Powered by Blogger.

Thursday, February 28, 2013

Sakit ng Kalamnan


Nabigla ang marami sa pagbibitiw ni Pope Benedict XVI noong Pebrero.   Di pangkaraniwan sa isang papa ang bumaba sa puwesto - nangyari ang ang huling pagbibitiw anim na siglo na ang nakakalipas.  Ganoon pa man, nasasaad sa Canon Law, ang batas ng Simbahan, na maaaring magbitiw ang papa nang bukal sa kanyang kalooban.
Maigsi ang halos walong taong panunungkulan ni Benedict XVI at, sa ganang amin, di maaaring ihambing sa administrasyon ng yumaong Blessed John Paul II.  Subalit, sinikap ni Benedict XVI na ipahayag ang Mabuting Balita ni Kristo sa pamamagitan ng kanyang pagdalaw sa ibang bansa, sa kanyang pagsusulat ng mga encyclicals at mga aklat, sa kanyang pakikipag-ugnayan sa mga pinuno ng ibang relihiyon, at sa kanyang pakikipag-ugnayan sa mga naging biktima ng mga pang-aabusong sekswal  na kinasangkutan ng ilang paring Katoliko.
Maituturing na isang malaking dagok sa panunungkulan ni Benedict XVI ang iskandalong dulot ng pang-aabusong sekswal ng mga pari.  Dahil na rin sa kapangyarihan ng media, unti-unting naglilitawang parang kabute ang mga alegasyon laban sa mga alagad ng Simbahan - mga alegasyong tila pinagtatakpan ng ilang mga obispo at ng Roma subalit kinilala ni Benedict XVI na totoong nangyari sa Simbahan.  Sinasabing gumawa siya ng mga hakbang para mag-imbestiga noong Prefect for the Doctrine of the Faith pa siya subalit hinarang ito ni Pope John Paul II. 
Ilang araw bago bumababa sa puwesto si Benedict XVI, napabalita ang pagbibitiw ni Cardinal Keith O'Brien, Arsobispo ng Saint Andrews and Edinburgh (Scotland) sa gitna ng alegasyong gumawa siya ng mga di kanais-nais na pagkilos sa ilang pari sa kanyang arkidiyosesis noong dekada 80. Minabuti rin ni O'Brien na huwag lumahok sa botohang mangyayari sa Roma, isang bagay na iginigiit ng ilang sektor na gawin ng iba pang mga kardinal na naging sangkot sa ganitong mga alegasyon - direkta man o hindi.
Isang malalim at mahapding sugat sa Simbahan ang pagkakasangkot ng mga itinuturing na mga ama't pastol ng kawan sa pang-aabusong sekswal.  Bagay na mamanahin ng sinumang papalit kay Benedict XVI.  Mahalagang kilalanin at huwag pagtakpan ang mga alegasyon ito dahil "Ang sakit ng kalamnan ay sakit ng buong katawan." Kailangang ipayoridad ng bagong halal na papa ang isyung ito. Higit itong importante kaysa sa pagbabalik ng Tridentine Mass bilang ektraordinaryong anyo ng Misa noong 2007 o sa paspasang pagpapatupad ng bagong-salin na Misa sa Ingles sa mga bansang gaya ng Amerika at Ingglatera noong 2011. Higit itong mahalaga kaysa sa pangangampanya ng ilang obispong Pilipino laban sa RH Law o sa mga kandidatong bumoto para maipasa ang batas na ito. 

Hindi magiging kapanipaniwala ang Simbahan kung magbubulagbulagan tayo. Hindi kalugud-lugod sa mata ng Diyos ang pagkikibit-balikat.
Ipanalangin natin na mapuspos ng Banal na Espiritu ang College of Cardinals upang makapamili sila ng isang papa na mangunguna sa pagpapatupad ng karampatang pagbabago sa Simbahan, isang pinunong marunong makinig sa tinig ng bayan, isang pastol na sang-ayon sa kalooban ng Diyos.

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP