Sa pamamagitan ng kultura, makikita natin kung paanong naka-ugnay ang ating pagkilos at paraan ng pamumuhay bilang mamamayan ng isang bansa, rehiyon, o pamayanan sa ating pagsamba sa Diyos at pagbibigay-galang sa mga banal. Buhay na buhay, halimbawa, ang bayanihan sa mga palamuti sa simbaha’t lansangan. Sa kabila ang hirap ng buhay, marunong pa rin tayong mga Pinoy na mag-ukol ng oras, salapi’t kakayahan sa mga ganitong pagdiriwang na minana pa natin sa ating mga ninuno.
Kung nagiging masusi sa ating pananampalataya ang mga tradisyong ito, nararapat lamang na pagyamanin pa’t pag-ibayuhin ito. Bahagi ng pagpapaunlad nito ay ang pagiging bukas sa mga tao na nanggaling sa ibang kultura – di lamang ang mga taong galing sa ibang bansa kundi yung mga nagbuhat sa ibang rehiyon ng bansa.
Bagama’t tila pare-pareho ang ating mga tradisyon, mayroon pa ring mga pagkakaiba kung paano ito isinasagawa sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas. At minsan, may tuksong isipin ng isang bayan o parokya o barangay na mas maganda ang kanilang pagdiriwang kaysa iba. Nariyan rin ang patibong na maging sarado ang isip ng pamayanan sa pagbabago (“Kagaya na lang noong isang taon!”) lalo na’t kung ang mga pagbabago’y galing sa mga baguhan o dayo.
Sa paglipat ng mga tao sa mga lungsod, hindi na natin maaasahang ang mga naturingang ‘lehitimong mamamayan’ ng isang bayan lamang ang may karapatan para maglingkod at mamuno sa pamayanan. Oo, dapat pa ring panatilihin ang mga tradisyong wasto subalit kung ito’y mapagyayaman pa mula sa mga ideya ng mga ‘baguhan’ o mga ‘dayo’, walang dahilan para ito’y di bigyang-pansin. Mahalagang naroroon pa rin ang paggalang sa kultura ng iba.
Matapos umakyat sa langit si Jesus, nanaog ang Banal na Espiritu sa Mahal na Ina at sa mga tagasunod ni Kristo. Mula noon, isinilang ang Simbahan. Mula noon, nangaral ang mga alagad sa iba’t ibang wika. Mula noon, pinagkaisa ng Diyos ang watak-watak na sangkatauhan para maging iisa Niyang bayan. Patuloy nawa nating madama ang kapangyarihan ng Banal na Espiritu upang sa pamamagitan ng samu’t sari nating tradisyon maaakay natin ang lahat lalo na ang mga di pa nakakakilala kay Jesus pabalik sa Kanya.

No comments:
Post a Comment