktador.
Kasuklam-suklam na marinig na ang dahilan kung bakit itinago diumano ni Ferdinand Marcos ang yaman ng bansa ay para protektahan ang ekonomiya. Sino kayang may matinong pag-iisip ang maniniwala sa rasong ito? Habang papalubog ang ekonomiya ng bansa, namuhay nang maluho ang kanyang pamilya. Saan nila kinuha ang pera?
Sang-ayon kay Fr Armando Picardal, CSsR, isang paring naging biktima noong panahon ng batas militar, ang alok ng mga Marcos ay malinaw na pag-amin na ninakawan nila ang bansa at dapat nila itong isauli nang buo at walang kapalit.
Mahalagang ang Pangulo at ang sinumang pagkakatiwalaan niyang makipag-ugnayan sa mga Marcos ay maging marunong at maingat sa alok na ito. Nakakabahala na ang mga Marcos na dating isinuka ng bansa ay unti-unting bumabalik sa kapangyarihang inabuso nila. Sariwa pa sa aming alaala ang hindi angkop na pagpapalibing sa labi ng yumaong Marcos sa Libingan ng mga Bayani. Ano pa ang susunod? Iurong ang mga kasong isinampa ng pamahalaan laban sa kanila?
Totoong kailangang may sapat na salapi ang pamahalaan para manatili itong naglilingkod sa bayan, lalo na sa mga mahihirap at nangangailangan. Malaking problema kung may kakulangan sa badyet. Matatandaang 40% ng taunang badyet ay ipinambabayad sa inutang ni Marcos sa World Bank-International Monetary Fund (WB-IMF) noong siya ay nanunungkulan. Tinatayang hanggang 2025, may utang ang bawat Pilipino na dapat bayaran sa WB-IMF.
Sa matinding pangangailangan ng kasalukuyang administrasyon, huwag sana nilang pairalin ang utang na loob - hindi lingid sa atin na may tinatanaw na utang na loob si Duterte kay Imee Marcos, isa sa kanyang campaign donors. Huwag sana silang magkasya sa bahagi lang ng nakaw na yaman. Higit sa lahat, huwag sanang silang kumapit sa patalim.

No comments:
Post a Comment