Bago umakyat sa langit, ipinangako ni Kristo na lagi Niyang sasamahan ang Kanyang mga alagad hanggang sa wakas ng panahon (Mateo 28:20). At kahit wala na Siya sa pisikal na anyo, damang-dama pa rin ng mga alagad at ng buong Simbahan hanggang ngayon ang Kanyang presensya sa pamamagitan ng pitong sakramento.
Bahagi ng buhay natin ang mga sakramento. Kapag may isinilang na sanggol, "Kailan ang Binyag?" ang pangkaraniwang tanong. "Kailan ang kasal ninyo?", ang madalas na usisa sa magsing-irog. "Kailan ka oordinahan?", ang tanong sa seminarista. "Tumawag ka na ba ng pari?", kapag mayroong malubha ang sakit.
Kapag kaarawan natin, hindi kumpleto ang ating pagdiriwang nang hindi nagsisimba. At kapag ganitong buwan ng Nobyembre, nagpapamisa tayo para sa mga yumao.
Subalit ang iba sa atin tila mga KBL na Kristiyano. Pumapasok lang tayo sa simbahan kung mayroong Kasal, Binyag, o Libing. Kung magiging ganito ang pag-uugali natin, paano tayo uunlad bilang mga tagasunod ni Kristo? Paano natin matutupad ang Kanyang utos na makapaghikayat ng mga bagong tagasunod Niya (Mateo 28: 19)?
Sang-ayon sa panawagan ng ating mga obispo sa simula ng taong ito, dapat pahalagahan ng mga magulang ang kanilang pananagutan na itaguyod ang kanilang mga anak bilang mabubuting Kristiyano. Kanila ring ipinaliwanag na dapat makita ng mag-asawa ang Kasal hindi lamang bilang isang magandang seremonya, kundi lalo't higit bilang pag-aatas sa kanila ni Kristo - sa harap ng buong sambayanan - na paglingkura't ipagtanggol nila ang buhay at ang pag-ibig.
Nanawagan din sila na dumulog tayo sa mga sakramento lalo na sa Banal na Eukaristya't Kumpisal. Nagsisilbing bukal ng buhay at lakas nating mga Kristiyano ang Banal na Eukaristiya samantalang tinutulungan tayo ng Kumpisal na gumaling mula sa mga sugat ng ating kaluluwa gawa ng kasalanan at pinagkakalooban tayo ng biyayang labanan ang kasalanan sa ating buhay at sa lipunan.
Kailangan natin ang biyaya ng Diyos kung nais nating kumilos si Kristo sa pamamagitan natin. Matatagpua't matatanggap natin ito sa pamamagitan ng mga sakramento. Muli nating tuklasin ang mga ito!

No comments:
Post a Comment