Powered by Blogger.
Showing posts with label eleksyon. Show all posts
Showing posts with label eleksyon. Show all posts

Sunday, May 08, 2016

Malasakit sa Inang Bayan



Itinakda ng ating Saligang Batas ang ikalawang Lunes ng Mayo ng bawat ika-anim na taon bilang halalan sa pagkapangulo at pagkapangalawang pangulo ng Pilipinas. Isinasagawa rin sa ganitong araw, subalit sa bawat ikatlong taon, ang halalan sa pagkamambabatas (Senado man o Kongreso) o lokal na pamahalaan.

Mapupuna na tuwing bisperas ng eleksyon, ipinagdiriwang natin ang Araw ng mga Ina.  Isang magandang "pahinga" sa lahat - lalo na sa mga ina - mula sa ingay, iringan, at init ng halalan.

Likas na makaina ang mga Pinoy. Sinasabing bagama't ang ama ang siyang hari ng pamilya, ang ina ang siyang nangangasiwa dito - mula sa pagkain hanggang sa kasuotan, mula sa kung magkano ang babaunin ng mga anak hanggang sa magkano ang iipunin para sa kanilang pagtatapos, atbp.

Sa ating paniniwalang Kristiyano, isa sa mga utos ng Diyos ang paggalang sa mga magulang.  Sinasabi din sa Banal na Kasulatan na sinumang gumagalang sa kanyang ina ay nag-iipon ng kayamanan (Ecclesiasticus 3:4).

Bukod sa sarili nating mga ina, itinuturing din nating ina ang ating bansa.  At kung paano natin iginagalang ang ating mga ina, iginagalang din natin ang Pilipinas sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas, pagbayad ng buwis, atbp. 

Ang paggalang sa ina ay hindi nagtatapos dito. Sa oras na sila ay tumanda na't naging mahina, tungkulin naman nating pangalagaan sila.  Kaya nga pangkaraniwan na sa atin ang mga tahanang nakapisan ang mga matatandang magulang sa kanilang mga anak.

Ang Pilipinas, bilang isang ina, ay maituturing nating matanda't mahina na sa maraming suliraning kanyang kinakaharap: kahirapan, korupsyon, kawalan ng katarungan, kawalan ng trabaho, atbp.  Nasa kamay na ng mga botante kung paano nila pangangalagaan ang Inang Bayan. Ipagkakatiwala ba nila ito sa mga karapat-dapat na kandidato o ipagwawalang bahala na lang sa mga kandidatong "Tiyan muna bago bayan" ang prinsipyo?

Nitong mga huling buwan mula nang magsimula ang kampanya, nasaksihan natin kung gaano naging watak-watak ang ating bansa. Kagaya ng ating mga ina, masakit sa Inang Bayang makita ang kanyang mga anak na nagkakanya-kanya.  Harinawa, pagkatapos ng eleksyon muling magkaisa ang magkakamag-anak, magkakapit-bahay, magkababayan.  Harinawa, manguna sa pagkakaisa ng bansa ang sinumang manalo. 

Sunday, August 02, 2015

Kaibigan ng mga Dukha

Sa ika-145 kabanata ng Aklat ng mga Awit, kinikilala ang Panginoon bilang masagana sa awa.  Binigyang-diin ito ni Kristo sa Kanyang mga talinghaga gaya ng Mabuting Samaritano (Lukas 10:25-37), Ligaw na Tupa, at Nawawalang Barya (Lukas 15).  

Higit sa mga kuwento at pangaral ng Panginoon, nakita ng Kanyang mga tagasunod kung paano Niya ibinuhos ang Kanyang oras at lakas para sa lahat lalo na sa mga aba at dukha. Sa kabila ng kapaguran, nakisalamuha pa Siya sa mga bata (Marcos 10:13-16).  Habang nasa templo, pinuri niya ang balong babae sa abuloy nitong dalawang kusing dahil ibinigay niya ang lahat ng sa kanya (Lukas 21:1-4).  Maaalala rin kung paanong hindi kinondena ni Jesus ang babaeng nahuling nangangalunya (Juan 8:1-11). 

Ilang buwan na lamang at matatapos na ang Taon ng mga Dukha sa ating bansa.  Magandang suriin natin ang ating mga sarili.  May naiambag ba tayo sa pagdiriwang na ito?  Naging mas mahabagin ba tayo sa mga kapus-palad? Naging mas matapang ba tayo para isulong ang kaunlaran ng mga inaapi? Naging mas simple na ba ang ating pamumuhay? Maituturing na ba tayong tunay na kaibigan ng mga nangangailangan?

Sa Mayo ng susunod na taon, muling boboto ang taumbayan.  Isang magandang sukatan sa pagpili ng mga lider ang kung paano nilang itinuring ang mga mahihirap. Itinuring ba nila ang mga mahihirap bilang mga taong may karapatang mamuhay nang masagana at may proteksyon ng batas? O pawang kasangkapan lamang sila para makakuha ng pogi points sa mga sarbey o karagdagang boto?

Sa pagbabagong-anyo ni Jesus sa Bundok ng Tabor, hindi lamang Siya ipinakilala na Anak ng Diyos Ama.  Inutusan ng Ama na pakinggan natin si Jesus (Marcos 9:7).  Pinakinggan na ba natin ang Kanyang panawagang ihatid ang Mabuting Balita sa mga mahihirap (Lukas 4:18)? 




Friday, April 30, 2010

Magwagi Nawa Ang 'Pinas!

Labindalawang taon na mula nang masaksihan natin ang pagkaluklok ng presidenteng tunay na inihalal ng nakararaming Pilipino. Sang-ayon kami sa pangkalahatang pananaw na ang huling eleksyon sa pagkapangulo noong 2004 ay nabahiran ng pandaraya at, dahil dito, hindi maituturing na totoong nahalal si Gloria Macapagal-Arroyo bilang pinuno ng ating bansa.

Mula nang maupo si Gloria hindi na siya tinantanan ng mga puna at panawagang bumaba sa puwesto. Natigmak ang kanyang administrasyon ng di mabilang na mga kasamaang masasabing mas malala pa sa administrayong Marcos. Taliwas sa kahulugan ng kanyang pangalan, nasadlak sa ‘kangkungan’ ang bansang minsan nang pinaglingkuran nang buong katapatan ng kanyang butihing ama.

Sampung araw na lang at muli na naman tayong pipili ng mga bagong pinuno, pipili muli tayo ng bagong presidente. Kung lubos nating kinasusuklaman ang naging pamamalakad ni Gloria sa bansa, kung nais nating mapatid na ang pagkauhaw ng bansa sa wasto’t nararapat na pagliingkod-bayan, at kung gusto nating makalasap ng bagong pag-asa ang bansang nasisiraan na ng loob, iboto natin ang mga lider na karapat-dapat.

Subalit di lamang sa pagsulat ng mga pangalan sa balota maaari tayong makilahok sa eleksyon. Makisangkot din tayo para masigurong malinis, makatotohanan, at mapayapa ang gawaing ito. Huwag tayong matakot sa mga puwersang walang hangad kundi maghasik ng kaguluhan.

Higit sa lahat, lagi tayong magdarasal upang samahan tayo ng Panginoon sa buong proseso ng eleksyon at antigin ang ating mga puso na bumoto nang tama. Mula Mayo 1 hanggang Mayo 9, isasagawa ng Archdiocese of Manila ang isang nobena sa Mahal na Puso ni Jesus at sa Kalinislinisang Puso ni Maria bilang paghahanda sa eleksyon (http://www.rcam.org/prayers/novena_election_2010/page2.html). Inirerekomenda naming makiisa tayong lahat sa debosyong ito.

Sa ganang amin sa Anluwage, inilalaan namin ang buong buwan ng Mayo para sa isang mapayapa, makatotohanan, at malinis na eleksyon. Lubos kaming nakikiisa sa panalangin ni Cardinal Gaudencio Rosales ng Maynila na magwagi nawa ang Pilipinas sa darating na halalan sa kabila ng kung sinuman ang mananalong kandidato.

Magagawa natin ito kung tutularan natin ang Puso ng Panginoong Jesus, isang pusong walang hangad kundi ang kabutihan ng sangkatauhan. Magagawa natin ito kung tutularan natin ang Puso ni Maria, isang pusong laging nakatalaga sa kadakilaan ng Diyos. Magagawa natin ito kung susundan natin ang halimbawa ni San Joseng namuhay nang matuwid at laging maaasahan.

Thursday, October 29, 2009

Talamak


Hindi na kami nagulat nang magpahayag si Joseph ‘Erap’ Estrada, ang pinatalsik na pangulo ng Pilipnas, ng kanyang pagtakbong muli sa pagka-presidente. Sa palagay ni Erap ang eleksyon sa 2010 ay magsisilbing pagbawi niya sa pagkakataong ipinagkait sa kanya para mapaglingkuran ang masa nang mapaalis siya sa puwesto noong 2001.

Kahit bago pa siya naging pangulo, makikita na ang pagiging makapal ni Erap. Hindi na bago sa atin na isa siyang kilalang babaero. Ang mga anak niya’y di nanggaling sa iisang ina. Kapag nagpunta ka sa San Juan, iba ang kilala nilang ‘asawa’ ni Estrada.

Ang kakapalan na ito ay lalo pang lumala nang maupo siya sa MalacaƱan noong 1998. Inakala ng mga mahihirap na mayroon na silang tagapagtanggol subalit kabaligtaran ang sumambulat sa ating mga mukha nang madawit si Erap sa jueteng at nagpagawa ng mga mansyon para sa kanyang mga babae.

Napatalsik, nilitis, at hinatulan si Erap sa kanyang katiwalian, pero hindi inaasahang iaabswelto siya ni Gloria Macapagal-Arroyo sa pag-aakalang hindi na tatakbo ang dating pangulo. Lalo pa ngang lumakas ang loob ni Erap na ipangalandakang “ Wala akong kasalanan!”

Marami nang personalidad sa ating lipunan ay tinatratong parang mga mamahaling alahas sa kabila ng mga ginawa nila sa lipunan. Ang mga Marcos ay isa nang pangit na halimbawa. Matapos maabswelto, lumahok pa si Erap sa Pilipinas Game Ka Na Ba? at magkakaroon pa ng pelikula. At ngayon ay tatakbo pang muli!

Kung may natitira pa tayong kahihiyan at karunungan sa ating sistema itigil na nating ang pamimihasa ni Erap at ng iba pang nagbabalat-kayong kampeon ng mahihirap!

Wednesday, August 26, 2009

Sakripisyo

Papainit nang papainit ang pambansang halalan sa susunod na taon. Marami na ang nagpahayag ng kanilang interes na tumakbo bilang pangulo – isang eksenang di na bago sa mata ng madla. At kung maraming kakandidato, umasa tayong marami na naman ang idedeklarang ‘panggulo’ ng COMELEC, at lalo’t higit hating-hati na naman ang boto’t magiging ‘plurality president’ lamang ang sinumang mauupo sa MalacaƱang.

Ang ganitong karanasan ng bansa mula noong 1992 ay isang butas sa ating Saligang-Batas. Di tulad sa maunlad at makapangyarihang Estados Unidos kung saan dalawang partido lamang ang nagtutunggali sa puwesto.

Ganoon pa man, hindi natin dapat abusuhin ang butas na ito. Dapat pa nga’y pagyamanin natin ang ating demokrasya sa halalan sa pamamagitan ng pagsasanib puwersa ng mga kandidatong nagkakasundo sa plataporma at ideolohiya.

“Madaling sabihin pero mahirap gawin”, ang pihadong sasabihin ng marami lalo na’t ang bawat kandidato’y mag-aakalang sila at sila lang ang magaling.

Magandang balikan natin ang ating kasaysayan. Nang magpatawag ng snap elections si Marcos, nagpahayag ng interes ang lider ng oposisyon noon na si Doy Laurel na kalabanin ang diktador. Pero, nang kalaunan, nagparaya si Doy sa popular na Cory Aquino. Kung nagmatigas siya, siguradong nakaupo pa rin si Marcos o kaya’y si Imelda sa puwesto.

Sa ating mga Kristiyano, ang pagpaparayang ginawa ni Doy ay tinatawag nating sakripisyo. Ang sakripisyo ay galing sa wikang Latin na ang ibig sabihi’y “pabanalin”. Ang pagpaparaya ni Doy noon ay naging banal dahil naging mas matimbang kay Doy ang pagbubuklod ng bayang watak-watak para lipulin ang kasamaang ng diktadurya.

Patuloy pa rin tayong nakikibaka sa kasamaan – sa anyo ng administrasyong Arroyo. Kung marunong lang magkaisa ang mga kakandidato, kung marunong lang silang magparaya, kung marunong lang silang magsakripisyo para sa kabutihan ng bayan maiiwasan natin ang mga gulo ng mga nagdaang eleksyon, mapapakinggan nang malinaw at walang agam-agam ang tunay na boses ng bayan sa Mayo 2010, at mapupuksa natin nang sama-sama ang kasamaang sumisikil sa kaunlarang-bayan.

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP