Ito ang katumbas sa wikang Filipino ng salitang magistrate. Sa ating bansa, mas kilala ito bilang justice, ang katawagan sa mga bumubuo ng Court of Appeals at Supreme Court. Nanggaling ang salitang mahistrado sa magistratus, wikang Latin para sa tagapangasiwa. Sa hukuman, nagsisilbing tagapangasiwa ng katarungan ang isang mahistrado. Samantala, ang salitang magistratus ay hango naman sa magister, wikang Latin para sa guro. Sa hukuman, nagsisilbing guro o eksperto sa batas ang isang mahistrado.
Ika-8 ng Nobyembre 2016. Sa botong 9-5, pinayagan ng Korte Suprema ang pagpapalibing sa mga labi ni dating pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Bayani bang maituturing ang isang dating sundalong pumeke ng kanyang mga medalya? Bayani ba ang isang dating pangulo na gumawa ng paraan para manatili siya sa puwesto't magpayaman? Bayani bang masasabi ang isang dating lider na nangutang ng malaking halaga sa World Bank para mapakinabangan niya sampu ng kanyang mga galamay? (Tinatayang magbabayad ang Pilipinas sa mga inutang ni Marcos hanggang 2025.) Bayani ba ang itatawag sa isang dating pinunong lumabag sa karapatang pantao ng marami nang ipatupad niya ang Martial Law? Bayani ba ang isang taong pinatalsik sa puwesto?
Sa ganang amin, hindi bayani si Marcos.
Sa naging desisyon ng Korte Suprema, mahihirapan ang sinumang magulang, guro, at iba pa na ipaliwanag sa kanilang mga anak, estudyante, at pinangangalagaang kabataan kung paanong ang isang hindi bayani ay ililibing sa libingang nakalaan sa mga bayani.
Sa naging desisyon ng Korte Suprema, kinatigan nila ang nang-api kaysa sa mga inapi. Kitang-kita ito sa mga naging desisyon ng korte gaya ng payagan nitong makalaya si dating senador Juan Ponce Enrile kahit na walang piyansa ang kasong kinakaharap niya o nang payagan ang paglaya ni dating pangulo at ngayo'y Congresswoman Gloria Macapagal-Arroyo. Hindi malayong baka paboran din nila ang electoral protest ni Bongbong Marcos laban kay Pangalawang Pangulong Leni Robredo.
Sa naging desisyon ng Korte Suprema, tinuruan tayo ng maling aral na kung sino pa ang may sala ang dapat gantimpalaan, na kung sino pa ang nang-agrabiyado ang dapat parangalan. Tinuruan tayo ng maling konsepto ng katarungan!
Sa naging desisyon ng Korte Suprema, tinalikuran ng siyam na mahistrado ang kanilang magkakambal na tungkulin bilang tagapangasiwa ng katarungan at guro ng batas.
Sa naging desisyon ng Korte Suprema, hinahamon tayong patuloy na maging sangkot sa pakikibaka laban sa kasamaan at hangarin ang katuparan ng paghahari ng Diyos sa lahat. Napabalitang may balak ang dating mambabatas na si Edcel Lagman na humiling ng motion for reconsideration sa Kataas-taasang Hukuman. Panalangin naming magbago pa rin ang desisyon ng Korte. Kung hindi man, umasa tayong sa wakas ng panahon, igagawad ni Kristo, ang Dakilang Mahistrado, ang katarungang itinanggi sa ating Inang Bayan.

No comments:
Post a Comment