Powered by Blogger.
Showing posts with label bisyo. Show all posts
Showing posts with label bisyo. Show all posts

Monday, February 01, 2010

Wagas na Pag-ibig Kailangan

Hindi lalagpas ang buwan ng Pebrero na hindi natutuon ang ating pansin sa pag-ibig. Bagama’t may isang araw na iniuukol dito tuwing ika-14, maituturing na isang ‘Love Month’ ang Pebrero.

Isa sa mga dakilang magagawa ng isang tao ang umibig at sa pag-ibig na iyan posibleng mabuo ang isang ugnayan sa kapwa-tao lalo na sa may ibang kasarian. Ang ugnayang ito, kung maaalagaang mabuti ay maaaring maghatid sa dalawang tao sa isang pangmatagalang pagsasama bilang mag-asawa.

Nakakatuwang mapagmasdan ang mga kabataang may kasintahan dahil sa puntong ito naibabahagi na nila ang kanilang pag-ibig sa iba, pag-ibig na una nilang nadama sa kanilang pamilya, komunidad, o barkada. Subalit naroroon ang tuksong ang paminsan-minsang paghahawak ng kamay o paghalik ay mauwi sa pakikipagtalik. Masasabi ngang nagmamahalan ang gumagawa nito, pero hindi ito isang pag-ibig na malalim o kaya’y nakaugat sa mga aral ni Jesus.

Lumabas ang isang pag-uulat kamakailan na nagsasabing mas maraming kabataan ngayon lalo na ang mga nagtatrabaho sa mga call centers ay posibleng magkaroon ng AIDS/HIV virus. Bakit? Dahil sa kaswal na paggamit ng seks ng mga kabataan na wala ni isang hiblang kaugnayan sa kapwa nila kabataan. Kung sa unang eksena, matatagpuan natin ang isang mababaw na pag-ibig, dito nama’y makikita natin ang kawalan ng pag-ibig.

Bukod sa pre-marital sex, nalululong din ang ilang mga kabataan sa iba't ibang bisyo - paninigarilyo, pag-inom, pagdodroga. Ito'y di sang-ayon sa ating likas na pag-aalaga sa ating mga sarili. Mahalagang maipalam sa kanila na anumang sobra ay makasasama. Higit sa lahat, ang maintindihan nila na para lalo silang makapagbibigay ng pagmamahal sa iba, kailangang mahalin muna nila ang kanilang sarili.

Minsan nang winika ng Panginoon, sa Ebanghelyo ayon kay San Mateo, na mapalad ang may malinis na puso. Madalas din tayong pinapaalalahan ng Simbahan na mamuhay nang malinis kung nais nating umibig nang wagas.

Ngayong ‘Love Month’, idulog natin sa Puso ni Jesus ang lahat ng mga kabataan lalo na ang mga may kasintahan na sikapin nilang mamuhay nang malinis upang lalo pa nilang maunawaan ang hiwaga at ganda ng tunay pag-ibig. Idulog din natin ang ating mga sarili na tayo’y manatiling mabubuting ehemplo ng mga kabataan sa makabagong panahong ito.

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP