Powered by Blogger.

Thursday, March 16, 2006

San Jose: Ulirang Dukha

Isang kilalang pari ang nagsabing si San Jose ang takbuhan ng mga salat sa salapi. Maaalalang sa pamamagitan ng pagkakarpintero binuhay ni San Jose ang kanyang mag-ina. Hindi maipagkakailang mahirap kumita ng pera ang isang karpintero. Lagi itong depende sa pangangailangan ng kliyente. Minsan pa nga, kailangan pang dumayo ng isang anluwage para masigurong may mapagsasaluhan silang mag-anak sa hapag-kainan.

Habang ating inaalala ang kanyang dakilang kapistahan sa darating na ika-20 ng Marso, nais naming ibahagi sa inyo ang ilan sa mga katangian ni San Jose – mga katangiang dapat nating tularan para makayanan din natin ang kahirapang ating nararanasan:

J – just (matuwid). Huwag nating gawing dahilan ang kahirapan para mandaya o mang-abuso ng kapwa. Tratuhin natin ang bawat isa nang nararapat.

O – obedient (masunurin). Sundin natin ang mga kautusan at tupdin ang ating mga tungkulin. Subalit hindi ibig sabihin nito’y maging mga bulag na tagasunod tayo sa bawat dikta ng nakatataas. Mahalaga na ang pagsunod ay bunga ng matalinong pagsusuri.

S – silent (tahimik). Iwasan nating maging sobrang abala sa takbo ng buhay na hindi na natin napag-uukulan ng panahon ang Diyos at sarili. Sikapin nating magkaroon ng oras para makapag-isip at makapagnilay bago magdesisyon.

E – enthusiastic (buo ang loob). Kung nais nating maiahon ang ating sarili’t pamilya mula sa kahirapan, kailangang seryoso tayo sa ating pangarap. Ito rin ang dapat ugaliin ng mga taong gustong tumulong sa mga dukha.

P – prudent (maingat). Hindi nakakatulong pagiging taklesa (o takleso). Bukod sa nakakapinsala sa pakikipag-ugnayan sa kapwa, nakakasira din ito sa ating pagkatao. Maging mahinahon tayo lalo na kapag may problema.

H – humble (mapagkumbaba). Ito na marahil ang pinakamahirap gawin sa lipunang ayaw masasapawan. Pero ito lang ang daan na tinahak ng Diyos at ng sinumang gustong sumunod sa Kanya, gaya ni San Jose. Kilalanin natin kung sino tayo at kung ano ang kaya at di natin kaya.

Higit pa sa salapi ang maidudulot ng pagdedebosyon ng mga mahihirap kay San Jose. Sa kanyang kapistahan sikapin nating tularan siya upang tayo rin, sa kabila ng mga kakulangang ating nararanasan, ay magkamit at magbahagi ng pagpapala mula sa Maykapal.

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP