Sa isang rekoleksyon na ginanap sa isang sikat na pamantasan sa Kamaynilaan, pabirong tinanong ng pari ang kanyang mga tagapakinig. "Bakit hindi pastor ang tawag sa paring Katoliko?" Walang nakasagot, kung kaya sinabi niya "Papayag ba kayong tawaging tupa?"
Samantala, sa kanyang unang Misa ng Krisma bilang papa, hinimok ni Pope Francis ang kaparian na maging mga pastol na may amoy ng kanilang tupa.
Mapapasaatin lamang ang amoy ng anumang bagay (o tao) kung lalapit tayo dito. Mangangamoy ulam lamang tayo kung malapit tayo sa ulam na iyon, halimbawa sa pagluluto o pagkain nito. Mangangamoy sigarilyo lamang tayo kung humihithit tayo nito o may katabi tayong naninigarilyo. Sa sitwasyon ng mga pari, mangangamoy tupa lamang sila kung magiging malapit lamang sila sa kanilang kawan.
May mga paring marunong makisama't makiramay sa ibang tao, anuman ang kanilang kalagayan sa buhay. Maaalala ang tulad ni San Carlos Borromeo. Bagamat nanggaling sa marangyang angkan, pinili ni Carlos na maging pari at ibinuhos ang kanyang oras sa pagtulong sa mga sinalanta ng salot sa Italya noong 1570. Sinasabing naglalakad siya sa lansangan nang nakayapak, pasan ang krus, at may tali sa kanyang leeg - mga tanda ng pag-aalay ng kanyang sarili bilang pagbabayad-puri sa sa mga kasalanan ng kanyang sambayanan. Siya iyong masasabi nating pastol na amoy-tupa.
Subalit mayroon din namang mga paring malayo sa kanilang kawan. May mga paring naging sangkot sa pang-aabusong sekswal o sa paggamit ng pondo ng Simbahan para sa pansariling kapakanan. Mayroon ding mga paring hindi pastol kundi hari ang tingin sa kanilang sarili.
Pari man o hindi, importanteng sangkap ng buhay-Kristiyano ang pagmamahal. Kung wala ito, imposible tayong maglingkod. Ipanalangin nating mapuspos ng pagmamahal ng Diyos ang lahat ng pari upang tapat nilang masamahan at pasiglahin ang pag-asa ng kanilang kawan. Na ang tunay na ligaya ng kanilang bokasyon ay matatagpuan lamang sa kanilang pagiging amoy-tupa.
No comments:
Post a Comment